"How's your sleep?"
Pinilit kong huwag mapaismid nang marinig ang tanong nang kakapasok pa lang sa dining area na si Judge Franco.
Pinagpatuloy ko ang pagkain at hindi na siya binigyang pansin. Kunwari ay wala akong narinig at hindi ko napansin ang pagpasok niya.
Nauna akong nakababa sa kanya at dumiretso ako rito sa dining area dahil ito lang naman ang lugar na alam ko kung saang parte ng malaking bahay na ito. Pagkapasok ko pa lang kanina ay pinaghainan na agad ako ng iba't ibang agahan na pwede kong pagpilian.
Gusto ko sanang itanong kung nasaan ang amo nila pero ayokong masira ang araw ko kaya kumain na lang ako. Wala naman silang sinabing hindi pa pwedeng kumain kapag wala iyong may-ari ng bahay kaya hindi na ako naghintay.
Hindi naman ako kinakausap no'ng mga katulong kaya hindi na rin ako umimik. Mabuti na nga lang at hindi nila ako binantayang kumain kaya medyo naging komportable ako... pero dumating na si Judge Franco kaya balik na ulit ako sa pagiging iritable.
Napahigpit ang kapit ko sa hawak na kubyertos nang maramdaman ko ang pagdaan niya sa likuran nang kinauupuan ko. Kumunot ang noo ko nang masamyo ko ang pamilyar na amoy ng pabango. Parang may kakilala akong may gano'ng amoy, iyong hindi masakit sa ilong at swabe lang ang dating. Hindi ko nga lang matandaan kung kailan at kanino ko iyon naamoy.
Labag man sa loob ko ay aminado akong maganda ang taste ni Judge Franco pagdating sa pabango.
"Naasikaso ko na ang transfer mo rito sa siyudad," maya-maya ay pahayag ni Judge Franco.
Napilitan tuloy akong napalingon sa kanya at kunwari ay hindi ko inamoy-amoy ang pabango niya.
Kasalukuyan na siyang nakaupo sa kinapupuwestuhan din niya kagabi habang sinasalinan ni Manang Maria ng kape ang kanyang tasa. Dahil sa saglit na pagkahumaling sa amoy niya ay hindi ko tuloy namalayan ang pagdating ni Manang Maria. Mabuti na lang at hindi katulad kagabi na merong mga katulong na nakaantabay sa 'di kalayuan, ngayon ay tanging si Manang Maria lang ang nandito.
"May napili na rin akong university para sa'yo at pwede ka nang pumasok kung kailan mo gusto," dugtong pa ni Judge Franco sa naunang pahayag.
Muntikan na akong napanganga sa sinabi niya. Hindi pa nga ako nakahuma roon sa sinabi niyang transfer tapos ngayon ay may pahabol pa siyang surpresa. Ang alam ko ay nasa paaralan ang desisyon kung kailan kailangang pumasok ang estudyante, hindi iyong kabaliktaran.
Hindi rin ako na-inform na sobrang bilis na pala ngayon lumipat ng paaralan kahit nasa kalagitnaan na ng semester. Paunang silip ba 'to kung gaano kalawak at kalakas ang impluwensya ng isang Judge Franco Santuri?
"Pinahanda ko na rin lahat ng mga kakailanganin mo," pagpapatuloy niya pa bago binalingan ang kapeng iniabot ni Manang Maria. "Si Mang Pedring ang maghahatid-sundo sa'yo sa paaralan. Kung may gusto ka ring puntahan ay siya ang maghahatid sa'yo."
Parang nahipnotismo kong pinanood ang walang pagmamadali niyang pagsimsim sa umuusok na kape. Kailangan ko pang ipilig ang sariling ulo mentally upang bumalik sa pinag-uusapan namin ang atensiyon ko at huwag tumunganga sa kaharap.
"Kaya kong pumasok nang mag-isa," malamig kong saad. Nag-iwas na ako ng tingin at tinuon ito sa kinakain ko.
Siguro naman ay may pampasaherong jeep na masasakyan papunta sa bago kong paaralan. Kailangan ko nga lang maglakad mula rito sa bahay niya papunta sa abangan ng jeep sahil walang pumapasok malapit dito. Sanay naman ako sa mahabang lakaran sa probinsya kaya sisiw hindi na rin mahirap kung araw-araw kong gagawin iyon dito.
"Hindi ibig sabihin na kaya mo ay hahayaan na kita," hindi natitinag na tugon ni Judge Franco na nagpabalik ng tingin ko sa kanya. "Ihahatid ka ni Mang Pedring at susunduin," puno ng pinalidad niyang dugtong habang matamang sinalubong ang tingin ko.
Pakiramdam ko tuloy ay hinahamon niya akong suwayin ang owtoridad niya.
"Nakakahiya naman kay Mang Pedring at maaabala ko pa siya—"
"Parte ng trabaho ni Mang Pedring ang gagawin niya, hindi iyon isang abala," sansala niya sa pagsasalita ko.
Pinigilan kong magngalit ang sariling mga ngipin habang unti-unti na akong nanggigigil sa kaharap. Ang sarap tusukin ng mga mata niya!
Umagang-umaga ay pinapainit niya ang ulo ko, lalo tuloy nadadagdagan ang inis ko sa kanya. Masyado siyang manhid upang hindi mapansin na ang pinakaayoko ay iyong magdedesisyon siya para sa'kin. Wala na nga akong nagawa roon sa kagustuhan niyang dito ako titira pero heto at nilipat niya ako ng school. Sa totoo niyan ay wala na naman akong balak na ituloy ang pag-aaral dahil sa problema sa pera at kawalan ko nang matitirhan.
Pero matapos niyang inako ang responsibilidad na naiwan ni Ate Riza ay heto at mukhang mag-aaral ako ulit. Syempre may saya akong nararamdaman, pero never ko iyong ipagpasalamat sa kanya. Hindi pa rin mababago nitong mga ginawa niya na nawala ang Ate ko dahil sa kapabayaan niya!
Hindi dahil sa kanya ako nakitira ay siya ang gagastus sa pag-aaral ko ay magiging masunurin na ako... in his dreams!
"Kung iyon ang gusto ni'yo, Kamahalan," sarkastiko kong pagpayag. Sa isip ko ay nakaplano na kung paano ko takasan si Mang Pedring kapag alam ko na ang pasikot-sikot mula rito papunta sa bago kong papasukan.
Hindi ko man lang kakitaan ng reaksiyon si Judge Franco sa kabila ng sarkastiko kong pahayag. Lalo tuloy akong naiinis sa kawalan niya ng ekspresyon sa mukha. Ako itong nabuwesit sa halip na siya. Paano ko nga ba bububwesitin ang katulad niyang parang rebulto na walang pakiramdam?
Naputol ang pakikipagtagisan ko ng tingin sa kanya nang mahagip ng tingin ko ang pagpasok ng isang lalaking nakasuot ng corporate attire at may bitbit na folder. Tantiya ko ay kaedad lang ito ni Judge Franco at katulad ng huli ay seryoso rin ang awrahan nito.
"Good morning, Judge," magalang nitong bati sa kasama ko habang papalapit sa'min.
Tanging kumpas ng kamay ang tugon ni Judge Franco. "George, pakibigay kay Leah ang mga kailangan niyang malaman tungkol sa bago niyang university," hindi tumitinging utos pa nito sa bagong dating. Hindi na nito hinintay ang tugon ng huli at nagsimula na itong kumain.
Napalingon naman ako roon sa tinatawag na George.
"Good morning," pormal nitong batoli sa'kin sabay abot sa'kin ng hawak na folder.
Walang tugon na tinanggap ko iyon at saglit lang na sinulyapan ang malaking logo ng isang kilalang university sa cover ng folder bago ito binuklat. Hindi nakaligtas sa pansin ko ang tila tensiyunadong disposisyon ni George. Imposible namang dahil iyon sa'kin kaya sigurado akong si Judge Franco ang dahilan niyon, tiyak na inaalipin ng magaling na lalaki itong empleyado niya.
Pinigilan ko ang sariling ibato sa direksiyon ni Judge Franco ang hawak na folder upang kahit papaano ay makakuha ng reaksiyon mula sa kanya.
Wala akong balak na basahin ang nilalaman ng folder kaya agad ko rin iyong sinara at pinatong sa bakanteng espasyo sa tabi ng plato ko.
"Salamat," tumikhim kong kausap doon sa George. Utos iyon ng kagandahang asal at hindi naman ito kasali sa galit ko kay Judge Franco.
Isang tipid na tango ang naging tugon nito sa'kin. Sa tingin ko ay katulad din ito ng mga kasambahay rito na sobrang tipid magsalita sa presensya ng amo nila.
"So, you do have some manners after all," komento ni Judge Franco.
Marahas ang ginawa kong pagbaling sa kanya. Katulad kanina ay wala pa rin akong makitang ekspresyon sa kanyang mukha, pero sigurdo ako sa sarkastikong tono nang pananalita niya.
Nang mapansing nakatingin ako ay bahagya niya akong tinaasan ng kilay na tila ba hinihintay ang tugon ko.
"Oo naman po," buwelta ko at bahagya pang binigyang-diin ang 'po'.
"Mabuti naman kung gano'n," tumango-tangong tugon ni Judge Franco. "Akala ko kasi ay kailangan pa kitang turuan ng basic manners... you know, katulad nang kung ano ang gagawin kapag may bumabati o nagtatanong sa'yo." Isang aral na ngiti ang binigay niya sa'kin. Agad ko namang naalal kung paano ko hindi tinugon ang sagot niya kanina.
"Alam ko naman po kung ano ang gagawin sa gano'ng mga senaryo, minsan lang talaga ay ayokong sumagot lalo na at ayaw ko roon sa taong nagtatanong," hindi kumukurap kong sagot.
Nanghahamon ang tinging binigay ko sa kanya. Baka kasi gusto pa niyang mas linawin ko na siya ang tinutukoy kong tao.
Isang mahinang tikhim mula jay George na nakatayo sa tabi ko ang umagaw sa atensiyon ko.
"This is your school ID," kausap sa'kin ni George bago pinatong sa folder ang tinutukoy nito. "Ipakita mo lang ito at may tao nang mag-guide sa'yo sa loob ng university. Kung meron kang mga katanungan ay pwede kang magtanong sa taong iyon o sa'kin—"
"Hindi na po kailangan," putol ko rito at binigyan pa ito ng tipid na ngiti bago nilipat ang tingin sa direksiyon ni Judge Franco. Agad namang nakasalubong ang paningin namin. "Direkta akong magtatanong kay Franco," malinaw kong dugtong.
Nahagip ng tingin ko ang bahagyang pagkagulat ni Judge Franco. Siguro ay hindi niya inaasahan na basta-basta ko na lang siyang tawagin sa kanyang first name.
Pero kung gaano kabilis dumaan ang gulat sa mga mata niya ay gano'n din ito kabilis na nawala, pakiramdam ko tuloy ay namamalikmata lang ako.
Ibinalik ko na lang ang tingin kay George at naabutan ko pa ang tila pagkalito sa ekspresyon nito habang nagpalipat-lipat ng tingin sa aming dalawa ni Judge Franco. Mukhang hindi nito alam kung sino ako at ano ang koneksiyon ko kay Judge Franco.
"Kilala mo ba si Riza Fernandez?" tanong ko kay George.
Natigilan itong napatingin sa'kin bago sumulyap kay Judge Franco na tila ba hinihiling ang permiso nitong sagutin ang tanong ko.
Naikuyom ko ang isang palad kong nakatago sa ilalim ng mesa habang pinanood ang palitan ng tingin ng dalawang lalaki.
"George, she's Riza's younger sister," pormal na pagpapakilala ni Judge Franco sa'kin.
Bumukas ang pagkagulat sa ekspresyon ni George nang muling tumuon sa'kin ang tingin nito. Magkaiba kami ng apelyido ni Ate Riza kaya normal lang na kahit ito ang nag-asikaso ng mga papers ko para sa school ay hindi nito napansin ang koneksiyon namin.
Magkapatid kami ni Ate sa ina, anak siya ni Nanay sa pagkadalaga pero tatay ko ang kinalakihan at kinikilala niyang ama.