Kabanata 3 - Panganib

2618 Words
Madalas kong tawagan si Reyly makalipas ang isang linggo pagkatapos ng libing ni Chandria, 'di ko alam kung bakit, pero masama lang ang kutob ko, 'di ko na lang ipinapaalam sa kaniya kasi alam kong matatakutin 'to. Paminsan-minsan, nakikita ko parin ang doppelganger niya sa loob ng bahay namin at sa kung saan-saan. Hindi ko alam kung ano ang gustong sabihin sa 'kin ng kaniyang doppelganger na walang mukha, basta't ang alam ko lang ay kailangan ko siyang protektahan kung sakaling masama ang ibig sabihin non. Sinubukan ko din na magsimulang mag-imbestiga ukol sa pagkamatay ni Chandria, pero sa ngayon ay wala pa akong nakukuhang mga lead na puwede kong ikalapit upang malaman ang tunay na naging pagkamatay nito. Balak ko sanang humingi ng tulong sa mga kaibigan ko pero h'wag na muna sa ngayon, saka na lang kapag talagang kailangan ko na nang tulong nila. Pakiramdam ko naman ay handa naman sila tumulong lalo na't para naman 'yon sa kaibigan naming si Chandria. Atsaka, nakakapagtaka naman talaga ang naging pagkamatay nito dahil wala naman kaming mga kaibigan niya na nabalitaan, kung nagkaroon ba ito ng kaaway, o 'di kaya'y nakasamaan ng loob, pero malaki ang tiwala ko na wala talaga. Kaya ang naging pagkamatay ng aming kaibigan ay talagang nababalutan ng misteryo at katanungan. "Nahihirapan ako sa subject natin sa accounting," angal na ani Reyly habang naglalakad kami ng pasilyo papunta sa room 201. "Hindi ka na naman siguro nag-aral at puro kalandian na naman siguro ang inatupag mo," untag ni Angelo. Sinamaan siya ng tingin ni Reyly at nagrolyo ang mga mata, ganito talaga silang dalawa palagi kapag magkasama, nagkakasundo lang sila kapag tungkol sa lalaki. "Kumusta?" siko sa 'kin ni Marvin. "Ayos lang," sambit ko. "Mamaya.. pumunta ka sa library at mag-usap tayong dal'wa," aniya sabay nagpatiuna nang maglakad sa 'min. Napakamot na lang ako sa aking noo, ano kaya ang gusto nitong sabihin sa 'kin? Pagdating namin sa pintuan ay marahas na tinabig gamit ng siko ni Jasmine si Crissel na dahilan para masubsob ito sa pinto, nagulat kami sa ginawa nito pero alam namin na nagsisimula na naman ang dalawa na mag-asaran. "Aray ko!" bulalas niya. Napahawak siya sa kaniyang noo na siyang napuruhan ng husto. "Magpataba ka kasi nang hindi ka palampa-lampa diyan na babae ka!" Ani Jasmine habang naghihintay na pagbuksan kami ng pinto ni Crissel. "Ang lakas mo talagang baboy ka!" bwelta niya "Gaga! Hindi mo 'ko kagaya na kahit ano'ng kain, eh, nataba," walang nagawa si Crissel kundi pagbuksan na lang kami ng pinto. Maya-maya biglang humirit nang malakas na tawa si Crissel, kasalukuyan palang kami non na papasok sa loob ng silid. Marahil ito na naman siya pangangasar niya gamit ang malakas na pagtawa dahil sa may katabaan na pangangatawan ni Jasmine. Pag-upo namin ay may narinig kaming malakas na lagabog ng upuan, nakita na lang namin si Crissel na nakaupo sa sahig at naitulak pa ang mga nakahilerang upuan dahil sa lakas na pagkakahawi ng pwet sa kaniya ni Jasmine. Nagtawanan na lang ang mga kaklase namin sa subject na accounting dahil sa ginagawa ng dalawa, para talaga silang mga nasa high school pa na panay ang hiritan sa isa't-isa. Pag-upo namin lahat ay dumating na ang aming guro sa accounting na sir Yuri, narinig ko ang ipit at pigil na hiyaw ni Angelo, may lihim kasi itong pagtingin dito. Sabagay, hindi lang naman siya ang nagkakagusto dito dahil halos lahat ng mga kaklase naming babae ay nagkakacrush sa kaniya. Maliban siguro sa 'kin na walang interes sa karisma ng pagiging kalbo niya, inaamin ko hindi namin siya pangit, hindi din naman siya kagwapuhan pero iba kase ang nabibigay na karisma niya sa mga kababaihan dahil sa taglay nitong galing sa pagtuturo at talino. Matapos ang dalawang oras na pagtuturo ay natapos din ang klase, kaya heto na naman kami at kailangan namin maghintay ng tatlong oras para sa susunod na subject. Hindi ko maintindihan kung bakit ganito ang mga schedule sa kolehiyo, napakahaba ng susunod na subject, tapos hindi naman gano'n karami ang subject sa isang araw, kaya nga madalas mong makikita sa mall ang ilang mga college student, kagaya ko dahil doon nagpapalipas ng oras. "Nasaan nga pala si Marvin?" tanong ni Angelo na bahagya pang hinawi ang humarang na mahaba niyang buhok sa kaniyang mukha. "Hindi ko napansin," turan ni Reyly na ang atensyon ay nasa screen ng kaniyang phone. "Baka... bumili lang 'yon o 'di kaya'y tinawagan ng papa niyang pulis" ani Jasmine habang abala sa pakikipagkulitan kay Crissel. Aalis na sana ako nang palihim para puntahan si Marvin pero agad akong sinita ni Angelo. "Saan ka pupunta?" aniya. "Kailangan ba lagi tayong magkakasama?" pangangatwiran ko. Hindi na ito sumagot at hinayaan na akong iwan sila sa lobby, mabilis naman akong naglakad papunta sa library, doon kasi sinabi ni Marvin na magkita kami. Alam ko naman na ayaw niyang ipaalam iyon sa mga kasama namin dahil ni wala nga silang ideya na sinabihan ako nito na nais nitong makipagkita sa 'kin sa loob ng library. Minsan, talaga mahirap basahin ang nasa isip ni Marvin kahit na matagal na kaming magkakaibigan ng mga ito, siya lang kasi ang natatanging lalaki sa grupo namin. Lalaki din naman si Angelo pero hindi ito straight katulad ni Marvin, kaya ang asal at galaw parin nito ay kilos babae. Pagpasok ko sa library ay sinipat ko siya paligid, nakita ko siya sa isang sulok malayo sa mga nagkukumpulan na ibang mga mag-aaral dito sa aming university. Abala lang ito sa pagbabasa ng international novel. Sa katunayan, madalas ay kinukuwento naman nito ang mga nababasa niyang mga libro sa amin pero wala kasi kaming hilig dito kaya hinahayaan na lang namin siya na magkuwento. Tumikhim ako para makuha ang kaniyang atensyon. Napatingin ito sa akin at umayos nang pagkakaupo. "Sorry, nasa kasukdulan na ako ng kwento kaya hindi ko na napapansin ang mga nasa paligid ko," paliwanag niya. "Ano ka ba, ayos lang 'yon," sambit ko na hinawi-hawi pa ang kanang kamay ko. Umupo ako sa tapat niya, tumingin siya sa 'kin at dalawang beses pa na kumurap, naghintay ako ng ilang segundo para sabihin nito ang pakay niya kung bakit gusto nitong makipagkita sa 'kin sa library pero nabigo ako. Kahit kailan talaga itong si Marvin hindi marunong magsimula nang usapan, sabagay, kinulit lang naman talaga namin siya para maging bahagi ng grupo namin at ayon nga nagustuhan naman nito na maging kaibigan kami. "Bakit mo pala ako gustong makausap at dito pa sa library?" pagbasag ko sa katahimikan. Naalarma siya sa tanong ko at mabilis na may kinuha sa kaniyang bag, inilapag niya iyon sa mesa na nasa pagitan namin. Tatlong piraso ng mga larawan, nakataob ang mga 'yon. Inilahad ko ang aking mga kamay sa mesa. Hinarap ko isa-isa ang mga nasa larawan at nagulat ako sa mga nakita ko kung sino ang nandoon. Napatakip pa ako ng bibig dahil sa itsura at kung paano ito uodin at halos 'di na makilala dahil sa pag-agnas. "Wala parin bang lead ang papa mo, kung sino ang gumawa nito sa kaniya?" binitawan ko ang mga hawak kong litrato at inilapag iyon na nakataob sa mesa. "Wala nga silang makuhang lead at mukhang maisasara ang kaso niya kapag nagpatuloy ang kaso niya ng gano'n," turan nito. "Ang totoo niyan ay nagsasagawa na rin ako ng sarili kong pag-iimbestiga," pag-amin ko. Kinuha niya ang mga litratong nilapag ko sa sahig at muli niya itong ikinubli sa loob ng kaniyang bag, bahagyang siyang napakunot-noo at tinapunan ako nang tingin. "Alam mo bang delikado 'yang ginagawa mo?" sermon niya. "Aware naman ako, pero 'di ako mapakali, hanggang ngayon kasi inaabala parin ako ng mga kaluluwang walang mukha, at natatakot din ako na baka mapahamak si Reyly," pagpapaliwanag ko. "Si Reyly?" Tumango ako ng dalawang beses. "Natatandaan mo ba nang pumunta tayo sa burol ni Chandria?" tumango din ito ng dalawang beses bilang sagot. "May nakita akong doppelganger ni Reyly, mag-kasing-katawan at halos siya talaga maliban lang sa— mukha nito dahil nababalutan din iyon nang makapal na balat" ani ko. "Bakit si Reyly?" muli niyang tanong. "Iyon nga ang ipinagtatakhan ko, kung bakit si Reyly? Kung bakit may doppelganger siya? At kung ano ang ikinalaman niya sa pagkamatay ni Chandria?" "Hindi kaya warning 'to o sign na posibleng nasa panganib ang buhay niya?" Bigla akong nakaramdam ng mabilis na kabog sa dibdib ko, ayokong aminin na iyon nga siguro ang ibig sabihin ng doppelganger ni Reyly, pilit kong iginigiit at isinisiksik sa utak ko na baka wala lang ibig sabihin ang mga 'yon pero alam ko na nasa panganib ang buhay nito sa hindi ko malaman na dahilan kung bakit. "Okay ka lang?" hinawakan ni Marvin ang kamay ko. Nanginginig pala ang mga 'yon, nagsisimula na naman pala akong mataranta, ganito palagi ang nangyayari sa 'kin kapag hinahayaan kong lamunin ako ng takot na nararamdaman ko. Hindi na namin natapos ang usapan naman ni Marvin, nagdesisyon itong sa mga susunod na araw na lang, kaya heto kami ngayong dal'wa magkasabay na pumunta sa lobby kung nasaan ang mga kaibigan namin. Sinalubong kami nang nakakalokong mga tingin at ngiti ni Angelo at Reyly tila sinasabi ng mga ito na may namamagitan sa aming dalawa na alam kong wala naman, magkaibigan lang ang turingan namin sa isa't-isa at hindi iyon lalagpas sa katulad nang inaasahan ng dalawang 'to. Pag-upo ko sa tabi ni Reyly ay tinusok-tusok nito ang tagiliran ko, napapangiwi naman ako dahil malakas ang kiliti ko doon, kapag mga ganitong bagay talaga ay palaging aktibo ang dalawa sa kalokohan. Siniko ako ni Angelo na na nasa tabi ko, pinapagitnaan pala ako ng dalawang 'to, ngumunguso pa ito at tinuturo si Marvin na abala lang sa pagbabasa ng libro, kahit naman kasi walang malisya minsan ay nagkakaroon pagdating sa dal'wang 'to. Naubos ang tatlong oras na paghihintay ko sa susunod na subject namin sa pangungulit ng dalawa kung nasaan n daw ng level ang relasyon namin, wala naman akong maibigay na sagot sa dalawa kasi wala naman talagang namamagitan sa aming dalawa, mga tamang hinala lang talaga sila. May speech pala kami ngayon sa susunod namin na subject na English, may pagkamasungit at pagkamahigpit pa naman itong si Miss Lucreda, ayaw din nito na nahuhuli sa kaniyang klase dahil hindi ka na niya papapasukin. Kaya sa t'wing nakapasok na ito sa silid ay sinasarado nito ang pinto para tiyak na walang manggugulo o walang gagambala sa kaniyang pagtuturo, kaya kapag malapit nang sumapit ang oras ng klase niya ay nakikita namin ang mga kaklase namin sa subject niya na naghihintay na payagan silang makapasok sa room 201 kahit may tatlumpu't minuto pang natitira. "Handa na ba kayo sa ire-recite na monologue?" Ani Angelo sa 'min. "Kung sinoman ang nakapaghanda ay tiyak na makakatikim ng dagan ng higante," malalim at tila seryong saad ni Jasmine. "Go, baboy!" singit ni Crissel na may pagtaas-taas pa ng kamay. Mabilis naman nakailag si Crissel sa pagbabantang pagtulak sa kaniya ni Jasmine, kaya ayon pumunta sa isang tabi habang walang tigil ang pagtawa at tila nasisiraan ng ulo na panay ang pagdila sa kaibigan niyang naisahan. "Ayaw niyo bang umupo?" sita ni Marvin na umupo sa isang hilerang bakanteng mga upuan. "Upo na daw tayo, sabi ng prinsipe mo," napailing-iling nalang ako sa naging hirit ni Angelo. Sapilitan pa nila akong pinaupo sa tabi ni Marvin, kahit wala lang naman sa 'kin, ang resulta ay itong dalawa tuloy ay halos mapatalon sa kilig. Mabuti na lang ay sanay na si Marvin at ako sa mga ganitong pahirit lagi ng dalawa, lahat na lang kase ng lalaking lalapit sa 'kin, binibigyan nila ng malisya. Pagdating ni Miss Lucreda ay nabalutan nang katahimikan ang buong silid, napansin ko naman ang bahagyang pagngiti ni Reyly at Angelo na marahil ay may naiisip na naman sigurong kalokohan. Humarap ako sa white board kung saan kasalukuyang nakatalikod doon ang prof namin ngayong araw. Katulad ng palagi nitong ginagawa ay nilo-lock nito ang pinto at sinisiguradong hindi makakapasok ang mga nahuling mga kaklase namin na papasok sa klase niya. Sa itsura palang ni Miss Lucreda ay mukhang masungit na, nakapusod ang buhok, manipis ang kilay at pulang-pula ang suot na lipstick. Kailangan ay terno palagi ang suot nito mula sa mga borloloy hanggang sa suot nitong sandals na kulay dugo. Napangiwi ako dahil mga ilang minuto palang ay nakaramdam ako na kailangan kong pumunta ng cr, ayaw pa naman nito na naiistorbo siya, kaya ayon lakas loob na lang akong itinaas ang aking kaliwang kamay. "Excuse me, miss," pagpapaalam ko sabay nagmamadaling lumabas ng silid. Wala naman tao sa loob ng cr, tanging ako lang kaya pumasok na ako sa isang bakanteng cubicle, pangalawa sa dulo, ni-lock ko muna 'yon bago ako naghubad ng palda at ng undies ko. Habang naihi ay may narinig akong mga yabag, kaya yumuko ako para silipin ang mga pumapasok sa loob, nakakapagtaka lang dahil mga nakayapak ang mga nakita ko, sa tantiya ko ay tatlo silang babae. Hindi ko pinansin ang mga 'yon, maya-maya ay narinig ko ang malakas na kabog sa ilang cubicle, tila may inuumpog na ulo roon, kaya binilisan ko ang pag-ihi, para kasing may kakaiba akong nararamdaman sa paligid, parang may hindi tama. Nang tuluyan ko nang maisuot nang maayos ang undies at palda ko ay narinig ko ang malakas na kalabog sa pinto ng cubicle kung nasaan ako, sa una ay mahina lang ang mga 'yon pero patagal nang patagal ay palakas ng palakas ang kalabog kaya nagdesisyon akong h'wag muna buksan iyon. Napasandal ako sa dingding habang nakatakip ang mga bibig, ilang saglit lang ay nawala ang mga kalabog, mas lalo akong kinabahan at natakot. Umupo ako at iniyuko ang aking ulo para silipin kung naroon parin ang mga kumakalampog sa pinto ng mga cubicle pero wala akong nakitang mga paa. Marahil, lumabas na siguro ang mga 'yon. Nakahinga ako nang maluwag at pinunasan pa gamit ng palad ko ang aking pawis na tumutulo sa aking pisngi, tumayo ako at hawak-hawak na ang siradura ng pinto ng may narinig akong mga kaluskos galing mula sa likod ko. Nanginginig akong lumingon, dahan-dahan iyon. Maya-maya ay nagulat ako dahil inihuhulog ng mga kaluluwang walang mukha ang kanilang sarili sa loob ng cubicle kung nasaan ako, natataranta kong pinihit ang siradura para mabuksan ang pinto. Nakita ko kung paano maumpog ang mga ulo ng mga kaluluwang walang mukha sa bowl at sa sahig, dahil ang una nilang binabagsak ay ang kanilang mga ulo, kaya maririnig mo rin ang malalakas na lagatok na parang nababaling mga buto o kaya nababasag. Tatlong babae iyon na hindi ko kilala kung sino, kaya nang tuluyan kong mabuksan ang pinto ng cubicle ay nagtatakbo akong lumabas ng cr, tumingin pa ako sa likod kung nasundan ba nila ako ngunit tanging sarili ko lamang ang natagpuan ko. Napaupo ako sa sahig nang maumpog ang aking katawan sa nakatayong babae, napapikit at napangiwi pa ako sa malakas na pagkakasalampak ko. Pagtingala ko kasabay nang pagdilat ng mga mata ko ay nakita ko ang itsura ng babaeng nabunggo ko. Iyon ang doppelganger ni Reyly na walang mukha, naging alarma ito at ginalaw-galaw ang leeg at tila hinahanap kung nasaan ang bumunggo sa kaniya, napasipa ako ng mga paa ko upang makalayo sa kaniya. Kinapa ako nito sa sahig hanggang sa mahawakan nito ang aking kaliwang paa, sinipa-sipa ko siya ngunit malakas ang pagkakahawak niya sa 'kin. Pagapang itong lumapit sa akin at tila may kinakapa hanggang sa makarating ito sa aking leeg. "Ano'ng nangyayari sa'yo?" narinig kong sabi ni Marvin habang inaalalayan akong tumayo. Pagsulyap ko sa kaniya ay nagulat akong bigla na lang naglaho ang nakita kong doppelganger ni Reyly, sinuri ko ang paligid kung naroon parin ang mga ‘yon ngunit hindi ko na ito makita. Napatingin ako sa aking katawan, wala naman akong nakitang mga pasa o sugat. Hindi lang pala si Reyly ang nasa panganib ang buhay dahil maging ako. Isa lang ang natiyak ko ngayong araw. Hindi man nila ako nakikita, pero kaya naman nila akong maramdaman gamit ang mga pandinig nila.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD