Naging madalas ang pagpunta ni Lander sa restaurant. Lagi itong kakwentuhan ni Liljin at nagsimula silang maging malapit sa isa’t isa.
“Pagkatapos ng shift mo samahan mo ako sa Korean restaurant. Susunduin kita,” sabi ni Lander kay Liljin.
“Oo sige. Out na ko ng six PM,” sagot niya.
“Okay, I’ll be here before six.”
Nagbayad na ito ng bill niya at umalis na. Natutuwa naman si Liljin at nagkaroon siya ng bagong kaibigan. Nang una kasi siyang dumating sa Maynila ay puro trabaho at bahay lang siya. Natatakot kasi siyang mamasyal at baka maligaw pa siya.
Pumasok si Randolf sa kitchen para magpahanda ng dinner niya. Madalas kasing late na siya nakakauwi kaya sa restaurant na siya nagdi-dinner bago umuwi. Napansin niya na wala si Liljin sa dining area, wala din ito sa kitchen kaya tinawag niya si Andy.
“Nasaan si Liljin?” tanong niya.
“Umalis na po sir. Tapos na po ang shift niya,” sagot nito.
“Ah, ganoon ba. Nagpahatid ba siya sa driver ko?”
“Hindi po. Sinundo po siya ni sir Lander.”
Kumunot ang noo niya, “Sinong Lander?”
“Iyong regular customer po.”
“Ano? At bakit naman siya susunduin ng customer?”
“Hindi ko po alam eh,” sagot nitong nagkamot pa ng ulo.
Bumalik siya sa office niya at kinuha ang cellphone. Tinawagan niya ang mommy niya. “Hello, mom.”
“Oh, Rand, bakit?” sagot nito sa kabilang linya.
“Nasa bahay ka ba? Nandiyan na ba si Liljin?”
“Wala pa anak. ‘Di ba nandiyan siya sa restaurant?”
“Umalis na daw sabi ni Andy. May sumundo daw na customer dito.”
“Huh? Sino naman? Wala namang ibang kakilala si Jin dito.”
“Lander daw. Kilala mo ba iyon mom?”
Nag-iba ang tono nito pagkarinig ng pangalan ni Lander. “Eh, baka naman manliligaw ni Jin. Bakit Rand, nagseselos ka ba?” masiglang tanong nito.
He rolled his eyes. Oh mom! Nai-imagine na niyang nakangiti ito sa kabilang linya. Bakit nga ba niya hinahanap si Liljin? “Well, then, I think that’s good. Bye mom.” Ano naman kung may manliligaw siya? Nasabi na lang niya sa sarili.
Pagkatapos ng shift ni Liljin ay masigla siyang nag-out. Bukod sa day off niya kinabukasan, lalabas siya kasama si Lander. Napaka-gentleman nito. Ipinagbukas siya ng pinto ng kotse nito at inilalayan siyang sumakay. Noon lang niya naranasan na tratuhin ng ganoon. Pakiramdam niya ay importante siya. Pakiramdam niya ay prinsesa siya.
Nang makarating sila sa isang Korean restaurant ay ipinagbukas siyang muli ni Lander ng pinto ng kotse at inalalayang bumaba. Pagpasok nila sa loob ay agad silang sinalubong ng waiter at iginiya sila nito sa table at ibinigay sa kanila ang menu.
“So, anong mare-recommend mo, Lil?” tanong ni Lander sa kanya habang nakatingin sa menu. Nakaupo ito sa tapat niya.
“Itong unli samgyupsal at woosamgyup nila, beef and pork ‘to. Tsaka isang order ng kimchi soup.” nakangiting sabi niya. Pagka-order niya ay kinuha ng waiter ang menu at naghintay na sila. “Nakatikim ka na ba ng kimchi?” tanong niya kay Lander.
“Hindi pa. Wala pa talaga akong idea sa Korean food,” sagot nito.
“Karamihan naman sa pagkain nila maanghang. Sigurado akong magugustuhan mo ang kimchi,” nakatawang sabi niya dito. Maya-maya pa ay bumalik ang waiter at inilagay ang mga side dishes. Isinet up na rin nito ang table para sa unlimited meat na inorder nila. Kinuha niya ang tongs na hawak ng waiter at siya na ang nagluto.
“So parang pritong pork at beef lang pala?” tanong ni Lander.
“Oo, pero kailangan i-cut sa maliliit na piraso,” sagot niya. “Habang hinihintay nating maluto, tikman mo muna itong kimchi.” Kumuha siya kimchi at inilagay sa plate nito gamit ang chopsticks. Gamit din ang chopsticks ay isinubo nito ang kimchi na inilagay niya ngunit pagkasubo nito ay agad din nitong iniluwa sa plato. Napangiwi ito dahil hindi nito nagustuhan ang lasa sabay inom ng tubig. Siya naman ay hagalpak na sa pagtawa dahil sa reaksyon nito.
