Nagpahatid kaagad si Liljin kay Lander sa mansyon pagkatawag ni Madam Ambrosia. Parang sasabog ang dibdib niya sa lakas ng kabog niyon. Sobra siyang nag-aalala at kung anu-ano nang pumapasok sa isip niya. Baka naaksidente si Randolf o kaya binugbog o kaya naman ay kinidnap. Lahat na yata ng masamang pwedeng mangyari ay naisip na niya.
“Lil, relax. I’m sure wala namang masamang nangyari,” sabi ni Lander na palingon-lingon sa kanya habang nagmamaneho. Kanina pa siya pilit na pinapakalma nito.
“Pero umiiyak si madam sa kabilang line at pinagmamadali niya akong umuwi. Naiiyak na nga rin ako eh. Paano kung na-kidnap si Randolf o kaya nasaksak? Paano kung nasa bingit na siya ng kamatayan?” Nangingilid na ang luha niya.
“Well, dapat sa ospital ka pinapunta ni madam at hindi sa mansyon, di ba?”
“Pero…” naisip niyang may point ito, “eh, kasi nag-aalala ako.”
“Obviously. At napakaswerte ni Randolf dahil ganyan ka sa kanya. I just hope that he can see that.”
Itinigil nito ang sasakyan sa tapat ng mansyon. Agad na lumabas si Liljin at sumunod naman si Lander. “I can stay if you want,” offer nito.
“Hindi na. Masyado ka nang gagabihin sa daan. Salamat sa dinner at sa paghatid. Babalitaan na lang kita.”
“Okay. I’ll call you.”
“Sige. Tawagan mo ako kaagad kapag naka-uwi ka na.” Tumango ito at hinintay siyang makapasok. Narinig niyang nag-start ang sasakyan nito at umaandar palayo. Halos takbuhin naman niya ang papasok sa mansyon. Naabutan niya sa sala ang mag-asawang Teodoro. Naka-upo ito pareho at hinahagod ni Henry ang likod ni Ambrosia habang ito naman ay umiiyak at may hawak na tissue. Pagkakita nito sa kanya ay pinaupo siya nito at hinawakan ang dalawang kamay niya.
“Ano po bang nangyari? Nasaan po si Randolf? Ayos lang po ba siya?” sunud-sunod na tanong niya.
“Tinawagan ko si Roldan kanina pagkatawag ko sa’yo. Itinanong ko sa kanya kung nasaan si Rand, tapos sabi niya…” suminga muna ito sa hawak na tissue, “sabi niya nasa club daw kasama si Harvey.” Tuluyan na itong humagulgol sa pag-iyak. Para naman siyang nabunutan ng tinik sa dibdib dahil wala naman palang masamang nangyari dito.
“Sino po si Harvey?” tanong niya. Ngayon lamang niya narinig ang pangalan nito.
“Randolf’s friend,” sagot ni Henry. “Siya din ang madalas na kainuman ni Randolf. Dumalang na nga lang noong dumating ka dito. Si Harvey din ang may-ari ng club kaya madalas tambayan ni Randolf.”
“Kaya nga tinawagan kita Jin at pinauwi kaagad. Maari mo ba siyang puntahan doon, please?” pakiusap ni Ambrosia sa kanya.
“Sabi ko naman sa’yo sweetheart huminahon ka lang. Baka naman talagang nagpunta lang si Randolf doon para uminom at mag-party at hindi gaya ng iniisip mo,” sabi ni Henry.
“Hindi sweetheart. Alam mo naman na nagkaroon na ng boyfriend iyang si Harvey. Pumapatol talaga siya sa gay,” sabi ni Ambrosia na muling humagulgol.
“Ahm, eh, saan po ba iyong club? Pupuntahan ko po si Randolf,” sabi niya.
“Ipapahatid na lang kita sa driver,” sabi ng madam habang hinawakan pa ang magkabilang balikat niya. “Kailangan mong bawiin si Rand kay Harvey, maliwanag ba?” madiing sabi nito.
Habang nasa biyahe si Liljin papunta sa club ay nai-imagine niyang nakikipaglandian si Randolf sa isang lalaki. “Bwisit ka talagang Randolf ka. Kailangan mo ba talagang gawin ito? May pa sandwich ka pa kaninang umaga tapos ngayong gabi nasa piling ka ni Harvey,” sabi niyang kausap ang sarili.
Pagdating niya sa club ay huminto siya saglit sa may entrance. Hindi pa siya nakapasok kahit kailan sa ganitong lugar. Kinabahan siya at nag-dalawang isip kung papasok ba siya o hindi. “Kailangan mong pumasok sa loob, Liljin. Kailangan mong bawiin si Randolf kay Harvey. Kaya mo iyan. Kaya ko ‘to,” pagapapalakas niya ng loob. Binati pa siya ng guard pagpasok niya sa loob. Hindi niya inaasahan ang dami ng tao, hindi tuloy niya alam kung paano niya makikita si Randolf. Tumingin siya sa paligid, ang daming taong nagsasayaw, may mga naka-upo at nakatayo habang umiinom, may nakita din siyang mga naglalampungan. Nahihilo na siya sa lakas ng tugtog at sa mga ilaw na sumasayaw din. Nagpunta siya sa bar at nagtanong sa bar tender, “Kuya, nasaan si Harvey?”
“Harvey as in boss Harvey?” tanong nito sa kanya.
“Oo.”
Naningkit ang mga mata ng bar tender, “At bakit mo siya hinahanap?”
“Girlfriend ako ng friend niyang si Randolf Teodoro. Hindi pa umuuwi si Randolf at sabi ng mommy niya nandito siya kasama ni Harvey.”
“Oh, okay. Nandoon sila sa VIP,” sabi nitong itinuro kung nasaan ang hinahanap niya. Umakyat siya ng hagdan at nakita niya doon si Randolf. May kasama itong dalawang lalaki at dalawang babae. Hindi niya kilala ang mga ito. Hindi rin niya alam kung sino sa dalawang lalaki si Harvey.
Saktong umiinom si Randolf sa hawak nitong baso nang tumingin ito sa kanya at muntik na nitong mailuwa muli ang ininom. Nasamid tuloy ito at inubo.
“Are you okay baby?” malanding tanong dito ng katabi nitong babae at hinawakan pa ang dibdib nito. Dahil sa ginawa ng babae pakiramdam ni Liljin ay umakyat ang lahat ng dugo sa ulo. Ang lakas ng loob nitong hawakan si Randolf. Lumapit siya sa inuupuan ng mga ito. Tumingin sa kanya lahat.
“Yes?” tanong ng lalaking nakaupo sa kanan ni Randolf.
“Umuwi na tayo,” matigas na sabi niyang nakatingin kay Randolf.
“Oh, Randolf’s baby sitter,” nagsalita muli ang babaeng katabi nito. Nagtawanan ang mga kasama niya sa sinabi nito.
“Don’t be ridiculous, I don’t have a baby sitter,” sagot naman ni Randolf sa babae. “Excuse me.” Tumayo ito, hinawakan siya sa braso at hinila palayo sa mga kasama nito. “What in the world are you doing here?” galit na sabi nito.
Marahas niyang binawi ang braso niya dito. “Umuwi na tayo!” ulit niya.
“Ipinapahiya mo ako sa mga kaibigan ko, alam mo ba iyon?”
“Wala akong pakialam, basta umuwi na tayo. Bakit ka ba kasi nandito?”
“Bakit ako nandito? Ano ba sa tingin mong ginagawa ng mga taong nandito? At tsaka tingnan mo nga iyang suot mo, hindi iyan bagay dito. Umuwi ka na at hayaan mo akong mag-enjoy dito,” halata na rin ang galit sa boses nito.
Tumingin siya sa suot niya at wala naman siyang nakikitang mali dito. “Hindi ako aalis dito nang hindi ka kasama, okay?”
“At sa tingin mo sasama ako sa’yo? Sino ka ba? Hindi naman kita girlfriend.” Pagkasabi noon ay iniwan na siya at bumalik na sa mga kasama nito.
Ang kaninang sobrang pag-aalala niya dito ay napalitan na ng galit. Akala niya ay nagiging maayos na ang lahat sa pagitan nilang dalawa, mali pala siya.
Kinabukasan ay pinuntahan siya ni Ambrosia sa kwarto niya. Tulog na kasi ito pag-uwi niya kaya hindi niya nasabi ang nangyari.
Mabigat ang loob ni Liljin
“Thank you pa rin sa effort mo, Jin,” sabi ng madam pagkatapos niyang ikwento ang nangyari.
Mabigat ang loob ni Liljin nang pumasok siya. Hindi siya isinabay ni Randolf kaya ipinahatid siya ni Ambrosia sa restaurant. Hindi niya nakita doon si Randolf na malamang ay magkukulong sa office nito. Mabuti na lang at day off niya kinabukasan. Nagapaka-busy na lamang siya sa pag-aasikaso sa mga customers hanggang sa hindi na niya napansin ang oras, gabi na pala at malapit nang matapos ang shift niya. Lumabas si Randolf ng office nito at dere-deretso sa labas. Ni hindi man lang siya tiningnan nito. Maya-maya pa ay dumating na ang driver ng madam at pinasundo na siya.
Pagdating niya sa mansyon ay balak na sana niyang magpahinga kaagad sa kwarto niya pero sinalubong siya ng isang katulong.
“Jin, sabi ni madam dumiretso ka daw sa kwarto nila,” sabi nito.
“Bakit daw?” tanong niya.
“Wala namang sinabi kung bakit.”
“Ah, sige pupunta na ko.”
Kumatok siya sa pinto at agad naman itong binuksan ni Henry at pinapasok siya.
Nakita niya si Ambrosia na nakaupo sa sofa at umiiyak na naman. Lumapit siya kaagad dito. “Bakit po mam? Ano pong nangyari?”
Hinawakan nito ang kamay niya, “Hija, umuwi si Randolf kanina at nagbihis lang. Tinanong ko kung saan siya pupunta, ang sabi niya pupuntahan niya si Harvey sa club. Ang sabi ko sa kanya huwag na siyang pumunta kasi galing na siya doon kagabi, ang sagot niya sa akin…” umiyak muna ito bago ituloy ang sinasabi, “nami-miss na daw niya kasi si Harvey.”
Naawa naman siya kay Madam Ambrosia. Mahal na mahal nito ang nag-iisang anak at ang gusto lang naman nito ay magkaroon ng apo.
“Huminahon ka lang sweetheart. Kaya nga nandito si Jin para tulungan tayo, di ba?” alo naman ni Henry sa asawa niya.
“Pupunta po ako doon sa club. Babawiin ko po si Randolf,” sabi niya. Lumiwanag ang mukha ng madam at tumingin sa kanya.
“Jin, hindi pwedeng mawala sa paningin mo ang anak ko. Kailangan paghiwalayin mo sila. Kailangan...kailangan mong agawin sa kanya si Rand.”
“Opo mam. Huwag na po kayong mag-alala, ako na pong bahala.”