Chapter 6 - Fate

1561 Words
“PLEASE excuse us. We need to talk,” sabi ni Enzo sa harap ng kanyang mga magulang at ni Elaine. Hindi na niya hinintay na may sumagot pa sa kanila. Basta na lang niyang hinila ang dalaga palayo sa dining room. “Hey! Hey! Stop!” Pilit na hinihila ni Elaine ang kamay nitong hawak niya. Ngunit lalo namang hinigpitan niya ang pagkakahawak rito. Hindi niya binitiwan ang dalaga hanggang hindi sila nakarating sa labas ng bahay. Nang makarating sila sa garden set, pinaupo niya roon ang dalaga saka siya umupo sa mismong harapan nito. “Now, talk. What did you just do to make my mother say those words a while ago?” mapanganib ang tonong saad ni Enzo. Wala sa tipo ni Elaine ang manghahabol ng lalaki o ipagpipilitan ang sarili sa iba. Hindi man niya ito kilala katulad ng pagkakakilala niya kay Regine, kahit papaano sa iilang beses na pagkikita nila noon sa Australia tuwing bibisitahin niya ang nobya, maayos at matino naman ang pagkakakilala niya rito. Pero mukhang nagkamali yata siya sa kanyang akala. Liberated din pala ang babaeng ito. Mas liberated pa yata kaysa sa ex-girlfriend niya. Sino ba kasi ang matinong babae na basta na lang uuwi sa bahay ng isang lalaki na hindi naman nito nobyo o manliligaw? Anong nakain ng babaeng ito? Noong isang linggo lang maayos niya itong iniwan sa Glorious Hotel. Ngayon bigla na lang itong magpapakita sa kanya sa mismong bahay nilapagkatapos iaanunsiyo ng mama niya na magpapakasal sila. Anong nangyari? Tinanggihan na niya ang alok ng papa nito kaya anong dahilan at nandito pa ito ngayon? Desperada ba ito? “Which one? The marriage thing?” Pinandilatan siya ni Elaine. “May iba pa bang dahilan kung bakit ka nandito?” balik-tanong ni Enzo rito. Hindi agad umimik si Elaine. Ilang segundo muna itong nakipagtitigan sa kanya. Ngunit ito rin ang unang nagbaba ng tingin. “Kinausap ako ni papa. Sinabi niyang utang ko raw sa iyo ang buhay ko. Para makabayad daw ako sa iyo, kailangang kong pumayag na makasal tayo,” walang emosyong sagot ni Elaine. Nanlaki ang mga mata ni Enzo. “Wala kang utang sa akin. Hindi ko naman sinisingil ang papa mo sa ginawa kong pagliligtas sa iyo. Saka wala rin naman akong balak magpakasal kanino man.” “Huh? Hindi naman ganyan ang sinabi ng papa ko sa akin. Pero kung ayaw mong magpakasal, pareho lang tayo. Ayoko rin sa iyo. Hindi kita type. Hindi ko rin gustong pinupulot ang pinagsawaan ng pinsan ko,” mahinahon ngunit may diing sabi ni Elaine. Bago pa maibuka ni Enzo ang kanyang bibig, bigla na lang tumayo si Elaine. Akamang tatalikuran siya nito ngunit mabilis niya itong pinigilan. Hinawakan niya ang magkabila nitong braso. Umarko ang mga kilay ni Elaine habang galit itong nakatitig sa kanya. Hindi siya natinag sa mga titig nito ngunit kakaiba ang dating ng pagkakadikit ng kanilang mga balat. Para siyang nakukuryente na hindi niya mawari. Bakit ganoon? Hindi naman ito ang unang beses na magkikita sila? Aaminin niyang attracted siya sa dalaga lalo na noong hindi pa niya ito nakilala sa airport. Pero nawalan siya ng gana nang makilala niya kung sino ito. Oops! nawalan ka nga ba ng gana, Enzo? O baka naman pilit mo lang itinatago at nilalabanan ang nararamdaman mong atraksiyon sa kanya dahil ayaw mo nang madawit kay Rehine o sa sinumang kamag-anak niya? Umamin ka na lang kaya sa totoo mong nararamdaman? This is isn’t good! This is bullshit! Gustong isigaw iyon ni Enzo ngunit walang lumalabas na anumang salita mula sa bibig niya. Binitiwan na lang niya ang dalaga na para bang napaso siya. “Hindi ka pa puwedeng umalis dahil hindi pa tayo tapos mag-usap!” mataas ang tinig na saad niya habang sinusuklay niya ang buhok gamit ang kanyang daliri. Napasimangot si Elaine. “Kung may magagawa lang sana ako para baguhin ang desisyon ng papa ko, wala sana ako rito ngayon. Pero kapag hindi ko siya sinunod, pababalikin niya ako kaagad sa Australia.” Napangisi si Enzo. “Kung gano’n, bakit hindi mo siya tinanggihan? Tumanggi na nga ako nang sabihin niya sa akin ang plano niya.” Umikot ang mga mata ni Elaine. “Ayokong bumalik ng Australia! Hindi ako nagpakahirap na pumunta dito sa Pilipinas para lang pauwiin agad. May kailangan pa akong gawin dito.” Umasim ang mukha ni Enzo sa sinabi ni Elaine. “Ano namang inaayawan mo sa Australia? Doon ka naman nanggaling, ah. Saka naroon din ang mga magulang mo. Bakit ayaw mong bumalik roon?” “Ayoko nga! Hindi matutupad ang pangarap ko kung babalik ako sa Australia. Dito na lang ako sa Pilipinas. Kaya ko naman ang sarili ko.” Naihilamos ni Enzo ang