Pagkababang-pagkababa ko ng sasakyan ay ramdam ko agad ang mga matang nakasunod sa'kin.
Iyong ibang mga estudyante ay napahinto pa talaga at tila nahipnotismong napatitig sa kasama ko bago curious na napapasulyap sa'kin. Hindi ko na kailangan pang tumingin upang kumpirmahing bigla akong naging sentro ng atensiyon... mali, kaming dalawa pala ni Judge Franco. Sa totoo niyan ay napunta lang ako sa pisisyong ito dahil kasama ko ito.
Normal lang naman na makakakuha talaga ng atensiyon kung ang isang kilalang personalidad ay biglang makitang may kasamang hindi kilalang estudyante.
Hindi ko na hinintay pa si Judge Franco at nagpatiuna na ako sa paghakbang habang diretso lang ang mga mata ko sa tibatahak kong direksiyon ng entrance ng gusaling nasa harapan namin. Iniiwasan kong may makakasalubong ang paningin ko. Ayokong may mabasang hindi maganda sa pinupukol na tingin sa'kin ng mga nasa paligid.
Lagpas-lagpasan na nga ang tingin ko habang naging hyper aware naman ako sa presensya ni Judge Franco na nasa tabi ko at sumasabay sa paglalakad ko. Gustuhin ko mang hindi kami magkasabay ay wala akong magagawa. Sa haba ba naman ng mga binti niya ay imposible ko siyang maiiwan kahit na bibilisan ko pa ang paghakbang.
Bago pa kami makarating sa mismong entrance ng Administration Building ay isang nakangiting ginang ang napansin kong papasalubong sa'min. Malalaki ang hakbang nito habang nangingislap ang mga mata.
Diretso ang tingin ng ginang sa kasama ko habang hindi maikakaila ang magiliw na ngiting nakapaskil sa mga labi. Isang tingin lang at masasabi ko na agad na may mataas na tungkulin sa university na ito ang nasabing ginang.
"Judge Santuri, good morning," masiglang bati ng ginang nang tuluyan itong makalapit sa'min. Nang huminto sa paghakbang si Judge Franco ay awtonatiko rin akong napahinto. "Hindi ko alam na personal ka talagang pupunta ngayong araw." Hindi nawala ang nakapaskil na ngiti sa mukha ng ginang nang pasimple itong sumulyap sa direksiyon ko.
Saglit lang iyon at mabilis din agad nitong binalik ang buong atensiyon sa kaharap na judge.
"Sinamahan ko si Leah upang masigurong magiging okay siya rito," pormal na sagot ni Judge Franco. "I'm just a bit worried because this is her first time in the city."
Pinigilan kong mapakunot-noo dahil ramdam ko ang sinseridad sa mga binitiwan niyang salita. Sobrang layo sa pagkakilala ko sa kanya ang pagiging concern citizen.
Pero hindi na naman niya kailangang sabihing first time ko sa siyudad, parang pinapalabas niya na nag-alala rin siya dahil may pagka-ignorante Ko.
"So, this is Leahkim Caraballe," nakangiting baling sa'kin ng ginang. Sobrang tamis ng mga ngiti nito, bigla tuloy akong naasiwa.
"Good morning po, Ma'am," magalang kong bati rito. Binalewala ko ang nararamdamang pagkaasiwa at lakas-loob na sinalubong ang mapanuring tingin ng kaharap.
Siguradong may mga katanungan ito sa isipan tungkol sa relasyon ko kay Judge Franco. Kahit ako nga ay hindi ko alam kung ano ang isasagot kung sakaling may magtanong sa'kin tungkol doon.
Hindi ko alam kung tama bang isasagot na kapatid ako ng namayapa niyang fiancee.
Ramdam ko ang nanunuot na titig sa'kin ni Judge Franco pero sinadya ko itong hindi pansinin at itinuon lang ang buong atensiyon sa kaharap.
"I'm Mrs. Fariola, university president ng CU," pakilala sa'kin ng ginang habang hindi nagbabagi ang pagkakangiti. pero ramdam mo iyong awtoridad sa likod niyon. Gano'n pa man ay mas nakakaintimida pa rin si Judge Franco kahit na nakatayo lang ito.
"Welcome to Crescent University," pagpapatuloy nito. "I'm very pleased to finally meet you." Sa ngiti pa lang nito ay halata ngang masaya itong makita ako.
Napakurap ako habang may pagtatalo sa isip ko kung ngingiti ba o ngingiwi dahil hindi ko alam kung kailangan bang ganito siya kasaya. Hindi ako komportable sa tila special treatment na inilaan nito para sa'kin.
Alam ko sa sarili ko na walang espesyal sa'kin bilang isang estudyante. Hindi ako matalino, at lalong wala akong pangmalakasang talinto na pwedeng magbibigay ng parangal sa buong university.
"Kami na ang bahala sa lahat ng kailangan mo as our new transfer student," dagdag pa ni Mrs. Fariola habang parang pinag-aaralan ako mula ulo hanggang paa. "Judge Santuri personally coordinated your admission… and of course, our major donor only wants the best for you." Sumulyap pa ito sa tahimik na si Judge Franco habang nagsasalita.
Na-freeze iyong ngiti ko nang mapagtanto ang dahilan nang VVIP treatment sa'kin. Bakit nga ba ako nagtataka pa gayong isang Judge Santuri ang kasama ko? Heto nga at personal pa kaming sinalubong ng university president tapos may ilan pang mga nakasunod sa kanya na ngayon ko lang napansin. Kapansin-pansin na kaya nandito rin ang mga ito ay upang pumapel kay Judge Franco.
Pero hindi rin nakaligtas sa obserbasyon ko ang tila kawalan ng interes ng judge sa presenya ng mga ito.
Gusto kong matawa dahil lahat sila na nandito ay tila mga aliping sumasamba rito sa kasama ko. Lihim kong naikuyom ang mga kamao habang pinakiramdaman ang biglaang pagpakla ng panlasa ko.
"Feel free to approach me or any department head kung may kailangan ka," malumanay pang dagdag ni Mrs. Fariola at minuwestra ang direksiyon ng mga kasama.
Pasimple ko lang pinasadahan ng tingin ang mga ito bago marahang tumango.
"Leah..."
Muntikan na akong mapapiksi nang tawagin ni Judge Franco ang pangalan ko.
Dahil may ibang nakamasid ay napilitan akong umaktong pormal, pinilit kong i-neutral ang mukha ko at dahan-dahang bumaling kay Judge Franco. Hindi ko sinadyang bahagynag tumalim ang tingin ko sa kanya at alam kong napansin niya iyon.
Sa halip na magkomento ay napansin ko ang tipid na ngiting naglalaro sa mga labi niya habang nakatitig sa mukha ko na tila pinag-aaralan kung hanggang saan ang pagbabait-baitan ko.
Pinili ko na lang pakalmahin ang sarili dahil ako pa rin naman ang mapapasama kung magsusungit ako kay Judge Franco lalo na at sobrang taas ng tingin ng mga nandito sa kanya.
May palagay ako na balang araw ay magagamit ko itong tila blind admiration nila kay Judge Franco para sa pinaplano kong pagpapasakit sa ulo ng huli.
"May iba ka pa bang kailangan?" tanong sa'kin ni Judge Franco habang matang nakamasid sa mukha ko.
Sa hindi ko maipaliwanag na dahilan ay biglang hindi ko kayang tagalan ang mariin niyang mga titig. Pakiramdam ko ay hindi ako makahinga kaya kusa akong nag-iwas ng tingin.
"I'll leave you in the care of President Fariola," dugtong pa niya. "She'll handle everything from here."
Sa sulok ng mga mata ko ay nahagip ko ang pagtango ni Mrs
Fariola na parang may hawak siyang mahalagang VIP package at ako iyon, apparently. Wala silang kamalay-malay na nagpaplano na ako kung anong gulo ang gagawin ko upang ma-stress itong tinitingala nilang judge.
Isang tango ang naging tugon ko bago tinuon ang malamig na tingin sa ibang direksiyon.
Hindi ko na pinakinggan pa nang mag-usap sina Judge Franco at Mrs. Fariola, nasa ibang bagay na ang isip ko.
Katulad nang una kong expectations, tumugma sa reputasyon ng unibersidad ang natatanaw ngayon ng mga mata ko. Malawak, moderno, sosyal, iyong tipong isang hinga ko lang ay may katapat nang tuition fee.
Ang bawat building, mukhang galing pa sa architectural magazine. Ang mga estudyante, parang mga model na nag-outfit change lang bago magklase. Kahit ang mga halaman, mukhang may sariling skincare routine.
Sinusubukan kong umaktong casual kahit ramdam kong hindi talaga ako nababagay rito. Sabi ni Irene ay maraming scholar sa school na ito, hindi ko lubos maisip kung paano nakikigalubilo ang mga ito sa mga mayayamang estudyante ng university na ito.
"Leah, aalis na ako," untag ni Judge Franco sa naglalakbay kong diwa.
Nang lingunin ko siya ay mukhang tapos na silang mag-usap ng University President na kasalukuyang matamis ang ngiting nakatingin sa'kin.
Lihim akong napangiwi dahil pakiramdam ko ay napasobra na sa pagiging magiliw sa'kin itong University President na para bang favorite person na niya ako.
"Ingat kayo, Judge Franco," malamig kong tugon.
Napansin ko ang saglit niyang pagkatigil dahil sinabi ko. Hindi man niya inaasahang iyon ang sasabihin ko ay siguradong mas hindi niya inaasahan ang tono ko na kabaliktaran nang sinabi ko.
Alam komg malinaw niyang naintindihan na kapahamakan niya ang lihim kong pinagdarasal. Gano'n man ay hindi na siya nagkomento pa at iniwanan lang ako ng isang ngiti bago tumalikod pabalik sa sasakyan.
Saglit namang tumalim ang tingin ko sa papalayo niyang likod bago ko nahamig ang sarili at binalik sa normal ang ekspresyon.
"Miss Caraballe, pwede na tayong tumuloy sa office ko upang personal kitang ma-orient," nakangiting kausap sa'kin ni Mrs. Fariola.
"Baka po nakaabala na ako sa inyo," kunot-noo kong wika. "Pwede naman po kahit sino na lang ang gagawa niyon—"
"Hindi ka nakakaabala," putol niya sa pagsasalita ko. "Binilin ka sa'kin ni Judge Santuri kaya I insist na personal kitang ilibot sa buong campus."
Nang sulyapan ko ang ibang mga naroon ay nakikita ko ang pagsang-ayon sa ekspresyon ng mga ito. Mukhang pabor sila sa gustong gawin ni Mrs. Fariola.
Ilang sandali pa ay kasabayan ko na ang mga head ng university papunta sa opisina ng president na feeling close masyado sa'kin.
Parang nakakatakot na ganito ang resulta ng impluwesya ng isang Judge Santuri. Imagine, sa simpleng pagsama niya sa'kin ay kulang na lang sambahin din ako ng mga namamahala ng buong university.