Kanina pa gising si Rhav, pero hindi pa rin siya bumabangon mula sa kama. Nanatili siyang nakahiga dahil parang may mabigat na bato na ayaw gumalaw ang kanyang katawan. Gusto lang niyang humilata buong araw dahil sa matinding pagod na bumabalot sa kanya. Pinilit niya kasing mag-overtime noong nakaraang araw para tapusin ang mga naiwang trabaho. Noong isang linggo kasi, kinailangan niyang umuwi ng maaga dahil sa biglaang sakit ng ulo na halos hindi niya matiis. Ngayon, kailangang bayaran ang utang na oras na iyon.
Nagtatrabaho siya bilang graphic designer sa Xiao Builders Corporation, na mas kilala sa buong industriya bilang XBC. Ang kompanya ay isa sa pinakamalalaking construction firm sa Pilipinas, na may mga proyekto hindi lamang dito kundi pati na rin sa ibang bansa. Ang tungkulin niya ay tulungan ang mga arkitekto na gawing mas nakaka-engganyo ang kanilang mga konsepto sa pamamagitan ng kanyang mga disenyo na parang mula sa ibang mundo. Gamit ang kanyang malikhaing kamay, binibigyan niya ng buhay ang mga blueprint. Mula sa simpleng linya ay nagiging makatotohanang rendering na may makulay na liwanag, anino, at detalye na nakakapagpa-impress sa mga kliyente. Dahil dito, madalas na nakukuha ng XBC ang malalaking proyekto, mula sa mga luxury condominium sa Manila hanggang sa mga resort sa Boracay at pati na rin sa mga international bids sa Singapore at Dubai.
Natapos niya ang Bachelor of Fine Arts Major in Visual Arts and Design sa St. Scholastica’s College na may flying colors. Ang kanyang mga guro noon ay laging nagsasabi na may kakaibang talino siya sa pagguhit at digital art. Hindi siya nahirapan noon maghanap ng trabaho. Sa katunayan, ang mga trabaho pa ang lumalapit sa kanya. Maraming offer ang dumating mula sa iba’t ibang advertising agencies at design firms sa Makati at BGC. Pero sa XBC niya piniling magtrabaho. Hindi dahil sa suweldo lang, kundi dahil dito rin nagtatrabaho si Nica, ang kanyang matalik na kaibigan.
Si Nica naman ay tinanggap bilang personal secretary ni Mr. Zhun Xiao, ang CEO mismo ng XBC. Isang Chinese-Filipino na negosyante na kilala sa kanyang matalas na isip at mahigpit na pamamahala. Kahit saan magpunta si Mr. Xiao, laging nakabuntot si Nica. Siya ang gumagawa ng kanyang schedule, nagpapaalala ng mga importanteng meeting, at minsan pa ay nag-aayos ng kanyang mga personal na bagay tulad ng pag-book ng flight o pag-order ng kanyang paboritong tsaa mula sa Hong Kong. Si Nica ay mahusay sa organisasyon. Ang kanyang kalmadong ugali at mabilis na pag-iisip ay perpektong katugma sa demanding na mundo ng executive secretary.
Kahit nasa iisang kompanya lang sila, bihira silang magkita sa loob ng malaking building ng XBC sa Bonifacio Global City. Ang opisina ni Rhav ay nasa creative department sa ikalabing-anim na palapag, habang si Nica ay nasa executive floor sa itaas. Minsan, nagkakasalubong sila sa elevator o sa cafeteria, pero iyon na ang pinakamatagal nilang usapan sa araw. Kaya tuwing uwian na, puno ng saya ang puso ni Rhav. Doon na naman sila magkakasama, magkukwentuhan tungkol sa araw nila, at tatawanan ang mga maliit na bagay na nangyari.
Limang taon na silang nagtatrabaho sa XBC, at wala silang balak umalis. Maganda ang pasahod, bukod pa ang health benefits, performance bonus, at pati na ang company trips sa ibang bansa. Ang pinakamahalaga, magkasama sila sa iisang condo unit. Regalo iyon ng kani-kanilang mga magulang nang makapagtapos sila ng kolehiyo. Nagkasundo ang mga magulang nila na bilhan sila ng isang maluwag na two-bedroom condo para hindi na sila maghanap pa ng matitirhan at para siguradong ligtas ang dalawang dalaga sa lungsod.
Parehas silang nag-iisang anak, kaya ganoon na lamang ang pag-spoil sa kanila ng kanilang mga magulang. Lahat ng kailangan nila ay walang pag-aatubili na ibinibigay. Si Rhav ay anak nina Mr. Pancho San Mateo, isang sikat na pintor noong dekada ’80 at ’90. Isa sa kanyang obra maestra ay binili mismo ni dating Pangulong Ferdinand Marcos bilang regalo kay First Lady Imelda Marcos. Dito niya minana ang husay sa sining. Ang kanyang ina naman ay si Daniela Chu, isang sikat na aktres noon na kilala sa mga dramang pelikula na puno ng emosyon. Si Nica naman ay anak nina Jonas Valdez, dating congressman na nagretiro na at ngayon ay may mga laundry shop at car wash business sa Quezon City at Bulacan. Ang kanyang ina si Jennylyn Cruz, isang active composer at singer na kilala sa mga awiting puno ng damdamin. Dito minana ni Nica ang magandang boses, pero hindi niya sinundan ang yapak ng ina sa industriya ng musika. Mas pinili niyang maging organized at supportive sa likod ng entablado ng buhay ng iba.
