Pagkatapos ng klase ay dumiretso kami sa isang kilalang coffee shop malapit sa aming unibersidad, hindi iyon kalayuan kaya puwedeng lakarin, siguro mga nasa limampung hakbang ay mararating na namin iyon. May kalakihan iyon kaya madalas pinupuntahan ng mga kaklase ko at mga kapwa ko nag-aaral sa unibersidad na pinapasukan ko, bukod pa doon ay hindi naman din kamahalan ang mga kape nila kaya hindi mabigat sa bulsa.
Kasalukuyan kaming umupo sa isang bakanteng mesa na kasya kaming magkakaibigan, nagbigay na kami ng kaniya-kaniya naming gustong klase ng kape, inutusan namin na pumunta sa counter si Jasmine para umorder at wala namang itong angal.
Tinapunan ako nang tingin ng mga kaibigan ko, nalaman kasi nila ang nangyari at napaka-imposible namang hindi dahil sa tingin ko ay sinabi iyon ni Marvin sa kanila. Sabagay, may karapatan naman silang malaman iyon dahil malapit ko naman silang mga kaibigan.
Hinagod ni Reyly ang likod ko, ipinatong nito ang kaniyang ulo sa aking balikat at pinagpatuloy ang kaniyang ginagawa, nakita ko naman sa mga mukha ng iba kong kaibigan ang pag-aalala nila sa akin. Ngayon lang kasi ako nagkaganito simula nang mamatay si Chandria.
“Ano, ayos ka lang?” nag-aalalang sabi ni Angelo. Nakatalumbaba itong nakatingin sa akin na nakapatong ang mga siko sa mesa.
Tumango naman ako bilang sagot, nandoon pa rin ang pangamba pero hindi na katulad kanina na parang gusto ko nang himatayin.
“Ang laki na ng pinagbago mo simula ng mamatay si Chandria, madalas ka na ring matamlay tapos nangangayat ka pa,” nag-aalala din sabi ni Crissel.
“Bakit ba sa ‘yo lang nagpapakita ang sinasabi mong mga kaluluwang walang mukha?” tanong ni Marvin. Napatingin lang ako sa kaniya at nagkibit-balikat, wala kasi talaga akong ideya kung bakit ako lang.
Dumating na si Jasmine na dala ang aming kaniya-kaniyang kape, ibinigay niya iyon sa amin isa-isa at pagkatapos ay umupo na ito sa bakanteng upuan.
“Subukan kaya nating magpaalbularyo baka ini-engkanto itong kaibigan natin,” suhestiyon ni Jasmine.
Binalingan siya namin nang tingin dahil sa naging suhestiyon nito, sa panahon ngayon ay maniniwala pa rin ba kami tungkol sa mga engkanto, aswang, usog o kung anu-ano pa. Pero, iyong sinasabi ko na tungkol sa mga kaluluwang mukha na nagpapakita sa akin, tiyak na kapag nalaman ng iba iyon ay malamang sasabihin din nila na baka nasisiraan na ako ng ulo.
“Hindi kaya stress ka lang, beb.” Kinapa ni Reyly ang noo ko at parang pinakiramdaman kung nilalagnat ba ako o kung hindi. “Hindi ka naman nilalagnat. Ano bang nangyayari sa ‘yo, beb? Nag-aalala na kami!”
“Kung gusto mong magpaalbularyo o magpatingin sa dalubhasa, susuportahan ka namin,” saad na lang ni Marvin.
Napahawak na lang ako sa aking sintido, hindi naman siguro ako nasisiraan ng ulo o ‘di kaya’y may sanib, bigla tuloy kong na-stress sa mga narinig ko mula sa kanila. Ganoon na ba hindi ka normal ang mga kilos at gawi ko ngayon? Nakakabahala na ba?
“Anong desisyon mo, Ven?” tanong ni Angelo, naghihintay pa rin pala sila ng sagot ko tungkol sa mga mungkahi nila.
“Subukan nating ipatingin ako sa albularyo, tutal lahat ng mga nakikita ko ngayon ay mahirap talagang hanapan ng paliwanag. Sa palagay ko naman ay hindi pa ako nababaliw, nasa katinuan pa at lalong ‘di pa nasisiraan ng ulo.” turan at paliwanag ko.
“May kilala ba kayong albularyo na puwede nating puntahan sa linggo?” tanong ni Crissel sa amin.
“May kilala ka ba Jasmine tutal suhestiyon mo naman iyan?” saad ni Reyly.
Humigop muna sa kaniyang kape si Jasmine bago nagsalita, “Mayroon kaso may kalayuan taga Trese Martires kasi, kaibigan iyon ni papa kaya maaasikaso tayo non. Sabihan niyo lang ako kung tuloy at nang mapuntahan na natin sa linggo, kailangan ko pa kasing tanungin si papa kung saan sa Trese ‘yon. Siya lang kasi ang nakakaalam kung ano ang address non.” paliwanag niya.
“Si Ven ang makakasagot niyan,” ani Marvin, bigla tuloy akong na-pressure at napatigil sa paghigop ng kape dahil sa pagtapon nila nang tingin sa akin.
Napalunok ako nang malalim.
“Sige, tuloy tayo ngayong linggo,” napilitan kong sabi. Hindi ko alam kung tama ba ang desisyon kong iyon pero sana’y masagot na ang lahat.
“Iyon naman pala,” chorus na sabi ni Angelo at Reyly.
Pagkatapos naming magkape ay nagyaya na kaming umuwi, napag-usapan na rin namin ‘yung mangyayari sa linggo, sasabihan daw ni Jasmine ang papa niya tungkol sa kakilala nitong albularyo. Mabuti na lang ay biyernes ngayong araw at bukas ay pahinga namin sa klase, kahit paano’y makakapaghanda pa ko at makakapag-isip.
Pagdating ko sa bahay ay bukod tanging ako lang ang tao doon, sa susunod na linggo pa kasi ang uwi nila mama’t papa, nasasabik na nga ko dahil matagal-tagal na rin akong mag-isa sa bahay. Maigi na nandito sila para hindi madalas na ako lang ang mag-isa dito at isa pa nami-miss ko na rin sila.
Pagkadating ko sa tapat ng pinto ng aming bahay ay nilingon ko pa ang bahay nila Chandria, napahawak ako sa aking dibdib dahil sa labis na kabang naramdaman, baka kasi mamaya ay makita ko ang kaluluwa ng aking kaibigan sa bintana ng kuwarto nito. Nakahinga ako nang maluwag ng wala naman akong makita, matagal-tagal ko na rin kasing iniiwasan o tapunan man lang ng sulyap ang bahay nila.
Ipinatong ko ang aking sukbit na bag sa sofa pagpasok ko sa loob, umupo ako sa tabi nito at nag-unat ng aking mga kamay, kinuha ko ang aking phone sa suot kong bulsa at tiningnan kung may mensahe o tawag mula sa mga kaibigan ko. Pahagis kong inilagay sa tabi ko ang aking phone nang wala naman akong nakitang tawag o mensahe sa kanila.
Nakaramdam ako ng gutom kaya napilitan akong tumayo, pumunta ako sa kusina at dumiresto sa pridyider kung may maaaring makain, tanging itlog at mga hilaw na karne ang mga laman non. Kumuha na lang ako ng dalawang pirasong itlog para iyon ang gawin kong hapunan, sasabayan ko na rin ng corn beef para hindi na ako magsasaing, tinatamad kasi ako.
Nang maihanda ko na ang pagkain sa hapag kainan ay doon muli kong naalala sila mama’t papa, nakakamiss kasing may kasamang kumain, gusto ko na talaga silang umuwi, kaso kailangan nilang asikasuhin ang lupang namana pa nila sa kanilang mga magulang sa probinsiya at baka kapag ‘di sila pumunta ay angkinin ng mga kapatid nila ang parte na dapat ay sa kanila.
Habang nakain ay nakatulala lang akong nakatingin sa kusina, napansin ko na parang hindi pala masayang mabuhay na mag-isa, sobrang tahimik ng paligid at tila wala ka man lang maririnig na ingay. Kaya siguro ay kung anu-ano ang nakikita ko dahil gaya nga ng paniniwala ng iba ay binabahayan raw ng mga elemento ang isang bahay, kapag masyadong tahimik at wala masyadong tao sa loob.
Pagkatapos ko tuloy kumain ay naisip kong magpatugtog sa malaki naming speaker, ayon sa mga matatanda ay nakakaalis raw ng mga espiritu ang ingay na dahilan para hindi pamahayan ng mga kung anu-anong elemento ang bahay mo.
Humiga ako sa sofa at doon muna nagmuni-muni hanggang ‘di pa dinadalaw ng antok, kinalikot ko muna ang aking phone at naghanap ng malalaro, medyo nabagot kasi ako sa pakikinig ng musika kaya naghanap pa ng ibang magagawa.
Napapitlag ako ng biglang lumakas ang volume ng sound ko na halos magtakip na ako ng tainga, nagpalinga-linga tuloy ako sa paligid dahil wala namang ibang tao maliban sa akin, nagkibit-balikat na lang ako at muling humiga.
Kaso, mga ilang minuto pa lang ay muling lumakas ang volume ng tugtog ko na dahilan para ikabahala ko, naestatwa ako sa pihitan ng speaker at walang nagawa kundi patayin iyon. Napahawak ako sa aking dibdib dahil sa malakas na pintig ng puso ko. Nanginginig akong nagpalinga-linga sa paligid.
“Kung sino man kayo ay patahimikin niyo na ako, nakikiusap ako... Gusto ko nang lubayan niyo ko, natatakot na ako sa inyo,” pakikiusap ko sa kawalan.
Nag-echo lang ang boses ko, wala akong narinig kundi ang sarili ko lang din.
_______
Pagsapit ng linggo...
Maagang dumating sa bahay namin si Reyly, tumingin ako sa suot kong wristwatch at alas sais pa lang nang umaga, masyado yata siyang sabik para sa pupuntahan namin. samantalang albularyo lang naman ang pupuntahan namin sa Trese, nagtext na sa amin ang mga kaibigan namin na pupunta sila dito pasado alas siyete. Mabuti na lang ay holiday bukas at walang pasok kaya ayos lang na kahit gabihin kami sa pupuntahan namin.
Pumasok na kami sa loob ng bahay ni Reyly, ipinatong niya ang kaniyang dalang shoulder bag sa sofa at dumiretso ng comfort room dahil kanina pa daw siya tinatawag ng kalikasan. Naiwan akong mag-isa sa sala, umupo na lang ako at nagbukas ng telebisyon.
Pagpatong ko ng remote sa mesa ay nakita ko si Reyly na akala ko ay pumunta ng banyo pero mukhang umatras yata kaya bumalik dito sa sala, tahimik itong umupo malapit sa akin. Napangiti ako at bahagyang nawirduhan sa mga kilos niya ngayon tila nananahimik at masyadong seryoso.
“Akala ko ba magc-cr ka?” tanong ko na sinabayan pa ng kaunting paghagikhik, hindi nito ako nilingon at hindi din ito umimik. Wala yata sa huwisyo si Reyly at mukhang masama ang timpla niya ngayon.
Ilang beses ko siyang nililingon at hindi ako mapakali dahil naninibago ako sa kilos nito parang hindi siya ang kaibigan ko, hindi kasi siya ganiyan umupo sa amin na tila disiplinado at bukod doon ay hindi mo itong makikitang hindi nakaguhit ang mga ngiti sa labi.
“Ayos ka lang ba?” muli ko siyang tinanong, ngunit sa pangalawang pagkakataon ay wala ulit akong natanggap na tugon dito.
Inilipat ko ang channel, wala naman siyang reaksyon na sa tingin ko ay hindi karaniwan kay Reyly, kinabahan na ako, naramdaman ko ang panginginig ng mga kamay ko. Wala din tigil ang pagtulo ng mga pawis sa mukha ko, marahan ko siyang nilingon.
Nagbilang ako, isa, dalawa tatlo. Pero, natakot ako kaya bumuntong hininga muna ako nang malalim at nagbuga ng hangin. Matapang ko siyang nilingon, mas lalo kong naramdaman ang mabilis na pagtibok ng puso ko dahil wala na siya sa tabi ko.
Sinipat ko siya sa paligid hanggang sa may marinig akong kaluskos mula sa likuran ko, mukhang nasa likod yata siya ng sofa na inuupuan ko, hindi ako puwedeng magkamali dahil tila may kumakalmot sa likuran ng sofa.
Napalunok ako nang madiin, parang hindi na ako makahinga nang maayos dahil halos nagwawala na ang puso ko at gustong makawala dahil sa sobrang kaba. Nagtatalo ang isip ko, kung sisilipin ko ba ang ingay na naririnig ko o hindi. Ngunit... mas nangibabaw pa rin ang kuryosidad ko at mas pinili kong silipin kung sino ang nasa likod ng sofa.
“Sino’ng sinisilip mo diyan?” Narinig kong boses mula sa aking likod.
Nanlaki ang mata ko nang makita ko si Reyly, sa kaniya galing ang tanong na iyon, nakahinga naman ako nang maluwag dahil wala naman akong nakita sa likod ng sofa pero hindi pa rin nawawala ang panginginig ng katawan ko dahil sa sobrang kaba.
“H’wag mo naman akong takutin, beb. Wala tayong kasama sa bahay niyo kundi tayong dalawa lang, mamaya pa darating sila Angelo, wala akong karamay. Puwedeng mamaya ka na lang manakot, kapag nandiyan na sila at kumpleto na tayo?” Patakbong itong lumapit sa akin at mahigpit akong niyakap, medyo basa pa ang kamay nito na dumikit sa mukha ko galing pa naman siyang banyo.
“Wala,” pagsisinungaling ko. Kapag nagsabi kasi ako ng totoo ay malamang hindi na ito bibitaw sa pagkakayakap sa akin, mahigpit pa naman siya yumakap at parang sinasakal ka na at kulang na lang ay bawian ka ng buhay,
“Sigurado ka?” Nagpalinga-linga siya sa paligid, kahit wala siyang ideya kung may ibang tao nga sa loob ng bahay maliban sa amin.
“Oo, kaya bitawan muna ako dahil nasasakal na ako sa pagkakayakap mo,” initawan niya ako, humagikhik siya nang matitigan ako.
“Ikaw kasi, palagi mo na lang ako tinatakot,” paninisi niya.
Ilang oras ay dumating na sila, nagmadali na kaming bumiyahe sa tulong ni Marvin na may dalang van, may student driver lincense naman siya kaya, tiwala kaming marunong siyang magmaneho sadyang mas gusto lang talaga nitong mag-commute kaysa bumiyahe mag-isa.
Umupo ako sa tabi ng driver seat, iginiit kasi ni Angelo at Reyly na mas close daw kami at para may kausap si Marvin habang bumabiyahe, samantalang sa likod naman namin ang apat na naglabas na ng tsistirya at mga dala nilang pagkain. Napaismid na lang kami ni Marvin.
Sa kalagitnaan ng biyahe ay nagrequest si Angelo at Reyly na magpatugtog, mas marap daw kasing bumiyahe ng may soundtrip kaysa wala. Hindi naman umangal si Marvin, pinagbigyan nito ang gusto ng dalawa, nagpatugtog ito ng mga kanta ng ‘IV of Spades’ paborito kasi naman ang kantang ‘mundo.’ Madalas pa nga naming sabayan ‘yan noon lalo na nang unang labas pa lang ito.
“Kumusta ka?” tanong ni Marvin sa akin habang ang tingin ay nasa kalsada.
“Ayos lang naman, kaso, nandoon pa rin ang pangamba ko para sa sarili kong buhay” turan ko.
Napatingin ako sa side mirror nagkakasayahan ang apat sa likod at panay lang ang kulitan sa isa’t isa, mukhang hindi naman nila iniisip na nasa panganib ang buhay nila dahil tila ako lang naman ang pinapakitaan ng mga kaluluwang walang mukha at iyon ang isa mga ipinagtatakhan ko.
“Kinausap ko si papa bago umalis tungkol sa kaso ni Chandria, wala pa rin daw silang lead. Pero... may nakuha akong impormasyon na may pagkakahalintulad daw sa kaso ng kaibigan natin,” Napahinto ito dahil kailangan niyang iikot ang manibela dahil sa kalsada na dadaanan namin.
“Ano’ng nakuha mong impormasyon?” Napasandal ang kamay ko sa bintana ng sasakyan, may lubak-lubak kasi kaming nadaanan.
Tiningnan ako nito at muling pinihit ang ulo sa kalsada, napabuntong-hininga ito at biglang naging seryoso ang ekspresyon ng mukha.
“May isang lugar sa probinsya ng Quezon na may kaparehas ng kaso ni Chandria, kaso dekada na iyong nakalipas kaya hindi ko alam kung magiging malaking tulong ba iyon sa atin para mas makakalap ng impormasyon. Atsaka, ang sabi ni papa delikado raw ang lugar na iyon dahil may kasabihan na kapag pumasok ka sa baryong iyon ay hindi mo na muling maibabalik ang iyong mukha,” aniya.
Napakunot-noo ako sa aking mga narinig, may ganoon pa lang lugar sa Pilipinas na kapag pumunta ka sa misteryosong baryo na iyon ay hindi mo na muling maibabalik ang iyong mukha pero ang tanong sa paanong paraan? At bakit ganoon na lang ang mga paniniwala doon?
“Alam ba ng papa mo kung saan sa Quezon makikita ang lugar na iyon?” seryoso ko siyang tinitigan, napatingin siya sa akin kaso sulyap lang iyon.
“Walang sinabi si papa pero kapag umuwi ako puwede kong itanong sa kaniya. Bakit may balak ka bang puntahan ang lugar na iyon kahit delikado?”
Napatingin ako sa mga kasama ko sa likod, abala pa rin sila sa kulitan sa isa’t isa, itinuon ko ang tingin sa kalsada. Napaisip ako nang malalim sa mga sinabi ni Marvin, kakayanin ko bang pumunta sa lugar na iyon kahit delikado?
“Bakit bigla kang natahimik?” pangangamusta ni Marvin.
“Wala naman,” sambit ko.
Napakamot na lang sa kaniyang ilong dahil sa turan ko, hindi na siya muling nagtanong, siguro naramdaman nitong parang biglang ang daming bumagabag sa isip ko. Nilingon ko ang mga kasama ko sa likod. Nginitaan ako ng mga ito at nagsenyales ng puso, heto na naman sila sa pagsi-ship sa amin ni Marvin.
“s**t!” singhal ni Marvin.
Sa sobrang lakas ng pagkakapreno ay halos maiumpog ko na ang aking ulo sa harap ng sasakyan mabuti na lang ay may suot akong seatbelt. Bahagya pa akong nahilo kaya hindi ko kaagad na idilat ang mga mata ko.
Pagbuklat ko ng aking mga mata ay wala na silang lahat sa loob ng sasakyan, lumabas pala ang mga ito ng hindi ko namamalayan, pagtingin ko sa labas ay nakita ko silang kasalukuyang nakatayo at nakaharap sa akin. Napasinghap ako nang makita ang kabuuan ng mukha ng mga ito, kinusot ko ng dalawang beses ang mata ko bilang paninigurado.
Bakit lahat sila ay walang mukha? Ano ba ang nangyari?