“You did not warn me,” sabi nitong tumatawa rin. “Bakit ganon? Hindi ko maintindihan ang lasa. Tsaka hindi maganda ang amoy.”
“Okay lang ‘yan. Sa simula lang naman ‘yan,” sabi niyang tumatawa pa rin. “Ganyan dun ang reaksyon ko nong first time ko tumikim ng kimchi. Kailangan mong matikman iyong kimchi soup para masanay ka sa lasa ng kimchi.”
“Parang ayoko na,” sabi nito sabay tawa.
Nang may maluto na siya ay sinumulan na niyang i-demonstrate kay Lander kung paano ito kainin. “Kumuha tayo ng lettuce.”
“Okay.”
“Tapos isawsaw natin ang pork sa sam jang,” itinuro niya kung alin ang sam jang at gumaya ito, “tapos ilagay natin sa lettuce, pwede rin nating lagyan ng kaunting rice, garlic, at side dishes na gusto mo at kimchi.” Umiling ito at hindi naglagay ng kimchi. “I-wrap natin lahat sa lettuce tapos isusubo mo lahat.” Isinubo na niya ang hawak na samgyupsal.
“As in isang subo lang, hindi pwedeng kagatin?”
Umiling lang siya bilang sagot dahil hindi siya makapagsalita at puno ang bibig niya. Isinubo na rin nito ang hawak na samgyupsal. Tumango-tango ito at parang nagustuhan ang lasa. Ipinatikim din niya dito ang kimchi soup na medyo nagustuhan nito kaysa sa kimchi.
Pagkatapos nilang kumain ay nagyaya naman ito sa isang sikat na milktea shop. Maaga pa naman at wala siyang pasok bukas kaya ayos lang na magpuyat siya. Sa labas ng shop sila naupo.
“Matanong ko lang, naging kayo ba ni Rodylyn?” tanong niya dito.
“Huh? Hindi. Bakit mo naman naisip iyan?”
“Kasi ‘yong baklang iyon, laging sinasabi sa akin na 'Hoy bakla, customer ko iyan, akin iyan’,” sabi niyang ginaya pa ang boses ni Rodylyn.
Napatawa naman ito at parang aliw na aliw ito sa kanya. “Well, siya ang una kong nakilalang waitress doon sa restaurant, and I think okay naman siya. Pero ikaw, alam mo masaya ako pag kasama kita kasi lagi mo akong pinapatawa. And ang gaan-gaan sa pakiramdam kapag kasama kita, parang lahat ng stress at problema ko nawawala,” sabi nitong sumeryoso.
“Hala! Iyang hitsura mong iyan, stressed at problemado na, eh, pano pa ako?”
“Totoo naman eh.”
“At ano naman ang problema mo? Sigurado ako na hindi jowa ang problema mo.”
“Wala naman akong jowa. Wala na. Iyong last girlfriend ko ang sabi niya nabuntis ko siya. I was so excited kasi kahit bata pa ako para maging daddy, ready na ako para sa kanya. I loved her and the baby. I was planning to propose to her, but then, may dumating na lalaki claiming na siya ang tatay ng ipinagbubuntis ng girfriend ko. It turned out na siya nga at hindi ako dahil umamin si gf.”
“Anong ginawa mo noong nalaman mo ang totoo?”
“I left her. I just can’t believe na kaya niyang gawin sa akin iyon. She lied and I almost gave my name to someone else’s baby. Tapos lagi siyang tumatawag at sinasabi niya na ako ang mahal niya, na balikan ko siya.” Nawala na ang ngiti nito.
“Sorry ha,” sabi niya, “ang alam ko lang naman tungkol sa buhay mo ay iyong mga sinabi mo sa akin. Hindi ko alam na may ganyan pala.”
“It’s okay. Hindi ko naman kinukwento sa lahat ang tungkol doon.”
“Hanggang ngayon ba mahal mo pa rin iyong ex mo?”
Malungkot itong ngumiti, “Minsan naiisip ko pa rin siya. Pero hindi na kagaya ng dati. Nawawala na ang pain at lahat ng nangyari nagiging memory na lang.”
“Naks, ang galing humugot!” biro niya dito sabay hampas sa braso nito. Tumawa ito at nakita niyang nawala na ang lungkot sa mga mata nito. Kahit pala ang katulad nitong halos perpekto na ang hitsura at mabait pa ay nagkakaroon pa rin ng ganoong karanasan sa pag-ibig. At heto naman siya na hindi naman kagandahan at problema talaga kung paano mapapa-ibig si Randolf. Kung katulad lang sana ni Lander ang ugali nito ay hindi siya mahihirapang mapalapit dito. Baka nga mas madali pa niya itong mapa-ibig pero magkaiba silang dalawa. Napabuntung-hininga siya. Paano nga ba? Lalo pa ngayon na naiilang na siya kay Randolf.