“Beshy? Gising ka na ba?” naputol ang pagmumuni-muni ni Rhav nang marinig ang mahinang katok sa pinto ng kanyang silid. Nakasabit sa pinto ang isang malaking poster ng BTS, ang sikat na K-pop group na pareho nilang sinasamba ni Nica.
Pinilit niyang bumangon. Ang mga paa niya ay parang mabigat pa rin, pero naglakad siya patungo sa pinto at binuksan ito. Si Nica ay nakatayo roon, may bitbit na paper bag mula sa KFC. Ang mahabang itim na buhok nito ay nakalugay nang maayos, at ang mga mata nito ay parang malambing na tumitingin nang diretso sa kanyang kaluluwa.
“Breakfast? Lunch?” tanong nito na may malawak na ngiti. Kumislap ang mga mata ni Rhav. Kahit bagong gising siya at walang ligo, parang nabuhayan siya sa presensya ng kaibigan.
Kinuha niya ang paper bag. “Salamat, Beshy. Akala ko hindi ako gutom, pero amoy pa lang ng fried chicken, parang nagising na ang tiyan ko.”
“Akala mo lang iyon,” sagot ni Nica habang tinitigan siya nang mabuti. “Paano mo nagagawa iyan?”
Nangunot ang noo ni Rhav. “Ang alin?”
“Iyan... yang ganyan lang.” Tinuro nito ang mukha niya. “Bagong gising ka pa, wala pang hilamos, pero ang ganda mo pa rin. Parang may filter na built-in.”
Napailing si Rhav at natawa nang mahina. “Nica, puro ka kalokohan. Kaya love kita, eh.”
“I love you too, Beshy!” masiglang sagot nito. “Kain na tayo habang mainit pa ang chicken.”
Pumasok sila sa kusina ng condo. Inilabas ni Rhav ang bucket ng KFC habang si Nica naman ay kumuha ng dalawang plato at isang malaking mangkok para sa gravy. Iyon ang ugali nila kapag kumakain ng KFC. Pinagsasama-sama nila ang gravy sa isang plato at doon nila inilulubog ang bawat piraso ng chicken. Gravy is life, sabi nila palagi.
Habang kumakain, nagsimulang magkuwento si Nica. “Tumawag sa akin kanina si Daddy. Tinatanong niya kung bakit hanggang ngayon wala pa akong pinapakilalang boyfriend.”
Napatigil si Rhav sa pagsubo ng chicken. Ang tinidor ay nanatili sa ere habang tinitigan niya ang kaibigan. Dumating na pala ang araw na kinatatakutan niya. Ang araw na magsisimulang maghanap si Nica ng lalaking gustong makasama sa buhay.
“Anong sagot mo?” tanong niya, pilit na pinapanatili ang kalmado na boses.
Nagkibit-balikat si Nica. “Sabi ko, hindi ko pa nakikita ang lalaking gusto ko. Wala naman talaga, eh.”
“Ahhh...” tango-tango ni Rhav, pero sa loob-loob niya ay parang may kung anong sumasakit.
Si Nica naman ang tumingin sa kanya nang matagal. “Ikaw ba? Wala ka bang balak magpaligaw? Tama si Daddy. Hindi na tayo bumabata. Twenty-seven na tayo. Nasa tamang edad na para mag-settle down.”
Umiling si Rhav. “Bakit? May irereto ka ba sa akin?”
Tumawa si Nica, pero unti-unti na itong tumigil hanggang sa maging seryoso ang kanyang mukha. “Napaisip lang ako. Dapat ba talagang may makasama tayo sa buhay? Ang pag-aasawa ba talaga ang finish line ng lahat? Magiging kompleto ba talaga ang isang babae kapag nagkaroon na ng asawa at anak?”
“Bakit mo naman naitanong iyan?” tanong ni Rhav habang pilit na ngumingiti.
“Wala lang. Na-pressure na kasi ako. Ayaw ko namang magkamali at sino-sino na lang ang papatulan ko.”
“Magpaligaw ka sa taong gusto mo talaga,” payo ni Rhav. “Mag-asawa ka dahil iyon ang gusto mo, hindi lang dahil na-pressure ka. Ikaw naman ang makikisama sa taong iyon araw-araw. Huwag kang mag-alala. Tutulungan kitang kumilatis ng mga manliligaw mo. Kapag pasado sa akin, goods na siya.”
“The best ka talaga, Beshy!” Nagningning ang mga mata ni Nica sa tuwa. “Simula bukas, ita-try ko na ngang mag-entertain ng mga boys.”
Sa totoo lang, nahihirapan na si Rhav na itago ang totoong nararamdaman. Hindi lang best friend ang turing niya kay Nica. Mahal niya ito bilang isang babae. Alam niyang mali sa mata ng marami dahil pareho silang babae at magkaibigan pa, pero wala siyang magawa. Ilang beses niyang sinubukang kalimutan ang damdaming iyon. Nag-date siya ng ilang lalaki noon, pero lagi siyang nabibigo. Sa huli, sumuko na siya at minahal na lamang si Nica nang palihim. Alam niyang hindi sila habang buhay na magkakasama sa ganitong paraan. Kailangan din ni Nica ng sariling pamilya. Matagal na niyang inihanda ang sarili para sa araw na ito, pero bakit parang mas nahihirapan pa rin siya ngayon?
“Are you okay?” tanong ni Nica. “Kanina ka pa nakatulala. Hindi mo ba nagustuhan ang food?”
“H-ha? A-ah, hindi. May iniisip lang ako.”
“Tungkol naman saan?”
“Sa Linggo, baka ako naman ang i-pressure nila Daddy. For sure, nag-uusap ang mga magulang natin at nagtataka na siguro kung bakit hanggang ngayon ay single pa rin ang kanilang mga dalaga.”
Natawa si Nica. “For sure! Ako rin naman, tinatanong ko ang sarili ko kung bakit...” Malamlam itong tumingin kay Rhav, parang may gustong sabihin pero mas pinili nitong umiling na lamang.
“Why?” usisa ni Rhav.
“I don’t know... siguro dahil sa’yo? Kasama ka, naramdaman ko na secure ako. Masaya naman ako kahit walang boyfriend. Stable ang trabaho ko, may pamilya akong sobrang supportive. Kaya siguro hindi ko naisipang maghanap pa.”
“Talaga? Dahil sa akin?” May liwanag na sumilay sa mukha ni Rhav. May chance kayang pareho kami ng nararamdaman?
“Oo yata!” malutong na tawa ni Nica. “Kung sana isa sa atin ang naging lalaki, paniguradong tayo ang magkakatuluyan. Sa tingin ko iyon din ang hiling ng mga Daddy natin.”
“Bakit hindi ba pwede kahit kapwa tayo babae?” Huli na nang marealize ni Rhav ang kanyang nasabi. Napatitig sa kanya si Nica kaya parang tanga siyang nag-explain. “I mean, dapat ba lalaki at babae lang ang magmamahalan? Marami naman sa office natin at sa mga kaklase natin noon na nasa same-s*x relationships.”
“Alam ko, pero hindi iyon mag-a-apply sa atin. Naku! Isipin ko pa lang, natatakot na ako sa pwedeng gawin ng mga Daddy natin.”
Tumawa si Rhav nang hilaw. “Panigurado.” Bigla siyang pinagpawisan. Uminit ang buong kusina. Ininom niya ang isang basong tubig upang maibsan ang kaba. “Joke lang iyon kanina,” halos bulong na sabi niya.
Ngumiti si Nica sa kanya nang malambing. “Beshy, kumain ka na para mas ma-enjoy mo ang day off mo. Nilabhan ko na rin pala ang labahan mo. Tupiin mo na lang iyon mamaya.”
“Salamat, Beshy!” Kinain na ni Rhav ang natitirang chicken. “May lakad ka ba?” tanong niya pagkatapos lumunok.
“Ah, oo. May business meeting si Bossing at kailangan daw kasama ako. Ipapasundo niya ako dito maya-maya.”
“Okay. Hindi ko na lang i-lock ang pinto sa itaas. Dalhin mo na rin ang susi mo dahil baka makatulog na naman ako mamaya.”
“Okay!” Inubos na nila ang pagkain. Naglinis sila ng mesa at naghugas ng plato nang magkasama, tulad ng dati.
Muntik na siya kanina. Habang naghuhugas ng kamay, tahimik na dasal ni Rhav sa sarili. “Lord, konting tiis pa po, please?”
Pagkatapos niyang magpaalam, umalis si Nica patungo sa meeting. Si Rhav naman ay bumalik sa kama, pero hindi na siya nakatulog agad. Nakaupo siya sa gilid ng kama, tinitigan ang poster ng BTS sa pinto. Sa isip niya, paulit-ulit ang mga salita ni Nica. “Dahil sa’yo... masaya naman ako kahit walang boyfriend.”
May maliit na ngiti sa labi niya, pero may luha rin na unti-unting namuo sa mga mata. Alam niyang mali ang pag-asa, pero sa sandaling ito, pinayagan niya ang sarili na maniwala na may bahagyang pag-asa. Bukas, magsisimula na si Nica na mag-entertain ng iba. Pero ngayon, sa hapon na ito, siya pa rin ang kasama nito sa condo na ito. Siya pa rin ang beshy na laging nandito.