“HEY! Ikaw! Tulungan mo ako dito! Sayang naman ang laki ng braso mo kung hindi mo gagamitin!” Sa sigaw na iyon sa akin ni Arkin ay doon lang tila bumalik ang kaluluwa ko sa aking katawang lupa.
Mabilis akong kumilos at nilapitan si Pepita na akala mo ay patay na. Payat naman ito kaya madali kong nabuhat.
“Ihiga mo siya sa sofa,” utos ni Arkin.
“O-oo!”
Hindi maalis-alis ang tingin ko kay Arkin. Nakilala niya kaya ako? Pero mukhang hindi naman. Wala sa hitsura niya na na-recognize niya na ako at ang Ella’ng sexy kagabi sa reunion ay iisa. Wish ko lang talaga na ganoon nga dahil kung hindi, wala pa nga ako sa gitna ng aking revenge sa kanya ay buking na agad ako. Isa pa, paano ko i-explain sa kanya kung paano ako nagiging mataba at sexy? Baka isipin niya na isa akong mangkukulam! Tapos ipasunog niya itong bahay namin ni Pepita sa taong bayan! Diyos ko! `Wag naman po!
Teka… Ang OA ko naman doon sa sunog part. Gumagana na naman ang pagiging utak-writer ko, e.
Muntik ko nang mabitawan si Pepita sa gulat ko dahil aksidenteng naiuntog ko siya sa dingding. Talagang titig na titig kasi ako kay Arkin.
“Careful. Baka matuluyan `yan!” ani Arkin.
Nang maihiga ko si Pepita sa sofa at tinapatan naman ito ni Arkin ng electric fan.
I can’t take this! Kailangan ko nang um-exit!
Akmang papunta na ako sa aking kwarto nang bigla akong tawagin ni Arkin.
“Saglit. Saan ka pupunta?”
Napangiwi ako sabay harap ulit sa kanya. “Ah, eh… Matutulog?”
“Matutulog? Ang aga pa. Teka…” Lumapit siya sa akin habang ako ay hindi malaman ang gagawin. Nanginginig na ang lahat ng taba ko sa buong katawan ko. “You look familiar…”
Akala mo ay isa siyang investigator na iniimbestigahan ako kung tingnan niya ang aking mukha. Lord, please! `Wag naman sana! Ibalato Niyo na ito sa akin!
“Don’t tell me… Ikaw si Ell--”
“Jelay! Ako man, ser, si Jelay. Pinsan nimo ako ni Ella Panti!” At talagang binago ko ang accent ng aking pagsasalita na hindi ko alam kung saan ko natutunan. At kung anong klaseng accent iyon, wala na akong pakialam. Ang gusto ko lang ay mawala sa isip ni Arkin na ako si Ella kung iyon man ang iniisip niya.
“Hindi ikaw si--”
“Jelay man ako, ser. Sikritari man ako ni Ella. Personal assistant ba!”
Tumango-tango si Arkin. “Ah, okay. By the way, nasa’n si Ella?”
Alanganing itinuro ko ang kwarto ko. “Nasa room niya man siya, ser. Nagatulog p kasi napoyat sa reunion ba kagabi. Bakit po, ser? Sino ba kayo?” Kailangang panindigan ko na ito. Para sa hindi ikakabuko ng aking sikreto. Push!
“Arkin. Classmate and friend ni Ella.”
Friend? Utot mo friend!
“Oki, ser! Alis na po kayo. Go aweh na.” Pagtataboy ko sa kanya.
“No. I mean, hindi pa ako aalis. Si Ella ang ipinunta ko dito. Gusto ko siyang makausap.”
“Naku, ser! Dili man pweydi ba. Magalit man si Ella kapag naistorbo ang sleep man niya, ser. Magwala man siya at maging monster ba. Kaya, balik na lang kayo some ader day.” Talagang sinamahan ko pa ng bonggang hand gesture ang pagsasalita ko para maging convincing ang aking pagpapanggap.
Well, ngayon ko lang nadiscover na hindi lang pala pagsusulat ang talent ko kundi pati sa pag-arte.
“No. I will not leave hangga’t hindi siya nakakausap. Tawagin mo na lang siya. Sabihin mo nandito si Arkin.”
“Hindi man talaga pweydi, ser. Kakulit niyo naman, e.”
“Okay. Kung ayaw mo, ako ang gigising sa kanya!”
“Weeeyt!!!” Mabilis kong iniharang ang aking malaking katawan sa pinto ng kwarto ko. “Oo na nga. Gesengen ko na si Ella. Weyt lang! Kulit mo, e!” At nanggigigil na dinuro ko ang ilong niya kahit ang gusto kong gawin ay bugbugin na siya.
Pumasok na ako sa kwarto at ini-lock ang pinto.
Napapagod na napasandal na lang ako sa pinto at nanghihina na napadausdos paibaba. Kahit kailan talaga ay problema at sakit sa ulo ang binibigay sa akin ng damuhong Arkin na iyon. Tinik talaga siya kahit kailan sa buhay ko. Ah, basta makaganti lang ako sa kanya, ma-satisfied lang ako ay aalisin ko na siya sa buhay ko.
Pero parang wala pa naman kasi akong plano kung paano ako makakaganti sa kanya. Kailangan ko nang mag-isip para makakilos na agad ako. Hindi ako kuntento na nagulat siya sa aking transformation nang makita niya ako sa reunion. Dapat mas bongga pa do’n.
“Matagal pa ba?” Napapitlag ako nang biglang kumatok si Arkin.
Natataranta akong tumayo. “Ella, geseng ka muna diyan, uy! May visitor ka. Arkin daw ang pangalan!” Nilakasan ko talaga ang boses ko para marinig ni Arkin.
Padabog na kinuha ko ang purse na ginamit ko kagabi sa reunion. Nandoon kasi ang magic red lipstick. “Bwisit ka talaga, Arkin! Leche ka!” pagmumura ko habang binubuksan ang magic red lipstick.
Ipapahid ko na sana ang magic red lipstick sa aking lips nang mabitiwan ko iyon sa sobrang gulat dahil bigla ba namang lumitaw sa tabi ko si Matandang Huklaban with her new outfit! Akala mo ay si Katy Perry siya sa music video na California Girls tapos may dala pa siyang malaking lollipop na mas malaki pa sa ulo ko!
Yumukod ako para kunin sa sahig ang nalaglag na magic red lipstick. “Ano ba naman `yan, Matandang Hukluban?! Talaga bang dapat bigla-bigla ang pagsulpot niyo? Hindi ba pwedeng pumotpot muna kayo? Mamamatay ako sa inyo sa atake sa puso! Kakaloka ka!” Medyo naiinis na sabi ko.
“Gusto ko lang naman po na malaman kung masaya ka na ba?” At talagang nag-boses bata pa siya. In character ang lola mo. Literal na lola.
“Aba, teka! Bakit boses bata ka ngayon?”
“`Wag mo na po akong pansinin po. Ang tanong ko po ang sagutin mo na lang po!”
At sobrang galang naman niya. OA na sa “po”, ha! Baka naman lumagpas n siya sa langit sa sobrang bait.
“Paano naman ako sasaya kung binubwisit ako ni Arkin?!”
“Si Arkin po? `Di ba, ikaw po ang gusto pong mag-krus ang landas niyo po? Tapos po pinahirapan niyo pa po sarili niyo po. May Ella na, may Jelay pa po. Hay… Kakapagod po iyan!”
“Bakit ikaw? Hindi ka ba napapagod sa kaka-po mo? Hay naku, pwede bang um-exit ka muna, Matandang Hukluban? Kailangan ko pang harapin po si-- pwe! Kita mo na! Natutulad na ako sa iyo!”
“Sorry po… Okay po. Aalis na po!” Pumalakpak lang ng tatlong beses si Matandang Hukluban at na-disappear na siya.
At pagkawala niya ay doon ko na ginamit ang magic red lipstick. After kong sabihin ang magic word o chant o ano mang tawag doon ay nahilo na naman ako sa nakakalokang transformation sa balat ng lupa! Minadali ko na rin ang pagbibihis ko. Hinablot ko na lang kung ano ang nasa closet ko at isinuot iyon.
“Hey! Jelay! Gising na ba si Ella?!” sigaw ulit ni Arkin at sunod-sunod na kinatok ng mokong ang pinto.
Hindi na lang ako nagsalita. Binuksan ko na lang ang pinto at nagpakita sa kanya bilang si sexy na Ella. “Ano ba`yon? Can’t you see, natutulog pa ako?!” At talagang nilakihan ko ang inis ko.
“Natutulog? Really?” Nakangising turan niya.
“Oo! Kakabangon ko lang! Napagalitan ko tuloy ang assistant ko na si Jelay dahil sa’yo!” Patuloy na pagtataray ko sa kanya. Well, deserved naman niya ang pagtataray ko. Dapat mas more pa nga, e!
Isang malakas na tawa ang pinakawalan ni Arkin na ipinagtaka ko. Pero kahit na mamatay-matay siya sa pagtawa ay ang pogi pa rin niya. Tao pa ba talaga ang mokong na ito. Hinayaan ko lang siya na tumawa hanggang sa unti-unti na siyang mapagod. Pinunasan niya ng kanyang kamay ang naluluhang mga mata dahil sa pagtawa.
Nag-crossed arms ako at tinaasan siya ng kilay. “Ano? Tapos ka na ba? Nakakainsulto ka, alam mo ba iyon? Tinatawanan mo ako nang walang dahilan? Mataray kong sabi.
“Nakakatawa ka naman talaga, e! Sabi mo kasi galing ka sa pagtulog pero tignan mo ang suot mo!”
Ano bang sinasabi ng mokong na ito?
Sinunod ko rin naman siya at ganoon na lang ang gulat ko nang makita ko na isang long gown pala ang suot ko! Shocks! Kahit naman sino hindi maniniwala na galing ako sa pagtulog sa outfit kong `to. Napapahiyang pumasok ulit ako sa loob ng kwarto at nagpalit ng simpleng pambahay. Sa susunod talaga ay hindi na ako magmamadali sa mga isinusuot ko. Kaya pala ako tinatawanan ni Arkin ay dahil sa suot ko. After that ay binuksan ko na ulit ang pinto. Naroon pa rin siya.
“May hang over ka pa rin siguro ng reunion. Nabitin ka siguro,” nakangising sabi niya.
Obviously, inaasar niya ako.
Sarcastic akong ngumiti sa kanya. “Sa tingin mo, kung nabitin ako, aalis ba agad ako doon?”
“Maybe, hindi mo nakayanan ang presence ko kaya ka umalis agad.”
Muntik na akong mapanganga sa sinabi ni Arkin. Hanggang ngayon talaga ay ubod pa rin siya ng yabang. Hindi pa rin talaga siya nagbabago. Hindi niya tuloy malaman kung bakit siya nagkagusto dito dati.
Tumikhim ako. “Excuse lang, ha? Hindi ko nga alam na pupunta ka doon kaya `wag assuming, okay?” Pagsisinungaling ko. “At saka, bakit ka ba nandito, ha? Nandito ka ba kasi sinundan mo ako? You like me, don’t you?”
“Ikaw yata ang assuming, Ella. Nahulog mo kasi ito…” Isang hikaw ang inilabas niya mula sa bulsa nito. Iyong hikaw ko na ginto na malaki.
Oo nga, naalala ko na pagkauwi ko ay isa na lang ang nasa tenga ko, wala na `yong sa kabila. Hinayaan ko na lang dahil fake naman iyon. Two hundred pesos lang naman `yon sa bangketa.
Agad kong kinuha ang hikaw. “Ngayong naibigay mo na ito. Makakaalis ka na! Thank you!”
“Wait. Actually, hindi lang naman dahil sa hikaw. May i-o-offer sana ako sa’yong raket. Nangangailangan kasi ako ng new model for my shoot. You know naman siguro na isa na akong photographer.”
“Sorry but not sorry. Hindi ako interesado. Writer ako hindi model. Makakaalis ka na.”
“Kapag nagbago ang isip mo, call me.” Isang business card ang inabot niya sa akin saka siya umalis.
Saka lang ako nakahinga nang maluwag pagkaalis ni Arkin. Nakakaloka! Ang akala ko talaga ay nabuking na niya ako. Maya maya ay nagtransform na ulit ako sa aking tunay na anyo-- ang anyong mataba. Paglabas ko ng kwarto ko ay saktong nagising na si Pepita mula sa pagkakahimatay niya.
“A-anong nangyari? Bakit ako nakahiga dito?” Nalilitong tanong niya sa akin.
“E, gaga ka! Akala ko ba sanay ka na sa gwapo? Nakita mo lang si Arkin, nanghimatay ka na!”
“Ano?! Si Arkin iyong gwapong nakita ko kanina?!”
“Oo!”
“`Asan siya? Nasaan na siya?”
“Wala na.”
“Wala na? Kinain mo siya?! Ilabas mo si Arkin, bes! Ilabas--”
Isang sapak ko lang sa kanya at tumigil na siya sa paghihisterikal niya. “OA na, bes. Tama na! Umalis na siya at nag-iwan pa ng problema ang hinayupak na `yon!” gigil na sabi ko.
Agad ko namang ipinaliwanag kay Pepita ang lahat ng nangyari.
“Kaya ikaw, kapag mataba ako at nandiyan si Arkin, Jelay ang itatawag mo sa akin at personal assistant ako ni Ella. `Wag mong kakalimutan, bakla ka! Feeling ko kasi ay hindi pa iyon ang huling pagkikita namin ni Arkin.”
“Okay, bes. Noted!”
Maya maya ay umupo na ako sa tabi ni Pepita sabay buntung-hininga.
“Para saan naman ang malalim na hiningang `yan?” tanong niya.
“Wala… `Wag mo na lang akong intindihin.”
“Sabihin mo na, bes! Ano ka ba? Ano nga?”
“Wala nga ito, bes…”
“Ano nga? Tell me!”
“Wala nga…”
“Edi, wala.”
Pagkasabi no’n ni Pepita ay bigla siyang tumayo para umalis. Pero agad ko siyang hinila sa braso at marahas na pinaupo ulit.
“Hindi ko kasi alam kung paano ako makakaganti kay Arkin. Iyon ang iniisip ko!” Pag-amin ko na.
“Tamo, aarte-arte ka pa na wala, e, meron naman pala talaga!”
“Hayaan mo na nga. Minsan lang mag-inarte, e! So, ano, bes? May suggestion ka ba kung paano ko siya magagantihan? Para naman after ko siyang gantihan ay tigilan ko na siya. Mawala na ang conncetion naming dalawa at manahimik na ang aking galit sa kanya.”
“Alam mo, bes, writer ka pero hindi ka marunong mag-isip. Simple lang, katulad ng mga cliche na way ng pagganti ng mga babaeng chaka na gumanda bigla katulad mo!”
“Ano nga? Sabihin mo na kasi! Ang dami mo pang kuda diyan, e!”
Hinawakan ni Pepita ang dalawang kamay ko at tinignan niya ako nang diretso sa aking mata. “Bes, make him fall in love with you. At kapag humaling na humaling na siya sa’yo, saka mo siya iwanan nang walang sabi. Dump him like a s**t, girl!” Akala mo ay isang black-American kung maka-accent na sabi niya.
Natigilan ako sa sinuggest na iyon ng bakla kong kaibigan.
Oo nga, `no? Ganoon ang madalas na gawin ng mga girl sa novel kapag gusto nilang gumanti sa lalaking nanakit sa kanila. Bakit ba hindi ko naisip agad iyon? Edi, sana hindi ko na tinaray-tarayan si Arkin.
Tumango ako. “Tama ka, bes! Nag-iisip ka rin pala. At kakailanganin ko ang powers ng magic red lipstick sa pagganti ko!”
“Right, girl! Pero sana naman, after ng revenge mo, tigilan mo na si Arkin, ha? Kapag iniwan mo siya ako ang magko-comfort sa kanya. Tapos mahuhulog ang loob niya sa akin tapos magtatapat siya ng love sa akin and then we will get married and have lots of kids! And we’ll live happily ever after!” Tila nangangarap na litanya ni Pepita.
“Sa tingin ko, ikaw yata ang writer! Ang galing mong gumawa ng kwento, e. Try mong isulat iyan at baka bumenta!”
“Talaga ba, bes? Pero hindi naman imposibleng mangyari iyon, `di ba? Ikaw nga na mataba, pumapayat.”
“Ewan ko sa’yo!” sabi ko at iniwan ko na si Pepita para magkulong na ako sa aking kwarto.
Kinuha ko ang business card na iniwan sa akin ni Arkin. Kailangan ko nang simulan ang plano kong paibigin siya sa akin. At kailangang magkalapit kami at magkaroon ng more time together.
Kinuha ko ang aking phone at idi-nial ang number na naroon.
“Hello, this is Arkin Andres Photography. Sino po sila?”
Isang mala-demonyang ngiti ang sumilay sa aking labi nang si Arkin mismo ang sumagot sa aking tawag.
Hell, yeah! This is the beginning of my sweet revenge! Bwahaha!