KAHIT papaano ay medyo nagustuhan ko naman ang mga damit sa sumunod na tindahan. Mga dress iyon na iba’t iba ang kulay at tabas. Hanggang tuhod lang ang pinaka mahaba at walang hanggang paa na katulad ng mga nakasanayan kong suotin. Wala ding kulay itim na paborito kong kulay. Talagang nag-demand ako kay Malena na gusto ko ng mahaba at kulay itim na damit pero nagalit lang siya. Kung ganoong damit daw ang susuotin ko ay parang walang kwenta daw ang pagbabagong gagawin ko.
May point naman siya pero dapat ba talagang baguhin ang sarili para lang magustuhan ka ng isang tao?
Medyo napagod ako nang matapos kaming mamili sa naturang tindahan. Dalawang dress at limang pares ng blusa at palda ang binili ko. Iba’t iba ang kulay para daw matuto akong mag-mix and match ng damit. Habang si Malena naman ay bumili ng tinatawag nilang pekpek shorts.
Kumain na rin kami ng lunch dahil hindi kami nakakain sa bahay ni Thaddeus bago pumunta dito. Sa isang restaurant sa loob ng mall na din kami kumain. Sarap na sarap ako sa malaking beef steak na inorder ko.
“Malena, saan na ang sunod na punta natin pagkatapos nating kumain?” tanong ko sa kanya.
“Sa salon…”
“Salon? Hindi ba doon nagpapagupit ang mga tao?”
“Hindi po. Doon po nagpapalaba…” Pilosopo niyang sagot at tatawa-tawa pa siya.
“Leche ka talaga, Malena! Bilisan mo nang kumain diyan at tapos na ako. Gusto ko nang umuwi. Huli na naman `yong salon, tama ba?”
“Opo. Pagkatapos natin doon ay uuwi na tayo.”
At nang matapos na nga kaming kumain ay dumiretso na kami ni Malena sa salon. Magpapa-rebond na rin daw siya ng buhok habang ako naman ay gugupitan at lalagyan ng kulay ang aking buhok. Iyon ay suggestion ni Malena sa hair stylist na bakla na siyang gagawa ng buhok ko.
Pero labag iyon sa aking kalooban. Ayokong ipabago ang aking buhok! Nais ko ay maging natural na mahaba at kulay itim iyon kaya naman ganoon na lang ang pagtingin ko ng masama sa baklang hair stylist.
“Ma’am, a-ang ganda naman po ng hair niyo…” Halata ang takot sa mukha ng bakla habang hinahaplos niya ang buhok ko.
“Tama ka. Maganda nga. Subukan lang talagang may gumalaw sa buhok ko at kakainin ko ng buhay!” angil ko.
Natataranta namang binitiwan ng bakla ang aking buhok. “Naku, ma’am, sige po. Hindi ko na kayo gugupitan--”
“Gupitan mo siya, bakla… `Wag kang matakot sa kanya. Sagot kita…” singit ni Malena na nilalagyan na ng gamot ang buhok kasama na ang diretsong bangs nito.
“Ngunit, Malena, ayoko nga kasi--”
“Ma’am Esha, gusto niyo bang magustuhan kayo ni Thaddeus o hindi?”
“Gusto!” Mabilis kong sagot.
Sinenyasan ni Malena ang bakla. “Sige na, gawin mo na ang dapat mong gawin, bakla.”
“S-sure po kayo? Para kasing ayaw ni ma’am na ipagalaw ang buhok niya.”
“`Wag kang mag-alala, sagot sabi kita…”
“O-okay po.” Nanginginig na muling lumapit sa akin ang bakla at hinawakan ang aking buhok. “Ako po bahala sa buhok niyo. P-pagandahin ko po lalo.”
Wala na talaga akong magagawa. Kailangan ko na talagang ipabago ang style ng aking buhok. Kailangan kong sundin muna si Malena sa pagkakataon na ito.
“Siguruhin mo lang na magugustuhan ko ang gagawin mo sa aking buhok dahil kung hindi, idadamay ko ang pamilya mo sa galit ko!”
“Ulilang lubos na po ako.”
“Pwes, ang jowa mo na lang!”
Biglang naglupasay ang bakla sa harapan ko na akala mo ay mamamatay na siya. “`Wag po ang jowa ko! Promise po, gagalingan ko! `Wag niyo pong idamay ang jowa ko, ma’am! Parang awa niyo na! Pinag-aaral ko pa po siya!” Mangiyak-ngiyak na pakiusap niya.
“Oo na! Tumayo ka na diyan at umpisahan mo na!” sigaw ko.
Nagmamadaling tumayo ang OA na bakla at humingi ng pasensiya. Nang umpisahan na niya ang paggupit sa aking buhok ay ipinikit ko na lang ang aking mata dahil ayokong masaksihan ang paggupit niya sa buhok na inalagaan ko ng ilang taon. Walang ibang tao ang humahawak sa buhok ko kahit noong una pa. Ako mismo kasi ang gumugupit diyan.
Sa pagpikit kong iyon ay medyo nakaramdam ako ng antok hanggang sa tuluyan na akong makatulog…
“MA’AM, gising na po. Wake up na-- Aayyy!!!” Takot na takot na sumigaw ang bakla na nasa harapan ko nang gisingin niya ako at akmang sasakmalin ko siya.
Ganoon kasi talaga ako kapag ginigising bigla, nananakmal! Lumalabas pa rin talaga ang pagiging aswang ko kahit hindi na ako full-blooded aswang. Mabuti na lang talaga at naawat agad ako ni Malena kung hindi ay baka nakagat ko na sa mukha ang kawawang bakla.
“Ma’am Esha, awat na po. Huwag mo siyang kainin…” ani Malena at talagang hinawakan pa niya ako sa magkabilang braso.
“Bitiwan mo ako!” sabi ko sabay piksi.
Wala sa sarili na napatingin ako sa malaking salamin sa aking harapan at ganoon na lang ang pagkagulat ko nang makita ko ang sarili ko doon. Napatayo pa talaga upang lumapit sa salamin at tignan ng mabuti ang aking repleksiyon.
Ibang-iba na ang buhok ko. Straight pa rin naman iyon pero kulay brown na. Tapos nagkaroon na iyon ng body at hugis. Hindi na lang siya basta straight. May texture na siya. Kung dati ay hanggang beywang iyon ngayon ay hanggang balikat na lang. Napansin ko rin ang light make up sa aking mukha.
“A-ako ba talaga ito, Malena?” Hindi makapaniwalang turan ko sabay harap sa kanya.
Mabagal siyang pumalakpak. “Ang pretty mo na lalo, Ma’am Esha…” puri niya.
“You’re my creation! Ang ganda-ganda mo!” Mangiyak-ngiyak naman ang baklang nag-ayos sa akin.
Muli akong tumingin sa salami. Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako makapaniwala na may igaganda pa pala ako. “Ang ganda ko! s**t!” Eksaheradang bulalas ko.
Sorry. I just can’t help my self!
BAGO kami umuwi ni Malena ay ipinasuot muna niya sa akin iyong isang blusa at palda para daw bagay sa hitsura ko. Nasasabik na tuloy akong makita ako ni Thaddeus. Sigurado ako na tutulo ang laway niya sa akin kapag nakita na niya ang bagong ako.
Mas maganda. Mas kahali-halina. Mas kaakit-akit.
Tignan ko lang kung ma-resist niya ang alindog ko!
Sa wakas ay nakauwi na kami sa bahay ni Thaddeus. Pagpasok ko ay nakita ko siya na nakaupo sa sofa sa salas habang nanonood ng telebisyon at nakapaton ang dalawang paa sa center table.
Napamaang siya nang makita ako sa bungad ng pinto. Very dramatic na hinawi ko ang aking buhok at nang-aakit na tinignan siya. Itinuro sa akin iyon ni Malena. Sabay pasimpleng dinilaan ko ang aking labi.
“Hi, Thaddeus…” Paanas na bati ko. Turo din ni Malena.
Kumurap-kurap si Thaddeus at ipinilig ang ulo. Saka siya tumingin ulit sa akin. “Saan kayo pumunta ni Malena?” Tila galit na tanong niya.
“Sa mall. Nagpaganda ako.” Umikot pa ako para makita niya ang kabuuan ko. “Ang ganda ko na lalo, `di ba? Nagustuhan mo ba ang bagong ako, Thaddeus?”
Kitang-kita ko kung paano lumunok si Thaddeus at ang pamumuo ng pawi sa noo niya. Mukhang tinatablan na siya sa akin.
Magiging madali yata ang misyon kong paibigin siya.
Naaamoy ko na ang tagumpay!