“Jin, halika. May good news ako sa iyo,” excited na sabi kay Liljin ni Ambrosia habang hinihila siya nito papuntang kusina. Malalim na ang gabi nang ihatid siya ni Lander, napasarap kasi ang kwentuhan nila.
“Tumama po kayo sa lotto?” tanong niya.
“Hindi, ano ka ba? Hindi naman ako tumataya sa lotto,” sagot nitong nakatawa pa rin.
“Ano pong good news?” Nagtataka na siya sa sobrang saya nito. Wala naman siyang matandaang nagawa niya.
“Sino ba iyong Lander? Manliligaw mo ba?”
“Naku, hindi po. Eh, bakit po alam ninyo ang pangalan niya?”
“Tumawag kasi si Rand sa akin kanina pagka-out mo, eh, tinatanong niya kung nakauwi ka na raw kasi nga sinundo ka raw nitong si Lander sa restaurant.”
“Ah…Tapos na naman po ang shift ko noong umalis ako. Tsaka kaibigan ko po si Lander hindi ko po manliligaw. Bakit po parang kinikilig kayo?”
Napakunot ang noo nito, “Oo kinikilig ako, pero hindi sa inyong dalawa ni Lander. Syempre sa inyo ni Rand.”
Sa amin ni Randolf? Ano naman ang kakilig-kilig doon eh kami ni Lander ang lumabas? Napansin yata nitong nagsalubong na ang kilay niya sa pag-iisip at waring nabasa ang iniisip niya.
“Nagseselos si Randolf sa inyo ni Lander. Kasi kaninang tumawag siya, galit ang tono niya dahil may sumundo daw sa iyo. Hay, ang slow mo naman.”
“Eh, madam, sigurado po ba kayo?” hindi makapaniwalang tanong niya.
“Siguradung-sigurado ako, Jin. Sa akin nanggaling si Randolf kaya alam ko. Kaya ikaw,” hinawakan siya nito sa magkabilang braso, “ipagpatuloy mo lang kung anong ginagawa mo dahil effective iyan, pero,” huminto ito saglit sa pagsasalita, “don’t fall in love with Lander. Magiging problema iyon. Dapat kay Rand ka lang ma-in love. Okay?”
Napatango na lamang siya bilang sagot. Umalis na ito at naiwan siyang nakatayo sa kusina. Teka, kasama ba sa usapan na pati ako kailangang ma-in love kay Randolf?
Medyo late nang nagising si Randolf, late na rin kasi siyang nakatulog kagabi. Wala naman siyang sakit pero mabigat ang pakiramdam niya. Nag-shower siya at nagbihis, pagkatapos ay dumiretso na sa dining para mag-almusal. Wala doon ang mga magulang niya. Tinanong niya ang katulong na naghahanda ng almusal niya, “Nasaan sina mommy at daddy?”
“Kanina pa pong nakaalis. May meeting daw po,” sagot nito.
Nagkape lang siya at nagpahatid na sa restaurant. Pagdating niya sa restaurant ay chineck niya kaagad ang paligid kung malinis na. Gayun din ang dining area, ang kitchen, at ang restrooms. Pagkatapos ay pumasok na siya sa office niya at naupo. Bakit ba ganito? Ang gloomy ng pakiramdam ko. At biglang pumasok sa isip niya ang nakangiting mukha ni Liljin nang magpasalamat siya dito sa pag-aassist sa guests ng daddy niya. Naisip niyang noon lamang niya nakitang nakangiti ng ganoon ang dalaga, kung hindi ito nakasimangot at nakakunot ang noo ay galit naman ito. Napatawa siya. Lagi kasi niya itong inaaway.
Pina-background check niya ito at kahapon niya natanggap ang lahat ng files tungkol kay Liljin. Totoong mahirap lang ang pamilya nito at nawalan ng trabaho ang tatay nito. Totoo naman ang lahat maliban sa magkaibigan daw noong high school ang mommy niya at ina nito. Hindi niya masisisi si Liljin kung tinanggap nito ang perang ibinayad ng mga magulang niya. Kung siya siguro ang nasa sitwasyon nito ay ganoon din ang magiging desisyon niya. Sinubukan naman niya itong pasukuin pero hindi ito sumuko. Ang akala niya noon ay isa lang itong poor girl na ginagawa ang lahat para lang sa pera, pero mali siya. Ginagawa nito ang lahat para sa pamilya at siya naman ang nagpapahirap dito. Naawa tuloy siya dito. Simula pa lang ay hindi na maganda ang pagtrato niya sa dalaga.
Dahil hindi maganda ang pakiramdam ni Randolf ay umuwi siya ng maaga. Pagbaba niya ng sasakyan ay narinig niya kaagad ang boses ni Liljin.
“Sira, hindi ‘no,” sabi nito habang tumatawa.
Hinanap niya ito at nakita niyang nakatayo sa gilid ng swimming pool. Nakatalikod ito sa kanya. May kausap pala ito sa cellphone. Nang malapit na siya dito ay bigla itong humarap sa kanya. Nagulat ito sa kanya at napa-atras. Na-out of balance ito at muntik nang mahulog sa pool, mabuti na lang at nahawakan niya kaagad ang kamay nito at hinila palapit sa kanya. Niyakap niya ito para hindi tuluyang matumba. Ngunit sa halip na magpasalamat ay nagpumiglas ito.
“Ang cellphone ko!” sigaw nito.
Pareho silang tumingin sa pool at nandoon sa ilalim ang cellphone ni Liljin.
Bumaling ito sa kanya, “Ikaw kasi.”
“Anong ako? Ikaw ‘tong clumsy,” sagot niya. “Hindi ba dapat thank you ang sabihin mo? Kung hindi kita nahawakan baka ikaw iyong nahulog sa pool.”
“Salamat ha, kasi nahulog iyong cellphone ko!” malakas na sabi nito. “Tabi nga diyan,” sabi nitong naglakad papalayo sa kanya.
“Really? Cellphone lang iyon.”
“Madami ka kasing pambili kaya nasasabi mo iyan,” sabi nitong hindi man lang lumingon sa kanya.
“Then, I’ll buy you a new one!” sigaw niya dahil malayo na ito.
“Huwag na! Uutang na lang ako sa five-six!” sigaw din nito.
Napatawa na lamang siya sa naging reaksyon nito. She’s unbelievable. Iiling-iling na lang siyang pumasok ng bahay.
Pumasok kaagad si Liljin sa kuwarto niya. Isinarado niya ang pinto at sumandal siya dito. Humawak siya sa dibdib niya. Ang lakas ng kabog nito, parang bombang sasabog. Huminga siya nang malalim at padapang ibinagsak ang katawan sa kama. Bakit ganito? Si Randolf lang naman iyon? Iniiwasan niya si Randolf dahil naiilang talaga siya dito. Pumikit siya at inalala ang pakiramdam kaninang yakap siya nito. Ang bango nito at ang sarap sumandal sa dibdib nito, mainit at pakiramdam niya ay ligtas siya at walang kahit na sinuman ang makakapanakit sa kanya. At bigla siyang nagmulat. Tumihaya siya at muling humawak sa dibdib niya.
“Ang sarap ng yakap niya. Ibig sabihin ba nito?” Parang ang puso niya ang sumagot ng ‘oo’ may nararamdaman na siya para kay Randolf. Hindi niya alam kung ano ang gagawin. Kapag lalaki kasi ang na-in love, nililigawan nila ang mga babae, pero paano kapag babae ang na-in love, kailangan ba niyang ligawan ang lalaki? Sasabihin ba niya kay Randolf? Pero lalaki din ang gusto ng baklang iyon. Naputol ang pag-iisip niya nang may kumatok sa pintuan. Pinagbuksan niya ito. Si Nikki ang kumakatok.
“Girl, pinapatawag ka nina madam at sir. Sumabay ka na daw sa kanilang kumain ng dinner,” sabi nito.
“Huh? Bakit daw? Eh,, sa kusina na lang ako kakain,” sagot niya.
“Pilitin daw kita sabi ni madam.” Hinawakan nito ang kamay niya at hinila siya palabas ng kwarto niya hanggang sa dining room. Nakaupo na doon sina Henry, Ambrosia at Randolf. Iniwasan niya ito ng tingin.
“Oh, hija, maupo ka na at kumain na tayo,” sabi ni madam at isinenyas na umupo siya sa tabi nito. Kaharap tuloy niya si Randolf.
“Jin, kamusta naman ang family mo?” tanong ni Henry sa kanya.
“Okay naman po sir. Malakas naman po iyong canteen nina nanay at tatay tapos iyong dalawa kong kapatid nag-aaral na po,” sagot niya.
“Mabuti naman. Dapat siguro umuwi ka rin sa inyo kahit isang araw lang. Sigurado ako nami-miss mo na sila.”
Na-excite naman siya sa sinabi nito. “Talaga po, pwede akong umuwi?”
Tumawa ito, “But of course. Hayaan mo kapag free si Roldan ipapahatid kita.”
“Maraming salamat po sir,” masayang sabi niya.
“Dapat siguro sweetheart, si Rand ang maghatid sa kanya,” sabi ng madam. Napatuwid siya ng upo sa sinabi nito.
“Bakit nasali ako sa usapan mom? Pwede namang si Mang Roldan na lang,” protesta ni Randolf.
“Rand, para rin makapahinga ka, hindi iyang puro trabaho ka na lang sa restaurant. Hindi ka ba napapagod?”
“Mas nakakapagod mag-drive papuntang Batangas. Si Mang Cesar na lang, iyong driver mo, mom.”
“Two to three hours lang naman, hijo. Besides, alam mo namang busy din iyon sa company.”
“Okay, that’s enough. Hahanapan ko ng schedule, then sumama ka Randolf,” sabi ni Henry.
“Whatever dad,” sagot ni Randolf.