Ilang araw na siyang hindi mapakali at walang tulog dahil sa walang puknat na pag-iisip sa pumanaw na anak. Sa umaga naman ay hindi siya makakain nang maayos dahil sumasakit na ang tiyan niya. Minsan pa nga ay tila ba ayaw na tumanggap ng pagkain ang bituka niya. Madalas pa rin siyang tulala at wala sa ayos ang bawat galaw. Nakapasok na siya bilang tindera sa maliit na panaderya at madalas siyang pagalitan ng kanyang amo dahil sa mali-maling kwenta niya sa pinamili ng costumer. Dahil doon ay nagpasya siyang dumulog sa ina sa pagbabakasakaling matulungan siya nito sa kanyang problema.
“Ma, may sasabihin sana ako sa’yo…” sabi niya sa ina. Wala ang kanyang ama at silang dalawa lang nito ang nasa bahay at naglilinis.
“Ano ‘yon?” anito. “May problema na naman ba?”
“Kasi iba nararamdaman ko eh, hindi ako makatulog sa gabi…” panimula niya.
“Anong ibig mong sabihin?” kunot-noong tanong nito.
“Baka kasi maysakit na ako, hindi ako makatulog sa gabi tapos sa umaga naman hindi ako mapakali. Hindi ako makakain dahil sa tuwing susubukan ko, nailuluwa ko naman. Lagi kong naiisip si Vito, nahihirapan na ako…” nagsusumamo niyang sabi.
“Huwag mo na kasing masyadong iniisip ‘yan anak, hindi ba dapat matuwa ka na nakapagpahinga na ang anak mo? Kesa buhay nga pero naghihirap naman sa ospital.”
“Mama naman, apo mo naman si Vito. Hindi naman ‘yon basta kung sino lang. Bakit parang ang dali lang sainyong tanggapin na wala na siya? Bakit parang ako lang ang nahihirapan sa ating lahat?”
“Mahirap tanggapin ang mawalan ng mahal sa buhay, pero kailangan mong maging matatag bilang ikaw ay buhay at narito pa sa mundo.”
“Hindi ko matanggap na wala na sa’kin ang anak ko, kung maibabalik ko lang siya sa piling ko. Handa akong isugal kahit pa ang buhay ko.”
“Pagpahingahin mo na ang anak mo dahil kung nasaan man siya ngayon ay batid kong nasa maayos na siya. Magpatuloy ka sa buhay, iyon ang dapat mong gawin.” Payo ng ina.
“Pwede ba akong magpatingin sa doctor?”
“Panibagong gastos lang ‘yan! Hayaan mo at hihingi ako ng sleeping pills kay Riva, ang alam ko mayroon siyang ganon. Para makatulog ka ng maayos sa gabi.”
“Pero, Ma…”
“Vanessa, hindi tayo mayaman. Iyong ibabayad mo sa doctor ay pangkain na natin. Maging praktikal ka naman.” Tila yamot na turan ng ina. Hindi na lang siya sumagot rito. Wala rin naman silbi. Kagaya ng sabi ng ina ay kinuhanan nga siya ng sleeping pills mula kay Riva, ngunit iilang piraso lang ang mga iyon at sapat lang sa isang linggong kunsumo. Ayaw magbigay ng marami ng pinsan dahil hindi naman daw basta nabibili over the counter ang sleeping pills kaya dapat tipirin niya ito.
Isang umaga, naka-duty siya sa panaderyang pinapasukan. Napakaraming costumer ang nakapila para bumili ng pandesal. Hindi siya magkandaugaga dahil siya lamang ang tindera ng umagang iyon. Ang ilan sa mga costumer ay nagsisimula ng manigaw dahil sa pagkainip. Samu't-saring boses ang sabay na naririnig niya at parang sasabog ang ulo niya sa sandaling iyo.
"Ano ba! Hindi ba kayo titigil? Tama na! Tama na! Magsitahimik kayo!" nandidilat ang mga matang sigaw niya. Iwinasiwas niya ang hawak na plantsa ng pandesal kaya't tumilapon ang laman nito. "Magsitigil kayo! Ayoko ng maingay! Tumahimik kayo!" patuloy na paghuhuromentado niya. Maging ang may-ari ng panaderya ay natakot sa kanya. Tinawag nito ang ilang panadero para ilabas siya sa loob ng tindahan.
"Ano ba! Bitawan mo sabi ako eh!" asik niya sa kasamahang empleyado.
"Ano ba naman 'yang ginagawa mo Vanessa. Kung ayaw mo pala ng ganitong buhay, maghanap ka ng sugardaddy! Pati kami ay idadamay mo sa katangahan mo eh!" sambit ng kasama kasabay ng marahas nitong pagtulak sa kanya. Sumadsad siya sa semento at bahagyang nagalusan ang siko na naitukod niya para hindi tuluyang sumubsob ang kanyang mukha.
"Heto ang sahod mo ngayong araw, hindi mo natapos ang duty mo ngayon pero isipin mo na lang na limos ko na sa'yo 'yan!" mataray na wika ng may-ari sabay hagis sa paanan niya ng anim na singkwenta. Nanliit siya ng mga oras na iyon habang nakatitig sa salapi. Lalo pa siyang nahiya ng muling marinig ang bulong-bulungan ng mga meron sa pangyayari. Nakakahiya at nakakababa ng pagkatao.
"Magbabayaad kayong lahat! Mamamatay din kayong lahat, pare-parehas din tayong uo-urin sa ilalim ng lupa!" nanlilisik ang mga matang wika niya sa mga ito bago kumaripas ng takbo. Naiwan ang mga costumer na nagtataka sa inasal ng ginang.
"Anong nagyari sa'yo, Vanessa? Bakit may sugat ka?" ani Lovely ng makita ang kaibigan na nakaupo sa labas ng salon nito.
Narinig niya ang sinabi nito ngunit hindi siya kumibo. Ayaw niyang magsalita dahil may hinahanap siyang boses sa ulo niya. Parang narinig niya iyon kanina lamang.
"Vanessa? Oyy, anong nangyari sa'yo?" untag muli ng kaibigan.
"Sshh! Tahimik! Hindi mo ba naririnig? Nagsasalita sa Vito, kinakausap niya ako." Aniya na abot langit ang ngiti.
Nagkatinginan naman ang kanyang mga kaibigan sa inasal niya. Nagpasya itong iwanan siya sa labas ngunit binuksan ang pintuan para kung sakaling gusto niyang pumasok ay bukas ito.
"Anong nangyari sa kanya? Bakit nagkaganyan 'yan?" tanong ni Zandrei.
"Hindi ko rin alam, tawagan ko kaya si Aling Agnes para sunduin siya?" ani Lovely.
"Sus, baka hindi rin 'yon sumunod, alam mo namang walang amor sa kanya ang mga iyon lalo na ang tatay niya. Kaya nga siguro 'yan naging ganyan dahil sa ka pabayaan ng pamilya niya eh."
"Eh, anong gagawin natin, alangan namang pabayaan na lang siya diyan. Baka matakot ang mga costumer,"
"Hindi naman siguro, hayaan muna natin. Kapag hindi pa rin siya okay after an hour, saka tayo gumawa ng aksyon." anito habang sinisilip siya. "Nakatulog na siya sa sahig, oh!" dagdag nito.
Dahil doon ay nag pasya ang mga kaibigan na tawagan na lang ang kaanak nito para sunduin si Vanessa. Rinig pa ang pagkayamot sa boses ni Mang Victor ng malaman ang sitwasyon ng anak.
"Ano na naman ba ang kaartehan ng anak mo, Agnes? Hindi na natapos ang pasakit niya sa'tin!" angal ng lalaki.
"Hindi ko alam, huwag mo nga akong inaaway diyan at natutuliro rin ako kung papaano mababayaran si Riva."
"Dapat kasi diyan sa anak mo, inaayos ang sarili para may silbi naman siya. Hindi 'yong ganyan na wala na ngang naitulong, pabigat pa." angil muli nito. "Ito na ang huling beses na gagawin niya 'yan, sa susunod ay papalayasin ko na siya!" gigil na dagdag ng lalaki.
Mabigat ang loob ni Victor na sinundo ang anak, kinailangan niya pang mag taxi pauwi dahil kahit anong gising niya ay hindi ito tumatalima. Pagkarating sa bahay ay halos pasalya siya nitong inihiga sa higaan kaya nagising siya.
"Uminom ka nitong mainit na sopas, para mainitan ang sikmura mo." ani ng ina sabay abot ng maliit na tasa. Tahimik na kinuha niya iyon at kinain. Pagkatapos ay naramdaman niya na lamang ang muling pagbigat ng talukap ng kanyang mga mata.
"Nilagyan ko na ang sleeping pills yung pagkain niya, baka sobrang pagod 'yan tapos panay isip sa anak. Bayaan mo munang magpahinga, para paggising niyan mamaya ay ayos na siya," ani Agnes sa asawa.
"Mommy?" mahinang bulong sa kanya ng pamilyar na boses.
"A-anak?" sagot niya.
"Mommy, gising na, maglalaro pa tayo."
"Sige anak, saan mo gustong maglaro?" nagagalak niyang sagot.
"Kahit saan po, Mommy... tara!" ani ng maliit na bata sa kanya. Hawak na nito ang mga kamay niya at dinadala siya sa tila abandonadong gusali.
"Anak, saan tayo pupunta?" nakangiting tanong niya. Wala siyang nakuhang sagot mula rito kaya nilinga niya ito ngunit wala na ito sa kanyang tabi. "Anak? nasaan ka?" tarantang sambit niya.
Walang kamalay-malay si Vanessa na isa lamang panaginip ang lahat. Maririnig ang malakas niyang ungol habang tagaktak ang pawis sa buo niyang katawan. Nasilayan iyon ni Agnes ngunit wala rin naman siyang kakayahang ipagamot ang anak.
Lumipas ang mga araw na lumalala ang kalagayan ni Vanessa, hindi na rin siya makapagtrabaho pa kaya minabuti ni Agnes na isama na lang anak sa paninilbihan kay Riva. Madalas na itong tahimik, natutulala at kapagkakuwa'y biglang magsasalita at tatawa. Palagi na ring dala nito ang ilang laruan ng anak na tila ba nakikipaglaro sa imaginary friend nito.
"Bakit hindi niyo ipatingin sa albularyo 'yan si Vanessa, baka nabati 'yan ng di natin nakikita." ani Hugo.
"Diyos ko naman, anong taon na pero naniniwala ka pa rin sa mga ganyan. Hindi 'yan totoo, puro kathang-isip lang 'yan." ani Riva.
"Lumapit na 'yan sa'kin noong nakaraan, sinabi niya na iba ang pakiramdam niya at gusto niyang magpatingin sa espesyalis-"
"Marami pa kayong utang, hindi pa nga kayo nangangalahati tapos nag-iisip na naman kayo ng pagkakagastusan." putol ni Riva sa sinasabi ni Agnes.
"Pasensiya na..." hinging-paumanhin ng matanda.
"Nag-iinarte lang 'yan sa tingin ko, pinapansin kasi kaya pinapanindigan na niya 'yang kadramahan niya, subukan ninyong deadmahin 'yan at babalik 'yan sa dati," suhestiyon ni Riva.
Walang malay ang mga ito na hindi lamang umaarte si Vanessa. Dahil unti-unting nawawala sa katinuan ang kawawang ginang na kung hindi aagapan ay pwedeng mauwi sa mas malalang kalagayan.
"Bilisan mo anak, mauunahan na kita! Ang bagal mo!" malakas na sambit ni Vanessa habang pinapaandar ang laruang sasakyan ng anak.
"Mommy, hintayin mo ako! Huwag mo akong iiwan!" ani ng bata.
"Oo, hindi kita iiwan, kaya bilisan mo na!" ani Vanessa.
Ilang oras siyang ganon at nakakaramdam na naman ng matinding inis si Victor sa inaasal ng anak. Mabilis itong naglakad papalapit rito at pahiklas na kinuha ang laruan ng anak.
"Matanda ka na para maglaro pa ng larong pambata, tumayo ka diyan at tumulong ka sa nanay mo sa pagtatrabaho!" asik ni Victor sa anak.
"Huwag mong kunin 'yan, naglalaro kami ni Vito!" habol ni Vanessa. Ngunit mas malalaking hakbang pa ang ginawa ng ama at dinala ang laruan sa sinisigaan nitong mga tuyong dahon. Walang pakundangan nitong initsa ang laruan sa nagbabagang apoy.
"Huwag! Ibalik mo 'yan sa'kin! Ang sama mo!" galit na turan ni Vanessa sa ama habang pinagsusuntok ito.
"Tumigil ka! Huwag mo akong inaartehan ng ganyan kung ayaw mong ikadena kita!" nanlilisik ang mga matang sigaw ni Victor sa anak. Dahil doon ay nakaramdam ng matinding takot si Vanessa. Kaagad itong nagtatakbo patungo sa sulok upang magtago habang patuloy ang pagbulong nito na tila ba mayroong kasama.