Chapter 2

2059 Words
Chapter 2 Parang sumang malagkit ang katawang ni Segunda kalalako ng kaniyang mga paninda. Kahit pa gayon ay nakarami naman siya kumpara sa mga nakaraang araw. Hindi na nga niya maalis sa sariling mukha ang nagniningning na ngiti at tumatalbog na mga tingin ng mata. May kakaunti pang gulay na natitira sa kaniyang bilao kaya naman inilako niya ito sa mga to sa daan pabalik sa bahay nila kahit pa walang bumili. Sa dalampasigan nagtungo si Segunda para ilako ang kaniyang tinda sa mga mangingisda ay kaibigang si Oneng na umaaktong tourisst guide sa buong isla. Ang mala-kristal na alon ng dagat ay kasingpayapa ng natutulog na bata. Kung hindi lang naka-tsinelas si Segunda ay madarama niya ang magaspang na white sand. Tatlong metro mula sa dagat ay natagpuan ni Segunda si Oneng na may mga kausap na isang lalaki at isang babaeng turista. Ang mga ito ay handang-handa nang magtampisaw sa tubig. Ang lalaki ay nakasuot ng hawaiian shorts at manipis na white shirt kung saan bumabakat ang magandang hubog ng katawan nito. Ang babae naman ay nakasuot ng floral dress na hinahangin at nakasumbrerong gawa sa pandan. Bagong kasal siguro ang mga ito. “Saan dito ang hotel at saan maganda magtungo rito?” tanong ng lalaking turista kay Oneng. Napangiti si Oneng. Sana ay makumbinsi niya ang mga turistang ito na kuhanin siyang tourist guide ng mga ito. “Libre ang magtampisaw at maligo sa dagat kaya lang ay wala pang mga nagpapatayo ng resort sa isla kaya wala pang mga cottages. Kaya ko kayong dalhin sa lupain ng mga Montefalcon na pinamamahalaan ng mga Soriano.” At hindi na natapos ang kuwento ni Oneng. Naikuwento na rin niya ang pagtatagisan ng yaman sa pagitan ng mga Villanueva at Montefalcon. “Kartel po ang ating sasakyan patungo sa Kalayaan Hotel at Malaya Garden.” “Sige, sige. Kuhanin ka na namin para samahan kami. Kukuhanin lang namin ang mga gamit sa bangka.” Tumango-tango ang kaibigan niyang si Oneng sa mga turista. Ang mga turista ay bumalik sa bangka dahil may mga gamit silang naiwan doon. Doon ay um-extra si Segunda ng oras para alukin si Oneng ng kaniyang mga paninda. “Oneng, bilhin mo naman ‘tong natitira,” mapang-akit ngunit bahagyang nahihiyang sabi ni Segunda sa kaibigan. “Kanina pa nga kita hinihintay rito at bibili ako. Kunin ko na lahat ‘yan. Idadaan ko kina inang mamaya papuntang hotel.” Ibinalot ni Segunda ang mga natitirang panindang talong at okra sa plastic at ibinigay ito sa kaibigan. Saktong pumalaot ang bangkang sinasakyan ng isang lalaki kung saan napatingin sina Segunda at Oneng. “Turista na naman kaso quota na’ko. Ikaw na ang bahala d’yan. Dagdag kita ‘yan.” Tinapik-tapik ni Oneng ang balikat ng kaibigan saka tinawag ang mga turista upang maglakad-lakad patungo sa sakayan ng kartel na mga limang minutong lakarin. Walang pag-aalinlangang lumapit si Segunda sa lalaki. Ibinababa niya ang hawak sa bilao at lumaylay iyon sa kaniyang tabi. Ang lalaki ay tila naninibago sa mga nakikita. Tinakpan nito ang mga mata upang hindi masilaw sa sikat ng araw. Humawak ang lalaki sa magkabilang gilid ng bangka upang makababa. Tinulungan siya ng tao sa bangka na maibaba ang dalawang malaking impake na dala niya na parang pinalayas siya sa kanilang bahay. Hindi pa rin mawala ang tingin ni Segunda sa lalaki at naghihintay na kausapin siya nito. Hindi niya mapigilan na mapakagat labi dahil sa angking kaguwapuhan nito. Ang kutis nito ay parang sinadyang ibilad sa araw at ang mukha nito ay parang inukit dahil perpektong-perpekto ang v-shaped face niya. Ang lalaki rin ay may mga mala-lawing mga mata at parang papatayin ka nito sa mga tingin niya. Natauhan lamang si Segunda nang tingnan siya nito. “Ikaw ba ng tourist guide sa islang ‘to?” tanong ng lalaki sa kaniyang baritonong boses. Umiling si Segunda. “Ang kaibigan ko ang nag-iisang sumasama sa mga turista sa islang ‘to pero ibinilin niya sa akin n tanungin ka at samahan para madagdagan ang kita ko ngayong araw.” Napatingin ang lalaki sa bayong na hawak-hawak ni Segunda at ngumiti. Doon natunaw ag puso ni Segunda. Akala niya ay masungit ang turistang ito dahil sa kaniyang mga mata pero nang ngumiti ay mas cute pa ito sa alaga niyang tuta noon. “Ako nga pala si Alvaro. Taga-Maynila ako,” sabi ni Alvaro at inabot ang kamay kay Segunda. Hindi alam ni Segunda kung tatanggapin niya ba ang kamay ng turistang ito na tila ay kay linis habang ang sa kaniya ay naglalagkit sa pawis. “Segunda,” pagpapakilala niya nang hindi tinatanggap ang kamay ni Alvaro. Nahiya at dahan-dahang ibinababa ni Alvaro ang mga kamay. “Pasensya na, malagkit kasi ang mga kamay ko.” Napangiti muli ang lalaki. “Saan magandang tumuloy rito sa isla?” “Sa Kalayaan hotel ang puntahan ng mga turista kung gusto nila ng matutuluyan. Kartel ang sasakyan mo papunta roon ay may isa hanggang isa’t kalahating oras na biyahe papunta ro’n. Hindi pa kase nagkakakotse at jeep dito ‘di tulad sa inyo sa Maynila.” Biglang naalala ni Segunda ang bilin ng kaniyang ina nang umalis ang kaniyang mga kapatid na nag-asawa kaya nabakante ang ilan sa mga kuwarto roon na kung sabihan niya raw si Oneng na sa kanila patuluyin ang mga bisita kung ‘di nila kaya ang hotel. Mura lang ang isisingil nila kumpara sa mamahaling hotel sa isla. “Pero kung gusto mo...sa may amin ka na lang tumuloy. May mga bakanteng kuwarto rin sa amin at mura lang ang singil. Pero kung sa hotel ka pa rin ay sasamahan pa rin kita. Malapit lang naman ang amin.” “Nakakapagod ang ilang oras na biyahe kaya sa inyo na lang ako tutuloy.” Ngumiti si Alvaro kay Segunda. Kahit anak ng mayamang negosyante si Alvaro ay hindi siya naging mapili. Kailangan niya lang humanap ng lupang mapagtatayuan ng resort at gusto niya ring magpahinga sa trabaho sa paglibot niya sa buong isla. “Sige, sundan mo lang ako. Malapit lang ang amin.” Buhat-buhat ni Alvaro ang kaniyang mga inimpake at sinundan si Segunda na para bang tumatakbo sa bilis nitong maglakad. Ang tahimik nilang dalawa sa paglalakad kaya nagtanong si Alvaro. “Hindi ba magagalit ang asawa mo ‘pag nakita niyang kasama mo ‘ko?” May takot na si Alvaro sa mga babaeng may asawa dahil noong isang beses ay may nagselos sa kaniya at nasuntok siya. Sa galit ng daddy niya ay nawalan pa ng trabaho ang babaeng ‘yon. “Wala akong asawa,” ani Segunda. “Ikaw ba? Ba’t ‘di mo isinama ang asawa at mga anak mo rito sa isla?” “Hindi rin ako kasal gaya mo.” Ang kanilang lupang tinatapakan ay hindi na buhangin at naging lupa na. Kahit simpleng daan pa lamang ito ay may kung ano na nakapagpapagaan ng loob ni Alvaro. Ang paligid ay berdeng-berde at ang simoy ng hangin ay mapresko ‘di gaya sa Maynila. Gusto niya ring tumira sa lugar na ito. “Talaga? Sa gandang lalaki mong ‘yan ‘di ka pa kasal? Ilang taon ka na ba?” “Bente-otso.” Hindi sinagot ni Alvaro ang isa niya pang tanong. “Mas matanda ka pa pala sa’kin ng isang taon ta’s ‘di ka pa kasal? Alam mo ba ‘pag gan’yan katanda ka nang walang asawa rito ay tatanda ka na raw dalaga.” “Ba’t ‘di ka pa kasal?” biglang natanong ni Alvaro sa kaniya. “Maganda ka naman, ah.” “Maganda na ba ‘to sa’yo?” natatawang tanong ni Segunda. “Kakaunti lang ang mga lalaki rito sa isla. May nanliligaw naman sa’kin. Iyong isa balo ta’s ‘yung isa naman mas bata sa’kin. ‘Di ko sila parehong gusto pati manyak daw ‘yung balong ‘yon. Pati ‘di ako maganda? Nakita mo ba ‘tong ilong ko sarat na sarat.” Para bang matagal na silang magkakilalang dalawa. Ang gaan-gaan ng loob ni Segunda sa kaniya. “Hindi naman. Maganda ka nga, Segunda.” “Salamat na lang sa pagsisinungaling mo.” Ngumisi si Segunda maski si Alvaro. Limang minuto lang silang naglakad at nakarating na agad sila sa mala-kubong bahay nina Segunda. “Pasensya na. Nakalimutan kong sabihin na ‘di kagandahan ang bahay namin.” “Ayos lang naman ang bahay n’yo at noong bata ako ay pangarap kong makatulog sa kubo pero ‘di ako pinapayagan ng Dad ko.” Lumitaw sa isipan ni Alvaro ang pangyayari noong bata pa siya kung saan nakakita siya ng kubo sa daan habang nasa sasakyan siya. Gusto niyang magpababa noon at doon matulog kaya lang ay napagalitan siya ng ina niyang namayapa na ngayon. “Talaga? Ako naman gusto kong tumira sa bahay na bato. Kaya lang imposible na dahil sa hirap ng buhay. Kung nakapagtapos ako baka posible pa o kaya nakapag-asawa ng mayaman.” Walang nagsalita sa kanilang dalawa. “Tara, pasok na tayo.” Pagkabukas pa lamang ng pinto ni Segunda ay umalingasaw na sa buong kabahayan ang nakapanlalaway na adobong niluluto ng kaniyang ina. Naamoy rin ito ni Alvaro at na-miss niya bigla ang luto ng kaniyang namayapang ina. Ang ina ni Segunda ay napatingin sa kanilang dalawa, nalaglag ang panga at nanlaki ang mga mata. Tinawag nito ang asawa na dali-daling bumababa sa de-kawayan na hagdanan. Gaya ng ina ni Segunda, nanlaki rin ang mga mata ng kaniyang ama. “Segunda, ‘di mo naman sa’min sinabi na ngayon ka mag-uuwi ng nobyo mo,” mapaglarong sabi ng kaniyang ina. Napasulyap si Segunda sa de-kawayang bintana nila. Kulay kahel na ang kalangitan at papalubo na ang araw. “Dapat ay ikasal na kayo kaaagad,” hirit naman ng kaniyang ama. “Hindi ko siya nobyo, ‘nay. Turista siya galing Maynila. Si Alvaro po. Ang sabi ko po kasi ay tumatanggap tayo ng bisitang gustong makituloy pagsamantala kaysa sa hotel. Pagod na pagod na raw siya mula sa biyahe kaya dito ko siya dinala.” Nagkatinginan ang mag-asawa at tumango. “Magandang hapon po,” nakangiting bati ni Alvaro. Lumipad naman ang isipan ng ina ni Segunda. Sana ay ganito rin kakisig at kaguwapo ang mapangasawa ni Segunda para naman malahian ang dugo nila. “Sige, sige. Ayusin ko lang ang kuwarto ng ate mo sa itaas. Maupo muna kayo d’yan at kakain na rin tayo ng hapunan.” Dinala ni Segunda si Alvaro sa de-kawayan nilang upuan na gawa ng ama niya. Parang nag-i-interview ang ama niya sa pagbabato ng tanong kay Alvaro. Magalang na sumasagot si Alvaro sa mga katanungan nito. Nang matigil sa pagtatanong ang ama ni Segunda ay si Alvaro naman ang nagtanong kay Segunda ng tanong na kanina niya pa gusto sanang itanong. “Segunda, magkano nga pala ang ibabayad ko sa’yo pati magkano ang isang araw n’yo rito sa inyo.” Hindi makasagot si Segunda. Hindi niya gustong singilin ang guwapong lalaking ito na napakagalang sa kaniyang pamilya. Kung may kagaya lang ni Alvaro na nakatira rin sa isla ay malamang nakapag-asawa na agad siya. “Sa akin ay wala pa dahil hindi pa naman kita naigagala sa buong isla. Isang daan at singkwenta yata ang singil ni Nanay sa kuwarto buong gabi at kung isang buong araw naman ay dalawang daan at singkwenta. Siya na lang ang kausapin mo mamaya.” Tumango si Alvaro. Kung tutuusin, barya lang ‘yon sa kaniya. Higit tatlumpung libo ang dala niya na nakatago sa pinakailalim ng kaniyang bag para tagong-tago ito. Huminga ng malalim si Segunda at tila napagod sa paglalako maghapon nang may masinghot siyang parang nasusunog. Napatingin siya sa dalawang de-uling nilang lutuan kung saan may nakasalang na kawali para sa adobo at kaldero para sa kanin. Napatakbo siya papunta sa kalderong nakasalang at pagbukas niya nito ay halos magkulay kape na ang kanin!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD