Kabanata 1 - Burol

2541 Words
Pangalawang araw na nang burol ni Chandria, panay pa rin ang text sa 'kin nila Reyly, Jasmine, Angelo, Marvin at Crissel kung kailan raw ako pupunta sa burol ng yumao naming kaibigan. Gusto ko sana silang replyan sa mga text at tawag nila at sabihin na ayokong makipaglamay, ayokong pumunta, kaso, alam kong magagalit sila kapag sinabi ko 'yon. Wala naman isyu sa 'kin 'yong distansiya nang pinagbuburulan, katapat lang kasi naman ng bahay namin kung saan nakaburol ngayon ang bangkay ni Chandria, ngunit hindi ko pa rin magawang dumalaw sa burol nito, mga sampung hakbang lang naman mula sa tapat ng aming pinto ay pakiwari ko ay makakarating na ako sa loob ng bahay nila na kung saan ngayon nakahimlay ang katawan nito. Hindi kasi nila alam na palagi kong nakikita ang kaluluwa ni Chandria, minsa'y bigla na lang itong sumusulpot kung saan-saan, makikita mo na lang itong nakatayo sa tapat ng pinto nila o 'di kaya'y nakatayo sa gitna ng daan. Dahil doon palagi nang nakasarado ang aking bintana sa loob ng aking kwarto na tinakpan ko pa ng makapal na kurtina para masiguradong hindi makakasilip ang liwanag sa labas kahit na munting butas. Naglagay narin ako ng crucifix sa uluhan ng aking kama upang makasigurado na hindi ako gagambalain ng kahit anomang espiritu. Ang totoo kasi niyan ay simula nang mamatay si Chandria ay madalas na akong makakita ng mga kaluluwang walang mukha, hindi ko alam kung bakit nakikita ko sila at kung bakit sila nagpapakita sa 'kin. Pero, may nalaman ako tungkol sa kanila, nalaman ko lang ito kamakailan at iyon ay hindi nila ako nakikita pero nakikita ko sila. Isa iyon sa mga bagay na ipinagtatakhan ko, kung bakit may kakayahan akong makita sila samantalang sila ay hindi, dahil ba mga kaluluwa sila o dahil wala silang mukha? Alinman doon ang tunay na dahilan ay wala akong pakialam, ang gusto ko lang ay makabalik sa dati kong normal na buhay. Ring! Ring! Ring! "Tangina!" singhal ko. Mabilis kong hinanap kung saan ko inilapag ang aking phone sa loob ng aking kwarto, napabangon ako sa aking pagkakahiga, tiningnan ko ang mga ilalim ng unan ko kung doon ko huling pinatong ang bagay na 'yon pero wala akong nakita roon. Itinupi ko ang aking kumot nang maayos at baka natabunan lang iyon kung saan pero nabigo din akong mahanap sa kama ko ang aking cellphone. Kaya naisip kong hanapin sa ilalim ng kama ko at baka doon iyon napunta, siguro nahulog lang 'yon ng 'di ko napapansin, hinanap ko muna ang aking tsinelas sa sahig bago lumuhod at padapang tiningnan ang ilalim ng kama ko. Nakita ko ang paglitaw ng liwanag mula sa screen ng aking phone at doon ay natiyak kong nasa ilalim nga ng kama ang hinahanap ko, kaya pahiga akong dumapa at inabot ang aking phone gamit ang aking kanang kamay. Kapa dito, kapa doon, pero hindi ko parin madampian ng aking palad ang phone ko kaya sumilip akong muli sa ilalim, hindi naman iyon ganoon kalayo kung nasaan ito nakalapag, pero ba't 'di ko siya makapa, napakibit-balikat ako. Ipinahaba ko ang aking kamay at kinapa ko muli sa ilalim ng aking kama ang aking phone, mabilis ko itong sinunggaban ng pagkakahawak nang makatiyak na iyon nga ang tumutunog ko parin na cellphone. Incoming call from Reyly Napangiwi lang ako nang makita ang pangalan sa screen, alam ko naman na kukulitin lang nila akong pumunta sa burol ni Chandria. Kung alam lang sana nila kung ano ang ipinagdadaanan ko. Pinatayan ko ng tawag ang aking kaibigan at ibinato sa aking kama ang aking cellphone, tumayo ako mula sa pagkakahiga sa sahig at umupo sa isang bangko katabi ng aking kama. Tumingala ako sa kisame at napahilot ng sintido, parang bahagyang sumakit iyon, siguro dahil na rin sa kakulangan sa tulog nitong mga nakalipas na araw. Muling tumunog ang aking cellphone kaya napabaling ako ng tingin sa bagay na iyon, nanlaki ang mata ko nang damputin ng isang babae na walang mukha na kasalukuyang nakaluhod sa aking kama. Napatakip ako ng bibig nang nagpalinga-linga ito sa paligid, tila may hinahanap ito bukod sa ingay na naririnig niya mula sa ringtone ng aking telepono. Gusto kong umiyak dahil sa sobrang takot lalo nang umabante ito palapit sa kinaroroonan ko, naramdaman ko na lang ang tagaktak na pawis ko na tumutulo mula sa aking sintido pababa sa aking mukha. Ito ang unang beses na sobrang lapit sa 'kin ng isang kaluluwang walang mukha, mas nakakatakot sila nang malapitan dahil mas makikita mo kung paano takpan nang makapal na balat ang mga mata, ilong at bibig nila para magmistulang wala silang mukha. Nang tumigil sa pagtunog ang aking telepono ay binitawan niya ito at naglakad palayo hanggang sa tumagos ito sa nakasarado pinto ng aking kwarto. Mabilis kong kinapa ang aking cellphone sa aking kama habang natatarantang nakatingin sa pinto, sa takot na baka bumalik 'yung kaluluwang walang mukha. Nagtipa ako ng aking telepono para balikan nang tawag si Reyly, nanginginig ako nang marining ko ang boses niya mula sa kabilang linya. "Hello, babaita!" kaagad niyang bungad na sabi. "P-uwede bang puntahan niyo ko dito sa bahay?" nautal ko pang sabi, hindi ko kase mapigilan ang panginginig ng boses ko dahil sa nangyari kanina. "Okay ka lang ba, beb?" nag-aalala niyang tanong, marahil napansin nito ang panginginig ng boses ko. "Hindi," sambit ko at bigla nalang akong napahagulgol ng iyak. "Sabi ko nga, sige, pupuntahan ka na namin diyan, hintayin mo lang kami, a. Nandiyan ka pa ba?" ungol lang ang naging sagot ko sa kanya. Mahigpit ang paalala niya na 'wag ko raw siyang p*****n ng telepono at masasabunutan niya ko, kaya habang hagulgol akong umiiyak ay panay ang pag-alo niya sa 'kin mula sa kabilang linya. Pinipilit niya akong magkuwento na kahit ano basta mapagaan lang ang loob ko, kahit na mismong tubig baha naging topic namin kanina. Hindi parin talaga siya nagbabago napakaubod pa rin niya ng daldal, pero mabuti nga 'yon dahil kahit papaano ay bahagyang nawala ang takot na nararamdaman ko, sa aming kasing magkakaibigan siya talaga ang pinakamaaasahan ko pagdating sa mga ganitong bagay. Bumaba ako ng kwarto pagkalipas ng tatlumpung minuto, dala-dala ko 'yung aking telepono hanggang sa makarating ako sa baba papunta sa pinto, nagtaxi na daw kasi siya papunta dito kahit na labag sa loob niya na gumastos nang dalawandaang piso, malamang tatalakan niya talaga ako ng sobra dahil doon o kaya'y pababayarin pa niya ko. "Walanghiya ka!" anas na bungad niya sa akin pagbukas ko ng pinto. Mabilis ko siyang sinunggaban ng yakap at napahagikgik na lang dahil sa sinabi niya. "Tapos ngayon tatawa-tawa ka diyan!" panenermon nito. "Sorry na, natatakot lang kasi talaga ako" paglalambing ko, na ginawang panangga iyon sa ginawa kong pagbaba ng telepono sa kaniya. "Sige na," sambit niya na rumolyo pa ang mata bago gumanti ng yakap sa 'kin. Pumasok na kami sa loob ng bahay, pinaupo ko siya sa sofa at dinalhan ng isang tasa ng kape, alam ko kasing mahilig ito doon, gustong-gusto pa niya kapag barako, hindi ko nga alam kung bakit gano'n ang panlasa niya, samantalang sobrang tapang nang gano'ng klaseng kape. Umupo ako sa tapat niya at nakita ko siyang humigop ng kape habang nakabaling ang tingin sa 'kin, umupo ito nang maayos at mahinhin na nilapag ang tasa, siningkinitan ako nito ng mata na alam kong sinisumulan na mag-imbestiga kung bakit humahagulgol ako ng iyak kanina sa telepono at bakit ayokong pumunta sa burol ng aming kaibigan. "Alam ko na 'yang mga kilos at titig mo," pangunguna ko sa kaniya. "Ikaw naman kasi, beb, grabe ang hagulgol mo kanina no'ng tinawagan mo ko sa telepono, akala ko tuloy kung ano na ang nangyayari sa'yo!" aniya na napahawak pa sa kaniyang dibdib na tila nais iparating ang naging takot at pag-aalala niya kanina para sa 'kin. "E, bakit ka nga ba umiiyak kanina?" dugtong niya. "Maniniwala ka ba kung sasabihin kong nakakakita ako ng multo?" tanong na turan ko. Nakita ko ang pagbabago ng reaksyon sa mukha ni Reyly, nagpalinga-linga ito sa paligid, lumipat ito ng upuan at tumabi sa akin. "Beb, naman e," angal niya. Likas na matatakutin sa 'ming lahat si Reyly pero malakas ang loob mang-aya na manood ng mga nakakatakot na palabas sa sinehan, kahit na ang buong gagawin lang naman nito doon ay tumili at sumigaw. "Seryoso ako," giit ko. Tinakpan niya ang bibig ko, ayaw niyang marinig kung anoman ang susunod kong sasabihin. "Alam mo naman na kahinaan ko ang mga gan'yan, beb. Saglit, tatawagan ko lang sila Angelo para may karamay ako." tinitigan ako nito nang masama nang maramadaman ang paggalaw ng bibig ko sa kaniyang kaliwang palad na kasalukuyang nakadikit sa bibig ko. Tumayo ito at lumayo sa akin ng mga tatlong hakbang papunta sa isang sulok, nagbigay ito ng warning gamit ang panlilisik niyang mga mata na nagsasabing “H’wag akong magsasalita na kahit ano.” Nagtipa ito sa kaniyang telepono. "Hello, Angelo!" rinig kong sabi niya. "Oh, bakit napatawag kang babaita ka!" tugon ng nasa kabaling linya na dinig ko dahil nakaloud speaker. "E, kase naman itong si beb, pinapunta ako sa bahay nila para takutin lang," sumbong niya. "Si Vennies?" "Oo nga, si beb! Samahan niyo ko dito, natatakot ako! Atsaka para wala narin takas itong babaita sa 'tin," "O, sige, tutal pupunta naman talaga kami ngayon nila Marvin diyan kayla Chandria para pumunta sa huling araw ng burol niya," "Bilisan niyo, a," "O, sige, babush!" Nakita ko ang pagngiwi ni Reyly matapos siyang p*****n mula sa kabilang linya ni Angelo, hindi ko na lang siya pinansin dahil sanay na ako sa ganitong pag-iinarte niya, high school pa lang kami saksakan na ng ka-oa-han 'yan. Lalo na ngayong nasa kolehiyo na kami. Bumalik ito sa pagtabi sa 'kin na patakbo pa akong sinunggaban ng yakap, ako nga itong dapat matakot pero siya pa itong mas paranoid sa 'kin ngayon, hindi din tumigil ito sa paglibot ng tingin sa paligid, nagsisimula na sigurong umandar ang imahinasyon nito tungkol sa mga nakakatakot na bagay. Napabuntong-hininga ako, mukhang magiging ganito ang sitwasyon namin nang mahigit isang oras dahil may kalayuan mula sa 'min ang tinitirhan ng iba naming kaibigan, lalo na si Angelo. Humigit kumulang isang oras at kalahati bago kami nakatanggap ng tawag na paparating na daw sila, mga ilang minuto na lang raw ang hihintayin namin at nandito na sila. Abot langit naman ang ngiti ng isa dahil hindi na raw siya mag-isang makakasama ako, parang nagsisisi tuloy ako na binalikan ko pa siya ng tawag at siya ang hiningian ko ng tulong. At, ilang minuto nga lang ay nandiyan na nga sila dinig ko ang malalakas at sunod-sunod nilang katok, napatalon pa sa kaniyang pinagpupuwestuhan si Reyly dahil sa sobrang gulat at dahil doon ilang ulit akong nakatanggap ng hampas sa manipis kong braso. Magkasama kaming pinagbuksan sila ng pinto. "Ahhhh!" chorus na sigaw nila matapos ko silang pagbuksan ng pinto. "Anong nangyari sa friend nating palaging nagkukulong sa bahay?" untag ni Angelo. "Mamaya na 'yan, Angelo, ikaw talaga kang bakla ka!" sapilitan ni Reyly na ipinasok silang lahat sa loob ng bahay na animo'y pag-aari niya ito. Umupo sila sa sofa na nasa living room at doon ay inutusan na ako ng mga ito ng puwede nilang imeryenda, nginiwian ko lang sila na dahilan para matawa ang mga loko, ganito talaga minsan kakapal ang mukha ng mga kaibigan ko, kung makautos at makaasta sa sarili mong pamamahay ay akala mo sila ang nagpapalamon sa 'yo. "Umupo ka dito, Ven," ani ni Angelo na tinapik pa ng dalawang beses ang sofa para doon ako umupo sa tabi niya. "Wait," sambit ko habang naglalapag ng ilang tsistsirya at isang bote nang coke. Bumalik uli ako sa kusina para kumuha ng baso at pagkatapos kong ilapag iyon sa mesa ay umupo na ako sa tabi ni Angelo. "Dahan-dahan ka, Jasmine, hindi ka namin uubusan," sita ni Crissel sa kaniya na kasalukuyang nakangisi. Tumigil tuloy ito sa pagnguya at sinamaan nang tingin si Crissel na hindi maipinta ang mukha dahil pinipigilan na ang pagtawa. "Kaya ang payat-payat mo, e, daganan kaya kita diyan!" turan naman nito na nilakasan ang panguya sa kinakain na tsitsirya, kaya dinig namin kung paano nadurog iyon sa loob ng kaniyang bibig. "Oppss.. Mamaya na 'yang asaran niyo at kailangan nating i-hot seat ang bruhang babaeng 'to," tinapunan nila ako ng tingin dahil sa untag ni Angelo. "Oo nga, lahat na 'ata ng kaklase natin pumunta na sa burol ni Chandria, siya na lang itong hindi, buti sana kung hindi kalapit-lapit ng bahay, e," saad ni Marvin. "Ayon na nga," napakamot pa sa kaniyang noo na ani ni Angelo, "Bakit ayaw mong pumunta sa burol ni Chandria?" Tumikhim ako sa naging tanong niya, napansin ko naman ang biglang pagyakap ni Reyly sa braso ni Angelo, napatigil naman sa pagnguya si Jasmine at seryoso naman naghihintay ng sagot mula sa akin si Marvin at Crissel. "N-nagpapakita kase sa 'kin si Chandria, kaya ayokong pumunta ng burol niya," diretsang sagot ko. "Totoo ba 'yang sinasabi mo?" tumango-tango ako sa naging tanong ni Angelo. Malakas na tilian ang umalingawngaw sa bawat sulok ng aming bahay pagkatapos kong tumango, nagkaniya-kaniya naman siksik ang mga ito sa isang pwesto, naiwan tuloy sa isang sofa si Marvin. "Kapag ganiyan nagpapakita ang kaluluwa sabi ng mga matatanda sa 'min sa Zamboanga," laki kasi sa probinsiya si Marvin at lumuwas lang dito sa Maynila para mag-aral nang kolehiyo. "Ibig sabihin no'n ay may gustong iyon na ipabigay na mensahe, baka kailangan mo lang talagang pumunta sa burol niya at baka doon ay tumigil na itong magpakita sa'yo" dugtong niya. Tumango nalang ang ilan kong mga kaibigan sa sinabi ni Marvin kaya wala na akong nagawa, kaya matapos nang usapan na iyon ay tumayo na kami at patakbong nagpatiuna nang lumabas ng aming bahay sila Crissel, Jasmine at Reyly, samantalang naiwan kaming tatlo nila Angelo, Marvin at ako. Pagbukas pa lang ng pinto at paglabas ko sa pintuan ay grabe na ang kaba ko, ginala ko ang tingin sa paligid kung may makikita akong kahit na anong mga kaluluwang ligaw na walang mukha pero nakahinga ako nang maluwag nang walang nagpakita sa akin na kahit ano. Mainam naman kung gano'n. "Ayos ka lang?" pangangamusta ni Marvin. Tipid na ngiti lang ang naging tugon ko sa kaniya at nagsimula na kaming maglakad, gaya ng wari ko ay sampung hakbang lang ay nandito na kami ngayon sa tapat ng pintuan nila Chandria. Namukhaan ko ang ilang pamilyar na kapit-bahay namin na madalas makausap ni mama at papa sa labas ng bahay nila Chandria na nag-uusap, pumasok kami sa loob, maliwanag ang loob ng bahay nila at maraming tao dahil bukas na ang nakatakdang libing nito. Hindi na namin kailangan kumatok dahil nakabukas naman ang pinto, bukas kasi ito kung sinoman ang gustong dumalaw sa kanilang anak para makipaglamay. Bumungad sa amin ang ilang mga bulaklak na nakatayo na may nakalagay na 'Condolence for Family Buendia.' Sumentro ang tingin ko sa gitna ng sala kung saan ngayon nakahimlay ang katawan ng yumao namin kaibigan, sa tabi ng puting kahon na nilalagyan niya ay isang malaking larawan ni Chandria, nakangisi ito na hindi na namin kahit kailan makikita, maging ng kaniyang pamilya. Maya-maya ay may lumapit na babae sa kabaong ng aking kaibigan na pamilyar sa 'kin, sumilip ito at hinimas-himas pa ang kahon na pinaglalagyan nito. Tumigil din ito kalaunan at humarap. Napasinghap ako matapos kong mamukhaan kung sino iyong babae na sumilip na walang mukha, hindi ako pwedeng magkamali na siya iyon dahil kasama namin siya ngayon. Si Reyly 'yon at sigurado ako doon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD