CHAPTER 1
Sa kalagitnaan ng gabing malamig, umuulan at kumukulog nang napakalakas. Gumuguhit ang matatalim na kidlat sa madilim na kalangitan ngunit nakatayo lamang siya sa gilid ng bangin.
Siya na lang ang natitirang nakatayo sa grupo nila habang ang mga kasama niya ay hindi na makakilos dahil sa dami ng mga sugat sa katawan. Siya na lang mag-isa ang nakaharap sa mga kalaban.
Pinilit niya na manatiling nakatayo kahit pa marami na rin siyang sugat, dahil wala nang ibang pwedeng humarap sa mga kalaban kung hindi siya. May tali ang kaniyang braso pati ang kaniyang hita dahil may mga malalalim itong sugat at hindi matigil ang pagdurugo.
Pinunasan niya ang dugo na dumadaloy sa noo niya at binitawan ang hawak na karambit. Wala na siyang hawak na armas ngayon ngunit hindi ibig sabihin ay sumusuko na siya.
Buong tapang siyang humarang sa mga kasama niya. Marami ang mga kalaban at mag-isa na lang siyang nakatayo pero hinding-hindi siya magpapatalo.
"Hinding-hindi ako magpapahuli nang buhay sa inyo! Patayin n'yo muna ako bago n'yo sila malapitan!" malakas at determinadong sigaw niya. Nangibabaw ang kaniyang tinig sa kabila ng malakas na pag-ugoy ng hangin sa mga puno sa paligid at sa mga pagpatak ng ulan.
"T-Tama na," ani isang tinig sa tabi niya. Tila nagmamakaawa ito ngunit hindi niya ito pinansin. "H-Huwag mo na silang labanan. Papatayin ka nila..."
"Hindi ako susuko. Hangga't nakatayo ako rito, hindi ko kayo pababayaan," mariing sambit niya.
Maririnig ang pagputok ng mga baril sa paligid. Dumapa siya sa lupa para maiwasan ang mga bala. Pag-angat niya ng tingin ay namataan niya ang isang shotgun malapit sa kaniya.
Wala na siyang ibang pagpipilian. Buong lakas siyang gumapang sa maputik na lupa at dinampot ang malaking shotgun. Kasabay ng kaniyang pagtayo ay ang pagliwanag ng paligid nang isang segundo dahil sa kidlat na gumuhit sa umiiyak na kalangitan. Gamit ang nanginginig na mga kamay ay itinutok niya ang hawak na shotgun sa mga kalaban.
"Hinding-hindi ko ibibigay ang kasiyahan ng pagkapanalo mo! Pinagsisisihan ko na nagtiwala at nagpauto ako sa'yo! Damhin mo ang aking galit at hinagpis!!!!" malakas at puno ng hinanakit na sigaw niya bago sunod-sunod na pinaputukan ang mga kalaban.
"Huwag!"
Umalingawngaw ang sunod-sunod na putok ng baril sa paligid.
Bakit ganito ang kinahantungan ko? Bakit hinayaan ko ang sarili ko na malugmok sa nakaraan? Bakit kita minahal? Bakit ikaw pa?
***
[Mary Rose Caballero]
Kasabay ko ang bestfriend ko na si Cristy habang naglalakad papuntang bleachers. Nasa gym kami ngayon dahil niyaya ako ng kaibigan ko na manood ng basketball dahil wala kaming prof.
Sa totoo lang ay wala akong kahilig-hilig manood ng basketball at napilitan lang ako na sumama dahil nakulitan ako sa kaibigan ko.
Nakasimangot ako na umupo sa front row katabi ni Cristy. Naririndi ako sa mga tili ng mga estudyante mula sa taas ng bleachers habang tsini-cheer ng mga ito ang basketball team ng school namin.
"Shocks! Ang galing talaga ni Paul! Go, Paul! Anakan mo 'ko! Kyaahhh!" kinikilig na parang bulate na sigaw ni Cristy.
Nalukot tuloy ang mukha ko. Matagal ko nang alam na may gusto ang kaibigan ko sa captain ng basketball team na si Paul Madrigal. Bakit nga ba ako nagtaka noong kinulit ako nito kanina para pumunta sa gymnasium at manood ng basketball? Malamang ay gusto lang nito makita si Paul--na isa sa pinakasikat na lalake sa Henderson University.
Si Cristy lang ang kaibigan ko ngayon at kaklase ko rin ito dahil parehas kami na Education ang kursong kinuha. Passion ko kasi ang magturo at kahit noong nasa Quezon pa ako ay marami akong mga batang kapitbahay na tinuturuan na magbasa at magsulat.
Sa pagkakaalam ko ay may kaya ang pamilya ng kaibigan kong si Cristy--hindi mayaman pero hindi naman mahirap. Average level kumbaga. Naging kaibigan ko siya noong first day ko pa lang sa Henderson University at dahil parehas silang kalog ay mabilis silang nagkasundo.
Hindi rin lingid sa kaalaman ko ang matinding pagnanasa--ay este pagkagusto ni Cristy kay Paul. Sa kasamaang-palad, makailang beses na itong na-basted ng antipatikong Paul na iyon.
"Hoy Cristy! Sandali, saan ka pupunta? Five minutes na lang, mag uumpisa na ang first class natin!"
Habol-habol ko ngayon si Cristy na hindi magkandarapa sa kakahabol kay Paul sa hallway.
"Paul! Wait a minute kapeng mainit na barako na pampagising--"
Tumigil naman si Paul sa paglalakad at humarap kay Cristy. Nakasimangot ito pero hindi nabawasan ang pagkagwapo.
Mapungay ang mga mata nito, makapal ang kilay, matangos ang ilong at manipis ang labi. Matangkad din ito, maputi at maganda ang pangangatawan dahil na rin siguro sa paglalaro ng basketball.
Kasama nito ang ilan sa mga ka-teammate sa basketball pero si Blake lang ang kilala ko sa mga iyon. Si Paul at si Blake lang kasi ang gwapo sa grupo kaya ang dalawa lang ang kilala niya.
Tumigil kami ni Cristy sa kakatakbo at sabay na naghabol ng hininga.
Dios ko! Hindi ko pinangarap na makapasok dito sa magandang eskwelahan ng Henderson University para lang maghabol sa mga lalake!
Mula second floor pa kami tumakbo para maabutan si Paul. Nagtataka nga ako kung bakit naroon ito ngayon. Sa pagkakaalam ko ay Biology student ito.
"What do you need?" salubong ang mga kilay na tanong ni Paul kay Cristy.
Hindi naman nawala ang ngiti ng kaibigan ko habang titig na titig pa rin sa mukha ni Paul. Parang tanga talaga 'to. Gusto ko tuloy hilain ang buhok niya para matauhan naman.
"K-Kinain mo na ba 'yong chocolate na binigay ko sa'yo kahapon?" tanong ni Cristy.
Umiling si Paul, bakas ang pagkairita sa mukha. "Nah. I threw it away. May itatanong ka pa ba? Nagmamadali kasi kami. I don't like wasting my time."
"Oo nga. Huwag ka nang umasa rito kay Paul, Cristy. Olats ka rito. Hindi ba, bro?" Si Blake. Isa rin pala itong antipatiko katulad ni Paul. Hindi na ako nagulat.
Napamaang kami parehas ni Cristy dahil sa sinabi ni Paul. Gusto ko siyang hambalusin ng dala kong bag dahil sa kakapalan ng mukha.
Itapon niya 'yong chocolate na binigay ni Cristy? Ang mahal kaya ng chocolate na 'yon, binili pa nila 'yon sa supermarket na malapit sa university nila. Halos maubos nga ang baon ni Cristy para lang mabili 'yon. Ang kapal ng mukha ng lalakeng 'to.
"B-Bakit mo itinapon? Binili ko 'yon para sa'yo." Bakas sa tinig ni Cristy ang pagkadismaya sa nalaman.
Ngunit inismiran lang ni Paul ang kaibigan ko. "Bakit ko itinapon? Simply because I don't like chocolates."
Nagsitawanan sila Blake at ang ibang kasamahan nito sa likod. Nag-init kaagad ang ulo ko. Akmang magsasalita ako nang maunahan ako ni Cristy.
"Ganoon ba?" Biglang tumawa ang kaibigan ko with matching palakpak pa. Malapit ko na siyang masabunutan sa kabaliwan niya. "Iyon lang pala, eh. Hindi ko naman kasi alam na ayaw mo sa chocolates. Ano bang gusto mo?" Parang wala lang kay Cristy ang ginawa nitong pagtapon sa chocolate niya kahapon.
Napabuga ng hangin si Paul na halatang naiinis na.
"You don't need to buy me anything. Kaya ko namang bilhin 'yon. At huwag ka na rin magbigay pa ng kung ano-ano sa akin. I'm not interested to you. Matagal na 'kong nakukulitan sa'yo at ilang beses ko na rin sinabi sa'yo na hindi kita type pero bigay ka pa rin ng bigay sa akin ng kung ano-ano."
Aba, talaga namang pinipikon ako nv lalakeng 'to! Kaunti na lang talaga at masasapak ko 'to!
"Okay lang kung hindi mo nagustuhan. Ang importante sa akin ay 'yong maipadama ko sa'yo ang pagmamahal ko," nakangiting tugon ni Cristy.
Nangasim tuloy ang mukha ko. Gagang 'to! Ang martyr!
Nagsimulang manukso ang mga kasama ni Paul. "Patay na patay siya sa'yo, bro. Hahahaha! Patulan mo na!"
"Shut up," inis na saway ni Paul bago dahan-dahan na lumapit kay Cristy. Hindi naman natinag ang kaibigan ko at nanatiling nakangiti kay Paul.
"What do you want?" seryosong tanong nito.
Mas lalong lumuwang ang ngiti ni Cristy. "Ikaw. Ikaw ang gusto ko."
Hindi ko na napigilan na sumabat. "Tumigil ka na nga, Cristy. Nagsasayang ka lang ng oras sa lalakeng 'yan. Wala kang mapapala riyan. Puro lang kayabangan at pagiging antipatiko ang alam niyan. Palibhasa alam niyang may gusto ka sa kaniya."
Napa-'whoah' ang mga kasamahan ni Paul. Halos wala na ring dumadaan na estudyante ngayon dahil umpisa na ng klase.
Biglang dumako sa akin ang masamang tingin ni Paul. Tiningnan niya ako mula ulo hanggang paa. Tinaasan ko naman siya ng kilay, hindi nagpatalo sa pakikipagtagisan ng tingin.
"Rose, ano ka ba?" saway sa akin ni Cristy pero hindi ko siya pinansin.
"What's your name?" tanong ni Paul sa akin, madilim na ang mukha at parang mangangain ng buhay.
Seryoso? Tinatanong niya ang pangalan ko? Akala ko kasi ay magagalit siya sa sinabi ko pero nanatili lang siyang nakatitig sa akin at walang ibang ginawa maliban sa masama niyang tingin.
"Mary Rose Caballero," taas-noong pagpapakilala ko. "Kaibigan ako ni Cristy--ng babaeng binabastos mo sa harap ko mismo. May problema ba?"
Napatango siya sabay halukipkip, pinapasadahan ng tingin ang kabuuan ko. "So...Mary Rose Caballero, tatandaan ko ang pangalan na 'yan."
Dahan-dahan siyang umatras nang may nakapaskil na ngisi sa mga labi at tumalikod na.
"Bye, Paul! I love you! Ingat ka palagi and always drink water para hindi ka ma-dehydrate!" pahabol ni Cristy.
Umikot ang mga mata ko. Hindi ko lubos-maisip kung bakit nagkagusto si Cristy sa lalakeng iyon. Gwapo nga, masama naman ang ugali at mayabang ba.
Tuluyan nang nakaalis sila Paul at mga kasamahan nito.
"Ano ka ba, Rose. Bakit mo sinagot nang gano'n si Paul?" inis na puna ni Cristy sa akin habang paakyat na kami ng second floor.
Kinurot ko siya sa tagiliran sa sobrang panggigigil. "Engot ka ba? Iniinsulto ka na ng tao. Tapos lantaran niyang sinasabi sa'yo na hindi ka niya gusto tapos okay lang sa'yo? Martyr ka ba? Kalbuhin kita riyan, eh. Makita mo."
"Ano ka ba. Okay lang 'yon. Love ko pa rin siya. Mas gusto ko nga 'yong gano'n, eh."
"Tss. Ewan ko sa'yo. Iyang Paul Madrigal na 'yan ay isang walking red flag!"
"It's okay! Color blind naman ako!" Humagikhik siya na parang tanga.
"Hay! Dios ko! Patawarin ang babaeng 'to!" frustrated na sabi ko.
Ako naman ang kinurot niya sa tagiliran kaya napangiwi ako.
"Inggit ka lang kasi wala kang lovelife," pang-aasar pa niya
"Nagpunta ako rito sa Bicol para mag-aral, hindi para lumandi. At saka anong lovelife ang pinagsasabi mo? Kayo ba ng Paul na 'yon?"
"Okay, I understand. Pabayaan mo na lang ako, Bes. Kaligayahan ko 'to eh," paglalambing niya at saka ako niyakap sa braso.
"Tss. Ano pa bang magagawa ko?"
Napabuntong-hininga na lang ako. Mukhang wala na akong magagawa sa kabaliwan ng kaibigan ko. At heto siya ngayon, sinusuportahan ang imaginary boyfriend niya.
Pero isa lang ang masasabi ko. Hindi ako tutulad kay Cristy na sobrang distracted sa buhay pag-ibig nito. Gusto ko patunayan sa nanay ko na may mararating siya.
Scholar lang kasi ako sa Henderson University na pinapasukan ko. Iniingatan ko ang mga grades ko na hindi bumagsak dahil oras na mawala ang scholar ko ay hindi ko na magagawang makapag-aral sa magandang unibersidad na ito.
Libre ang tuition ko at kasama na ang dorm na tinutuluyan ko ngayon at may extra allowance pa. Laking pasasalamat ko sa scholarship program na kumuha sa akin dahil gustong-gusto ko talaga na makapagtapos ng college--pero hindi iyon ikinatuwa ng nanay ko na iniwan ko pa sa Quezon Province para lang makapag-aral ako rito.
Hindi maganda ang relasyon naming mag-ina. Mula pagkabata ay pakiramdam ko hindi ako mahal ng Nanay Luz. Sa akin nito ibinunton ang galit sa tatay kong walang kwenta na hindi man kilala ay suklam pa rin ako dahil iniwan niya kami ni Nanay.
Hindi sinabi ni Nanay kung ano ang pangalan o kung saan nakatira ang tatay ko pero wala na rin akong balak alamin pa. Bakit pa, 'di ba? Mahirap ipilit ang sarili sa isang taong wala namang pakialam sa'yo. Kaya bakit pa ako mag-aaksya ng oras at panahon para kilalanin ang taong 'yon?
Dating entertainer sa club ang Nanay Luz ko at doon niya nakilala ang tatay kong walang kwenta. Nagkaroon sila ng relasyon at nabuntis ang Nanay Luz ko at ako ang naging bunga. Pero hindi pinanindigan ng tatay ko ang nanay ko kaya sa akin naibaling ni Nanay Luz ang galit niya sa mundo...na para bang isa akong punching bag.
Pero kahit ganoon ay naniniwala ako na may kaunting pagmamahal pa rin sa para sa akin ang nanay ko dahil binuhay niya ako at hindi ipinalaglag. Mahal ko ang nanay ko kahit madalas niya akong saktan. At kahit kailan, hindi ko ikinahihiya na dati siyang nagbebenta ng aliw para lang buhayin ako.
Nagbago na ng trabaho ang nanay ko simula nang ipinanganak niya ako dahil siguro nawala na ang magandang hubog ng katawan niya dahil sa pagbubuntis niya sa akin at wala nang tumanggap sa kahit saang club.
Nagdesisyon ang nanay ko na magtayo na lamang ng maliit na sari-sari store sa tapat ng bahay namin at doon siya kumuha ng pangtustos para makapag-aral ako hanggang high school. Pero hindi iyon naging sapat para makapag aral ako sa kolehiyo kaya nagkusa na lang ako na humanap ng scholarship program gamit ang internet para makapagpatuloy ako sa pag-aaral.
Pawis na pawis at hingal na hingal na ako nang makarating sa bahay namin ni Nanay Luz. Galing kasi ako ng computer shop at tiningnan ko ang resulta ng scholarship program na sinalihan ko. Laking tuwa ko nang malaman ko na nakapasa ako at kaagad akong tumakbo pauwi ng bahay para ibalita kay Nanay Luz.
Naabutan ko si Nanay na nagluluto ng hapunan sa maliit na kusina namin. Nakatalikod siya sa akin at nakaharap sa kalan. Kitang-kita ko ang pawisan niyang leeg at halatang pagod na pagod siya.
"Nay! May maganda akong balita sa'yo!" tuwang-tuwang bungad ko.
Nilingon naman ako ni Nanay niya pero sinimangutan lang niya ako. Binalewala ko lang 'yon dahil sanay na ako sa kasungitan niya. Wala yatang araw na hindi niya ako nasungitan kaya sanay na sanay na ako kung paano niya ako taasan ng kilay tuwing nagtatama ang paningin naming dalawa.
"Ano naman 'yon? Siguraduhin mong magandang balita talaga 'yan," tugon ni Nanay at ibinalik sa pagluluto ang atensyon.
Kung pagmamasdan ang nanay ko ay maganda pa rin siya kahit nasa 40 anyos na, pero nawawala ang gandang 'yon kapag kumukunot ang noo niya sa akin.
Tumikhim ako at naglakad palapit sa kaniya. "Nay, nakapasa po ako sa scholarship program sa Bicol! Makakapag-aral na ako ng college!" nakangiting sambit ko pero kaagad iyon na nabura nang marinig ko ang pagmumura niya habang nakatalikod sa akin.
Pinatay niya ang kalan bago humarap sa akin. Hinampas niya ang hawak na sandok sa balikat ko kaya napaatras ako palayo sa kaniya.
"Ano ka ba naman, Mary Rose! Hindi ba sinabi ko na sa'yo na hindi ka na pwedeng mag-college? Hanggang high school ka na lang! Ano bang pumasok sa utak mo at gusto mo pang mag-college, ha? Para lumayo sa akin? Para matakasan mo ako, ganoon?! Lintik kang bata ka!" Dinuro-duro pa ako ni Nanay Luz sa noo. Wala akong magawa kundi tanggapin ang mga pananakit niya.
Tumulo ang mga luha ko habang hawak-hawak ang nasaktang balikat. "'N-Nay, scholar naman po ako. L-Libre naman po 'yong tuition doon pati 'yong tutuluyan ko na dorm. At saka hindi ko naman po kayo tatakasan. Maghahanap po ako ng part-time job doon para makatulong po sa iba pang pangangailangan ko roon at 'yong iba naman ay ipapadala ko sa inyo," nakayukong paliwanag ko. Kumikirot ang balikat ko pero hinawakan ko na lang iyon nang mariin.
Muli akong hinampas ng sandok ni Nanay sa balikat kaya napaupo na ako sa sahig dahil sa sakit ng paghampas niya. Bawat hampas niya ay parang latay na bumabaon sa puso ko.
"Hindi ka aalis sa bahay na 'to, naiintindihan mo? Maganda ka at maganda ang katawan mo, maraming nagkakagusto at nanliligaw sa'yo rito sa lugar natin. Kadalasan nga ay mayayaman at anak ng mga politiko ang nanliligaw sa'yo at dinadayo ka pa dito pero nag-inarte ka kasi! Ano bang akala mo sa sarili mo? Mataas ka na? Hoy, Mary Rose! Hindi ka makakaahon sa hirap kung mag-aaral ka lang! Kapag nag-asawa ka ng mayaman, uulanin ka ng biyaya at hindi mo na kailangan pang maghirap!"
Natigilan ako habang nakatitig sa nanlilisik na mga mata ni nanay. Alam ko ang pinupunto niya at ilang beses na rin niya akong kinukulit na sumama sa mga mayayaman na nanliligaw sa akin pero hindi ako pumapayag, at kung minsan pa ay pinipilit ako nito na magtrabaho sa club katulad ng trabaho niya dati.
Pero hindi ako tutulad sa kaniya. Gusto kong maging marangal. Gusto kong makapagtapos ng pag-aaral dahil 'yon ang magiging sandata ko habang nabubuhay ako. Dito sa mundo, kapag wala kang pinag-aralan ay maliit lang ang tingin sa'yo ng karamihan. Kaya hindi ako papayag na hanggang dito lang ako. May pangarap ako at hindi ko hahayaan na kontrolin ako ni Nanay.
Tumayo ako at tumitig sa mga mata ni Nanay Luz. "N-Nay, ilang beses ko bang sasabihin sa inyo na ayoko ng pinapagawa n'yo sa akin? Hindi ko kayang ibenta ang katawan ko para lang sa pera. Mag-aaral po ako nang mabuti para magkaroon ng direksyon ang buhay ko. Ayoko pong mapariwara. Sana naman ay maintindihan n'yo 'yon. Sarili kong buhay ang pinag-uusapan dito."
Dumapo ang palad niya sa pisngi ko na ikinabigla ko. Muntik pa akong matumba sa lakas niyon. Napahawak ako sa pisngi kong sinampal niya.
"Sinasabi mo bang pariwara ako noon dahil nagtrabaho ako sa club, ha?!"
Mabilis akong umiling. "'N-Nay, hindi po sa ganoon—"
"Pasalamat ka nga at binuhay pa kita, eh! Kung hindi dahil sa'yo at sa walang kwenta mong ama, hindi sana ako natigil sa pagtrabaho ko noon sa club! Hindi sana ganito ang buhay ko! Sana mayaman na ako ngayon at hindi nagtitiis dito! Malas kayo sa buhay ko, eh!"
Nagsimulang bumuhos ang mga luha ko. Kahit kailan naman ay hindi ko naramdaman ang pagmamahal ng isang ina mula sa kaniya. Kahit noon pang nagkamuwang ako sa mundo ay wala siyang ibang pinaramdam sa akin kung hindi pagkasuklam.
Malas ang tingin niya sa akin dahil sa ginawa ng tatay ko na hindi ko naman kilala. Pero kahit ganoon ay mahal na mahal ko pa rin si Nanay kahit madalas niya akong saktan.
Pero hindi ko magagawang pagbigyan ang gusto niya. Kahit kailan ay hindi ko gugustuhing maging katulad niya. Hindi ko hahayaang mapigilan niya ako sa pag-aaral dahil matagal ko nang pangarap iyon. Kahit mahal ko siya, mas pipiliin ko pa rin ang ikakabuti ko para pagdating ng araw ay matulungan ko siyang maabot ang mga gusto niya. Kasi 'yon naman ang dahilan kung bakit siya ganito sa akin, eh.
"K-Kahit anong gawin mo, Nay...hindi ako susunod sa gusto mo. Hindi ko sisirain ang buhay ko para lang sa pera," matigas na sabi ko. "Kahit magalit kayo at paulit-ulit n'yo akong saktan...p-paninindigan ko ang gusto ko."
Wala akong pakialam kung nanggagalaiti na siya ngayon dahil sa galit. Hindi ako papayag na kontrolin niya ang buhay ko.
"Wala kang utang na loob!" singhal niya sa akin pero hindi ako nagpakita ng takot.
"N-Nay, mahal ko po kayo pero sobra na 'to. Pangarap ko na po ang pinag-uusapan dito at hindi ko hahayaan na hadlangan n'yo ako!"
Hindi ko alam kung saan ako humuhugot ng lakas ng loob para sagutin nang ganoon ang nanay ko pero ganoon siguro talaga kapag ginusto ko ang isang bagay, talagang ipaglalaban ko...kahit masaktan ako.
"Walanghiya ka! Bastos kang bata ka! Wala kang modo! Wala kang utang na loob!"
Hinablot niya ang buhok ko at hinila ako papunta sa loob ng kwarto at doon ako binugbog at pinagsisipa. Tiniis ko lahat ng sakit pero hindi nito mababago ang paninindigan niya.
Nang gabing 'yon ay hindi ko na nakayanan at lumayas na ako sa bahay namin. Ginamit ko ang sariling ipon para makapunta sa Bicol at doon makipagsapalaran. Hindi ko nanaisin na maging katulad ng aking ina. Kahit kailan ay hindi ko ibebenta ang sarili ko para lamang sa pera.
Hindi ko namalayan na umiiyak na pala ako dahil sa pag-alala sa nakaraan namin ni Nanay Luz. Pinunasan ko ang mga luha na dumaloy sa pisngi ko.
"Rose, okay ka lang? Bakit ka umiiyak?" nag-aalalang tanong ni Cristy sa akin nang marinig ang pagsinghot ko.
Tumango ako bilang sagot, pinilit na ngumiti. "B-Bes, sorry, ha? Kailangan ko nang mauna." Tumayo na ako.
"Watch out!"
Narinig ko ang malakas na sigaw mula sa mga naglalaro ng basketball sa baba. Pag-angat ko ng tingin ay napasinghap ako dahil papunta pala sa kinaroroonan ko ang bola.
Huli na para umiwas ako. Tumama na sa mukha ko ang bola, partikular sa ilong. Narinig ko ang malakas na pagsigaw ni Cristy at ng iba pang mga estudyante na nakakita sa nangyari sa akin.
Natumba ako sa sahig dahil sa lakas ng impact ng pagtama ng bola sa akin. Umikot ang paningin ko at naramdaman ko ang pagkahilo. Parang...nasa ibang planeta na 'yata ako.
"Rose!" sigaw ni Cristy at mabilis na dinaluhan ako.
"B-Bes, p-pumaling ba ang ilong ko?" naiiyak na tanong ko kay Cristy habang hawak ang sariling ilong. "B-Bes...ilong ko..."
Kumunot ang noo ng kaibigan ko dahil sa tanong ko. Sasagot sana siya pero biglang nanlaki ang mga mata niya habang nakatingin sa may ilong ko..
"Rose! Dumudugo ang ilong mo!" tarantang sigaw niya. "OMG! Nakakaloka!
Bago pa ako makapag-react ay naramdaman ko na ang pagdaloy ng mainit na likod mula sa ilong ko pababa sa labi ko. Hinawakan ko iyon at tiningnan ang daliri ko. Nanlaki ang mga mata ko nang makita ang kaunting dugo!
"Miss, are you okay?"
Napapikit ako sa inis nang marinig ang boses ng isang lalake sa likuran ko.
Mukha ba akong okay?
Tumingala ako para makita kung sino ang nagtanong. Pero nalaglag ang panga ko dahil si Paul pala iyon.
Pawis na pawis ang buong mukha niya habang nakatitig sa akin at naghahabol ng hininga. Naramdaman ko ang pagpisil ni Cristy sa balikat ko. Halatang kinikilig siya dahil kay Paul na nasa harap namin ngayon. Gusto ko siyang kurutin para sabihing kampihan niya ako ngayon.
"Oh, ikaw pala yan, Mary Rose." Gumuhit ang rekognisyon sa mga mata ni Paul. Nginisihan niya ako na para bang natutuwa na natamaan niya ako ng bola sa mukha. Pinigilan ko ang sarili na upakan siya dahil maraming tao ang nakakakita.
Bwesit!
"Mukha ba 'kong okay?" nakataas ang kilay na tanong ko pabalik habang hawak pa rin ang dumudugong ilong.
Kumunot ang noo niya bago nagsalita. "Miss Caballero, you should be thankful dahil nilapitan pa kita. Hindi mo ba alam na naistorbo mo ang laro namin?"
Nalaglag ang panga ko sa sinabi niya.
Ha! Kasalanan ko pa pala na natamaan ako ng bola?! Ayos to, ah!
Pinaningkitan ko siya ng mata bago ako tumayo. Kinailangan ko pang tumingala dahil mas matangkad siya sa akin.
"B-Bes, huwag mo nang patulan," bulong ni Cristy sa akin habang hawak ako sa braso.
Hindi ko siya pinansin dahil nanggigigil ako masyado sa pag-uugali ng crush niyang antipatiko! Napantig ang tenga ko dahil sa narinig mula sa Paul Madrigal na 'to!
"At ako pa talaga ang nakaabala sa laro n'yo?" Pumeke ako ng tawa. "Nakikita mo ba 'tong ilong ko?" turo ko sa dumudugong ilong.
Tumaas ang sulok ng labi niya. "You know what? I'm just wasting my time arguing with you. At dahil nakikipagsagutan ka na sa'kin, it only means na okay ka naman talaga. Nag-iinarte ka lang para magpapansin. But I'm sorry, I'm not interested in you." Binalingan niya si Cristy na nasa likuran ko. "At sa'yo rin." Pinulot na niya ang bola sa sahig sabay tumalikod na at naglakad paalis.
Nag-init ang ulo ko sa sinabi at inasta niya. Pinagdikit ko ang mga labi ko at hindi ko na napigilan ang sarili. Hinubad ko ang suot kong sapatos at malakas na ibinato iyon sa direksyon ni Paul.
Parang bumagal ang takbo ng paligid habang umiikot sa ere ang ibinato kong sapatos. Hindi pa rin aware si Paul na may tatama sa kaniyang sapatos.
Nang malapit na tumama sa likod ng ulo ni Paul ang sapatos ko ay bigla namang dumating sa eksena ang isang matangkad na lalake na nakasuot ng uniform at may sukbit na itim na bag sa likod. Kapansin-pansin ang band-aid na nasa gilid ng kilay niya.
Nanlaki ang mga mata ko nang humarang ang lalakeng may band-aid kay Paul at siya ang natamaan ng sapatos. Diretsong natamaan ang mukha niya.
Nyay! Ano ba 'yan! Ba't sa humarang?! Badtrip!
Narinig ko ang singhap ni Cristy at ng mga taong nakakita sa nangyari lalo na nang matumba ang lalakeng natamaan ng sapatos ko.
"L-Lagot ka, Rose!" bulong ni Cristy sa tabi ko. "Baka patay na 'yon!"
Napangiwi ako. Lagot talaga ako! Patay na!
Kaagad kong nilapitan ang lalakeng natamaan ko at nag-dive sa tabi niya para daluhan siya. Dumudugo ang ilong niya katulad ng nangyari sa akin. It's a tie pala kami.
"N-Naku, kuya, pasensya na! Ikaw kasi...bakit ka ba humarang?" panenermon ko sa lalake habang tinutulungan ito na makatayo. "Tingnan mo tuloy ang nangyari sa'yo! Sorry, ha?! Hindi ko talaga sinasadya! Huwag mo akong ipapakulong, ah!"
"Binato mo 'ko ng sapatos mo, Miss Caballero?" kunot-noong sabad ni Paul na nakatayo at nakahalukipkip sa harap ko at ng lalakeng may band-aid sa gilid ng kilay, 'yong natamaan ng sapatos ko.
Tumingala ako kay Paul at pinaikot ko ang mga mata. "Oo, dahil antipatiko ka! Lumayas ka nga sa harap ko!" pagtataboy ko sa kaniya.
Tumawa lang siya pero nagulat ako nang hawakan ako sa braso ng lalakeng natamaan ko ng sapatos. Napatingin ako sa kaniya, nagtataka.
"H-Huwag mo nang patulan," pabulong na sabi niya sa akin. Napakunot tuloy ang noo ko. "B-Baka magalit pa siya sa'yo at saktan ka."
Sandali akong natulala at napatitig sa mukha ng lalake. May pagkakahawig siya kay Paul pero moreno ang kutis niya, hindi katulad ng huli na maputi.
Kapansin-pansin din ang mapupungay na mga mata niya, ang matangos na ilong, ang manipis na labi at ang makakapal na kilay. Wavy ang buhok niya at medyo mahaba kaya halos matakpan na ang mga mata niya.
Hindi ko napansin ang pagdating ng coach nila Paul na si Coach Brix at kasama nito ang ilan sa mga professor. Tinulungan ng mga ito na makatayo ang lalakeng natamaan ko ng sapatos. Tumayo na rin ako.
"What happened here?" tanong ni Coach Brix.
"A-Ako po ang may kasalanan. Sorry po," nakayukong tugon ko. "Hindi naman po siya ang dapat natamaan pero--" Itinikom ko na lang ang bibig ko at hindi na itinuloy ang pagsasalita. Baka mas lalo pang makasama.
Pinagtitinginan na kami ng mga estudyante sa paligid. Natigil kasi ang laro nang dahil sa amin.
"Dadalhin ka namin sa clinic," sambit ni Coach Brix sa lalakeng akay-akay ko. "At ikaw rin. Dumudugo ang ilong mo," baling niya sa akin.
Mabilis na umiling ako bilang pagtanggi. "H-Huwag na po. Siya na lang po ang dalhin n'yo sa clinic. Okay naman na po ako."
"You sure?"
Tumango ako at ngumiti. "Opo."
Tumango at hindi na lang namilit. "Alright. Let's go."
Inalalayan na niya ang lalakeng natamaan ko ng sapatos kasabay ang iba pang professor na masama ang tingin sa akin. Pinanood ko sila Coach Brix hanggang sa makababa sila ng bleachers.
"Hoy, Bes." Kinalabit ako ni Cristy na nasa likuran ko pa pala. Nilingon ko siya.
"Tulala ka na riyan? Natamaan ka ng charm ng guy na 'yon, 'no?" panunukso niya sa akin.
"Tigilan mo nga ako." Siempre magpapa-demure ako. Alangan naman na aminin ko na natamaan talaga ako ng charm ng lalakeng 'yon.
Ano kayang pangalan ng lalakeng 'yon? Gwapo, eh.
Saka ko naalala na masakit pala ang buong mukha ko dahil sa bolang tumama sa akin kanina.
Badtrip!
Speaking of Paul, nasa harapan ko pa rin siya at nakangisi habang nakatitig sa akin. Inirapan ko siya.
"Anong tinitingin-tingin mo?"
Napailing siya at ipinakita sa akin ang hawak niyang sapatos.
Nanlaki ang mga mata ko. "Sapatos ko!"
Tumawa siya nang malakas at inamoy ang sapatos ko.
"Hmm. Not bad," anito at saka naglakad na paalis.
"Hoy, saan mo dadalhin ang sapatos ko?!" Hinabol ko siya.
Wala akong pakialam kung nakasuot lang ng medyas ang kaliwang paa ko. Kailangan kong ipaglaban ang sapatos ko!
"Hoy, Rose!" tawag sa akin ni Cristy pero hindi ko siya pinansin.
Maaabutan ko na sana si Paul at akmang susunggaban nang bigla siyang humarap sa akin kaya na-out of balance siya at sabay kaming natumba sa sahig.
"Ano ba! Akin na 'yang sapatos ko!" singhal ko sa kaniya pero nakanganga lang siya habang nakatingin sa akin.
Dahan-dahang bumaba ang tingin ko sa posisyon naming dalawa.
Nakapatong ako ngayon kay Paul at ang awkward ng posisyon namin. Para kaming nag-aano at ako ang nasa ibabaw.
Shemay!
Mabilis akong tumayo at lumayo kay Paul na nakahiga pa rin sa sahig at nakaawang ang bibig. Mukhang nabigla rin siya sa posisyon namin.
Nakakahiya! Pinagpawisan tuloy ang noo ko!
Nang makita ko ang sapatos ko na hawak ni Paul ay kaagad ko iyon kinuha at saka nagmadaling umalis. Iniwan ko si Cristy na tinatawag pa rin ang pangalan ko hanggang ngayon.
Hindi ako lumingon. Hindi ako tumingin sa mga estudyanteng alam kong nakatingin nang masama sa akin ngayon. Wala naman akong ginawa, ah! Aksidente 'yon!
Pero nakakahiya ka, Mich! Lupa, lamunin mo na 'ko! Kahihiyan na this!