CHAPTER EIGHT: DENIAL STAGE

2309 Words
Hinatid sila nina JC at Dexter sa kanilang condo unit kinagabihan. Tahimik ang biyahe pauwi, tila ba naiwan ang ingay at tawanan sa bahay nila Nica. Hindi pinaalam ni Rhav na ni-reject na niya si Dexter. Ayaw niyang makarinig ng sermon at mas lalong ayaw niyang magpaliwanag. Alam niya sa sarili niya na kahit anong gawin ni Dexter, hindi niya ito magugustuhan. May matagal nang nagmamay-ari ng kanyang puso, at hindi na iyon mababawi pa. Hindi na umakyat sina JC at Dexter. Nagpaalam na lamang ang dalawa sa lobby, kapwa halatang pagod ngunit magalang pa ring ngumiti bago tuluyang umalis. Naiwan sina Rhav at Nica na magkasabay pumasok sa elevator. Tahimik. Mabigat. Nagkatinginan sila sandali, tila naghahanap ng masasabi, ngunit sa huli ay sabay lamang silang napabuntong-hininga. “Grabe sina Mommy at Daddy,” reklamo ni Nica habang nakasandal sa salamin ng elevator. “Buong araw talaga nilang pina-stay ang dalawa. Parang wala nang pahinga.” “Sinabi mo pa,” sagot ni Rhav. Napangiti siya ng bahagya ngunit agad din iyong nawala nang mapatingin siya sa paa ni Nica. “I am really sorry kanina. Okay na ba ang paa mo? Hindi na ba masakit?” Napansin niya agad ang bahagyang pamumula sa mga daliri nito. Naka-strap lang ang sandals ni Nica kaya lantad ang bahagyang pasa. Umiling si Nica at marahang itinaas ang paa. “Okay na. Tinanggal ko na yung band-aid. Nilagyan ko na lang ng ointment kanina.” Bahagyang yumuko si Rhav, mas pinagmasdan ang paa nito. “Mukhang masakit pa rin.” Ngumiti si Nica at marahang hinawi ang buhok sa mukha ni Rhav. “Hindi na. Arte lang ako kanina.” Parang biglang natigil ang oras para kay Rhav. Saglit siyang natulala. May kung anong kumabog sa kanyang dibdib, pamilyar ngunit hindi niya kayang sanayin. Mabilis siyang nagbaling ng tingin, pilit ibinabalik ang sarili sa realidad. Pagbukas ng elevator ay agad siyang naunang lumabas, tila tumatakas sa kung anong nararamdaman. Kinuha niya ang susi sa kanyang bag at naglakad patungo sa kanilang unit. “Nagbago ang tingin ko kay Dexter,” sabi ni Nica habang sumusunod sa kanya. “Mukhang okay naman pala siya.” Napatigil si Rhav sa harap ng pinto. Nakahawak ang kamay niya sa susi ngunit hindi agad niya ito naipasok. Nanatili siyang nakatayo roon nang ilang segundo. “Mukhang okay din si JC,” dagdag pa ni Nica. “Nakikita kong seryoso siyang tao. He’s nice.” Hindi sumagot si Rhav. Totoo ang sinabi nito. Mabait si JC. At kahit gaano kasakit para sa kanya, hindi niya kayang sirain ang imahe ng lalaki kung ito naman ang magpapasaya kay Nica. “Pero naiilang ako. Ano na lang sasabihin ng mga tao sa office kapag nalaman nilang may something ako sa anak ng boss?” Sa wakas ay naipasok ni Rhav ang susi at binuksan ang pinto. “Bakit mo pa iisipin ang sasabihin nila? Kung masaya ka naman sa magiging desisyon mo, iyon ang mahalaga. Sarili mo ang isipin mo.” Huminto si Nica sa likod niya. “Okay lang sayo? Approve na sayo si JC? Shall I go on a date with him?” Parang may matulis na bagay na tumarak sa dibdib ni Rhav. Hindi siya lumingon. Diretso siyang naglakad papasok ng banyo. Pagsara niya ng pinto ay agad niyang tinakpan ang kanyang bibig upang pigilan ang pag-iyak. Hindi niya napigilan. Tahimik na pumatak ang luha sa kanyang pisngi. Napasandal siya sa pinto at napukpok ang sariling dibdib. Naaawa siya sa sarili niya. Nasasaktan siya nang mag-isa. Hanggang kailan niya itatago ang katotohanan? Hanggang kailan siya matatakot maging totoo? “Bes? Are you okay?” Kumatok si Nica sa labas. Mabilis niyang pinahid ang luha at pinaandar ang shower upang matabunan ang anumang tunog na maaaring marinig. “Yes. Natatae lang ako.” “Okay. Magtitimpla na ako ng kape natin.” Napapikit si Rhav. Sandali siyang huminga nang malalim bago naghilamos. Pagkatapos ay piniga niya ang mga nakababad na damit sa lababo, pilit inaabala ang sarili upang makalimot kahit sandali. Muling kumatok si Nica. “Bes?” “Palabas na.” Binanlawan niya ang mga damit at muling ibinabad sa fabcon. Paglabas niya ng banyo ay agad siyang sinalubong ng tingin ni Nica. “Bakit parang namumugto ang mga mata mo? Umiyak ka ba?” Umiwas ng tingin si Rhav. “Bakit naman ako iiyak? Nalagyan lang ng sabon ang mata ko. May isa kasing panay ang tawag sa akin.” Hindi na nakapagsalita si Nica. Lumapit ito at niyakap siya nang mahigpit. “I am sad too.” “Nica…” garalgal ang boses ni Rhav. Ramdam niya ang bahagyang panginginig ng katawan nito. “I am afraid, to be honest. Hindi ko alam kung paano kikilos kay JC. Hindi ko rin kayang i-down ang parents ko. Nakita ko kung gaano sila kasaya kanina. Paulit-ulit nilang sinasabi na maganda ang future ko sa kanya.” Humigpit ang yakap ni Rhav. “Pero nalulungkot ako,” patuloy ni Nica. “Kasi magbabago na ang mga nakasanayan natin. May papasok nang ibang tao sa buhay natin. Hindi ako sanay doon. Natatakot lang ako, bes.” Pinahid ni Rhav ang luha at gumanti ng yakap. “Okay lang matakot. Magdi-date lang naman kayo. Hindi pa naman kasal agad iyon. Kung siya ang magpapasaya sayo, then go for it. Nandito lang ako para suportahan ka.” Kumalas si Nica at ngumiti nang bahagya. “Ganoon din ako sayo at kay Dexter. Sana totoong matino na siya.” “I already rejected him.” “What? But why?” Napatigil si Rhav. Dahil mahal kita. Dahil ikaw ang gusto ko. Hindi iyon ang lumabas sa kanyang bibig. “Hindi lang siya ang tipo ko,” sagot niya sa halip. “Una pa lang alam ko nang hindi ko siya magugustuhan bilang boyfriend.” “Eh ano ba kasi ang tipo mo sa lalaki?” tanong ni Nica habang papunta sila sa kusina. Ikaw, at hindi lalaki. Muling hiyaw ng utak niya. Kinuha ni Rhav ang tasa ng kape at uminom muna bago sumagot. “I don’t know. Mararamdaman mo lang naman iyon kapag nandiyan na. Wala naman akong standard. Hindi rin ako nagmamadali.” Napabuntong-hininga si Nica. “Sana may lakas din ako ng loob na kagaya sayo. Yung hindi napipilit kahit sina Mommy at Daddy pa.” Umupo si Rhav sa sofa at binuksan ang telebisyon. “Wag kang mainggit. Tama lang ang ginagawa mo bilang anak.” Sumunod si Nica at umupo sa tabi niya. “Palakasan mo ang volume.” Sumunod si Rhav. Sa screen ay nagsisimula na ang coronation night ng Miss Universe Philippines. Agad silang naging masigla habang pinapanood ang kanilang mga pambato. Para sa sandaling iyon ay tila nawala ang bigat sa kanilang mga dibdib. Napahawak sila sa kamay ng isa’t isa nang ianunsyo ang top five. Miss Cebu Province. Miss Cebu City. Miss Taguig. Miss Cavite. Miss Pangasinan. Humigpit ang hawak ni Nica. “And our Miss Universe Philippines 2021 is… Miss Cebu City! Congratulations, Beatrice Luigi Gomez!” Napatayo si Rhav at napatalon. “I won!” Napatawa si Nica. “Oo na, ikaw na ang nanalo. Deserving naman talaga siya. Pero bakit siya agad ang pinili mo kanina pa?” Napatingin si Rhav sa screen. Nakangiti ang nanalo, taas-noo, walang bahid ng pag-aalinlangan. “She’s being true to herself,” mahina niyang sabi. “Hindi niya tinago kung sino siya.” “Ha? Paano mo nalaman?” Ngumiti si Rhav. “Nag-research ako. Sinundan ko siya sa social media.” Tumango si Nica. “Siguro magiging issue iyon kapag lumabas na.” Tahimik si Rhav bago nagtanong, “Against ka ba sa ganun?” Umiling si Nica. “Hindi naman. Marami tayong kakilala na ganoon. Pero kung sa akin mangyari, baka hindi kayanin nina Mommy at Daddy.” Nanikip ang dibdib ni Rhav. “Gusto nila akong makitang may sariling pamilya,” dagdag pa ni Nica. “At minsan naiisip ko na baka iyon ang happiness nila para sa akin.” Tumango si Rhav kahit hindi siya sigurado kung tama pa ba ang ginagawa niya. “Anyways,” ngumiti si Nica. “Dahil natalo ako, mag-file ka na ng leave next Friday at Saturday. Tara, mag-beach tayo.” Bahagyang gumaan ang pakiramdam ni Rhav. “I like that.” Tumayo siya at dinala ang tasa sa lababo. “Goodnight, bes.” “Goodnight. Sweet dreams.” Ngumiti siya, pero pagtalikod niya ay muli na namang bumigat ang kanyang dibdib. Hindi niya alam kung hanggang kailan niya kayang itago ang lahat. Ngunit sa ngayon, sapat na muna ang manatili sa tabi ni Nica. *** Maagang nagising si Rhav kinabukasan. Hindi pa sumisikat nang tuluyan ang araw ngunit gising na ang diwa niya, tila may hinahabol na katahimikan bago magsimula ang panibagong araw. Tahimik siyang kumilos sa loob ng unit. Isa-isa niyang isinampay ang mga damit sa terrace. Pagkatapos noon ay dumiretso siya sa kusina at nagsimulang magluto. Pinainit niya ang kawali. Sumunod ang bawang na agad naglabas ng mabangong amoy. Inihalo niya ang kanin at tinimplahan iyon hanggang maging perpektong fried rice. Sunod niyang niluto ang scrambled eggs at ang tocino na unti-unting nagkulay ginto habang naglalabas ng matamis na aroma. Maingat niyang inayos ang pagkain sa mesa. Dalawang plato, dalawang baso, dalawang kubyertos. Parang isang tahimik na ritwal na matagal na niyang ginagawa. Pagkatapos ay sinilip niya si Nica sa silid nito. Mahimbing pa ang tulog nito. Dahan-dahan siyang pumasok sa loob at isinara ang pinto nang hindi lumilikha ng ingay. Tumigil siya sa tabi ng kama at pinagmasdan ang mukha ni Nica. Payapa. Walang bahid ng pag-aalala. Bahagyang nakabuka ang labi nito habang natutulog, dahilan upang mapangiti si Rhav. May kakaibang lambing sa eksenang iyon na siya lang ang nakakasaksi. Malikot matulog si Nica. Halos okupado na ng katawan nito ang buong king size na kama. Nasa sahig na ang mahaba nitong unan na pinangalanan nitong Coco. Ang kumot naman ay nasa paanan na at muntik nang malaglag. Yumuko si Rhav at dinampot si Coco. Marahan niya itong inilagay sa tabi ni Nica, parang ibinabalik ang paboritong yakap nito kahit tulog pa. Saglit siyang tumigil. Pinagmasdan niya itong muli. “Good morning, Princess,” mahina niyang bulong, halos hangin lamang ang nakarinig. “Eat your breakfast before you leave.” May kung anong sumikip sa dibdib niya matapos sabihin iyon. Dahan-dahan siyang umatras at lumabas ng silid. Maingat niyang isinara ang pinto at tuluyan nang umalis ng unit. Ilang segundo ang lumipas bago nagmulat ng mata si Nica. Tahimik ang paligid. Ngunit may naiwan na bakas ang mga salitang hindi niya inaasahang maririnig. Princess? Napakunot ang noo niya. Tumingin siya sa gilid at nakita si Coco na nasa tabi na niya. Kaagad niya itong niyakap, parang naghahanap ng kasiguraduhan. Baka nagkamali lang siya ng rinig. Baka panaginip lang iyon. Muli siyang napapikit, pilit ibinabalik ang sarili sa tulog kahit may kung anong gumugulo sa kanyang isip. Samantala, hindi naman nagmamadali si Rhav sa pagpasok. Maaga pa. Alas-siyete pa lamang at alas-otso y media pa ang simula ng trabaho nila. May sapat pa siyang oras. Huminto siya sa isang convenience store upang bumili ng makakain. Hindi siya nakapag-almusal bago umalis, masyado siyang naabala sa paghahanda para kay Nica. Paparada na sana siya at lalabas ng sasakyan nang mapansin niya ang isang pamilyar na pigura. Si JC. Kaagad siyang napaatras at nanatili sa loob ng sasakyan. Mula sa kanyang kinauupuan ay tanaw niya ang gusali ng kanilang opisina. Hindi imposibleng mapadpad doon si JC, ngunit may kakaiba sa ginagawa nito. May dala itong maraming plastic na puno ng pagkain. Tinutulungan pa siya ng isang crew sa paglalagay ng mga iyon sa likod ng sasakyan. Nakita rin ni Rhav ang pag-abot nito ng pera bilang pasasalamat, bagay na tinanggap ng crew na may ngiti sa mukha. Nang makasakay si JC, kusang gumalaw ang kamay ni Rhav. Pinatakbo niya ang sasakyan at sinundan ito mula sa distansya. Maingat siyang nagmaneho, sinisigurong hindi siya mapapansin. Sumabay siya sa daloy ng mga sasakyan habang pinagmamasdan ang direksyon na tinatahak ni JC. Lumiko ito papasok sa isang kalsadang mas tahimik. Bigla itong huminto sa gilid. Mula sa loob ng sasakyan ni Rhav ay malinaw niyang nakita ang ginawa ni JC. Binuksan nito ang bintana at tinawag ang isang batang kalye. Agad lumapit ang bata. Inabot ni JC ang apat na plastic bags na puno ng pagkain. Nanatiling tahimik si Rhav habang pinapanood ang tagpong iyon. Sinundan niya ng tingin ang bata. Tumakbo ito papunta sa isang sulok kung saan naroon ang pamilya nito. Ibinigay nito ang tatlong kahon sa kanyang ina na nakahiga sa karton, may yakap na sanggol. Sa tabi nila ay isang lalaking abala sa pag-aayos ng kariton. Kahit mula sa malayo ay kitang-kita ang pasasalamat sa kanilang mga mukha. Humigpit ang hawak ni Rhav sa manibela. Muling pinaandar ni JC ang sasakyan at tumigil sa susunod na kanto. Ganoon ulit ang ginawa nito. Isa-isa nitong ipinamigay ang mga pagkaing binili sa mga taong nangangailangan. Tahimik na napanganga si Rhav. Hindi niya inaasahan ito. Kagabi ay sinilip niya ang social media ni JC. Wala siyang nakitang kahit anong bakas ng ganitong gawain. Walang larawan, walang post, walang pagyayabang. “Mabait ka pala talaga,” mahina niyang bulong sa sarili. Napatingin siya sa lalaking patuloy na tumutulong nang walang hinihintay na kapalit. “Kung may lalaki mang gusto ko para kay Nica… siguro ikaw iyon.” Napahigpit ang kapit niya sa manibela. “Kung kaya mong magmahal ng ganito sa ibang tao, ano pa kaya sa taong mahal mo.” Napapikit siya sandali. Pagdilat niya ay malinaw na ang kanyang desisyon. Tutulungan niya si JC na mapalapit kay Nica. Kahit alam niyang sa bawat hakbang na gagawin niya ay lalo lamang niyang sasaktan ang sarili. At kahit pakiramdam niya ay unti-unti siyang mawawasak sa prosesong iyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD