SACHI POV
Maaga akong pumasok ngayon dahil sinisipag ako at isa pa, maaga akong nagising ngayon. At dahil nga sa sobrang aga ko ay nagderetso muna ako sa rooftop ng building. Dito na lang muna siguro ako magpapalipas ng oras. Kalahating oras pa kasi bago mag-umpisa ang klase ng first subject ko. Wala naman kasi akong ibang matatambayan kundi rito lang. Nakakaenjoy kasi ang tumambay dito dahil ako lang ang pumupuntang estudyante rito.
“Sachi!”
Nagulat ako nang biglang may tumawag sa akin mula sa likod ko. Pagkaharap ko ay nakita ko si Monica kasama ang mga kaibigan niya. Agad naman siyang lumapit sa akin.
“Hi! Kamusta ka na?” masaya niyang bati sa akin.
Friendly talaga si Monica at napakagiliw niya. Lagi siyang nakangiti na umaabot sa mga mata niya.
“Ayos lang naman. Pero teka, anong ginagawa niyo dito? Paano kayo nakapasok?”
Ang alam ko kasi ay hindi nagpapapasok ang school ng mga outsider. Maliban na lang kung may concern sila sa school. Nagkatinginan naman sina Monica at Clyde habang si Blake ay umupo lang sa isang tabi.
“May kinausap lang kami. Ikaw, anong ginagawa mo dito? Wala ka pa bang klase?” tanong naman sa akin ni Clyde.
“Napaaga kasi ako ng pasok kaya tumambay muna dito. Ito kasi ang sanctuary ko. Himala nga at may ibang nagpunta rito bukod sa akin.”
“Nakakaabala ba kami sa’yo?” tanong naman ni Clyde.
“Hindi a. Tutal nandito na rin kayo, baka alam niyo kung anong school iyon?”
Itinuro ko sa kanila ang school na lagi kong tinitingnan. Lumapit naman sa akin si Monica at palipat lipat ang tingin niya sa school at sa akin.
Lumapit din sa akin si Clyde pati si Blake na nakaupo kanina. Nakatingin silang tatlo sa akin na parang kinikilatis ako.
“Ikaw ang hinahanap namin?” tanong sa akin ni Monica.
Ano raw? Ako ang hinahanap nila? Bakit naman nila ako hahanapin? Nasa harap lang naman nila ako.
“Hindi tayo nakakasiguro dyan.” sabi naman ni Clyde.
“Pero nakikita niya ang Special Academy. At tanging mga Maxine lamang ang may kakayahan na makita iyon.” sabi naman ni Monica.
Special Academy? Maxine? Takas ba sa mental ang tatlong ito? Ano bang pinagsasabi nila?
Nagulat naman ako nang bigla akong hinawakan ni Blake.
“Sumama ka sa akin.” seryoso niyang sabi sa akin.
Iyong dalawa ay natigilan at napatingin sa aming dalawa. Habang ako ay napatitig na lang kay Blake. Seriously, nakakatakot ang mga tingin niya. Idagdag pa na hawak niya ng mahigpit ang kamay ko.
“Ano?”
Sa daming gumugulo sa isipan ko ay iyon lang ang lumabas sa bibig ko. Napatingin ako sa kamay ni Blake at may nakita rin akong tattoo na katulad nang kay Monica. Pero ang kay Blake ay nakatayong triangle samantalang iyong kay Monica ay nakabaligtad.
“Clyde, teleport now.” mariing utos ni Blake.
Magsasalita pa sana ako kaso naramdaman kong parang may malakas na hanging humihigop sa akin kaya napapikit na lang ako. Para akong tinatangay ng hangin kaya sobrang takot ang nararamdaman ko ngayon.
“Hey Sachi, you can now open your eyes.” narinig kong sabi ni Monica.
Kaya unti unti kong iminulat ang mga mata ko at napanganga na lang ako na wala na kami sa rooftop. Nasa loob na kami ng isang bahay. Paano kami napunta rito? Nakaupo ako sa sofa habang sila ay nakatayo sa harap ko.
“Teka, mahuhuli na ako sa klase ko.”
Agad akong tumayo ngunit humarang silang tatlo sa harap ko. Kinakabahan na talaga ako at natatakot sa tatlong ito.
“May mga tanong lang kami Sachi.” seryosong sabi sa akin ni Clyde.
“Ano ‘yon?”
“May Special ka ba?” seryosong tanong ni Monica.
“Special someone? Wala Monica. No boyfriend since birth ako. Wala sa isip ko ang mga ganyang bagay. Focus muna ako sa study ko. Kaya aalis na ako dahil baka malate pa ako.”
Aalis na sana ako ngunit nahawakan ako ni Blake at sapilitang pinaupo sa sofa.
“Ano ba?” sigaw ko sa kaniya pero ngumisi lang siya.
“Ibang Special ang tinutukoy namin Sachi.” sabi naman ni Monica.
“Ano bang tawag ‘non dito sa mundo niyo? Parang magic or powers.” sabi naman ni Clyde.
Hindi ko na napigilan ang malakas kong pagtawa. Powers? Magic? Takas nga ata sa mental ang tatlong ito. Tawa lang ako ng tawa hanggang sa magkaroon ng apoy sa palad ni Blake. Natigilan ako at hindi makapagsalita. Paano niya nagawa iyon ng hindi siya napapaso?
“Iyan ang Special ni Blake, ang fire.” seryosong sabi ni Monica.
“Tama na iyan Blake, natatakot na ata si Sachi.” utos naman niya kay Blake na agad naman nitong sinunod.
Tinikom lang ni Blake ang kamay niya at nawala na lang ang apoy sa kamay niya.
“Maligno ba kayo?”
Hindi nakatakas sa paningin ko ang pag-irap sa akin ni Blake.
“Hindi kami maligno Sachi. We are Maxines.” sabi naman ni Monica.
“Maxines?”
“Yes, iyon ang tawag sa mga taong may Special na katulad namin. Ako ay isang water maximus, si Blake ay fire at si Clyde naman ay air maximus.”
Nananaginip ata ako. Tinapik tapik ko ang magkabila kong pisngi para magising sa masamang bangungot na ito.
“You’re not dreaming Sachi. At iyong school na sinasabi mo, ‘yon ang Special Academy. Doon pumapasok ang lahat ng Maxine. At tanging Maxine lamang ang makakakita sa Special Academy.” paliwanag naman ni Clyde.
“And since nakikita mo ang Special Academy, ibig sabihin lang noon ay isa ka ring Maxine na katulad namin.” sabi naman ni Monica.
Gusto ko silang tawanan dahil sa mga sinasabi nila pero mukhang seryoso sila. Hindi ko alam kung takas ba sila sa mental hospital o pinagtitripan lang nila ako.
“Kailangan ko nang umalis.”
Tumayo agad ako at mabilis na tinungo ang pintuan. Hahabulin sana nila ako pero bigla na lang may tumubong halaman sa palibot nila at pumulupot sa mga paa nila kaya hindi sila nakagalaw.
“Plantae ang Special mo Sachi.” natutuwang sabi ni Monica.
“Hindi ko alam ang sinasabi niyo.”
Binuksan ko ang pinto at mabilis na lumabas ng bahay. Nagtatakbo pa ako palayo doon dahil baka mahabol pa nila ako. Hindi ko alam kung saan ako papunta ngayon basta ang mahalaga ay makalayo ako sa mga baliw na iyon. Akala ko pa naman magiging kaibigan ko si Monica pero baka mahawa lang ako sa mga kabaliwan nila.
Takbo lang ako ng takbo hanggang sa mapapunta ako sa hindi ko na alam na lugar. Puro puno lang ang nakikita ko at wala akong matanaw na kalsada. Nasaan na ako? Dahil sa pagod ay naupo na lang muna ako sa ilalim ng isang malaking puno. Hindi ko alam kung anong puno ito, basta malaki siya tapos kulay dilaw ang bulaklak niya na kapag humangin ay nalalaglag ang mga maliliit na bulaklak na akala mo ay snow.
Ipinikit ko ang mga mata ko at naalala ko na naman ang mga sinabi ng mga baliw na iyon. Siguro nga takas lang sila sa mental, kung ano ano ang sinasabi nila. Pero paano kaya nila ako nadala sa bahay na iyon? Hindi kaya pinatulog nila ako para isipin ko na nagteleport talaga kami?
Maya-maya lang ay may naramdaman akong parang nakatingin sa akin. Kaya agad akong nagmulat ng mata. Saktong pagmulat ko ay siya agad ang nakita ko, si Blake. Seryoso siyang nakatitig sa akin kaya medyo nailang ako. Bigla namang humangin ng malakas kaya naglaglagan ang mga kulay dilaw na bulaklak ng puno. Pakiramdam ko tuloy ay umuulan ng maliliit na bulaklak.
“Alam kong mahirap paniwalaan.”
Napapitlag ako nang bigla siyang magsalita. Hindi ko alam kung paano niya ako nasundan dito at kung paano siya nakawala doon sa mga vines kanina.
“Pero masasagot lang lahat ng katanungan mo kung sasama ka sa Special Academy.”
Hindi ako nagsalita. Nakatingin lang ako sa kanya.
“Or kung gusto mo, tanungin mo na lang ang mga magulang mo tungkol dito.”
“They’re gone.” maikli kong sabi sa kanya.
“I’m sorry.” hinging paumanhin niya.
“Hindi ako sasama sa inyo dahil hindi ako ang taong hinahanap niyo.”
Tumayo na ako at tumalikod sa kaniya.
“Talaga? Sabagay, mukha ka ngang mahina.”
Napatigil ako sa paglalakad dahil sa sinabi niyang iyon. At kahit nakatalikod ako sa kaniya, alam kong nakangisi siya.
“Ni hindi ko nga alam kung anong nakita sa iyo ni Monica. I mean, you are too weak to become a Maxine. Naalala ko tuloy iyong nadapa ka kahapon, naglalakad ka na nga lang, nadadapa ka pa kaya imposibleng may Special ka katulad namin.”
Nagpanting ang tenga ko dahil sa sinabi niyang iyon. Pakiramdam ko ay umakyat lahat ng dugo ko sa ulo ko. Kaya inis akong humarap sa kaniya. Sinamaan ko siya ng tingin pero ang lalaking ito ay ngumisi pa kaya lalong nag-init ang ulo ko.
Hindi ko na alam ang nangyayari sa akin dahil kusang gumalaw ang mga kamay ko. At nakita ko na lang si Blake na pinapalibutan na ng mga bulaklak na nalaglag kanina.
“Blake!”
Napalingon ako sa tumawag kay Blake. Ikinumpas ko ulit ang mga kamay ko kaya napalibutan din ng mga bulaklak sina Monica at Clyde.
Ako ba talaga ang may gawa nito?
“Sachi, huminahon ka. Baka maubusan ka ng lakas kapag ginamit mo pa ang Special mo.” nag-aalalang sabi sa akin ni Monica.
Hindi ko na talaga alam ang mga nangyayari. Hindi na lang kasi mga bulaklak ngayon ang lumulutang sa ere, pati rin ang mga tuyong dahon ay nakapalibot na rin sa kanila. Tumingin ako sa kanila, abala sila sa pagsangga sa mga dahon at bulaklak. Pero si Blake ay nakatitig lang sa akin.
“Sachi, itigil mo na ito.” sabi ni Clyde.
“Hindi ko alam ang gagawin.” natatarantang sabi ko sa kanila.
Ako ba talaga ang may gawa ng mga ito? Pero paano at bakit?
Ipinikit ko na lang ang mga mata ko. At sa pagpikit ko ay bigla akong nakaramdam ng pagkahilo at parang bigla akong napagod na hindi ko maintindihan. Iminulat ko ang mata ko at nakita ko silang tatlo na nakatingin sa akin. Wala na ang mga bulaklak at dahon na nakapalibot sa kanila.
“Sachi!” narinig ko pang sabi ni Monica.
Then everything went black.