isang kamay sa mukha niya. “Talaga? Anong klaseng pangarap ba iyan? Bakit kailangang pati ako madamay? Anong kinalaman ko sa iyo? Hindi naman ako naniningil sa ginawa kong pagliligtas sa buhay mo. Kaya wala kang utang sa akin. Sabihin mo iyan sa papa mo.” “Sa tingin mo ba, hindi ko ginawa iyan?” Napabuga ng hangin si Elaine. Siya man ay naiirita na sa usapan nilang ito. Habang tumatagal na magkasama sila ni Elaine lalong umiinit ang pakiramdam niya. Pakiwari niya’y sinisilaban siya. Baka kapag tumagal pa na magkaharap sila, matutupok na siya. Hindi niya maipaliwanag kung bakit ganoon ang nararamdaman niya sa dalaga gayong wala naman itong ginagawa kung hindi makipag-usap lang sa kanya. Ilang beses na rin naman niya itong nakasama mula noong sunduin niya ito sa airport. Pero bakit ngayon lang niya nararamdaman ang ganito? Parang may mitsang sinindihan si Elaine na naging dahilan ng pagkakaganito niya. Wala siyang naramdamang ganito kay Regine kahit na girlfriend pa niya ito at mas matagal na nakasama. May kalmadong epekto sa kanya ang presensiya ng ex niya. Pero bakit kay Elaine iba ang dating ng presensiya nito? Animo’y bagyo ang dating nito at ginugulo ang sistema niya. May nararamdaman na siyang ganito noong una pa lang niya itong makita sa Australia nang dumalaw siya sa bahay nila. Iyon nga ang dahilan kung bakit hindi niya ito pinansin noon at ibinaling niya ang atensyon kay Regine kaya ito ang naging girlfriend niya. Bukod doon, bata pa noon si Elaine. Eighteen years old pa lang yata ito noong una silang magkaharap. Pero aminado siyang mas maganda ang mukha nito at katawan kaysa sa pinsan nitong si Regine. Kung magpapakatotoo nga lang siya, ito dapat ang liligawan niya at hindi ang pinsan nito. Ngunit ayaw niyang matulad sa kapatid niyang patay na patay sa babae. Kahit anong kalokohan ng nobya nito mahal pa rin ng kapatid niya. Ayaw niyang maramdaman ang ganoon kaya umiwas siya kay Elaine. Nagawa naman niyang mahalin si Regine pero sa kasamang-palad ipinagpalit lang pala siya sa pangarap nito. Ngayong naghilom na ang sugat na iniwan ni Regine saka muling nagkrus ang landas nila ni Elaine. Hindi niya tuloy maiwasang isipin na pinaglalaruan siya ng tadhana. Panay ang iwas niya noon sa babaeng ito pero mukhang dito pa rin siya babagsak. “Kaya tinanggap mo na lang ang sinabi ng papa mo para lang sa iyong pangarap? Hindi mo man lang ba naisip kung ano naman ang epekto sa akin ng desisyon mo? Wala ka bang pakialam sa damdamain ng ibang tao basta masunod mo lang ang pangarap mo?” naiinis na sumbat ni Enzo. Hindi niya alam kung bakit ganoon ang lumaba sa bibig niya. Pero iisipin pa lang niyang makakasama niya araw-araw si Elaine sa habang panahon, gusto na niyang tumakbo palayo rito o kaya maglaho na lang. Sigurado siyang magugulo ang mundo niya kapag nakasama niya ito nang matagal. Ngayon pa lang na iilang minuto silang magkasama, ginugulo na nito ang buong pagkatao niya. Paano pa kaya kapag naging mag-asawa na sila? Baka para na rin siyang tumutulay sa alambre o kaya naglalakad sa nagbabagang uling. Maihahambing niya si Elaine sa isang bagyo o ipo-ipo na sisirain at guguluhin ang lahat ng madaanan nito. Samantalang si Regine ay parang kalmado ang dating katulad ng dagat na walang alon. “Wow! Ayos ka rin, ha? Para mo na ring sinabi sa akin na wala kong kuwentang tao. Wala ba akong redeeming value sa paningin mo? Alam ko namang mahal mo pa rin ang pinsan ko pero hindi mo kailangang ipamukha sa akin ang bagay na iyan. Hindi man ako kasingganda ng pinsan ko, sisiguraduhin ko naman na magiging mabuting asawa ako sa iyo. Hindi kita iiwan hangga’t hindi mo ako pinaaalis,” seryosong saad ni Elaine. Kumurap ng ilang beses si Enzo. Hindi siya halos makapaniwala sa narinig lalo na sa huling sinabi ni Elaine. Seryoso talaga ito na magpakasal sa kanya? Oo nga’t binibiro niya ito noong una na interesado siyang dalhin ito sa kama. Pero ginawa lang niya iyon dahil alam niyang hindi siya papatulan ni Elaine. Kaya lang mukhang magbabago na ang lahat dahil sa pangarap nito at sa kagustuhan ng mga magulang nila. Shit! Wala na ba talagang pag-asa na makalayo siya sa presensya ni Elaine? Pinakaiwas-iwasan niyang mapalapit rito pero hindi sinasang-ayunan ng kapalaran. Matutulad din ba siya sa kapatid niyang nagbuwis ng buhay dahil lang sa isang babae? Huwag naman sana. Gusto pa niyang mabuhay nang matagal. Mas gusto pa niyang mamatay dahil sa tama ng bala kaysa sa bawian ng buhay dahil sa lintik na pag-ibig!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD