“ANAK wala ka na bang balak mag-asawa. Thirty-three ka na. Lumagpas ka na sa kalendaryo, iho.”
Napakamot ng kanyang batok si Enzo saka naiiling na sinulyapan ang ina. “Mama naman! Lalaki ako kaya walang problema kahit lumagpas pa sa kalendaryo ang edad ko. Hindi naman ako ang magbubuntis.”
Tinaasan siya ng kilay ng kanyang ina. “Kahit na. Naiinip na kami ng papa mo. Kailan ba kami magkakaapo, iho?”
Bahagyang natawa si Enzo. “Gusto ba ninyo talaga ni papa ng apo?”
“Oo naman. Ang tagal na naming naghihintay.”
Napangisi si Enzo. “Ilan ba ang gusto ninyong apo? Gusto n’yo rin ng kambal?”
“Kahit ilan, basta mayroon. Saka hindi naman kailangang kambal. Ang mahalaga kadugo namin ng papa mo,” paglilinaw ng mama niya.
“Okay. Walang problema. Mamaya maghahanap ako ng babae na willing magpabuntis. Doon na lang ako sa mga dating site titingin para hindi ako mahirapang maghanap.”
Nanlaki ang mga mata ng mama niya. Lumaki pati butas ng ilong nito. “Tarantado kang bata ka!”
Pinaghahampas siya ng mama niya pero panay naman ang ilag ni Enzo kaya lalong nagngitngit ang kanyang ina.
“Ano namang kaguluhan ito?”
Sabay na napalingon sina Enzo at ang mama niya sa pinaggalingan ng tinig.
Hindi nila namalayan na nakatayo na pala ang papa niya malapit sa puwesto nilang mag-ina.
“Aba, itong anak mo, ang sama ng plano! Akalain mo bang sabihin sa akin na maghahanap daw ng babaeng mabubuntis niya para lang mabigyan tayo ng apo! Mahabaging langit!”
Ang papa naman ni Enzo ang napakamot sa batok nito. “Ruth, nagbibiro lang iyang anak natin. Naniwala ka naman na gagawin niya iyon.”
Hinarap ng mama niya ang kanyang papa. “Iyon ang sinabi niya sa akin. Maghahanap daw siya sa dating site ng babaeng magpapabuntis sa kanya. Sa tingin mo ba hindi niya gagawin iyon?”
Napatingin kay Enzo ang papa niya. Nagtatanong ang mga mata nito.
Napabuntunghininga naman ang binata. “Namimilit kasi si mama. Gusto na raw niyang magkaapo.”
“Natural iyon, anak. Matanda na kami ng papa mo. Sixty na ako tapos sixty-five naman ang papa mo. Iyong mga kakilala namin at mga kaibigan, nakarami na ng apo. Pero kami wala pa kahit isa. Sino namang hindi mag-aalala niyan?”
Hindi nakaimik si Enzo. Umiwas na lang siya ng tingin sa kanyang ina.
Nilapitan siya ng ama at inakbayan. “Napi-pressure kasi ang mama mo. Naiinggit din siya sa mga kaibigan namin kapag dumadalo kami sa mga party. Wala kasi siyang maikuwento kapag pinag-uusapan na ang apo.”
Napailing si Enzo. “Kaya nga po maghahanp na lang ako ng pagbibigyan ko ng sperm cell ko para magkaapo na kayo.”
“Ay lintik! Hindi ko gustong magkaapo sa kung sino-sinong babae lang. Mamaya makahanap ka pa ng gold digger o kaya iyong may lahing baliw. Mamamatay ako sa konsumisyon kapag nagkataon. Gusto kong maghanap ka ng babaeng matino na pakakasalan mo. Hindi iyong pinulot mo lang kung saan-saan.”
Napaismid si Enzo. “Mama, iyong matinong babae na tinutukoy mo ayaw sa akin. Hindi ako gusto. Matino nga si Regine pero iniwan naman ako. Kaya maghahanap na lang ako ng babae na pera lang o katawan ko ang habol sa akin. At least hindi ako madi-disappoint kasi hindi na ako mag-i-invest ng emotion.”
Napamaang ang mama niya. Nakatitig lang ito sa kanya na para bang hindi makapaniwala sa sinabi niya.
Pinisil naman ng papa niya ang kanyang balikat. “Huwag kang maging bitter, anak. Hindi ibig sabihin na iniwan ka ni Regine, lahat ng babae ganoon ang gagawin sa iyo. Hindi mo pa nakikita iyong babaeng nakalaan para sa iyo. Saka malay natin baka makapag-isip din nang maayos si Regine at bigla na lang siyang bumalik sa iyo. Puwedeng ituloy ang naudlot ninyong kasal.”
Marahas na umiling si Enzo. “Ayoko na kay Regine, ‘Pa. Ang sakit nang ginawa niya sa akin. Wala namang akong kasalanan sa kanya. Lahat ng gusto niya sinusunod ko. Lagi ko siyang iniintindi dahil LDR nga kami. Kahit nahihirapan ako, pinupuntahan ko pa rin siya kahit saang lupalop pa siya ng mundo naroon. Tapos kung kailan naka-set na ang kasal namin, bigla siyang uurong. Ginawa na nga niya akong tanga, ginago pa ako. Nagtiis ako ng ilang taon para lang mauwi ang lahat sa wala. Sana man lang binigyan niya ako ng kahit kaunting kahihiyan. Kung iiwan din pala niya ako, bakit pa siya pumayag na magpakasal sa akin?”
Napatakip si Enzo ng kanyang mata. Hindi na naman kasi niya mapigilang umiyak. Ganito ang nangyayari kapag napag-uusapan nila si Regine. Kaya panay ang iwas niya sa topic tungkol sa ex niya. Ang kulit lang kasi ng mama niya.
Tinapik-tapik ng papa niya ang kanyang likod. Tapos hinila naman siya ng mama niya at pinaupo sa garden seat.
Walang umiimik sa mga magulang niya. Hinayaan lang siya ng mga ito na umiyak. Hindi naman talaga siya iyakin. Matapang siya dahil iyon ang natutuhan niya sa SEAL. Pero mababa ang luha niya kapag may nawawalang tao sa buhay niya. Tulad na lang noong iniwan siya ni Regine at noong maaksidente ang kakambal niya.
Two years ago, namatay sa car accident ang kapatid niya. Iniwan kasi ng fiancée nito sa mismong araw ng kasal nila. Nagwala ang kapatid niya. Hindi nila ito napigilan nang sumakay ito ng SUV at pinaharurot sa highway.
Sinundan niya ito pero hindi niya naabutan. Car racing ang hobby ng kambal niya kaya sobrang tulin nitong magpatakbo ng sports car na gamit nito. Noong maabutan niya ito nakabaligtad na ang sasakyan nito. Naipit ang katawan nito sa loob ng sasakyan kaya kinailangan pa nilang hintayin ang mga rescuer bago mailabas ang kapatid niya.
Tumatagktak nga ang pawis, luha, at sipon niya habang nasa loob sila ng ambulansiya. Pilit pa niyang kinakausap ang kapatid habang binibigyan ito ng first aid ng mga medics. Pero pagdating nila sa ospital, idineklara itong dead on arrival.
Bumaha ang luha niya at ng kanyang mga magulang. Pero nang makita niyang halos mabaliw ang mama niya sa pagkawala ng kanyang kapatid, pilit niyang pinatatag ang sarili. Nanggaling na rin siya sa pinakamadilim na parte ng buhay niya noong nasa SEAL pa siya kaya kakayanin niya ang dagok na iyon sa buhay nila.
Pero hindi pa pala tapos paglaruan ng tadhana ang buhay niya. Makalipas lang ang isang taon, iniwan naman siya ng fiancée niya noong gabi bago ang kanilang kasal. Panibagong dagok na naman ang dinanas niya. Ilang gabi siyang umiyak. Nagpakalunod pa siya sa alak noong una. Ngunit noong nahimasmasan siya, nakita niya kung paano naapektuhan ang mga magulang niya lalo na ang kanyang ina. Kaya tinigilan na niya ang alak. Itinuon na lang niya ang atensyon sa Rancho Mercedes na dating pinamamahalaan ng kapatid niya.
