chapter 6

1626 Words
"Kapag may kailangan ka ay huwag kang nagdadalawang-isip na lumapit sa'kin o kahit sa sinong katulong dito sa bahay." Sa halip na makinig sa sinasabi sa'kin ni Manang Maria ay nanatili ang tingin ko sa direksiyon ni Judge Franco. Tapos na kaming maghapunan at naipakilala na niya ako sa lahat ng mga kasambahay niya. Ibinilin niya ako sa katiwala niyang si Manang Maria na para bang inaasahan niyang ito na ang bahala sa'kin habang nandito ako sa pamamahay niya. Kung iniisip niyang basta-basta niya na lang akong maihabilin sa ibang tao ay nagkakamali siya. Paano ko mapapasakit ang ulo niya kung gano'n? "Huwag po kayong mag-alala, Manang Maria," pahinamad kong kausap sa may edad na katiwala. "Kung may kailangan po ako ay direkta ko po iyong hihilingin kay Judge Franco." Sinundan ko ng matamis na ngiti ang huling sinabi, ngiting may hindi magandang pinapahiwatig. May dumaang pag-aalinlangan sa mukha ng mayordoma habang napapasulyap sa kinaroroonan ni Judge Franco. "Leah, abalang tao si Judge—" "Huwag ni'yo na pong alalahanin ang tungkol sa bagay na iyon," maagap kong putol sa pagsasalita nito. "Hobby ko po ang mang-abala ng taong maraming ginagawa." Hindi ko ugali ang pagiging masunurin at dapat iyong maintindihan ni Judge Franco. Sayang naman iyong speech niya kanina na 'he will take responsibility of me' kung ihahabilin niya lang pala ako sa ibang tao. "Sige po, Manang Maria, magpapahinga na ako," nakangiti kong baling sa kausap. "Sige, iha…" tila wala sa sarili nitong tugon. Mukhang abala pa ang isip nito sa pag-aanalisa sa mga bagay-bagay. Hindi yata ito sanay na may katulad kong walang balak sumunod sa gustong mangyari ni Judge Franco. Bago tuluyang umalis upang pumunta sa tinalagang silid para sa'kin at ninakawan ko muna ng sulyap ang direksiyon ni Judge Santuri pero naabutan ko itong nakatingin na sa direksiyon ko. Wala akong nakikitang ekspresyon sa mukha niya habang nakatingin sa'kin. Hindi rin naman niya binaba ang hawak na cellphone na nakatapat sa kanyang tainga. Sa tingin ko ay seryoso ang anumang pinag-uusapan nila ng kanyang kausap dahil kanina pa niya ito katawagan. Tama nga si Manang Maria na abalang tao si Judge Franco, pero wala akong pakialam. Kung busy siya ay pinapangako kong mas lalo ko pa siyang aabalahin. Kahit ilang metro ang layo namin dahil nandito ako sa itaas ng terrace na nakatunggay sa malaking setting area na kinatatayuan ni Judge Franco ay malinaw kong nakita ang pagtaas ng kilay niya. Isa sa kinaiinisan ko sa kanya ang ganitong ugali niya na para bang nahuhulaan niya ang iniisip ko. Habang nagkatitigan kami ay pinakitaan ko siya ng middle finger ko. Hindi man lang siya kumurap ni nagulat sa ginawa ko, pero narinig ko ang malakas na singhap ni Manang Maria na nakasaksi sa ginawa ko. Inirapan ko na lang ang nonchalant na si Judge Franco at hindi na binigyang pansin ang nawindang na si Manang Maria. Nagmartsa na ako papunta sa direksiyon ng silid ko at iniwan ang hindi pa nakahumang si Manang Maria. Pagkarating ko silid na pansamantala kong tutuluyan habang nandito ako sa puder ni Judge Franco ay tsaka ko pa lang naramdaman ang pagod. Isang mapaklang ngiti ang sumilay sa mga labi ko habang sinuyod ko ng tingin ang paligid. Ito pa rin iyong kinagisnan kong silid kanina pero ngayon ko lang napagtuonan ng atensiyon ang kabuuan nitong ayos. Mas malaki pa ito sa buong bahay namin sa probinsya. May sariling banyo at meron pang setting area para sa mga bisita kung saan ay may malaking flat screen TV. At iyong kama, pwedeng apat na tao sa lapad. May kaliitan akong babae kaya pakiramdam ko ay pwede akong malunod sa gitna niyon kapag tabunan ako ng malalaki at malalambot na mga unan. Kahit ang carpet ay parang lulubog ang mga paa ko sa sobrang lambot nito. Lahat ng mga naaabot ng paningin ko ay nagsusumigaw ng karangyaan. Pakiramdam ko ay mas nay halaga pa kaysa sa'kin kahit ang magarang flower arrangement ng mga preskong bulaklak na nasa isang tabi. Napakunot ang noo kong napatutok doon at tsaka ko lang napansin ang isang glassdoor papunta sa balcony. Hindi iyon masyadong agaw-pansin dahil natatakpan ng makapal na kurtinang abot hanggang sahig ang haba. Lumapit ako roon at dalawang kamay na binuksan ang makapal na kurtina. Inaasahan kong madilim na sa labas dahil mag-aalas diyes na ng gabi pero napamaang ako sa tanawing sumalubong sa paningin ko. Kailangan ko pang ikurap-kurap ang sariling mga mata upang masigurong hindi ako namamalikmata lang. Mula sa kinaroroonan ko ay malinaw kong nakikita ang nagliliwanag na siyudad sa gabi. Nagmistulang maliwanag na mga bituin ang mga ilaw ng mga establishment at mga sasakyan sa gabi. Nakapuwesto pala itong bahay ni Judge Franco sa lokasyon kung saan ay nakatunghay ito sa sentro ng siyudad. Siguro tuwing nakatingin siya roon sa tinitingnan ko ngayon ay tiyak pakiramdam niya isa siyang hari na nakatunghay sa kanyang nasasakupan. "Ang sarap ng buhay mo, Judge Franco…" nang-uuyam kong usal habang pinakiramdaman ang poot na namamahay sa puso ko. "Tapos iyong Ate ko ay hindi ko na ulit makikita at mayayakap pa." Sumama ang tingin ko sa tanawing kanina lang ay hinahangaan ko. Pinapaalala kasi nito sa'kin kung gaano kaswerte sa buhay si Judge Franco samantalang minalas naman ang kapatid ko. Tiniis ko noon na may kahati ako sa pagmamahal ni Ate dahil nakikita ko naman kung gaano ito kasaya kapag kinukwento ang boyfriend. Isinantabi ko lahat ng mga hindi magandang napapansin ko sa relasyon nila alang-alang sa kasiyahan ng kapatid ko. Pero hanggang sa huli, ay pinatunayan talaga sa'kin ni Judge Franco na wala siyang kwentang kasintahan. Inuna niya pa ang trabaho kaysa burol ng sarili kong kapatid. Mabuti pa iyong mga mamahalin niyang mga bulaklak at mga padalang pagkain para sa lamay dumating, pero siya na dapat ay naroon ay 'di man lang nagpakita. Hindi ko na natagalan ang tanawing pjangmasdan ko, marahas kong sinara ang kurtina bago sumanadal sa glasswall na tinatakpan nito. Parang may kamay na pumiga sa puso ko habang binabalikan ang huling mga sandaling nakakasama ko si Ate… sa lamay niya. Hanggang ngayon ay parang panaginip pa rin ang lahat na 'pag magigising ako ay nasa kwarto ko pa rin ako sa probinsya at buhay na buhay pa rin si Ate na nagtatrabaho sa siyudad. Pero alam kong hindi eh, hindi ko kayang lokohin ang sarili. Totoong wala na si Ate at ngayon ay nandito ako sa puder ng walang kwenta niyang boyfriend. Parang nauupos akong padausdos na napaupo sa kinatatayuan ko. Sa gitna ng malawak at marangyang silid na kinaroroonan ko ay parang mas komportable ako rito sa sulok. Tumalungko ako at niyakap ang magkadikit kong mga tuhod bago isinubsob doon ang mukha ko. Ilang sandali pa at naririnig sa gitna ng tahimik na silid ang mga hikbi ko. Nami-miss ko ang Ate ko… akala ko ay hindi na ako iiyak pero mukhang may iluluha pa pala ako. Hindi nagtagal ay naging palahaw na ang mga hikbi ko. Hindi ko na mapigilan pa ang nararamdaman kong bigat ng loob at tuluyan nang umalpas ang mga ito. Iyong tapang ko kanina habang kaharap si Judge Franco ay paraan ko lang iyon upang takpan ang pagluluksang nararamdaman ko. Ang galit ko ay ang tanging nag-uudyok sa'kin upang magpatuloy sa buhay kahit wala na si Ate Riza. Kung wala ang galit na iyon ay tiyak na kinain na ako ng lungkot at takot dahil biglaan ay parang naiwan akong mag-isa, hindi ko alam kung ano ang gagawin ko. Hindi ko alam kung gaano ako katagal na humagulhol habang nakayupyop sa sulok. Basta naramdaman ko na lang na parang hinihila ako ng antok at pagod. Hindi ko ramdam ang tigas at lamig ng sahig dahil sa carpet kaya sa inaantok kong pakiramdam ay walang pagdadalawang-isip akong humiga at namaluktot sa mismong kinauupuan ko. Tahimik ang paligid at sa kabila ng magulo kong isip ay tuluyan kong ipinikit ang masakit kong mga mata. Panaka-naka pa ring naririnig ang kumakawalang hikbi mula sa mga labi ko at basa pa rin ng luha ang mga mata at pisngi ko pero tuluyan na akong ginupo ng pagod at antok. Kasunod niyon ay bigla akong nanaginip. Magaan ang pakiramdam na hatid sa'kin ng panaginip ko kaya inaasahan kong si Ate Riza ang makikita ko. Pero nagulat ako nang ang mukha ni Judge Franco ang bumungad sa'kin. Taglay pa rin ng ekspresyon niya ang likas na kaarogantihan at malamig na mga mata. Nakatingin lang siya sa'kin habang may nakikita akong curiosity sa kulay gray niyang mga mata. Nagmistula akong isang test subject na pinag-aaralan niya. Pinakiramdaman ko ang sarili kung ano ang nararamdaman ko habang kaharap ko siya. Nakaramdam ako nang pagkaalarma nang hindi ko makapa ang mga emosyong dapat ay maramdaman ko para sa taong sinisisi ko sa pagkamatay ng nag-iisa kong kapatid. Aware ako na panaginip lang ang nangyayari kaya dapat kahit hanggang dito ay dala ko pa rin iyong galit ko para sa kanya. Iyon ang paulit-ulit kong sinasabi sa'king sarili hanggang sa unti-unting naglaho sa harapan ko si Judge Franco. Hindi ko alam kung continuation ba ng panaginip ko ang sumunod kong naramdaman na tila ba bigla akong lumutang. Namimigat ang mga matang pinilit kong ibuka ang mga ito. Una kong napansin na hindi na gano'n kaliwanag ang kinaroroonan kong silid at ikalawa ay may bumubuhat sa'kin kaya pala inakala kong lumutang ako. Hindi ko maipaliwanag ang kakomportablehang nararamdaman ko habang nasa mga bisig ng taong bumubuhat sa'kin. Dapat nga ay maalarma ako dahil may ibang tao sa silid ko at mapangahas akong binitiwan, pero kabaliktaran ang sinasabi ng instinct ko. Tila ba alam nitong ligtas ako sa taong ito. Hindi ko malinaw na naaninag ang mukha niya, pero malinaw na rumihestro sa isip ko ang amoy ng kanyang pabango.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD