Chapter 4

1703 Words
“ANO ba ang plano mo, anak? Kung tutuusin ay maayos naman ang lagay ng lolo mo. Ang asawa mo lang ang nagsabing kailangan mong malaman ang nangyari sa tatay kaya tinawagan ka namin.” Bahagya siyang nasaktan sa narinig. Kung hindi pala dahil sa ‘asawa niya’ ay hindi maiisipan ng ina na pasabihan siya sa nangyari kay Lolo Vito. At kailan nito maiisipang gawin iyon? Kapag tuluyan nang nawala ang abuelo niya? Tila ibig na nga niyang sumang-ayon sa ipinahihiwatig ni Add na siya nga at hindi ito ang estranghero sa pamilyang iyon. “Mamang, pasensiya na kayo kung hindi ako madalas mauwi rito. Alam ninyo naman ang dahilan hindi ba? Malaki na si Yul at kailangan niya ako.” Tinapunan siya ng makahulugang tingin ng kaniyang ina. At hindi niya natagalan iyon. Nagyuko siya ng ulo habang kunwa ay nagkakanaw ng kape. “Hindi ko kahit kailan bibilin ang dahilang iyan, Althea. Bakit hindi mo iuwi rito si Yul para naman makita ni Tatay? Matanda na ang lolo mo at makabubuti sa kaniyang makita ang anak mo habang nakakakilala pa siya.” Nahimigan niya ang hinampo sa tinig ng ina. Kung tutuusin ay tama naman ito. Bakit nga ba hindi niya iuwi si Yul gayong ang payo nga ng doktor nito ay kailangan nito ng hanging probinsiya? Baka sakaling sa ganoong paraan ay mabawasan ang allergy ng bata na nagiging sanhi ng madalas na pag-atake ng asthma nito. Napahugot siya ng malalim na paghinga. “O bakit? Ano naman ang kahulugan ng buntong-hiningang ‘yan?” Kulang sa damdaming tanong ng mamang niya. “Mang naman…” Napailing ito habang patuloy sa paggagayat ng mga rekados ng putaheng iniluluto. “Kung bakit kasi nakikipagpataasan ka pa ng pride diyan kay Clodualdo eh.” Tumayo siya dala ang tasa ng kape. Hindi niya ibig ipakipag-usap dito ang tungkol sa bagay na iyon. Hindi pa siya handa. “Hindi ba at tama naman ako, Teyang? Kung hindi ka umalis dito sa San Simon noon eh di sana ay hindi mo kailangang…” “Mamang, puwede bang huwag na nating pag-usapan ang bagay na ‘yan? Matagal na pong nangyari ‘yan kaya huwag niyo na sanang ungkatin pa.” Muli itong lumingon sa kaniya habang siya naman ay kunwang nanungaw sa bintanang nakaharap sa gawi ng kanilang bukirin. “Bahala ka. Ang sa akin lang ay ang kapakanan ninyong mag-ina. Hindi sa Menila ang mundo mo, anak. Huwag kang magsumiksik sa lugar na hindi ka naman talaga kabilang.” Madamdamin ang mga salitang binitiwan ng mamang niya. At hindi niya maiwasan ang maglakbay ang isip sa mga eksenang pilit niyang tinatakbuhan. “Mamang, patawarin ninyo ako pero hindi ito ang pinangarap kong buhay…” Hirap na hirap ang kaniyang kalooban sa pagpapaliwanag sa ina pero kailangan niyang gawin iyon. Kailangan. “Anak, maawa ka sa asawa mo. Umuwi ka na sa atin. Hinahanap ka niya.” Lumuluha ang mamang niya pero pinilit niyang tatagan ang sarili upang panindigan ang desisyong ginawa. Wala naman itong alam sa kung ano talaga ang nangyari sa kanila ni Add. Paano siyang maniniwalang hinahanap nga siya nito? “Mang, nag-usap na kami ni Add. Kung hindi niya ‘ko maiintindihan ay wala akong magagawa pero hindi ko maaaring pilitin ang sarili ko sa bagay na hindi ko gusto. Minsan na akong nagkamali sa buhay ko, ‘Mang…tulungan n’yo naman akong itama ito ngayon.” “Magulo dito, anak. Maraming problema. Hindi gaya sa atin na tahimik at simple lang ang buhay…” Niyakap niya ang ina bago pa nito tuluyang magawang baguhin ang isip niya. “Nauunawaan mo ba ang punto ko, Teyang? Teyang…” Napakislot siya. Dahil sa malalim na pag-iisip ay hindi niya napansing nakalapit na pala sa kaniya ang ina at ngayon ay naghihintay ng sagot niya. “Sorry, ‘Mang…hindi po maganda ang gising ko eh. Naninibago na naman siguro ako.” Huli na nang maisip niya ang komplikasyon ng sinabing iyon. Lumarawan na sa anyo ng ina ang hinanakit. Tumalikod ito at muling bumalik sa ginagawa. “Naninibago ko sa lugar na tinubuan mo! Sa lugar na kinalakhan mo! Paano pa kaya ang apo ko na hindi ko man lamang nakikita ang lugar na ito?” Napahikbi ito pero hindi na niya ito nagawang lapitan nang tumayo itong kipkip ang bilaong kinalalagyan ng bigas. Tinahak nito ang likurang pintuan saka bumaba sa silong kung saan naroon ang kanilang lutuan. “ANO naman ang pinagkakaabalahan ninyong magkapatid sa araw-araw?” Isang umaga iyon na nagprisinta siyang mamili sa bayan at isinama niya sina Rosa at Rosita. Kasalukuyan silang naglalakad sa makitid na kalyeng patawid sa sakayan ng pedicab na maghahatid sa kanila sa pamilihan. “Kung minsan ay namamasukan kami kay Aling Carmen na nagpapatahi ng mga barong at wedding gown. Nag-oohales ako at nagtatabas naman si Ate Rosa. Kaso Ate, nagtutulong si Lola at si Tita Celeste na pahintuin na raw kami dahil naliligawan lang kami doon.” “Tama naman sila Ate, dahil nagpapaligaw naman talaga iyang si Rosita. Kung nabubuhay lang ang nanay ay kurot sa singit ang aabutin niyan!” Natawa siya nang lumabi si Rosita. Sa dalawa naman kasi ay talagang mas magiliw ito kumpara sa kapatid na may kaunting kasungitan kung pagmamasdan. “Pagpapasensiyahan ninyo na lang sila. Siyempre ay hindi nila gustong mapahamak kayo. Para naman iyon sa inyo.” Sagot naman niya. Napahinto siya sa pagsasalita nang salubungin sila ng isang pedicab. Sumakay sila roon at nagpahatid sa bayan. Ilang saglit lang at narating na rin nila ang lugar. Inalalayan pa siya ng dalawa sa pagbaba at kipkip ng mga ito ang bayong na dala niya kanina ay magkakaagapay na nilang pinasok ang pamilihan. Namangha siya nang mapagmasdan ang lugar. Sa loob ng iilang taong hindi niya pag-uwi ay malaki na rin kung tutuusin ang pinagbago ng pamilihan. Ang dating iilang puwesto ng mga tindahan ay marami na ngayon. At ang mga tinda ng mga ito ay nakasunod na rin pala kahit paano sa moda. Hindi gaya noon na bago makarating sa kanila ang uso ay papatapos na iyon sa sirkulo. Naisip niya tuloy na hindi ang lugar kung hindi ang mga taong nasa paligid ang dahilan kung bakit ganitong manamit at kumilos ang magkapatid. Inikot nila ang palengke at pinamili ang mga nakalista sa maliit na pilas ng papel na hawak ni Rosita. Ang dalagita naman ay may hawak pang lapis na ipinangguguhit sa mga rekadong napamili na. Nang marating nila ang bilihan ng isda ay saglit siyang napatigil. Agad niya kasing natanaw ang isang lalaking h***d baro at namimili rin ng mga isdang naroon. Gaya nila ay may dala rin itong maliit na sisidlan na tila iilang tali ng petsay pa lang ang laman. Si Add. Hahatakin niya sana ang magkapatid na lumihis ng daan pero huli na dahil napalingon na ito sa kanila. Saglit na kumunot ang noo nito bago ngumiti na alam naman niyang para lang sa paningin ng dalawa. Wala na siyang nagawa kung hindi ang sumunod sa magkapatid na nauna nang humakbang palapit sa lalaki. Kunwa ay hindi na lang niya pinansin ang matiim na titig ni Add. “Manang, magkano po sa tulingan?” Tanong niya sa tindera nang ganap na makalapit. “Marunong ka pa bang kumain niyan?” Kasabay ng pagsabad ni Add ay ang pagsagot ng tindera. Tuloy ay hindi niya naintindihan ang sinabi nito at kinailangan pa niyang ipaulit iyon. Kumilos ang tindera nang humingi siya ng tig-isang kilo ng tulingan at galunggong. Hinarap naman niya si Add nang matuon sa mga isda ang atensiyon ng magkapatid. “Ano ba ang ibig mong sabihin sa parunggit mong ‘yan, Mr. Vergara?” “Wala naman. Bakit namumula ka agad gayong inosente ang tanong na iyon, Mrs. Vergara?” Inismiran niya ito. Wala siyang balak na sirain ang umaga niya dahil dito. Inakala niyang tatahimik na at lalayo si Add pero sa halip ay lalo pa itong nang-inis. “Rosita, sino ang magluluto ng mga iyan? Masarap ‘yan kung baked tulingan o naman kaya ay sweet and sour galunggong.” Alam niyang para iyon sa kaniyang pandinig kaya lalo siyang nakaramdam ng inis sa lalaki. Nang mapabungisngis naman si Rosita ay tinitigan niya ito nang makahulugan. Nakaunawa naman ito dahil bigla na nitong itinuon ang sarili sa pagbabasa ng listahang hawak. “Kapag hindi ka tumigil ay makikita mo ang hinahanap mo, Clodualdo. Baka nalimutan mong marunong ako ng self-defense?” banta niya rito. Tingin niya ay effective dahil halatang nainis ito. Naggalawan ang muscles nito sa mukha at bigla ay nagseryoso. “Kuya, ano nga pala ang iluluto mo? Kung gusto mo ay sumabay ka na sa amin…” Napatigil sa pagsasalita si Rosita nang maramdaman ang bahagyang tapik ni Rosa sa siko nito. “Okay lang ako. Bantayan n’yo na lang ang Ate Teyang ninyo at naninibago pa ‘yan tiyak dito sa lugar. Isa pa ay kaunti lang naman ang lulutuin ko, panghapunan lang dahil may bisita ako mamaya sa tree house.” Tree house. Tila bomba iyon sa kaniyang pandinig. May bisita raw ito at sa tree house pa dadalhin? Hindi ba at ayon na rin dito ay sagrado ang lugar na iyon? “Talaga, Kuya? Wow naman, exciting! Bagay ang inihaw na pusit, tinapang may sawsawang mangga’t kamatis at relyenong bangus doon sa tree house!” “Tama ka. Sige, iluluto ko ang mga iyan.” Muli ay tila batang napasinghap si Rosita sa narinig. Ngani-nganing itulak na ito ng kapatid dahil sa kamanhiran nito. “Suwerte naman ng bisita mo, Kuya. Don’t tell me na si Issa na naman ang…” “Ano ba, Rosita?! Marami pa tayong bibilihin; napakatabil talaga ng dila mo!” Marahil ay hindi na rin nakapagpigil sa labis na inis si Rosa kaya napalakas na ang tinig nito na may kasama pang hablot sa braso ng kapatid. Sa wakas ay naunawaan rin ni Rosita ang matalim na tingin nito kaya naman nagpagiya na rin ang dalagita palayo kay Add. Inabot naman niya ang supot ng isda mula sa tindera at saka sumunod sa mga ito matapos na magbayad. Ang isip ay abala sa pag-aanalisa kung sino ang Issa na tinutukoy ni Rosita.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD