“HOY! Sandali!” sigaw ko habang hinahabol ko iyong babae.
Kapag tinatawag ko siya ay parang mas bumibilis naman ang paglalakad niya. Inaasar ba niya ako? Humanda siya kapag naabutan ko siya! Wala ba siyang awa sa akin? Hindi ba niya nakita mataba ako at madali akong mapagod. Hindi niya dapat ako pinapahabol ng ganito.
Sinundan ko pa rin siya kahit malayo na ako sa tent namin ni Arkin. Nasa kabilang side na nga yata kami ng isla. Medyo maliit na ang shore line doon at mas malaki na ang sakop ng gubat.
Ganoon na lang ang pagpapasalamat ko sa Diyos nang tumigil na siya sa paglalakad. Nakatalikod siya sa gawi ko. Huminto din muna ako kasi pagod na pagod na ako. Kakaligo ko lang pero tagaktak na ang pawis ko. Nang makabawi na ulit ako ng lakas ay saka ako lumapit sa babae.
Hinawakan ko siya sa balikat. “Sino ka ba?” Marahas ko siyang iniharap sa akin.
“Hello, Ella!” bati niya sa akin sabay peace sign.
Muntik na akong mapamura nang makilala ko kung sino ang babaeng iyon. “Matandang Hukluban?!”
“Yes, it’s me!”
“Akala ko ikaw si Ella!”
Tinanggal niya ang wig niya. “`Pag nakatalikod, Ella. Kapag nakaharap… Matandang Hukluban!”
“Leche ka! Pinagod-pagod mo pa ako! Akala ko ikaw iyong pinagbigyan ni Arkin ng magic red lipstick.” Medyo disappointed ako dahil umasa ako na makukuha ko na nag hinahanap ko.
“Ito ba nag hinahanap mo?”
Nanlaki ang mata ko sa tuwa nang ilabas niya at ipakita sa akin ang magic red lipstick.
“Oo, iyan nga! Paano napunta iyan sa’yo?”
“Nagpanggap kasi ako bilang si Ella. Iyong sexy, ha. Para sa akin ito ibigay ni Arkin. Alam mo naman na knows ko lahat ng ganap sa buhay mo. Baka kasi sabihin mo na naman na hindi kita tinutulungan!” aniya sabay irap.
Sa sobrang tuwa ay nayakap ko siya nang mahigpit. Tinigilan ko lang siya nang tinapik na niya ako sa likod dahil mukhang hindi na siya nakahinga.
“Naku, thank you talaga, MH!”
“MH?” Nakakunot-noo na tanong niya.
“MH means Matandang Hukluban. Slow lang?”
“Wow! Lakas naman maka-millenials ng MH! ILI!”
“Anong ILI?”
“I love it!!!”
Iwinasiwas ko ang kamay ko sa harapan ng mukha niya. “Ay, dami pang kuda. Akin na ang magic red lipstick. For sure tapos nang maligo si Arkin at baka hanapin na ako no’n. Bilis akin na!” Akmang kukunin ko kay Matandang Hukluban ang magic red lipstick pero iniwas niya iyon sa akin.
“No, Ella…” Umiling-iling pa siya.
“Anong no? Pinagti-tripan mo ba ako? Akin na sabi iyan--”
“Ella, may kailangan kang malaman.”
Ewan ko, pero bigla akong kinabahan.
“Hindi mo na magagamit simula ngayon ang magic red lipstick!”
“Ano?!” Kulang na lang ay lumubog ang buong isla sa laki ng reaksyon ko. “Ano bang sinasabi mo diyan, MH? Hindi ko na pwedeng gamitin? Dahil ba sa napabayaan ko siya? Okay, from now on, hindi ko na ihihiwalay sa katawan ko ang magic red lipstick. Promise talaga!” Itinaas ko pa ang kanang kamay ko bilang tanda na totoo ako sa sinasabi ko.
Ano ba naman itong si Matandang Hukluban? Masyado niya akong tinatakot sa sinabi niyang hindi ko na pwedeng gamitin ang magic red lipstick. Paano na lang ako se-sexy nito? Paano na ang pagganti ko kay Arkin?
Umiling siya. “Hindi iyon ang dahilan. Sinabi kasi ng nasa Itaas na tapos na ang misyon ko sa iyo, tapos na ang misyon ko dito sa lupa…”
Tinignan ko sa mata si Matandang Hukluban. s**t! Mukhang seryoso nga siya.
“P-pero akala ko ba kukunin mo lang ang magic red lipstick kapag masaya na ako?”
“Exactly, Ella. Siguro nakita ni Lord God na on the way ka na sa pagiging masaya at hindi mo na kakailanganin ang magic red lipstick sa way na iyon.”
“No. Kailangan ko ang magic red lipstick!” giit ko. “Hindi pa ako nakakaganti kay Arkin. Kailangan ko pa siyang paibigin at saktan!”
“Ella, ang pagganti ay hindi nagdudulot ng tunay na kaligayahan. Magdudulot lang ito ng isa pang negatibong emosyon sa puso mo… Tandaan mo na ang pagpapatawad at pag-ibig ang siyang tunay na daan sa tunay na kaligayahan…”
Tinamaan ako sa sinabing iyon ni Matandang Hukluban kaya naman nagilid ang luha sa aking mata. At kung ang nasa Itaas na talaga ang nagsabi na hindi ko na magagamit ang magic red lipstick, kailangan kong tanggapin iyon. Si Lord God na iyon, e. Magtitiwala na lang ako sa sinabi niya na on the way na ako sa tunay na kaligayahan.
Pinahid ko ang namumuong luha sa mata ko. “Kung tapos na ang misyon mo sa akin, ibig bang sabihin ay aalis ka na? Aakyat ka na ulit sa langit?”
Nang tumango si Matandang Hukluban ay muli ko siyang niyakap at umiyak ako nang umiyak sa balikat niya. “Mami-miss kitang leche ka!” sisigok-sigok na sabi ko.
“I’ll miss you too, Ella! Mag-iingat ka lagi. Mag-trust ka sa sinabi ni Lord God na malapit ka na sa tunay na kaligayahan. Okay?”
Tumango ako.
Nagulat ako nang magliwanag bigla si Matandang Hukluban. Medyo natatakot na humiwalay ako sa kanya. Nasilaw ako sa liwanag na bumalot sa kanya. At nang mawala ang liwanag na iyon ay nagbago na rin ang anyo niya. Isa na siyang napakagandang anghel! At ang ganda-ganda ng puting pakpak niya! Hindi ako makapaniwala na from Matandang Hukluban ay naging magandang anghel na siya.
“Wow! Totoo pala talaga na magaganda ang mga angels!” pakli ko.
“Oo naman, `no! Saka ikaw, maganda ka rin, Ella. Just believe in your self…”
“Para kang si Arkin! Mambobola kayo!”
“Alam mo, kulang ka lang sa self-confidence!”
“Ewan ko sa’yo, Matandang Hukluban!”
“Oops… Hindi na ako si Matandang Hukluban. Ako na si Pretty Little Angel!”
“In all fairness, bagay naman sa iyo ang name mo.”
“Sige na, tinatawag na ako sa taas. GTG!”
Kumampay na nang mahina ang pakpak niya at unti-unti na siyang umangat sa buhangin.
“Bye, Pretty Little Angel! Salamat sa lahat-lahat!”
“Bye, Ella!!! See you kapag patay ka na, ha!”
“Leche ka!!!” Natatawang sigaw ko sa kanya.
Pataas na siya nang pataas hanggang sa tuluyan na siyang mawala sa paningin ko.
Simula ngayon ay kailangan ko nang tanggapin na hindi na ulit ako se-sexy. Wala na ang magic red lipstick, e. Isa pa, tama si Pretty Little Angel na ang pagganti ay hindi ang tunay na daan sa tunay na kaligayahan. Napansin ko rin na nilalamon na ako ng galit ko kay Arkin at hindi ko hahayaan na tuluyan akong lamunin niyon. Buo na ang loob ko, ititigil ko na nag pag-ganti kay Arkin. I’ll just have to move on sa ginawa niya sa aking pag-reject. Tama si Arkin, mga bata pa kami noon. Ang importante ay iyong ngayon.
“Jelay?”
Napalingon ako sa likod ko nang bigla akong tawagin ni Arkin. Lumapit siya sa akin.
“Anong ginagawa mo dito?” tanong pa niya.
“Ano kasi… Kinausap ko po si Ella, ser. Umuwi na siya. Sakay man siya ng bangka!”
“What? Paano `yong photo shoot?” gulat na bulalas niya.
“Bahala ka na daw sa imong bohay, ser!” At natatawang tinalikuran ko si Arkin at masayang bumalik sa tent.
Bakit ganito ang pakiramdam ko? Parang ang gaan-gaan. Ganito ba talaga ang pakiramdam kapag binitawan mo na lahat ng negatibong bagay katulad ng galit? Ganito ba ang pakiramdam kapag nagpatawad ka? Ang sarap sa feeling!
UMALIS ako sa Kwebang Lampas Island nang magaan ang aking pakiramdam. Sa pagsama ko sa islang iyon kay Arkin ay ang dami kong narealize. Narealize ko na mali pala na pinilit ko noon ang aking sarili na magpapayat para lang maipamukha kay Arkin kung ano ang sinayang niya. Masyado akong nag-linger sa past kong iyon na hindi naman dapat. Mga bata pa kami noon at hindi ko dapat sineryoso at dinibdib ang pagkaka-reject sa akin ni Arkin. Narealize ko rin na ang Arkin ngayon ay hindi na ang Arkin noon na manggagamit. Ang laki na ng pinagbago niya. Sayang nga lang at ang Ella na nakilala niya ay sexy at hindi ang totoong Ella na mataba. Siguro, ngayong wala na ang magic red lipstick ay forever Jelay na ako sa kanya. Unless, sumexy ako.
Pero sa ngayon, hindi sa pagpapa-sexy ang focus ko kundi sa sarili ko muna bilang ako at siyempre sa aking career bilang manunulat. Love life? Hmm, bahala na. Kung may lalaking darating at tatanggapin lahat ng taba sa katawan ko tapos mahal ko naman, edi, go. Hindi na ako magpapaka-choosy kahit ano ang hitsura o estado niya sa buhay.
Oo, mataba ako. E, ano naman?
Buong buhay ko ay nabuhay naman ako ng ganito. Nagulo lang talaga ang sistema ko nang dahil sa kagustuhan kong makaganti kay Arkin.
At hinding-hindi ko pwedeng makalimutan si Matandang Hukluban na ngayon ay si Pretty Little Angel na. Talagang siya ang nagpa-realize sa akin ng lahat ng ito. At ang magic red lipstick na rin. Tama si Lord God, hindi ko na kailangan ang magic red lipstick. Ito na `yon. Ito na ang tunay na kaligayahan… Ang maka-move on ako sa aking past at mawala ang hatred sa aking puso.
And this is it!
Mahal ko ang katawan ko at mahal ko ang sarili ko.
MABUTI na lang at hindi na masyadong nagtanong si Arkin ng tungkol kay Ella sa biglaang pag-alis nito sa isla. Inihatid naman niya ako sa bahay tapos umalis din siya agad. Ayon sa kanya ay okay na naman daw iyong mga nakunang pictures nila ni Ella kaya okay lang kahit umalis ito nang walang paalam.
Makalipas ang tatlong araw ay bigla akong tinawagan ng editor-in-chief ng isang publishing company na pinagpasahan ko ng aking manuscript.
“Hello po?” sagot ko. Kasalukuyan akong nagsusulat no’n habang kumakain ng isang box ng donut.
“Ella Panti?”
“Yes po. Ako nga po.”
“This is Miss Agatha of Precious Life Publishing Company. Mabuti naman at sumagot ka na. Last week ay kinokontak kita pero naka-off ang phone mo.”
“I’m sorry po. Nasa bakasyon po kasi ako. Ano pong atin? Bakit po kayo napatawag?”
“Gusto ko lang malaman mo na interesado kaming I-publish ang works mo at guto ka sana naming kunin bilang contract writer namin.”
“Talaga po?” Masayang turan ko. Pero bigla akong nalungkot nang maisip ko na baka hindi na nila ako kunin kapag nalaman nilang mataba ako. “Ah, Miss Agatha, m-may sasabihin po sana ako, e.”
“Yes. Ano iyon?”
“Mataba po ako. Okay lang po ba? Kukunin niyo pa rin po ba ako bilang contract writer niyo?”
Isang malakas na tawa ang narinig ko sa kabilang linya. “Ella, wala kaming pakialam kung mataba ka or kahit ano an hitsura mo. Ako mismo ang nagbasa ng manuscript mo at masasabi ko na magaling ka. Higit pa sa magaling. Kaya ako na ang nakikiusap, pumayag ka na.”
“Kukunin niyo pa rin po ako kahit mataba ako?”
“Of course! Talent mo ang mas importante and also your attitude hindi ang pisikal mong anyo.”
“Naku, sige po! P-payag na po ako! Salamat po!” Nanginginig sa tuwa na sagot ko.
“Thank you, Ella! Alam ko malayo ang mararating mo sa pagsusulat. So, magsi-set na tayo ng meeting bukas? I’ll text you the address. Pag-uusapan natin ang mga plans ng company sa career mo.”
“Okay po, Miss Agatha! Salamat po ulit!”
NAKANGITI akong lumabas ng building ng Precious Life Publishing Company. Naging maganda ang pag-uusap namin ni Miss Agatha tungkol sa writing career ko bilang Ella Panti. Kaya naman pumirma agad ako sa kanya ng five years na kontrata. Nakakatuwa na sunod-sunod na ang magagandang bagay na nangyayari after na makapag-move on ako sa aking past. Totoo nga siguro iyong kapag positive ka ay nakaka-attract ka rin ng good vibes at blessings.
Thank You, Lord God! Thank you Pretty Little Angel! Sabi ko sa aking isip pagkalabas ko ng building na iyon habang nakatingala ako sa langit.
Tumawid na ako sa kabila upang maghintay ng jeep.
Habang naghihintay ay biglang sumagi sa isipan ko si Arkin. Simula kasi nang makabalik kami from Kwebang Lampas Island ay hindi na siya nagparamdam sa akin. Teka, bakit ko ba iyon naisip? Saka bakit naman siya magpaparamdam sa akin, e, hindi naman ako si Ella. Mukhang ang sexy na Ella naman kasi ang type niya at hindi ako bilang si Jelay.
Ipinilig ko ang aking ulo at pinara na ang jeep na paparating. Sumakay na ako. Mabuti na lang at walang masyadong pasahero. Kundi mahihirapan na naman ako sa pag-upo. Ako na naman ang sisisihin ng tingin ng mga tao kung bakit siksikan sila.
Pagkabayad ko ay napansin ko agad ang mag-anak na kasakay ko sa jeep. Isang matabang babae na nakaupo sa hita ng payat nitong tatay habang ang nanay naman nito ay pinipisil ang matambok na pisngi ng anak nito.
Napangiti ako sa nakita ko. Bigla ko tuloy na-miss ang pamilya ko. Hindi naman sila ganoon kalayo sa akin pero ilang taon ko na rin silang hindi nakikita. Ang mama at papa ko tapos ang bunso kong kapatid na babae. Sa pagkakaalam ko ay tapos na ng college ang kapatid kong iyon. Nakita sa f*******: niya na nag-post siya ng picture noong graduation niya.
Maya maya ay bigla akong pumara at nagmamadaling bumaba ng jeep. Tumawid ako sa kabila at agad na sumakay ng bus.
“MAMA! Si Ate Ella!!!”
Hindi ko alam ang mararamdaman ko nang marinig kong muli ang boses ng kapatid ko. Nakaupo ito sa may bungad ng pinto ng aming simpleng bahay habang hawak ang cellphone. Nang makita kong lumabas ang aking mama ay ngumiti sa akin ay nakaramdam ako ng walang hanggang kaligayahan.
Halos takbuhin ko na ang pagitan namin. Agad ko silang niyakap na dalawa at medyo nagkaiyakan pa kami.
“Anak, bakit naman ngayon ka lang bumisita dito sa amin?” May halong pagtatampo na tanong ng mama.
“Sorry po. Nahihiya po kasi ako sa inyo dahil alam kong isa akong malaking disappointment sa inyo,” sagot niya nang nasa loob na sila ng bahay.
“Ano ka ba naman, ate! Hindi ka malaking disappointment sa amin. Malaki ka lang pero hindi disappointment!” biro ng kapatid ko.
Tinaasan ko siya ng kilay. “Alam mo, hindi ka pa rin nagbabago!”
“Tama naman ang kapatid mo, Ella. Oo, noong una na-disappoint kami ng papa mo pero natanggap na din namin iyon.”
“Maraming salamat po, mama.” Ako lang pala talaga ang nag-iisip ng kung anu-ano kaya ako napapasama, e. “Si Papa po?” tanong ko.
“Nasa trabaho pa niya. Mamaya pang hapon ang dating. Dito ka na maghapunan at magpakita ka man lang sa papa mo. Matutuwa iyon panigurado!” Nakangiting sagot ni mama sa akin.