CHAPTER 11

1073 Words
"SIGE NA ho, Aling Daisy. Kailan ba naman kami hindi nagbayad ng utang?" nagmamakaawang wika ni Jopet. "Alam ko naman iyon, iho. Pero iba ang usapan ngayon. Ibinenta na ninyo ang pwesto ninyo sa palengke—" "Sangla lang naman po," pagtatama ng binata. "Papunta na rin iyon doon," tugon naman ni Aling Daisy. "Mababaon kayo sa utang sa nangyari sa nanay mo. Mahabahabang gamutan iyan." "Paano naman po ninyo nasabi? Eh, hindi pa nga ho lumalabas ang resulta ng mga test ni Inay?" Napakamot sa batok si Aling Daisy. "Umuwi ka na, Jopet. Wala kang mahihita sa akin. Ayaw kong sumugal sa inyo. Ako pa ang mamomroblema sa bandang huli kapag nahirapan kayong magbayad. Nag-abot naman na ako ng tulong, ah. Pwede na siguro iyon." "Please po, Aling Daisy. Nagmamakaawa ako. Wala na akong ibang malalapitan. Kayo nga ho ang huli kong pwedeng puntahan." Nagsimula nang mangulimlim ang mga mata ng binata. Matagal siyang tiningnan nang mataman ng matanda. Pagkatapos ay kinuha nito ang wallet at kumuha ng isang libo. Iniabot nito ang perang papel sa kanya. "Pasensya na talaga, Jopet, hindi na kita mapapahiram. Kunin mo na lang iyan, dagdag ko sa binigay ko sa inyo. Hindi utang iyan, pero huwag mo na akong utangan. Parang awa mo na rin. Alam mong hindi rin kalakasan ang negosyo ko. Kapag hindi kayo nakabayad kaagad kapag sakaling pinautang ko kayo, baka ako naman ang magkautang." Tinanggap ni Jopet ang pera at tumango. "Kung hindi ka lang sana tumunganga buong buhay mong bata ka, baka hindi ka gaanong namomroblema sa pera ngayon. Baka may naibigay ka na sa mga magulang mo at hindi mo na kailangan pang manghingi," dugtong pa ni Aling Daisy. "Maghanap ka ng trabaho para kahit papaano may pangkain ka sa araw-araw at baka ikaw naman ang magkasakit. Hindi rin iyon magugustuhan ng nanay mo, at lalong hindi gaganda ang lagay niya kapag nalamang nagugutom ka." Tumango muli si Jopet. "Opo, Aling Daisy. Salamat," aniya at saka nilisan na ang tindahan. Tulala siyang naglalakad pauwi sa kanilang bahay habang lumilipad ang isip nang makasalubong niya ang kaibigan na si Danny. "Pare!" tawag nito sa kanya. "Pare," tugon niya. Pinilit niyang ngumiti. "Narinig ko ang nangyari sa nanay mo. Kumusta na siya?" pangungumusta nito sa kanya. "Ilang araw na rin sila roon sa pinaglipatang ospital ni Inay. Tapos na ang mga test. Naghihintay na lang kami ng resulta. Wala akong ibang ginawa kundi ang nagdasal na sana hindi seryoso ang sakit ni Inay. Hindi ko na rin kasi alam kung saan kukuha ng pera." "Pinag-isipan mo na ba ang alok ko sa iyo? Baka ito na ang tamang panahon para tanggapin mo na." "Pare, nangako ako kay Itay na hindi ako gagawa ng kalokohan." Natawa si Danny. "May mas mahalaga pa ba sa pera para sa iyo sa ganitong pagkakataon? Ikaw na ang nagsabi, hindi mo na alam kung saan ka pa kukuha ng pera. Ako, alam ko. Ang kailangan mo lang, sumama sa akin," wika nito. "Pare naman, hindi kita ipapahamak. Ano ka ba? Gusto lang talaga kitang tulungan." "Baka lalong sumama ang kondisyon ni Inay kapag sumama ako sa iyo, Pare. Mahigpit na bilin no'n na iwasan kita," pagtatapat ni Jopet. Muling natawa si Danny. "Bakit, sasabihin mo ba sa kanya?" anito. "Bakit mo sasabihin sa kanya kung alam mong makakasama sa kanya, 'di ba?" Inakbayan nito si Jopet. "Jopet, maniwala ka sa akin, easy money rito. Isang transaksyon lang, pwede nang ma-solve ang problema mo sa pera. Kailangan lang buo ang loob mo. At dapat matapang ka. Mag-isip ka, p're. Tumatakbo ang oras." Natahimik si Jopet. Lumipad na naman ang kanyang isip. Hindi niya alam ang gagawin. Bumalik siya sa ulirat nang tapikin siya sa balikat ni Danny. "Basta kapag gusto mo na, sabihan mo lang ako, ha? Gusto lang kitang tulungan," ani Danny at saka naglakad palayo. Habang pinagmamasdan ang paglalakad ni Danny ay tumunog ang cellphone ni Jopet. Ang kanyang ama ang tumatawag. Kaagad niya iyong sinagot. "Kumusta na ho, si Inay, Itay?" usisa ng binata sa ama. "Tulog siya," tugon ni Mang Lito. "Hinihintay ko na lang ang doktor. Ang sabi, sasabihin na raw ang sakit ng nanay mo. Kinakabahan ako, anak." "'Tay, huwag kayong masyadong mag-alala. Baka ikaw naman ang mapaano. Dalawa lang kayo riyan ni Inay," ani Jopet. "Kumakain ba kayo ng tama sa oras? Baka naman nagpapagutom kayo." "Kumakain naman ako, anak, kahit na palagi akong walang gana. Huwag kang mag-alala sa akin dahil inaalagaan ko naman ang sarili ko. Ayaw ko ring magkasakit dahil gusto kong alagaan ang nanay mo," tugon ni Mang Lito. "Kumusta, pinautang ka ba ni Daisy?" Hindi kaagad nakaimik si Jopet. "Hindi na po. Natatakot kasi siyang baka hindi natin siya mabayaran sa lagay natin ngayon. Pero binigyan niya po ako ng dagdag na isang libo. Mabait pa rin si Aling Daisy. Mayroon ho akong limang libo rito. Saka na ako magpapadala kapag makaipon ako ng maski isang libo man lang. Sayang po kasi ang charge sa padalahan." Tumango si Mang Lito kahit na hindi iyon makikita ng anak. Napalingon ito sa pinto nang pumasok ang doktor na tumitingin kay Marites. "Sandali lang, anak. Tatawag na lang ako ulit. Nandito na Ang doktor. Sasabihin na yata sa akin ang resulta. Magdasal ka riyan." Pagkawika ay pinatay ma nito ang cellphone. Labis ang kabang nadarama ni Jopet. Parang lalabas ang puso niya sa dibdib. Walang kapagurang dasal ang ginawa niya. Lumipas ang minuto hanggang sa umabot na ng oras, hindi pa rin tumatawag ulit ang kanyang ama. Nakauwi na lang siya sa kanilang bahay, wala pa rin itong paramdam. Kaya lalo siyang nag-alala. Nagpasya siyang siya na ang tumawag. Nakailang dial siya, hindi sumasagot ang ama. Hanggang sa sumagot din ito. "Itay, bakit hindi na kayo tumawag?" aniya. "Ano ang sabi ng doktor? Ano raw ang sakit ni Inay?" Wala siyang marinig na sagot. Hanggang sa marinig niya ang paghagulgol ng ama. "Itay, sagutin ninyo ako. Ano ang nangyari kay Inay? Ano ang sakit niya?" "Cancer! Cancer ang sakit ni Marites. Cancer ang sagot ng nanay mo, Jopet. Cance!" sa wakas ay tugon ni Mang Lito. Kaagad na bumagsak ang mga luha ni Jopet. Tila nawalan ng lakas ang kanyang mga kamay at naibaba niya ang cellphone at nabitawan. Napahinuhod siya sa semento. Iyon pala ang pakiramdam na pagsakluban ng langit at lupa. Sa pakiwari niya ay nagdilim na lamang bigla ang kaniyang buong paligid sa narinig na balita.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD