Chapter 29

1076 Words
Mag-iisang linggo na mula nang lumipat ako rito sa bagong tirahan na inupahan ko. Umalis din agad ako ng araw na nagkausap kami ni Tiya Melba dahil na rin sa pakiusap nito. Alam kong iniiwas niya lang din ako sa kaniyang walanghiyang asawa. Iniwanan ko kay Tiya Melba ang sobrang pera na natanggap ko mula kay Gardo upang kahit paano'y makatulong sa mga panggastos nila. Alam kong mahal ako ni Tiya Melba pero nauunawaan ko rin kung mas pinipili nitong ako na lamang ang umalis. Hindi niya pag-aari ang bahay na iyon kaya wala rin siya karapatang ipaglaban ako roon. Isa pa, mas gusto kong bumukod para matuto akong tumayo sa sarili kong mga paa. Naramdaman ko ang pagkalam ng sikmura kung kaya't naghanda na akong maligo upang umalis na rin at magtungo sa may club. Pagdating sa may club ay agad kong hinanap si Gardo na naabutan ko sa loob ng kaniyang opisina. "Hello, Gardo!" bati ko sa manager ng club. "Ikaw pala, Nena. Ano't narito ka na naman? Hindi pa kita ipinatatawag," nangungunsuming saad agad nito. "Naiinip na po kasi ako sa bahay. Baka pwedeng pumasok na ako sa trabaho?" pakiusap ko sa kaniya. "Hindi maaari, Nena. May kasunduan kami ni Sir Seb. Ibinigay ko na rin sa iyo ang kabayaran para ro'n." Napanganga ako nang marinig ang kaniyang sinabi. "Seb?" Pag-uulit ko sa pangalan ng binata. "Oo, si Seb nga! Bago kayo umuwi ay kinausap muna niya ako at binayaran para sa isang linggong trabaho mo," paliwanag naman sa akin nito. "Pero..." Bigla akong natahimik nang maalala ang ilang araw na kasama ko ang binata. Ibig bang sabihin no'n, pagkukunwari lang ang lahat nang ipinakitang ugali sa akin ni Seb? Nakaramdam ako ng lungkot sa kaisipang palabas lang pala ang lahat nang ipinakita niya sa akin. Akala ko pa naman ay naiiba siya sa lahat ng mga lalaking nakilala ko. "Katawan ko lang din pala ang gusto niya," malungkot kong anas sa sarili. May nabuhay na ngitngit sa dibdib ko para sa kaisipang iyon. "Konting tiis Nena at malapit na rin naman matapos ang isang linggong palugit ni Seb." Lumapit sa akin si Gardo saka tinapik ako nito sa balikat. "Kulang na ba ang perang hawak mo kaya gusto mo nang magtrabaho ulit?" tanong pa sa akin nito. Umiling-iling ako kay Gardo. "Sapat na ang perang ibinayad ni Seb." Matamang tumitig ito sa akin at wari'y may kung anong inaarok mula sa aking mga mata. "Iha, sa trabahong ito..." Malungkot na ngumiti muna ito bago muling nagsalita. "Iwasan mong ma-inlove para hindi ka masaktan." Muling tinapik ni Gardo ang balikat ko saka humakbang pabalik sa tapat ng kaniyang mesa. "Salamat, Gardo!" madamdaming wika ko sa lalaki saka niyakap ko ito mula sa likurang bahagi ng kaniyang katawan. "Tatanawin kong malaking utang na loob ang kabutihan mo sa akin." Sandaling panahon ko pa lang nakakasama si Gardo pero kay buti na niya sa akin. Masasabi kong iba rin siya mga lalaking mapagsamantala dahil kailanman ay hindi ko naramdamang minanyak ako nito kahit sa tingin man lang. Kahit pa nga ng gabing ipinakilala ako sa kaniya ni Tiya Melba ay hindi ko naramdamang binastos ako nito. Patas siyang tao dahil ibinigay nito sa akin ang halagang kung tutuusin ay maaari niya nang bawasan ng sobra ngunit hindi niya ginawa. Malakas na halakhak ang itinugon sa akin ni Gardo saka tinapik niya ang mga braso kong nakayakap sa kaniyang baywang. "Bata ka pa Nena at malayo pa ang mararating mo sa buhay. Huwag mong sayangin ang kabataan mo. Gamitin mo sana ito sa tama," makahulugang saad ni Gardo. "Salamat ulit, Gardo! Tutuloy na ako," paalam ko sa kaniya. "Kung kinakailangan mo ng tulong ko, huwag kang mahiyang magsabi sa akin," habilin pa nito. Tumango-tango ako bilang tugon sa kaniyang sinabi. Ngunit buo na rin ang desisyon kong 'di na muling babalik sa club. Hahanap na lang ako ng panibagong trabaho upang kahit paano'y mabayaran ko pa rin ang renta ng bahay at masustentuhan ang pangangailangan ko sa araw-araw na gastusin. Naisipan kong maglakad mula sa club hanggang boarding house. Habang naglalakad ay naaaliw akong panoorin ang nagsisimula ng liwanag sa paligid dahil sa papadilim na rin gawa ng gabi. Hindi ko namalayan na lumagpas na pala ako sa mismong lugar na kinaroroonan ng boarding house na inupahan ko. Pabalik na sana ako sa lugar na kinaroroonan nang inuupahan ko nang mabasa ko ang karatulang nakasabit sa isang building. 'Naghahanap ng bagong waitress!' Natuwa ako sa nabasa kung kaya dali akong lumapit sa guard at nagtanong tungkol sa nakasulat sa may karatula. Sinamahan naman ako nito sa may loob patungo sa opisina ng mismong manager. "Yes? What can I do for you?" tanong sa akin ng Manager nang harapin ako nito. "Mag-a-apply po sana akong waitress, Mam," sagot ko naman sa babae. Pinagmasdan ako nito mula ulo hanggang paa. Saka ibinalik ang kaniyang mga mata sa aking katawan. "I think, mas fit sa iyo ang work na ibibigay ko," kapagkuwa'y sabi nito. "By the way, call me Mama LJ. Interesado ka ba talagang mag-work dito?" "Opo!" mabilis kong tugon saka itinango-tango ang ulo ko sa kaniya. "Good!" Nagsindi ito ng sigarilyo at hinithit iyon saka ipinabuga ang usok niyon sa hangin. "Welcome to Seductress Club!" masayang saad pa nito. "Seductress Club?" Pag-uulit ko sa sinabi nito. "Yes, Seductress Club! Hindi isang ordinaryong club dahil pawang mga mayayaman at pulitiko lamang ang nakakapasok dito. Maaaring i-table ngunit hindi pwedeng ikama o iuwi ang mga escort sa oras ng trabaho. Maaari lamang mangyari iyan kung bibilhin nila ang escort sa malaking halaga o 'di kaya naman ay sa labas mismo sila ng Seductress Club mag-uusap," paliwanag pa sa akin ni Mama LJ. Natuwa ako sa narinig na sinabi nito kung kaya't hindi na ako nagdalawang isip pa na tanggapin ang alok na trabaho. Tinawag ni Mama LJ ang babaeng nagngangalang Dahlia na siyang magtuturo sa akin ng mga dapat kong gawin bilang isang escort. Mabait kausap si Dahlia at magaan ang loob ko sa kaniya. Itinuro niya sa akin ang mga dapat kong gawin bilang isang escort at natutuwa ako dahil 'di tulad sa pinanggalingan kong club, ang Seductress Club ay maayos at medyo class ang dating. Makikita sa kasuotan ng bawat lalaking pumapasok doon na hindi sila mga basta-basta lang na mga tao. Nahagip ng mga mata ko ang isang pamilyar na mukha ng lalaki na nakaupo sa may bandang sulok at ngayo'y titig na titig sa akin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD