Kinumpas-kumpas ni Angelo ang kaniyang kamay para makuha ang atensyon ko, 'di ko kasi napansin na nakatulala pala ako, napatingin ako sa kaniya dahil doon. Ngumiti ito sa 'kin at tinapik ako sa likod.
"Alam kong mahirap tanggapin na hindi na natin makakasama at makikita kahit kailan si Chandria," malungkot nitong sabi.
Muli kong nilingon kung nandoon pa 'yung kaluluwa na kasing katawan ni Reyly pero tanging mga upuan na hilera na lang ang nakikita ko habang nakaupo ang ilan siguro'y kamag-anak ng pamilya Buendia, may nakita kasi akong kahawig ni Chandria.
Hinanap ko sa buong sala gamit ang aking paningin ang nakita kong doppelganger ni Reyly na nakasuot ng puting dress at walang mukha, pero hindi ko na ito makita kahit saan.
"Sino'ng hinahanap mo?" tanong ni Jasmine na nilibot ang tingin sa paligid at tila naghanap din kahit walang ideya.
"Wala," sambit ko.
Nagkibit-balikat na lang si Jasmine, niyaya kami ni Crissel na pumunta at sumilip sa kabaong ng aming kaibigan, naglakad kami sa gitna ng sama-sama, isa-isa kaming sumilip hanggang sa dumating na iyong oras para ako naman ang dumungaw sa loob ng kabaong.
Napabuntong-hininga ako nang malalim, sobrang lapit ko sa kabaong ni Chandria, tinapunan ko muna ng tingin ang mga kaibigan kong sama-samang nasa bandang uluhan ng kahon, humakbang ako ng dalawang beses at lakas-loob na sinilip ang aking kaibigan.
Napatingin ako ng seryoso sa mga kaibigan ko, nakita ko ang lungkot sa mga mata nila, kahit na kapit-bahay ako ni Chandria ay wala akong ideya kung ano tunay na nangyari sa kaniya.
Ang tanging nalaman ko lang, sa tulong ng mga tsismosa naming kapit-bahay na dumayo pa sa aming bahay para makipagkuwentuhan at ikalat 'yong mga nasagap lang din nilang balita sa iba. Na itong si Aling Beth at Manong Berto ay nakitang walang nang buhay ang kanilang anak sa loob ng kwarto.
Iyon lang tanging nalaman ko tungkol sa pagkamatay ni Chandria kaya wala akong ideya kung bakit nakatakip ang mukha nito sa loob ng kabaong, may lumapit sa 'kin at niyakap ako sa likod.
"Mabuti napadalaw ka, hija" medyo paos na sabi ni Aling Beth.
Nang bumitiw ito sa pagkakayakap ay humarap ako rito, nakita ko ang malungkot at namumugtong mga mata ni Aling Beth, bagsak din ang mga balikat nito na tila walang gana sa lahat ng bagay.
"Pasensiya na po, a, marami po kaseng nangyari pagkatapos mamatay ni Chandria," pagpapaliwanag ko.
"Ayos lang 'yon," tinapik niya ko sa likod, "Maupo tayo dito." anyaya niya sa 'ming magkakaibigan.
Umupo kami sa isang hilerang nakareserba daw para sa mga bisita katulad namin, matapos niya kaming ihatid sa 'ming puwesto ay iniwan na kami nito at umupo sa isang bangko malapit sa ipinaghihimlayan ng kaniyang anak.
Tumikhim nang malakas si Marvin para agawin ang aming atensyon, kaya tinapunan namin siya ng tingin dahil doon, ginantihan naman niya kami ng tingin at sumenyas na pumunta raw kaming labas.
Wala kaming ideya na sinundan siya hanggang sa makahanap kami ng puwesto malayo sa mga bisita at kami lang ang naroon, nagpalinga-linga muna sa paligid si Marvin bago magsimulang magsalita.
"May nalaman ako tungkol sa pagkamatay ni Chandria," panimula at pabulong niyang sabi, parang tumalas naman ang mga pandinig namin dahil sa mga narinig namin.
Mas umabante pa kami lalo palapit sa kaniya.
"Naikuwento sa 'kin ni papa 'yung tungkol sa kaso ni Chandria," dugtong nito.
Sabagay, no'ng araw na 'yon namukhaan ko pala 'yong papa niya na isa sa mga pulis na nagrescue.
"Ano daw sabi?" untag ni Angelo.
"Nakitang nakadapa si Chandria ng kaniyang mga magulang sa sahig ng kaniyang kwarto, kaya itong si tita Beth agad na tumawag ng pulis sa tulong ng kaniyang asawa, tapos may ipinakitang larawan sa 'kin si papa kung ano 'yong naging itsura ng kanilang anak, o sa madaling salita ang kaibigan nating si Chandria," kuwento nito.
"Nang iniharap ni tita Beth para pulsuhan ang kaniyang anak ay nagulat siya sa itsura nito at napatili, kaya no'ng araw na 'yon halos buong baranggay raw ang nakarinig at ito 'yong ikakabigla niyo—" nagpabitin pa ito ng sasabihin sa huli at isa-isa niya kaming tinapunan ng tingin.
"Dahil 'yong itsura ni Chandria ay halos 'di na makilala, nakita ko doon sa larawan na ipinakita sa 'kin ni papa na parang naagnas na 'yong itsura nito, punong-puno din ito ng sugat sa buong mukha. Atsaka nga pala, si papa ang humawak ng kaso ni Chandria kaya naikuwento niya sa 'kin 'yon."
Nagsimula na namang nagyakapan ang tatlo, sila Reyly, Jasmine at Crissel, gusto sana nilang tumili pero pinipigilan nila dahil baka mapagalitan sila ng ilang nakikipaglamay naming kapit-bahay na nakatambay sa labas.
Bigla tuloy akong napaisip tungkol sa nakita ko no'ng araw na namatay si Chandria, kaya pala gano'n naging kalakas ang hiyaw ni Aling Beth at naging hagulgol nito dahil halos hindi na pala makilala 'yong anak niya. At, kaya siguro gano'on ang itsura ng kaluluwa ng aming kaibigan dahil parang binura ang mukha nito bago ito pinatay.
Ang nakakapagtaka lang ay ano ang motibo ng salarin bakit niya kailangan patayin si Chandria at sa gano'ng klaseng pagkitil pa?
Mabait, maganda at masiyahin namin na kaibigan itong si Chandria at bukod doon ay kababata ko ito kaya alam ko halos lahat ng mga kakilala nito, parehas pa kami ng circle of friends at maging ng kurso. Wala akong maisip o ideya kung sino ang puwede nitong gumawa sa kaniya.
Hindi naman puwede si Angelo dahil mas mahinhin pa ito sa babae, minsan nga mas natatalbugan pa kami ng kagandahan ng baklang 'yan, akala nga namin noong unang tingin ay babae itong tunay pero mabuti na lang nakita namin 'yong malaking adam apples niya at narinig ‘yong boses niya na may pagkamalalim.
Kung titingnan mo pa lang si Reyly at kung paano ito maging matatakutin sa lahat ng bagay ay hindi mo na ito puwedeng pagbintangan na mamamatay tao, atsaka kahit na hindi naman pinalad sa ilong 'yan, may maganda naman itong kurba ng katawan at kutis. Parehas pa sila ni Angelo niyan na singkit ang mga mata.
Si Crissel naman ay may pagkamaliit at patpatin tulad ko atsaka wala naman inatupag 'yan kundi tumawa at makipag-asaran kay Jasmine. Lalong-lalo na si Jasmine na wala naman ginawa sa buhay kundi ang kumain at lumamon, kaya nga pataba ng pataba, eh.
Kung may posible naman sa aming circle of friends ni Chandria na gumawa ng gano'ng klaseng krimen sa kaniya ay si Marvin 'yon, kahit na medyo mahilig itong magbasa at magdrawing. May pagkamalapad ang katawan nito na puwedeng maging isang serial killer pero alam kong imposible 'yon dahil isang pulis ang kaniyang itay at wala naman itong sama ng loob sa kaibigan naming si Chandria.
At, samantalang ako naman ay tulog nang mangyari ang pagkamatay ni Chandria, baka nga kung hindi pa tumili ng sobrang lakas si Aling Beth ay mababalitaan ko na lang sa mga kapit-bahay naming mga tsismosa kung ano ang sinapit ng aking kaibigan.
Pagsapit ng alas tres ay nagyaya na silang matulog para sa libing bukas ni Chandria na alas otso nang umaga, nagdala na pala ng kaniya-kaniyang gamit para sa susuotin bukas ang mga ito ng wala man lang pasabi sa 'kin.
Si Reyly pala ang naging pasimuno nang lahat ng planong ‘yon, tinext niya ang mga ito nang tinawagan ko siya kanina, wala naman akong nagawa dahil wala naman dito sila mama at papa.
Atsaka, mas mainam na may kasama ako ngayon dahil panay ang pagpapakita sa 'kin ng kung anu-anong espiritu, hindi ko nga alam kung bakit nakakakita ako ng mga kaluluwa, wala naman akong third eye simula pagkabata, kaya nakakapagtaka kung bakit simula nang mamatay si Chandria ay nakakakita na ako ng mga kaluluwang walang mukha.
"Makakatulog ba tayo kung sama-sama tayong matutulog?" bungad na tanong ni Jasmine pagpasok ng bahay.
"Basta't hindi namin maririnig ang malakas na hilik mo, siguro baka makatulog kami kahit dal’wang oras lang," untag ni Crissel.
"Daganan kita diyan, e."
Nagsimula nang humikab si Angelo at mag-unat naman ng kaniyang mga kamay si Marvin marahil dinadalaw na sila ng antok, napansin ko rin ang pananahimik ni Reyly na bibihira naming makitang maubusan ng enerhiya.
"Akyat muna ako sa kwart ko para makapaglatag nang matutulugan natin," paalam ko.
"Kailangan mo pa ng tulong?" mungkahi ni Marvin.
"Hindi na, saglit lang ako, maglalatag lang naman," turan ko sabay iniwan ko na sila at umakyat sa taas ng kwarto ko.
Bago ko tuluyang pihitin ang siradura ay napansin ko ang nakabaligtad na crucifix na idinikit ko sa pinto, inayos ko ito at saka muling pinihit ito at pumasok sa loob ng kwarto ko. Kaagad akong pumunta sa malaking aparador para maghanap ng sobrang kumot at malambot na banig.
Inilatag ko ang mga nakuha kong kumot at malambot na banig sa aking kama, inamoy-amoy ko ang mga iyon kung puwede pa gamitin at sa tingin ko maayos pa naman, wala naman kasi akong naamoy na kakaiba, 'yon nga lang 'di na siya amoy downy.
Narinig ko ang mga malalakas na yabag sa hagdan at paglingon ko sa aking likuran ay nakita kong nakatayo roon si Marvin, iniwan ko palang bukas ang pinto, lumapit ito sa 'kin at tinulungan ako sa ginagawa kong pagpili ng mga kumot.
"Kaya siguro kung anu-ano ang nakikita mo dahil mag-isa ka lang sa may kalakihan na bahay niyo," pambasag nito sa katahimikan.
"Lumuwas kasi sila mama at papa sa probinsiya ngayon, uuwi namin sila, siguro mga sampung araw lang sila doon," saad ko.
"Mabuti kung gano'n, para naman may kasama ka na sa bahay at 'di ka dito mag-isa lalo na't parang delikado ngayon sa baranggay niyo, 'di pa naman nahuhuli ang pumatay kay Chandria," aniya.
"Sa tingin mo may pumatay talaga kay Chandria?"
"Hindi ko alam, pero kung may pumatay man sa kaniya, sa tingin mo, sino kaya 'yon?"
Napapitlag kaming dalawa nang biglang mahulog sa sahig ang nakatayong crucifix na nakapatong sa aking maliit na mesa, sa tabi ng aking kama, dinampot ko iyon at ipinatong muli sa pinaglalagyan nito.
Pero, may napansin akong kakaiba sa ilalim ng kama ko, may nakadungaw na ulo na walang mukha, hindi ko ito agad napansin kanina dahil hindi namin ito gumagalaw hanggang sa napansin ko ang mahaba nitong buhok na nakalatag sa sahig.
Napatakip ako ng bibig habang maingat at marahan akong umatras palayo sa aking kama, napansin ko ang pagtataka sa mukha ni Marvin na walang ideya sa kung ano ang nangyayari, yumuko ako para makita kung naroon parin 'yong nilalang na nakita ko, hindi parin ito gumagalaw at nakadungaw lang ang ulo sa ilalim ng kama.
Sa kakaatras ko ay napatid ako sa sarili kong mga paa, napaupo ako sa sahig, hindi ko parin tinanggal ang tingin ko sa nilalang na nasa ilalim ng kama ko, madiin kong tinakpan ang aking bibig at 'di gumalaw sa aking pinupuwestuhan.
Maya-maya ay napansin ko ang marahan na pagliko ng ulo nito patungo sa aking puwesto, nakarinig ako nang malakas na lagatok ng mga buto, parang natutuping lata at binabaling malulutong na bagay.
Lumabas sa ilalim ng kama ko ang batang babae pala nang paatras, nakabaligtad itong gumapang palapit sa 'kin, kaya pakumpas-kumpas ako ng kamay na pilit siyang tinataboy habang sumisigaw, napansin ko na lang na may nakahawak sa mga balikat ko at sa magkabilaan kong braso, may humihila sa akin palayo, si Marvin pala 'yon.
Nakita ko kung paano gumapang sa dingding ng aking kwarto ang batang babae na walang mukha hanggang sa makarating ito sa kisame, nagpatuloy itong gumapang hanggang sa makalabas ng aking kwarto.
Nakita ko ang gulat na gulat at nag-aalalang mukha ng mga kaibigan ko, maging sila ay nagtataka kung ano ang nangyayari, napaiyak na lang ako nang matiyak kong wala na sa loob ng kwarto ko ang nilalang na nakita ko.
"Ano ang nangyari?" nag-aalalang sabi ni Reyly na mabilis akong sinunggaban ng yakap.
"Bakit sumigaw si Ven?" tanong naman ni Crissel.
"Hindi ko alam," turan naman ni Marvin.
Marami pa silang binatong tanong pero wala silang nakuhang matinong sagot mula sa 'kin, umiyak lang ako nang umiyak tapos ay parang baliw na bigla na lang natutulala sa isang tabi.
Kinabukasan...
Maaga kaming nakapag-asikasong lahat, hindi kasi kami natulog at buong magdamag na gising, kasalukuyan na kaming nasa labas ng bahay sa tapat ng bahay nila Chandria, nakahanda na ang lahat ng makikilibing.
Saktong alas otso ay inilabas na ang kabaong ng aming kaibigan, muling narinig ang malakas na panaghoy ng isang ina na kahit kailan 'di na muling makakasama ang kaniyang nag-iisang anak, kasalukuyan nitong hawak-hawak ang malaking picture frame ni Chandria.
Isinakay na ito sa loob ng karo sa tulong ng anim na taong tumulong para buhatin ang kabaong, narinig ko ang kalansing ng mga barya na binabato at pagbasag ng mga bote sa dingding, mga pamahiin na hindi na nawawala sa mga libing.
Dumaan muna sa chapel at nagsagawa ng misa at nagbigay ng uerology ang lahat ng mga malalapit na pamilya at matalik na kaibigan ni Chandria, kasama ako sa mga nagbigay ng huling mensahe para sa kaniya.
Pagdating namin sa sementeryo ay muling malalakas na hagulgol ang narinig namin sa lahat ng mga naging malapit sa aming kaibigan, maging ako ay hindi napigilan na hindi bumuhos ang mga luha.
"Kawawa naman si Chandria, hindi ko akalain na magiging ganito lang kaiksi ang kaniyang buhay," saad ni Crissel habang nakapatong ang ulo sa balikat ni Jasmine.
"Hanggang sa muli, mahal naming kaibigang Chandria," napasinghot pa na saad ni Jasmine.
"Paalam," sambit ko.
Kaniya-kaniya kaming hagis ng isang bulaklak sa libingan ni Chandria, pagkatapos non ay nakita namin kung paano tapunan ng lupa at tabunan ang malalim niyang hukay, doon ay mas lalo akong nasaktan dahil ganoon lang pala kabilis ang buhay.
"Sa tingin niyo kung nasaan man ngayon si Chandria ay masaya na siya at payapa?" biglang tanong ni Marvin.
Kasalukuyan na kaming naglalakad ngayon palabas ng sementeryo at binabalak na magkaniya-kaniyang uwi.
"Oo, naman," turan ni Crissel.
"Sa langit kaya mapupunta ang kaluluwa ni Chandria?" tanong ni Jasmine
"Kung meron man hindi makakapunta sa langit si Angelo 'yon, kasi masyado siyang magandang bakla para papasukin sa langit," hinawian ng buhok ni Angelo si Reyly.
"Ewan ko sa 'yo na babae ka! Basta ako kahit bakla, makakapunta ko sa langit tapos syo-syotain ko si si San Pedro," bwelta niya.
Napuno na lang ng halakhakan matapos iyon sabihin ni Angelo, pagdating namin sa highway ay sumakay na ng jeepney si Crissel at Jasmine, magdadalawang sakay pa kasi ng jeep ang mga ito kapag bus ang sinakyan nila, sumunod si Angelo at Marvin na sumakay ng bus, parehas kasi sila ng daan pauwi, naiwan kaming dalawa ni Reyly na tumawid muna sa kalsada dahil sa ibang daan ang uwi namin.
Nagpaubaya na kaming paunahin silang makasakay dahil ‘di naman kase kalayuan sa 'min ngayon ang lugar kung nasaan kami, pumara kami ng bus paglipas ng ilang minuto, sabay kaming sumakay doon at magkatabing umupo sa likod.
Kasalukuang nakadungaw ngayon sa bintana si Reyly, nagpasak naman ako ng earphone sa aking tainga, naghanap ako ng magandang playlist, naisip kong magmarathon ng kanta ng bts, tutal matagal narin akong hindi na nakakadinig ng mga kanta nila.
Kinalabit ako sa balikat ni Reyly, nilingon ko siya dahil doon, nanlaki ang mga mata ko dahil sa nakita kong itsura niya.
Inuuod siya at naaagnas.