KULOT POV
Mabango ang silid mula sa scented oil na nakalagay sa humidifier at sakto lang ang lamig ng aircon nang magising ako. Sando lang at maluwag na silk pants na pantulog ang ibinihis sa akin ni Kuya Prime at wala akong suot na brief. Amoy ko din ang fabric conditioner sa malambot na kama at unan na alam kong mga bagong palit lang ang mga iyon. Ramdam ko din ang pulbo sa aking likod, kili kili, leeg at dibdib; ganito mag alaga si Kuya Prime sa amin. Naka tulong ang bughaw na led lights para hindi mairita sa liwanag ng bumbilya ang mga mata kong namumugto mula sa puyat at matinding pag iyak. Nakakalungkot magising. Wala na si Clifford maski sa aking panaginip at wala din si Kuya Prime sa loob ng kwarto nang magising ako.
"Nasaan na kayo? Nasaan na tayo ngayon mga kapatid ko?". Tanong ko sa utak ko. Hindi ko akalain na dito hahantong ang lahat nang dahil lang sa kataksilan ni Cindy sa aming bunso.
Pilit man akong hinihila ng antok at ng malamig na temperatura pabalik sa pagtulog ay mas gusto kong masikatan ng araw, gusto kong mag hubo at hubad sa labas. Iniisip ko kung ganito kalamig ang naramdaman ni Clifford nang mawala na ang init ng kanyang katawan na senyales na buhay pa ito.
"Oh gising ka na", Naka hawak ng gatas si kuya nang pumasok ito sa kwarto. "May sinat ka ba? Alas onse na, di ka pa ba nagugutom? may tinola dito".
"Di ka ba pumasok kuya?". Naka pambahay na lang din ito ng suot. "Pasensya na nag absent ka na naman dahil sa akin".
"Huwag mong isipin yan Kulot, kumusta pakiramdan mo?". Inabot nito ang baso ng gatas sa akin na hindi ko muna agad ininom pero sa nagbabadya pa lang nitong tingin ay kusa nang umangat ang aking mga kamay para dalhin iyon sa aking bibig. "Ano? kumusta ang pakiramdan mo kako?".
"Ayos na ako kuya, kaya ko na dito". Pinipigilan ko ang ubong nangangati na sa aking lalamunan at singhutin ang malapit ng tumulo mula sa ilong kong sipon para lang hindi na mag alala si Kuya sa akin at mag abala pang asikasuhin ako.
"Bukas na ako papasok".
Nararamdaman kong gustong gusto na nitong tanungin kung anong nangyari kagabi sa nakwento kong nag avail ng extra service pero nagdadalawang isip ako kung sasabihin ko ba sa kanya na si Cindy ang babaeng iyon. Sa pangalawang pagkakataon ay pinatunayan lamang nyang malandi sya at di sya makuntento sa isang lalaki na gaya nang ginawa nito kay Clifford, kung tutuusin ay nararapat lang na magawan ko na sya ng masama kagabi kung hindi lang pinaglaruan ni bunso ang aking imahinasyon. Ngayon ay muli akong naguguluhan kung tunay nga bang guni guni ko lamang ang pangyayari na yun oh totoong multo na iyon ng ala ala ng aming bunsong kapatid.
"Kuya hindi na daw matutuloy yung babae kagabi". Mas pinili ko munang magsinungaling. Palalagpasin ko muna ang pagkakataong iyon na halos konting udyok na lang ay kayang kaya ko nang ibuhos ang lahat ng galit at poot na nararamdan namin kay Cindy. Marahil ay may dahilan ang lahat bakit kagabi ay tila napakalapit sa katotohanan ng presensya ni Clifford sa aking tabi.
Napabuntong hininga si Kuya nang marinig nya ang sinabi ko.
"Sige", wika nito. "May mga ganyan talagang tao, siguro nakaramdam silang hindi makabubuti sa kanila ang gagawin nilang kataksilan, minsan may mga konsensya pa sila o kaya naman nililigtas sila ng kanilang mga guardian angel".
"Guardian angel? naniniwala ka din ba sa ganyan kuya? pagkatapos ng nangyari kay Clifford?".
"Sa tingin mo ba wala tayong ganun?", Tila naiilang ito sa usapan naming iyon na parang kwento ng isang magulang sa anak pero kailangan nyang panindigang pahabain ang pag uusap naming iyon dahil nasimulan na nya. "Ikaw ang guardian angel ko, kung hindi kita iniisip ay malamang madugo ang ginagawa kong paghihiganti, ikaw ang nagliligtas sa akin mula sa mas karumal dumal na uri ng paghihiganti".
"Si bunso din kuya, alam ko sya din ang tumatayong bantay natin".
"Guardian Angel?"....
"Guardian Angel?".....
"Guardian Angel?".....
Si bunso nga ba ang guardian angel ni Cindy kagabi? Hanggang sa kabilang buhay ba ay si Cindy pa rin ang iniisip ni Clifford? Anong klaseng martyr na pag ibig ba ang kayang ialay ng aming kapatid para sa babaeng pinagtaksilan sya?. Yun ba ang dahilan? kaya sya nagpakita sa akin kagabi para pigilin ang paghihiganti ko sa babaeng syang dahilan ng pagpapatiwakal nya?
"Oh napapatulala ka na naman?". Pinadaan ni Kuya ang kanyang palad sa harapan ng aking muka. "Musta tulog mo? hindi ka ba komportable sa lamig ng aircon?".
"Ayos lang talaga ako kuya".
Hindi sya nagsalita at hinuhuli nito ang malikot kong mga matang iniiwasan ang seryoso nyang mga titig.
"Sige, wag kang magsisinungaling sa akin ah? yari ka sa akin".
Humakbang na ito tungo sa pinto pero nang mahawakan na nito ang door know ay muli nya akong nilingon saka napa iling.
"Hindi", iling nito. "Alam ko hindi ka okay, akala mo ba maloloko mo ako kulot ?".
Muli syang bumalik sa kama at tumabi sa akin.
"Ayokong mag lihim ka sa akin Hilston". Pinaparolyo nya sa kanyang daliri ang ilang hibla ng mga kulot kulot kong buhok. "Tayo na lang dalawa sa buhay, magtiwala ka sa akin na gaya ng pagtitiwala ko sayo ang magiging desidyon mo kung ano ang gusto mong mangyari oras na makapag higanti na tayo kay Cindy".
"Hindi ko pa alam kuya".
Pumikit na rin sya at pumailalim na rin sa kumot.
Inilapag ko na ang baso sa lamesa sa tabi ng kama at babalik na rin sana ako sa aking pagkakahiga nang muling tumunog ang cellphone na nakalaan para sa mga mag a-avail ng extra service.
Nilingon ko muna si Kuya Prime bago ko buksan ang message na bagong dating. Ayaw ko pa sanang pagtuunan ng pansin ang bagay na iyon dahil wala pa akong gana sa lahat ng bagay.
"Sagutin mo na yan para makahiga ka na rin kulot". Wika nito.
Si Cindy ulit !!!.....