EP. 01
Masakit ang kanyang ulo at ilang minuto na siyang nakatingin sa kawalan. Parang madudurog ang kanyang puso sa sinabi sa kanya ng doktor ni Vito. Maysakit na leukemia ang anak at nasa huling stage na ito. Ang sabi ng doktor ay wala na itong pag-asa pang gumaling at naghihintay na lang na bumigay mismo ang katawan ng bata. Nasa kapilya siya ng ospital upang manghingi ng milagro sa Diyos at madugtungan pa ang buhay ng anak.
"Panginoon, alam kong hindi ako perpektong ina... pero nagmamakaawa ako sa'yo, hipuin mo ang anak ko at pagalingin siya. Anim na taon lamang siya, Diyos ko! Mahabag ka sa aming mag-ina..." tigmak ang luhang dasal niya. Hindi niya na mabilang kung ilang ulit siyang nagsusumamo sa Diyos na dugtungan ang buhay ng anak. Apat na taon pa lang ang kanyang anak ng ma-diagnose ito sa naturang sakit.
Mugto na ang kanyang mga mata sa kakaiyak, natawagan na rin niya ang mga magulang para ibalita ang nangyayari sa kanilang apo. Ngunit wala siyang aasahan sa kanyang pamilya dahil una sa lahat ay wala rin namang mga pera ito at wala na ring magagawa pa para maisalba ang bata. Sa katunayan, ang pamilya nila ay nakikitira lamang sa pinsan niyang si Riva at sa asawa nitong si Hugo dahil medyo nakakaalwan ang mga ito sa buhay. Ang dalawa niya pang kapatid ay naiwan sa probinsya nila sa Leyte para mag-aral. Ang ama naman ni Vito ay hindi niya rin kilala dahil sa dami nang lalaking nakasiping niya kapalit ng maliit na halaga. Kaya naman solo niyang inako ang responsibilidad bilang magulang. Simula nang dumating sa kanya ang anak ay pinilit niyang magbagong buhay. Ayaw niyang mamulat ang anak na isang hamak na prosti lamang ang kanyang ina.
"Misis..." mahinang tawag sa kanya ng nakaputing babae. Isa ito sa nurse na nag-aalaga sa kanyang anak.
"Bakit po? May nangyari ba kay Vito?" kabadong tanong niya.
"I'm sorry po, pero wala na siya..." anito.
Tila napagsakluban siya ng langit at lupa sa tinuran ng kausap. Nawalan siya ng lakas ng tuhod dahilan upang mapasalampak siya sa sahig. Malayang bumabalong ang masaganang luha sa kanyang mga mata.
"Hindi pwede, nangako sa'kin ang anak ko na lalaban siya!" aniya sabay tayo. Malalaki ang mga hakbang na pumasok siya sa ward ng anak. Nadatnan niya pa ang nurse na tinatakluban ng puting kumot ang anak kaya't pinigilan niya ito.
"Anong ginagawa mo? Buhay pa ang anak ko, itigil mo 'yan!" asik niya sa nurse kasabay ng marahas na pagtabig dito. "Anak, nandito si Mama, 'di ba sabi mo lalaban ka? Hindi ba sabi mo magsasama pa tayo ng matagal? Anak, huwag mong gawin sa'kin ito, hindi ko kaya..." panaghoy niya.
Mahigpit na yapos ang iginawad niya sa anak. Dama niya pa ang mainit na katawan nito sa kanyang balat.
"Tawagin mo ang doktor, mainit pa ang anak ko! Buhayin niya ang anak ko! Anong tinatayo-tayo mo riyan?!" asik niya sa nurse. Nagbabaga ang kanyang tingin sa mga ito dahil hindi man lang natinag ang dalawa. Kaya naman mabilis niyan kinuha ang kutsilyo na kanina lamang ay gamit niya sa pagbabalat ng mansanas. Marahas niyang hinila ang nurse at iniumang ang patalim sa leeg nito.
"Misis, maghunos-dili po kayo! Bitawan mo 'yang kutsilyo, susmaryosep!" awat ng matandang katabi nila sa ward.
"Tumahimik kang matanda ka, kung ayaw mong ikaw ang isunod ko!" nanlilisik ang mga matang baling niya rito. "Nasaan na ang doktor, bakit wala pa rin siya rito?" baling niyang muli sa nurse.
"Tinatawag na po, misis. Pakawalan mo na si Mae!" pakiusap ng male nurse.
"Hindi! Hindi ko siya pakakawalan hangga't hindi ni'yo naibabalik sa akin ang anak ko!" matigas niyang sabi. "Sabay-sabay tayong mamamatay lahat kapag hindi ni'yo sinunod ang gusto ko!"
Nagkagulo na sa buong ospital dahil sa kanya pero wala siyang pakialam. Gusto niyang maibalik ang kanyang anak. At tanging doktor lamang ang makakagawa niyon. Halos bumaon na sa leeg ng nurse ang patalim dahil sa higpit ng pagkakahawak niya sa kutsilyo, unti-unti na ring dumadaloy ang dugo mula sa leeg nito.
"Parang awa mo na, huwag mo akong papatayin... Ayoko pang mamatay," nanginginig na pakiusap sa kanya ng bihag niya. Umiiyak na rin ito dahil sa malubhang takot na nararamdaman pero wala siyang pakialam. Hihilahin pa sana niya ang bihag sa sulok ngunit bigla siyang napaigik nang maramdaman ang mabigat na bagay na biglang tumama sa kanyang likod. Bigla siyang nanghina kaya nabitawan niya ang nurse hanggang sa tuluyan siyang mawalan ng malay. At ang huling nakita niya ay ang pagkuha sa bangkay ng anak papalabas ng kwarto.
"Mrs. Demapilis, narito na po ang sundo ninyo." magalang na tawag sa kanya ng guard. Nasa opisina siya ng mga ito dahil sa ginawa niyang komusyon kanina lamang. Mabuti na lang at hindi na nagsampa ng kaso ang nurse na tinutukan niya ng kutsilyo at pinalampas na lamang ito. Muling bumalik sa kanyang isipan ang nangyari bago siya nahimatay. Wala na ang kanyang anak. Hindi na niya ito makakasama pang muli. Napapikit siya ng mariin dahil sa reyalisasyong iyon.
"Nasaan na ang anak ko?" wika ng isang tinig. Kilala niya iyon, ang nanay niya.
"Mama, si Vito po..." parang batang sumbong niya sa ina kasabay ng pagyakap ng mahigpit dito.
"Tahan na, wala na tayong magagawa pa. Sa halip ay magpasalamat ka na lang dahil hindi na mahihirapan pa ang anak mo," sabi ng ina.
"Pero Mama, napakabata pa ng anak ko... Hindi pa siya pwedeng kunin sa'kin. Tulungan mo ako, Ma, makiusap tayo sa doktor na pabalikin ang anak ko. Kaya naman nila 'yon hindi ba? Trabaho nilang magligtas ng buhay!" pagsusumamo niya habang patuloy ang pagtaghoy.
"Tumigil ka na, Vanessa! Hindi pa ba sa'yo sapat ang ginawa mo kanina? Pasalamat ka at hindi ka kinasuhan ng nurse dahil kung hindi, nasa kulungan ka na sana ngayon!" dumadagundong na sigaw sa kanya ng amang si Victor.
"Paano mo nasasabi sa akin 'yan? Apo mo ang nawala! Hanggang sa pagkamatay ng anak ko, wala ka pa ring pakialam! Palibhasa makasarili ka, puro bisyo lang ang iniisip mo!" asik niya sa ama. Puno siya ng hinanakit sa amang si Victor, ni minsan ay hindi niya naramdaman ang init ng pagmamahal nito bilang tatay.
"Aba't sumasagot ka pa! Putragis, Agnes, pagsabihan mo 'yang anak mo. Namumuro na 'yan sa akin!" matigas na wika ng ama. Halatadong lasing na naman ang ama dahil namumula na naman ang balat nito.
Sasagot pa sana siya ngunit inawat na sila ng gwardiya, ang sabi nito ay huwag na silang lumikha pa ng gulo kung ayaw nilang mauwi sa presinto ng tuluyan.
Dumating na rin ang mga pinsan niyang sina Hugo at Riva kung saan ang mga ito ang nag-asikaso ng bangkay ng anak. Matapos nilang magbayad ng hospital bill ay inayos na rin ng mga ito ang burol ni Vito. Her mind is totally out of her world. She couldn't even look at him inside the casket. Lubhang masakit para sa ina na mawala ang kaisa-isang dahilan ng pagpapatuloy niya ng buhay.
"Insan, kape ka muna. Wala ka pa daw kain sabi ni Auntie Agnes, kailangan mong magpalakas nang makabawi. Kung patuloy kang magiging ganyan, baka bumigay ka na rin."
"Eh 'di mabuti, makakasama ko na ang anak ko,"
"Para namang ang dali lang ng gusto mo, alalahanin mo na malaki pa ang utang mo sa'kin. Sa hospital bills pa nga lang eh, saka yung gastos natin dito sa funenaria. Alam mo namang wala ring pera sina Auntie kaya ako lang ang gumastos." mahabang litanya nito.
Napatitig siya sa kanyang pinsan, akala niya ay nag-aalala ito ng totoo sa kanya ngunit iniisip lang pala nito ang utang nila na kailangang bayaran. Napakalupit talaga ng buhay sa mga kagaya niyang kapus-palad.
"Huwag kang mag-alala, balang araw mababayaran din kita," aniya. Mabigat ang mga hakbang na iniwanan niya ito at nagtungo sa ataul ng anak. Maingat niyang hinaplos ang salamin ng ataul nito. Muli ay nag-unahan na namang maglaglagan ang mga luha niya sa mata. Napakasakit! Walang kasing-sakit na makita ang anak na nakahimlay sa kabaong nito. Kung mayaman lang sana sila ay may pag-asang magamot niya ang anak. Ngunit isa lamang siyang hamak na single-mom at pagsa-sideline lang bilang labandera ni Riva ang kinabubuhay niya.
"Anak, kumusta ka diyan? Masaya ka na bang naglalaro sa piling ni Jesus? Naitanong mo na ba sa kanya kung bakit ang aga ka niyang binawi sa'kin?" lumuluhang sabi niya. "Baka pwede mo namang sabihin sa kanya na pati ako ay kunin na rin niya para magkasama na uli tayo. Miss na miss na kita anak..." patuloy niyang sabi. Napapikit siya ng mariin, nakaramdam siya ng matinding pagkahapo. Buti na lang at naging maagap si Riva kaya kaagad siya nitong nasalo bago pa siya bumagsak sa sahig. Hindi lang iyon ang unang beses na nahimatay siya simula ng bawian ng buhay ang anak. Para siyang lantang gulay na walang pakinabang.
Limang araw nilang ibinurol ang anak bago sila nagpasyang ilibing ito. Wala siyang nahawakang pera mula sa limos dahil si Hugo ang namahala rito. Hindi rin makaporma ang kanyang mga magulang dahil sa takot kay sa asawa ng pinsan. Sa buong burol ay nasa tabi lamang siya ng anak, tulala at hindi makausap.
"Vanessa... gising ka na ba?" untag sa kanya ni Riva. Kakauwi lang nila galing sa sementeryo at nakahiga siya sa katre ng anak habang yakap ang mga damit nito. Langhap niya pa ang amoy ng anak kaya naman parang kasama niya pa rin ito.
"Ano 'yon?" mahinang sagot niya.
"Ilang araw kasi tayong hindi nakapaglaba, tambak na ang labahin... Kung ayos na ang pakiramdam mo, pakitulungan naman ako sa paglalaba." may himig pag-uutos na sabi nito. Napabuntong-hininga siya sa narinig.
"Sige, tatayo ako maya-maya at maglalaba." mahinang sagot niya habang nakapikit. Dama niya ang bigat ng kanyang daigdig. Sa totoo lang ay wala siyang lakas na magpatuloy sa buhay. Mas nanaisin pa niyang mamatay kaysa mabuhay sa mala-impyernong daigdig na kanyang ginagalawan. Muli niyang sinamyo ang damit ng anak hanggang sa muling malaglag ang kanyang mga luha.
“Vito, anak, balik ka na kay Mommy… Nasasabik na akong muli kang mayakap, nami-miss ko na ang mga tawa mo at halakhak.” Panaghoy niya. “Anong dapat kong gawin, bumalik ka lang?” tila wala sa sariling wika niya.