Hindi man siya kasinggaling ng kapatid niya sa pagma-manage ng negosyo, kahit paano kumikita pa rin ang rancho mula nang siya ang mag-asikaso nito. Bukod sa mga alaga nilang baka, mayroon ding taniman ng niyog, at mud crab farm sa Rancho Mercedes. Malaki ang kinikita ng rancho sa pag-e-export ng copra at mud crab.
Kaya madali lang sa kanya na bigyan ng marangyang buhay si Regine kung nakuntento lang sana ito. Pero iba ang gusto ng ex niya. Akala niya noong pumayag itong magpakasal sa kanya, payag na rin itong manirahan sila sa Pilipinas. Kaya lang biglang nagbago ang isip nito kung kailan malapit na ang kasal nila. Natanggap pala ito sa isang kilalang modelling agency sa New York kaya bigla na lang siyang iniwan sa ere. Iyon ang sinabi nito sa sulat na natanggap niya two weeks pagkatapos siyang iwan. Nagso-sorry ito sa sulat niya. Sana mapatawad daw siya nito sa pang-iiwan sa kanya.
Tinanggap na lang niya ang kanyang kapalaran kahit masakit. Magkaiba naman ang gusto nila ni Regine kaya hindi talaga sila magkakasundo. Pero kapag ganitong napag-uusapan uli ang ex niya, nasasaktan pa rin siya tulad ngayon.
“Forget what I said earlier, iho. Naiinggit lang naman ako sa mga kaibigan namin na may apo na. Pero huwag mong i-pressure ang sarili mo na maghanap ng babae na bubuntisin para lang mabigyan kami ng apo. Ang gusto ko mag-asawa ka. Iyong babaeng pakakasalan mo ang pagbibigyan mo ng sperm cells mo at hindi iyong kung sino na lang. Ayokong malahian ang pamilya natin ng siraulo o kriminal. Gusto ko iyong galing sa matinong pamilya. Wala akong pakialam kung mahirap o kinapos sa pinag-aralan. Basta ang importante matino ang pagkatao,” mahabang pahayag ng mama niya.
Biglang napasulyap si Enzo sa kanyang ina. Pati luha niya umurong nang marinig ang pinagsasabi ng mama niya.
“Saan naman ako maghahanap ng ganyang babae, ‘Ma? Puwede bang bumili na lang ako?” sarkastikong tanong ni Enzo.
Pinandilatan siya ng kanyang ina.
“Puwede naman, anak. Bumili ka sa mga kaibigan ng mama mo. Baka may mga anak pa silang dalaga. Siguradong matitino ang mga iyon,” nakangising sagot ng papa niya.
Natapik na lang si Enzo ang kanyang noo nang mapansin na hinampas ng mama niya ang dibdib ng kanyang papa. Napangiwi ang papa niya pero hindi naman nito pinigilan ang kanyang mama.
“Nagsasabi lang naman ako ng totoo, ah. Matitino ang anak ng mga kaibigan mo, hindi ba? Doon na lang siya pumili. Alam mo iyon, maghanda siya ng dote kapag hiningi niya ang kamay ng babae sa mga magulang nito,” paliwanag ng papa niya nang tumigil sa paghampas ang mama niya.
“Tse! Hoy, David! Hindi ibinibenta ng mga kaibigan ko ang kanilang anak. Kailangang manligaw nang maayos ang anak mo bago niya mapasagot ang mga iyon,” katuwiran ng kanyang ina.
“Problema ba iyon? Hindi lugi ang sinumang babae sa anak natin. Tingnan mo naman, magandang lalaki siya tulad ko. May pinag-aralan pa at may maayos na trabaho. Kayang-kaya niyang bumuhay kahit isang dosena pa ang magiging anak nila,” pagmamalaki ng kanyang ama.
Napabuntunghininga ang mama niya. “Alam natin iyon, David. Pero hayaan nating pumili si Enzo ng babaeng gusto niya. Huwag natin siyang pangunahan. Hindi naman tayo ang makikisama sa magiging asawa niya kung hindi siya mismo.”
Napangiti si Enzo lalo na sa huling sinabi ng mama niya. “Ayoko nang pumili, ‘Ma. Ihanapan n’yo na lang ako ng babaeng gusto ninyong mapangasawa ko. Wala akong pakialam kung sino pa siya. Basta ang importante mabigyan niya kayo ng apo na gusto ninyo.”
Sinulyapan siya ng kanyang ama. “Anak, huwag mong sabihin iyan. Binigyan mo lang ang mama mo ng pagkakataon na pakialaman ang desisyon mo. Ikaw na lang ang maghanap ng mapapangasawa mo. Marami pang matino diyan. Mas matino pa kaysa kay Regine.”
Napangiti naman ang mama niya. “Tama ang papa mo, iho. Ikaw dapat ang pumili. Ayokong mangialam dahil baka masisi ako balang araw kapag nagkaproblema kayo ng mapapangasawa mo.”
Napangisi si Enzo sabay iling. “May tiwala naman ako sa iyo, ‘Ma. Hindi mo naman siguro ako ipakakasal sa babaeng bibigyan lang ako ng problema at sakit ng ulo. Sigurado ako na iyong mapipili mo ay mabuti at matinong babae. Kaya ikaw na ang bahala para magkaapo na kayo ni papa.”
Nagkatinginan ang mga magulang niya dahil sa kanyang sinabi.
“Sigurado ka na diyan sa sinasabi, iho? Ako talaga ang maghahanap ng mapapangasawa mo?” tanong ng mama niya nang muli itong tumingin sa kanya.
“One hundred one percent sure, ‘Ma,” tugon ni Enzo.
Hindi niya mapigilang matawa nang mapansin na tinapik ng papa niya ang noo nito.
“Iyong ibang anak, ayaw nilang mangialam ang kanilang mga magulang sa pagpili ng mapapanagasawa nila. Pero ikaw gusto mong kami ang pumili. Para mo na ring sinabi na hindi mo na gustong mag-asawa, anak na lang ang habol mo sa babae,” nailing na saad ng papa niya.
Hindi na umimik si Enzo pero natumbok ng kanyang ama ang gusto niyang mangyari.
Kaya naman nang sumunod na araw, may dumating na bisita sa Villa Mercedes. Nag-iisang anak daw na babae iyon ng bestfriend ng mama niya. Galing daw iyon sa London kung saan iyon nag-aral. Tumira ito sa kanila ng isang linggo para makilala nila ang isa’t isa. Pero pinauwi din ito ng mama niya nang mapansin niyang halos hindi rin niya ito kinikibo. Katuwiran nito kung hindi raw niya makasundo ang babae, walang dahilan para manatili pa ito sa bahay nila.
Sa maikling salita, kapag hindi niya nagustuhan o nakasundo, hindi na rin gusto ng mama niya.
Ilang babae pa ang nagpunta sa Villa Mercedes pero lahat iyon hanggang isang linggo lang ang itinagal. Kadalasan kasi hindi rin niya kinikibo ang mga ito. Wala siyang makasundo sa kanila.
“Hay, naku! Suko na ako. Naimbitahan ko na ang anak na babae ng mga kakilala pero wala ka pa ring magustuhan. Pumunta ka na lang sa Manila at doon ka maghanap ng mapapangasawa mo, Enzo,” utos ng mama niya.
“Sabi ko naman sa inyo kayo na lang ang pipili. Ayaw naman ninyo,” katuwiran niya.
“Ayoko nga. Bakit ako ang pipili? Useless din naman kahit gusto ko iyong babae pero hindi mo naman makasundo. Ano na lang kalalabasan ng magiging apo ko? Nabuo sila dahil lang sa egg cell at sperm cells ninyo. Sana kahit iyong babaeng makakasundo mo na lang. Pero mas mainam pa rin iyong mahal mo talaga.’
“Saan tayo maghahanap ng ganoong babae, ‘Ma?”
Matiin siyang tinitigan ng kanyang ina. “Mananalangin ako na padalhan ka ng langit ng babaeng nararapat para sa iyo, iho.”
Here we go again!