HINDI maikakaila sa anyo ng magkapatid na Rosa at Rosita ang kasiyahan habang minamasdan ang mga damit at kung ano-anong gamit na ibinigay ni Althea. Lahat iyon ay nakasunod sa moda at talaga namang bagay sa dalawa. Nakangiti ring nakamasid sa mga ito si Manang Simang.
“Salamat, anak. Bagay na bagay sa magkapatid ang mga gamit mo. Hindi na sila mangungulit na ibili ng mga bagay na hindi ko naman kaya.”
“Wala iyon, Manang. Wala naman akong kapatid na babae kaya talagang silang dalawa ang magmamana ng mga gamit ko. Hayaan ninyong dalawa at sa susunod ay hindi na segundamano ang mga iuuwi ko sa inyo. Pagbalik ko ay ibibili ko na kayo ng mga bagong gamit na talagang magugustuhan ninyo.” Nakangiti namang sagot niya.
“Maraming salamat, Ate. Pero ang mga ito lang ay sapat na sa amin ni Rosita. Ang dami po nito!”
“Siyanga, Ate Teyang. Hindi ko akalain na magkakaroon ako ng ganitong klaseng damit dahil napakapihikan ni Lola sa mga isinusuot namin,” sagot naman ni Rosita. Natawa naman siya sa sinabi nito.
“Naku, hindi ninyo masisisi si Manang dahil talaga namang nahuhuli sa uso ang bayan natin. Hindi pa bantad ang mga tao rito sa maiikling damit na gaya niyang hawak mo, Rosita. Basta ibibili ko kayo kung ipapangako ninyong hindi na Ate Teyang kung hindi Ate Thea na ang itatawag ninyo sa akin mula ngayon.”
Sabay na sumang-ayon ang dalawa sa sinabi niya. Muli sana siyang magsasalita nang marinig ang isang tinig mula sa likuran.
“Itutulad mo rin ba ang mga batang ‘yan sa’yo, Teyang? Mga simpleng buhay lang ang nababagay sa kanila, bakit kailangan mong pasukan ng kung ano-ano ang isip ng mga bata?”
Napahumindig siya sa pagkabigla. Naroon at nakasandig sa hamba ng pinto si Add at sa anyo nito ay tiyak na kanina pa ito naroon at malamang ay nakikinig sa kanilang pag-uusap. Hinamig niya ang sarili at agad na tumayo mula sa bangkitong kinauupuan.
“Hindi kailangang magpakita ka ng totoong kulay sa harap ng mga bata, Clodualdo. At hindi tamang nakikinig sa pag-uusap ng iba lalo at hindi ka naman kasali sa paksang pinag-uusapan.”
Tumaas ang isang sulok ng mga labi ng binata. Nakangisi itong lumakad palapit sa umpukan nila habang ang mga mata ay matamang nakatitig sa kaniya.
“Hindi ko sinasadyang marinig ang usapan ninyo kung iyan ang iniisip mo. Hindi ba at alam mo namang sa ating dalawa ay ikaw ang mahilig gumawa ng ganyan? Dadalawin ko sana si Lolo Vito pero narito kayo sa sala kaya natural lang na marinig ko ang pag-uusap ninyo.”
Umingos siyang kunwa ay hindi naniniwala rito. Kung hindi pa niya alam na sinadya nitong manood at makinig sa kanila.
“Mga batang ito, magsitigil na nga kayo! Kung si Kuya ang pupuntahan mo Clodualdo, ay pasukin mo na siya sa silid,” sabad ni Manang Simang habang isa-isang itinutupi ang mga damit na hawak ng mga apo nito.
Nang lumakad si Add patungo sa silid ng kaniyang abuelo ay naalarma naman siya.
“Sandali! Hindi pa maaaring dalawin ngayon si Lolo dahil natutulog pa siya!” Hindi niya ibig na muling magkaharap ang dalawa dahil kung ano-anong kasinungalingan lang tiyak ang pag-uusapan ng mga ito. Natatakot siya na sa bandang huli ay mapasama siya sa mga mata ng kaniyang Lolo Vito.
Bahagyang tumawa ng pagak si Add saka muling bumaling sa kaniya nang ang mga kamay ay nasa baywang.
“Natutulog? Alam mo ba kung anong oras na, Teyang? Alas-otso na ng umaga at sasabihin mo sa aking natutulog pa si Lolo? Hindi mo ba alam na araw-araw akong pumaparito bago pumunta sa bukid at ni minsan ay hindi ko siya inabutang natutulog pa gaya ng sinasabi mo?”
Napahiya siya. Tila sa malas ay kailangan na nga niyang tanggaping wala na siya talagang alam pagdating sa kaniyang pamilya. Ang kulang tatlong taong pananatili sa lugar na malayo sa mga ito ay nangangahulugan lang na hindi na nga siya ‘updated’ sa mga pangyayaring nagaganap sa pamilyang iyon sa araw-araw. Gayunpaman ay sino ba ito para pamukhaan siya?
“Huwag mong sanayin ang sarili mong parati mo akong pinamumukhaan, Clodualdo. Lalong hindi ka dapat masanay na makisali sa pamilyang ito.” Nagsisikip ang dibdib niya sa sama ng loob kaya nasabi niya iyon. At nasorpresa siya sa lungkot na lumarawan sa anyo ng lalaki.
“Wala ka pa rin palang ipinagbago. Ilang taon ka mang lumayo sa bayang ito ay babalik kang dala pa rin ang ugaling iyan-sakim, makasarili, walang pagsasaalang-alang sa nararamdaman ng mga taong nagmamahal sa’yo! Well, I should know better!”
“Wala akong pakialam sa mga iniisip mo laban sa akin kaya huwag ka nang magsayang ng panahong ulit-ulitin ‘yan! Isa pa’y hindi mo na kailangang kuhanin pa ang loob ng matanda. Kasasabi ko lang na hindi ka na kasali sa pamilyang ito!”
Ipinagdiinan niya ang huling sinabing iyon subalit sa halip na matigatig ay kalmadong kumilos ang mga paa ni Add palapit sa kaniya.
“Ako? Hindi na kasali sa pamilyang ito? Sigurado ka ba sa sinasabi mo, Althea? Walang araw na hindi nakikita ang presensiya ko rito. Idagdag pang lahat ng mahahalagang okasyon ay naririto rin ako. Kung babanggitin ang iyong pangalan ay maaalala mong iisa rin ang apelyido nating dalawa. Paano mo sasabihing hindi ako kabilang sa pamilyang ito ngayon?”
Napaungol siya nang mahina dahil sa labis na pagkainis. Hindi na talaga siya kahit kailan nanalo sa lalaking ito!
“Hindi na ba talaga kayo titigil dalawa sa mga alitang ‘yan? Althea? Clodualdo? Aba’y kung nabubuhay ang lola mo hija, ay hindi palalampasin ang mga pasaringan ninyo. Palo ng walis tingting sa binti ang magpapatigil sa inyong mag-asawa!” Natahimik siya at kung sa ilang saglit ay tila ibig niyang matawa sa narinig kay Manang Simang.
Totoo ang bagay na iyon. Kahit ng mga maliliit pa silang bata ni Add at inabutan silang naliligo ni Lola Mela sa ulan ay walis tingting ang isasalubong nito sa kanila. At sa tuwina ay uuwing susukot-sukot ang kababata na gaya niya ay namumula rin ang binti.
Hindi malupit si Lola Carmela. Katunayan ay napakabuti nitong tao. Malimit itong magkuwento ng kung anu-ano sa kanila ni Add noong maliliit pa sila. Pero iyon na nga ang nakagawian ng matanda sa tuwing nais nitong disiplinahin silang dalawa. Hindi naman kahit kailan naringgan ng paghihimagsink si Add sa mga ganoong pagkakataon. Marahil ay batid din nito na lambing lang iyon ni Lola Mela, idagdag pang hindi naman talaga kasakitan ang mga palong iyon. Palo lang ng pagmamahal, wika nga.
Bahagya siyang nabigla nang ang sinupil niyang pagtawa ay narinig niya mula kay Clodualdo.
“Ito kasing alaga niyo, Manang eh. Sa halip na lambing ay away pa ang isinasalubong sa akin.” Nakangiti ang mga mata ng lalaki at hindi niya alam kung seryoso ito sa sinabi.
“Sino ba ang nauna?” piksi naman niya.
“Ako na. Lagi namang ako, hindi ba?” Tumalikod na ito pagkasabi noon at dire-diretsong binagtas ang daan papasok sa silid ni Lolo Vito.
“Talaga! Mabuti at alam mo!” ganti naman niyang pang-aasar dito.