CHAPTER 8

1965 Words
NAGTUNGO si Eleri sa post office kasama si Jay na gitarista. May kakapalan ang buhok nito na siyang nauuso sa kasalukuyang panahon sa mga kalalakihan. Nakasuot din ito ng maong na jacket. Habang si Eleri naman ay makulay na bestida.  Pinasamahan siya ni Ms. Honda sa lalaki para hindi siya magkaroon ng problema kapag nagkaroon ng biglaang pagsusuri sa daan mula sa mga inspektor. Bitbit nito ang kanilang passport na ipinagkakatiwala kay Ms. Honda ng kanilang ahensiya.  “Bibili na muna ako ng mail stamps,” ani Eleri kay Jay. “Sige. Hintayin na lang kita roon sa gilid.” “Sige! Siya nga pala, hindi ka ba magpapadala ng sulat sa inyo?”  Bigla itong nalungkot sa kanyang tanong. “Hindi ko pa natatanggap ang sulat ng asawa ko, eh. Nakatatlong sulat na ‘ko nang nakaraan buwan, walang bumalik sa akin.” “Paano ang magulang mo?” “Ayos naman sila,” simpleng sagot nito. Tumango na lang siya at baka sumama pa ang emosyon nito. Hinayaan niya ang lalaki na pumuwesto sa gilid. Naglabas siya ng isang lapad na bigay rin ng kanilang landlady para bumili ng mail stamps na ididikit niya sa mga sobreng dala. Matapos makuha ang ilang piraso ng kuwadradong stamps ay nilapitan niya si Jay. Tinulungan siya nitong idikit ang mga iyon sa sobre. “Haaay... Kung bakit naman kasi hindi sila ang maglagay ng stamps. Kailangan pang isabay sa pagpapadala ng sulat,” reklamo ng lalaki.  “Ayos lang ‘yon.” Naaaliw rin siya na utusan ni Ms. Honda na magpadala ng mga iyon sa Pilipinas dahil nakagagala siya kahit papaano. Nakikita niya ang ganda ng siyudad. Masaya rin sa pakiramdam tuwing nagkakabit ng stamp sa mga sobre. Matapos masiguro na may sticker o mail stamps ang mga sobre, hinanap nila ang postal kung saan ihuhulog ang mga iyon.  “Uminom na muna tayo sa isang restoran, ililibre kita,” ani Jay. “Hindi ba tayo hahanapin ni Honda-san?” “Mamaya pa naman ang pasok natin sa bar,” katwiran ng lalaki. Pumayag si Eleri. Nagtungo sila sa isang ramen house na matatagpuan bago makarating sa istasyon ng bus.  “`Nga pala, tinanong mo ako kung bakit wala akong sulat. Eh, bakit ikaw, wala ka ring sulat na ipinadala kanina?” usisa nito sa kanya. “Ulila na ako,” simpleng sagot niya. Kumunot ang noo nito. “Ulila ka na? Walang pamilya?” Tumango siya. Ibinahagi niya rito ang nasabi kay Karla noong isang araw— na namatay na ang kanyang ina at ama noong bata-bata pa siya. Ang kanyang abuela ay namatay noong nakaraang taon. “Eh, bakit tumuloy ka pa rin dito sa Tokyo?” “Mas masarap magtrabaho rito, mas malaki ang kita kumpara sa Pilipinas.” “Sabagay! Lagi pang brownout doon!” Natawa na lang si Eleri. Matapos siyang ilibre ni Jay ng ramen, umuwi rin naman sila sa kanyang apartment.  “Salamat sa libre, Jay!” paalam niya rito bago pumasok sa loob ng gusali. Nakahiwalay ang tirahan ng mga lalaki sa kanila kaya kumaway lang ito bago dumiretso ng lakad.  Pumasok si Eleri. Natagpuan niya si Karla na naroon sa pintuan ng silid nito at naninigarilyo. Nakasuot ito ng makulay na roba na gawa sa satin. Lumapit ito sa kanya. “Anong mayroon sa inyo ni Jay?” tanong nito habang kinukuha niya ang susi ng kanyang silid. Sumandal ito sa pader.  “Magkatrabaho.” “Hindi ka yayaman niyan kung papatol ka sa hudyong iyon,” anito bago muling humithit ng usok. “Sinamahan lang ako sa postal office para maghatid ng sulat. Isa pa, may asawa ang taong iyon.” “May asawa na si Jay?” Inilapit nito ang mukha sa kanya. “Ikaw, ayaw mo ba na magpaka**** sa mga Hapon?” nakangising saad nito.  Namula ang kanyang pisngi sa sobrang laswa ng pagkakabigkas nito. Napalingon tuloy siya sa magkabilang gilid. “Ang boses mo!” Binilisan niya tuloy ang paghanap sa susi niya sa kanyang bitbit na dalahan. Hindi naman nagtagal nang matagpuan niya iyon. Hinablot ni Karla ang susi mula sa kanyang kamay. Itinapat nito sa kanya ang uka-ukang parte nito. “Isipin mo na ito ang maselang parte ng lalaki, at ang butas na ito ang puwerta na’ting mga babae.” Isinuksok nito ang bagay na iyon sa loob. “`Tapos, isipin mo kung paano lumukob sa iyong kaloob-looban ang kanyang matigas na pag-aari.” Lalong namula ang pisngi ni Eleri. Wala pang isang linggo nang may maganap sa kanila ni Kenichi at sariwang-sariwa pa ang bagay na iyon sa kanyang isipan. Hindi lang pisngi niya ang nag-init, kung hindi pati na ang kanyang puson. Ramdam din niya ang panghihina ng kanyang katawan. “M-mag-gayak ka na!” aniya rito. Binuksan niya ang pintuan. Maloko naman itong ngumisi sa kanya.  Ganoon na lang din ang kanyang pagkabigla sa nasaksihan sa loob ng kanyang silid.  “Ang mga gamit ko!” bulalas niya.  Magulo ang kanyang mga gamit na halatang may pumasok at naghalungkat doon. Nakakalat ang kanyang mga damit sa kung saan-saang parte ng silid. Bukas ang lahat ng drawer ng kanyang kabinet. Hinanap niya ang sobre na naglalaman ng kanyang mga naipon sa bansa, kasama ang perang isasauli niya dapat kay Kenichi.  Napasinghap si Karla na hindi rin makapaniwala. Ilang segundo lang ay nagbibiruan sila nito.  “Anong nangyari rito?” anito, sumunod sa kanya sa pagpasok. “Karla, ang pera ko. Nawawala ang pera ko!” Nagsimulang lumuha si Eleri. Magbabayad pa naman siya kay Ms. Honda para sa kanyang apartment. “May nakita ka bang nagpunta o nanggaling rito sa silid ko?” “Wala, eh. Halos kagigising ko lang din.” “Pa’no na ‘to? Lahat ng pera ko naroon sa sobre! Wala akong kapera-pera,” naiiyak niyang reklamo kay Karla. Kumuha sila ng atensiyon sa iba pang kasama na nakiusyoso sa bungad ng kanyang silid. Ganoon yata kapag tsismis ang usapan. Isa pa, manipis lang ang mga pader na gawa sa kahoy. Panay ang iyak ni Eleri. Wala siyang panggastos sa loob ng ilang araw dahil may nagnakaw ng pera niya! “Oh, Sol, narito ka na rin pala! Naipadala mo na ba sa magulang mo ang sampung lapad?” narinig niyang wika ni Rosa. “Oo.” “Saan ka ba nakakuha ng pera? Nawawalan din daw si Eleri ng pera.” “Talaga?” anito. Nahimigan ni Eleri na parang hindi na ito nabigla sa sinabi ng kaibigan nito.  Naalala niya na noong isang gabi lang ay problemadong-problemado ito. Ngayon ay bigla itong nagkaroon ng pera—matapos lang na mawala ng kanya.  Nilabas niya ang babae. Nakita niya pa na hawak nito ang sobre kung saan nakalagay ang kanyang salapi kaya nanlaki ang kanyang mata. Dahil iba ang emosyon niya sa kasalukuyan, idagdag pa ang pinagtagni-tagning mga pangyayari, sigurado si Eleri na ang babae ang pumasok sa kanyang silid para kunin ang kanyang ipon. “Ikaw ba ang kumuha ng pera ko?” Humalukipkip ito. “Anong pinagsasasabi mo r’yan?” “Ha’yang sobreng hawak mo, sa ‘kin ‘yan!” Napalunok naman ito at tiningnan ang iba pang kasama sa dormitoryo na nakikiusyoso rin. Tinarayan siya nito. “Ikaw lang ba ang may ganitong sobre?” “Ikaw ba ang kumuha, Sol?” nakangising tanong ni Karla.  “Hoy! Malanding babae, tigil-tigilan mo ako, ha?! Makapasok na nga sa kuwarto ko at mag-aayos pa ako! Buwisit!” “Ibalik mo ang pera ko!” Dahil sa nais niyang pigilin ang babae. Imbis na braso nito ang napigilan niya ay buhok nito ang nadali ng kanyang mga kamay. Nahablot niya ito na parang sinabunutan.  Nagalit si Sol. “Walanghiya kang babae ka! Nambibintang ka na nga, nananakit ka pa!” Sinampal siya nito kaya siya tumilapon sa kahoy na sahig. Napaiyak si Eleri. Galit naman na lumapit si Karla sa babae para gumanti rin.  “Magnanakaw!” “Pigilan n’yo ang babaeng iyan. Hindi ‘yan damay dito sa gulo namin!” galit na wika ni Sol. Pinapipigilan si Karla sa mga kasama nila. Dahil sa dami ng nagawan ng atraso ng babae, tatlo sa mga kasama niya—kasama si Rosa—ay hinawakan ito sa magkabilang braso.  “Bitiwan n’yo ‘ko! Eleri, lumaban ka!” Nanlilisik ang mata ni Sol kay Eleri. Hinablot nito ang kanyang buhok at saka siya sinabunutan. Hindi rin naman siya papayag na hindi makaganti kaya nilabanan niya ang babae. Sinampal niya rito ito kaya ito tumilapon. Aminado siya na may kasalanan din siya kung bakit siya napunta sa sitwasyong iyon. Pinagbintangan niya basta ang babae nang walang sapat na ebidensiya. “Alam mo ba kung sino ang Hapon ko rito sa bansa? Ang lakas ng loob mong saktan ako, ah!” ani Sol.  Bigla niyang naisip na miyembro ng kung anong grupo ang Hapon na madalas nitong kasama. Kaya malaki ang ulo ng babae sa iba pa ay dahil sa ideyang mabagsik ang nobyo nito.  “Pigilan n’yo rin ang babaeng iyan, kung ayaw n’yong isumbong ko kayong lahat sa boyfriend ko!” anito.  Dahil sa narinig ay pinigilan si Eleri ng dalawa pang kasama sa magkabilang braso. Nanlilisik ang mata na pinagsasampal siya ng babae hanggang sa magkaroon siya ng mga kalmot at galos sa pisngi nang wala siyang kalaban-laban. “Anong kalokohan itong ginagawa ninyo?!” wika sa lengguwaheng Hapon ni Ms. Honda. Dumagundong ang boses nito sa kabuuan ng palapag.  Natigilan ang lahat ng mga kasama niya. Kapag ganoong galit ang babae ay umuurong ang kanilang mga buntot. “Maghanap ka ng titirhan mo dahil wala ka na rito bukas! Hmp!” Dinuro siya ni Sol. Galit na umalis ito sa kanyang harapan, pagkatapos ay pumasok sa loob ng inuupahan nitong silid. “Ayos ka lang Eleri?” Nilapitan siya ni Karla. Umiyak siya nang tahimik. Paano niya mababayaran ang kanyang silid? Saka totoo nga kaya na kaya siyang paalisin ng babae sa kanyang tirahan? Paano na siya ngayon? “Naku! Siguradong hindi ka papapasukin ni Tonya sa trabaho mamaya. Nagdudugo ang pisngi mo. Ang babaeng ‘yon! Sigurado ako na siya ang kumuha ng pera mo!” “Pero may katwiran siya, Karla, wala akong ebidensiya.” Nagpatuloy siya sa pag-iyak.  Patuloy sa pagsasalita si Ms Honda sa salitang Hapon na hindi na niya naiintindihan. “Hai!” sagot dito ni Karla. “Pumasok ka na para matigil na ang Kondesa sa galit niya.” “Ikaw na ang magpaalam kay Joshi at Tanya na hindi ako makapapasok.”  Muli siyang humikbi. Sigurado siya na hindi rin siya makakakanta nang maayos sa entablado. Sigurado rin siya na hindi siya papapasukin sa loob ng bar na may ganoong sugat siya sa kanyang mukha. Ganda at kinis ng balat ang isa sa mga puhunan nila sa bar. Baka lalo lang siyang magkaproblema kung irereklamo siya ng mga parokyano.  Pumasok siya sa silid at tahimik na lumuha. Paano na siya nito ngayon? Inayos niya na lang ang kanyang mga gamit na nakakalat sa kanyang silid. Inabot siya ng ilang oras. Bigla siyang natahimik habang nag-aalala sa kanyang kinabukasan sa mga susunod na araw.  Hindi na niya namalayan na nakatulugan niya na lang ang mga pag-iyak niya.  Alas diyes ng gabi nang mabibilis na katok sa pintuan ng silid ni Eleri ang nagpagising at nagpakaba sa kanya. Sigurado siya na wala pa sa apartment ang kanyang mga kasama at naroon ang mga ito sa trabaho. Nilapitan niya ang pinto na doble-doble ang pagtambol sa kanyang dibdib. Ganoon na lang ang kanyang bigla nang makita kung sino ang kanyang bisita. Hindi niya inaasahan ang biglaan nitong pagdating. Idagdag pa ang katanungan kung paano ito nakapasok doon.   
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD