SACHI'S POV
"Pinapatawag nga pala tayo ni Mr. Montero," biglang sabi ni Clyde habang naglalakad kami papasok ng academy.
"Bakit daw?" tanong naman ni Lyca.
Nagkibit balikat lang si Clyde. Nagpatuloy kami sa paglalakad hanggang sa makarating kami sa may entrance ng school. Nakangiti akong humarap sa kanilang apat.
"Magkita na lang tayo mamayang lunch," masiglang sabi ko sa kanila. Hindi na kasi kami magkakasabay dahil dadaan pa sila sa opisina ni Director.
"Sachi, kasama ka sa pinapatawag," seryosong sabi naman ni Clyde.
"Ha? Ako?" hindi makapaniwalang tanong ko pa. Buong akala ko kasi ay mga Grandis lang ang pinapatawag at hindi ako kasali doon.
"Iyon ang bilin ni Mr. Montero e," sagot naman sa akin ni Clyde.
Hindi na lang ako nagsalita pa. Naguguluhan man ay sumabay na ako sa kanila sa paglalakad. Makakapunta na naman ako sa opisina ni Mr. Montero ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin ako marunong lumipad. Ayaw ko naman nang magkaroon pa ng utang na loob kay Blake.
"Namomroblema ka ba sa kung paano makakarating sa opisina ni Director?" bulong sa akin ni Lyca na sinabayan ako sa paglalakad.
Bigla akong nakaramdam ng hiya. Hanggang ngayon kasi ay hindi pa ako marunong lumipad. Hindi naman kasi ako natuturuan pa ni Ms. Aira. Nahihiya naman akong magpaturo kina Monica dahil alam kong pagod na sila after ng training namin kay Ms. Aira. Kaya hanggang ngayon ay wala pa akong ka-ide-ideya kung paano lumipad.
"Don't worry. Tutulungan kita na makaakyat sa opisina ni Director. Ako ang bahala sa 'yo," nakangiting sabi pa niya.
"Salamat, Lyca. At pasensya na rin," nahihiya ko namang sabi sa kaniya.
"Ano ka ba? Kaibigan kita kaya natural na tinutulungan kita," sagot pa niya.
Napangiti na lang ako. Ipinagpatuloy namin ang paglalakad hanggang sa makarating kami sa may harap ng Admin Building. Huminga ako ng malalim nang biglang hawakan ni Lyca ang kamay ko. Nakita ko pang lumingon sa amin si Blake ngunit hindi ko na lang iyon pinansin pa.
"Marunong ka na bang lumipad, Sachi?" tanong sa akin ni Monica.
"Ako na ang bahala sa kaniya, guys," biglang sagot naman ni Lyca.
"Sure ka, Lyca? Kaya mo si Sachi?" tanong naman ni Clyde.
Marahan namang tumango si Lyca. Wala nang nakapagsalita pa dahil bigla na lamang lumipad si Blake papunta sa opisina ng tatay niya. Naramdaman ko naman ang paghawak ni Lyca sa kanang kamay ko.
"Sige na nga, tulungan na rin kita," sabi naman sa akin ni Monica at saka hinawakan ang kaliwang kamay ko.
Unti unti kong naramdaman ang pag-angat ng katawan ko mula sa sahig. At sa ilang saglit pa ay matiwasay na nakarating kaming tatlo sa opisina ni Director. Pagkapasok namin ay nandoon na si Blake at prenteng nakaupo. Pati si Director ay nandoon din at may binabasa siyang papel.
"Good morning po Director Montero," sabay sabay naming bati.
"Good morning kids. Have a seat, please."
Agad kaming nagsiupuan upang marinig na ang sasabihin ni Mr. Montero. Nakatuon lang ang atensyon ko sa kaniya nang ibaba niya ang papel na hawak niya at saka deretsong tumingin sa amin.
"Pinatawag ko kayo dahil may special na mission kayong kailangang gawin," seryosong sabi ni Mr. Montero.
Gusto ko sanang magtanong kung bakit pati ako ay kasama sa misyong sinasabi niya ngunit wala akong lakas ng loob para gawin iyon. Papakinggan ko na lang muna ng buo ang sasabihin niya bago ako magtanong.
"Kailangan niyong makuha ang kwintas ni King Caylix na nakatago sa kweba ng mga dating diwata, ang Pixie's Cave."
"Ang kwintas na matagal niyo na pong hinahanap?" tanong ni Lyca.
"Yes Princess. Iyon na lamang ang natitirang alaala ng iyong yumaong ama. Nararapat lamang na mapapunta sa iyo 'yon. At isa pa, malaki ang paniniwala ng mga dalubhasa na natatago sa kwintas na iyon ang ibang kapangyarihan ng hari at maaari iyong mapunta sa 'yo kapag isinuot mo ito," mahabang sagot naman ng Director.
"Ngunit hindi ba't ang Pixie's Cave ay malapit sa boundary ng lugar ng mga Dark Maxime?" kinakabahang tanong naman ni Monica.
"Yes. Kaya wala akong ibang maaasahan kundi kayo dahil mas malalakas kayo kumpara sa kahit na sino. Kaya Blake, Monica, Clyde and Sachi, inaaasahan ko na makukuha niyo ang kwintas at walang mapapahamak sa inyo."
"Wait, hindi ako kasama?" hindi makapaniwalang tanong ni Lyca.
"Pasensya ka na Prinsesa Lyca. Lubhang mapanganib sa 'yo ang lugar na iyon sapagkat maaari kang makuha ng mga Dark Maxime. Kaya hayaan na natin sa kanilang apat ang misyong ito," seryosong sagot naman ni Mr. Montero.
"I don't get it. Ako ang pinakamalakas na Maxime. Ako dapat ang kukuha ng kwintas ni Daddy," malungkot na sabi ni Lyca.
Nakaramdam ako ng awa sapagkat ramdam na ramdam ko ang pagkalungkot sa boses niya. Alam kong miss na miss na rin niya ang mga magulang niya. At ang kwintas na sinasabi ni Mr. Montero ang isa sa paraan para maalala ni Lyca ang tatay niya.
"I know Princess Lyca. Ngunit hindi ko kayang ilagay sa alanganin ang buhay mo," seryosong sabi naman ni Mr. Montero.
Ngayon ay naiintindihan ko na kung bakit kasama ako sa misyong ito sapagkat hindi pala kasama si Lyca. Alam kong disappointed siya sa na hindi siya kasama. Kitang kita ko iyon sa mga mata niya.
"I'm sorry, Mr. Montero. Pero hindi ko maintindihan. Paano ako mahahasa at magiging isang magaling na Maxime kung bine-baby niyo ako? Paano ko pamumunuan ang lahi natin kung hindi niyo ako hahayaang iligtas ang sarili ko."
Pagkasabi no'n ni Lyca ay lumabas siya ng opisina. Naiwan kaming nakatulala dahil sa mga narinig. May point nga naman si Lyca at hindi ko alam kung anong tumatakbo sa isipan ngayon ni Mr. Montero.
"What now?" pagbasag ni Blake sa katahimikan.
"I will just send you the details in your dorm. Kailangan ko munang isangguni sa mga dalubhasa ang mga sinabi ni Prinsesa Lyca. I will try to convince them," sagot naman ni Mr. Montero.
"She will just ruin the mission. You know that," walang ganang sabi pa ni Blake.
"Blake," sabay na tawag naman nina Monica at Clyde.
Hindi na nagsalita pa si Blake habang si Mr. Montero ay napailing na lamang. Lihim akong napabuntong hininga dahil sa mga nangyayari. Pakiramdam ko ay nasu-suffocate ako.