Nagtagpo silang lahat sa KLCC Park—ang parke na pinakamalapit sa Twin Towers. Mula roon, tanaw ang kambal na tuktok ng gusali. Higit pa rito, kaakit-akit din ang tanawin dahil sa fountain na nasa gitna ng parke. Marami ring turista ang naglalakad-lakad at kumukuha ng litrato sa paligid.
Napanganga sina Chubs at Joriz nang makilala si Ms. Amira. Minsan lang kasi sila makakita ng magandang babae kaya laging natutulala kapag nakakita ng isa. Mukhang nasa 20's lang ang edad nito at bata pa. Ang babae ay ang kanilang informant na nagsisilbi rin nilang tour guide patungo sa Penang kung saan matatagpuan ang tinatawag na 99-Door Mansion.
"Si Ms. Amira, s'ya ang makakasama natin dito. Isa siyang Pilipina na matagal nang nagtratrabaho rito sa Malaysia," pakilala ni Mattia sa babae at bumaling dito. "Hindi ko pa po napapakilala sa inyo ang mga kasama ko, ma'am— sina Joriz at Chubs."
Nagbigay ng tipid na ngiti ang babae pero mabilis na nakalapit si Joriz at nakipag-kamay. "Nice to meet you po!" anito.
"Uy, Joriz mas matanda sa 'tin, 'yan..." bulong ni Chubs dahil nabasa niya ang nasa isip ng kasama.
"Age doesnt matter," bulong din ni Joriz.
Umirap na lamang si Chubs at hindi na umimik.
Nagsalita si Ms. Amira, at sa tono ng kanyang boses ay agad mahihinuha na seryoso siya sa negosyo, hindi para sa galaan o kalokohan. "Kasama ko ang private client ninyo, siya si Dr. Alejandro de la Cruz y Santos, isa sa mga historyador at mananaliksik ng kultura. Isa siyang propesor sa Unibersidad ng Castrovello sa Madrid," maikling pakilala ni Amira sa lalaking nasa likod.
Tinitigan ni Mattia ang lalaki, matangkad ito, light brown ang buhok, halata ang dugong dayuhan, nakasuot ito ng salamin sa mata at may sinseridad ang ngiti. "Nice to meet you. You can call me Andro."
Nakipagkamay si Mattia sa lalaki. Sa unang tingin, magaan ang pakiramdam niya rito.
Lake Symphony ay isang malaking man-made lake na matatagpuan sa loob ng KLCC Park. Ito ang spot kung saan makikita ang fountain show—na may tanawin ng Petronas Twin Towers sa likuran. Kaya nitong mag-shoot ng tubig hanggang 280 metro ang taas. Sa gabi ay may musical-light-water show.
Umupo sila sa gazebo bench na malapit sa fountain. Kitang-kita roon ang kagandahan ng lugar. Inilatag agad nina Ms. Amira at Dr. Andro ang kanilang pakay sa bansa.
Ipinakita ng babae ang larawan sa kaniyang selepono. "Ito ang 99-Door Mansion o Caledonia House sa Nibong Tebal, Penang — isang lumang koloniyal na mansyon na puno ng misteryo at alamat. Gustong puntahan ito ni Dr. Andro para sa research at documentary na isinusulat niya."
"Ano po ang history ng bahay na 'to?" Bilang cryptozoologist, iyon agad ang naisip ni Chubs. "Ang weird lang. Sino naman kasi ang magpapatayo ng bahay na napakaraming pinto?"
"Baka kolektor ng pinto 'yong nagpagawa ng bahay." Natawa si Joriz sa sarili niyang biro.
Sumingit si Dr. Andro sa usapan. "Itinayo ito noong dekada 1840 ng mayamang pamilyang British na Ramsden, bilang bahagi ng kanilang plantasyon ng tubo sa Nibong Tebal, Penang. Pinalitan nila ang tubo ng rubber noong huling bahagi ng 1800s dahil bumaba ang presyo nito, at pagkatapos ay naging oil palm estate noong 1960s." Natigilan ang propesor sa pagsasalita nang makitang napatulala sa kaniya ang mga kabataan. "Ah, pasensya na, marunong naman akong magtagalog dahil Pilipina ang ina ko." Napatawa ito nang bahagya.
Sinalo ni Ms. Amira ang kwento. "Noong 1948, pinatay si John St. Maur Ramsden, habang umaakyat sa hagdan ng mansyon. Hindi pa rin nalulutas ang kaso hanggang ngayon. Ayon sa ilang ulat, ang kanyang biyuda ay nagpakamatay rin sa loob ng mansyon. Humantong ito sa malawakang kwento ng mga paranormal— apparitions ng mga Ramsden at mga sundalong Hapon. Ayon din sa mga sabi-sabi may gumawa ng ritwal sa loob ng masyon na diumano’y nagbukas ng '100th door' na nagsisilbing portal ng mga espiritu."
Nagkatinginan sina Mattia at Chubs. Samantalang natahimik si Joriz at tila nahintakutan.
"Bilang historian gusto ko sanang makapunta sa lugar na iyon. Nais i-deklara ng lokal na pamahalaan ang mansion bilang heritage site pero hindi ito natuloy."— Si Dr. Andro.
Hindi kumbinsido si Mattia. "Gusto n'yo po ba mahanap ang portal na sinasabi nila? Gusto n'yong makita ang 100th door?" direkta niyang tanong.
Tila nabigla naman ang propesor sa tuwirang pagtatanong ng binata.
"Sa tingin ko kasi ay iyon ang gusto ninyong pag-aralan at hindi talaga mismo ang mansyon."
Parang nais matawa ng lalaki. "Tama ka, Mattia. Gusto ko nga 'yon makita at mapag-aralan. Kung pagpunta lang sa mansyon, hindi ako hihingi ng tulong sa mga paranormal experts. Ang dahilan kung bakit gusto kong pumunta roon ay para mahanap ang 100th door."
Naunawaan ni Mattia na nais ng lalaki mapag-aralan ang paranormal sa lugar na iyon. Aaminin niya na nasasabik din siya sa misyon subalit mukhang mapanganib ang susuungin nila ngayon.
"Okay po, sasamahan po namin kayo roon," wika ni Mattia. Hindi naman sila maaaring umurong lalo na't ang hangarin nila ay mapataas ang ranking ng grupo.
Nakipagkamay muli sila sa propesor bago ito nagpaalam. Bukas na lamang sila maglalakbay patungo sa Penang. Si Ms. Amira din ay may lakad ngayong gabi kaya kailangan din nitong umalis. Pero nangako ito na sasamahan sila sa misyon bukas.
Nang maiwan ang tatlong kabataan, natahimik silang lahat at napaisip.
"Parang may kulang..." basag ni Chubs sa katahimikan at napatingin silang lahat dito.
"May kulang nga sa sinabi nila, kung may portal doon sa tingin ko ay marami ngang nilalang ang sumusulpot doon." — Si Mattia.
"A-Ano nang gagawin natin?" Kinakabahan agad si Joriz wala pa ngang nagaganap.
Napabuntong-hininga si Mattia. "May public library kaya rito?"
"Mayroon naman siguro. Maghanap na lang tayo sa Google Maps." — si Chubs.
"At bakit tayo pupunta sa Library?" Hindi maunawaan ni Joriz ang pinupunto ng dalawang kaibigan.
"Wala ako masyadong alam sa mga mythical creatures dito. Hindi natin alam kung anong nilalang ang bubulaga sa atin doon. Kailangan nating maghanda," paliwanag ni Chubs. "Isa pa hindi ako kuntento sa kwentong narinig ko. Paanong nagkaroon ng portal doon? Sino ang gumawa?"
"W-Wait lang, huwag n'yo sabihin na naniniwala kayo sa mga kwento-kwento at sabi-sabi! B-Baka naman wala talagang kakaiba sa lugar na 'yon!" angal ni Joriz.
"Ano ka ba, Joriz? Sa pagpapatayo pa lang ng lugar na 'yon may pagka-misteryoso na. Siguradong malakas ang kadiliman doon," wika naman ni Chubs.
Habang nag-uusap ay nag-search na si Mattia sa internet ng pinakamalapit na library. "Mukhang gabi naman tayo pupunta sa mansyon bukas, may oras pa tayong pumunta sa National Library."
"Ilang oras ang byahe, mula dito hanggang sa Penang," — si Chubs.
"Mga 3 hours siguro. Sumakay na lang tayo ng train. Doon na rin tayo magkikita-kita sabi ni Ms. Amira."
"Teka lang! Baka pwede naman gumala muna tayo bukas? Kung magiging last day na ng buhay ko bukas nang gabi, at least na-enjoy ko naman dito sa umaga!" Heto na naman si Joriz, galaan pa rin ang nasa utak.
Napasapo na naman si Mattia sa ulo. "Kung alas-dyis ng umaga ang bukas ng National Library. May time pa naman tayo para gumala. Oh sige, kung 'yan ang gusto mo!"
Nanumbalik na naman ang sigla sa mata ni Joriz at napawi na ang takot. Kanina lang ay nangangatog ito ngayon ay biglang nawala. Naisip agad nina Mattia at Chubs na maluwag na talaga ang turnilyo sa utak ng kasama.