Hallucination

2171 Words
ILANG ARAW na nga ba akong nagkukulong sa maliit kong mundo? Ilang pagkain na ba ang pinalipas ko at tiniis na hindi kainin? Gaano katagal na bang miserable ang aking buhay? Mula sa pagkakahiga sa kama ay napabalikwas ako nang bangon nang magising ako na para bang nahulog ako mula sa napakadilim na kawalan at bumagsak doon. Oo, mayroon pa ring takot sa puso ko, ngunit nahigitan na ito ng galit at labis na kalungkutan. Hindi ako makapapayag na mayroon pang ibang mawala. Kung hindi ko mapaglalabanan ang aking takot, paano ko pa sila mapagbabayad sa mga kasalanan nila sa akin. Sinira nila ang buong buhay ko at kung ang tanging paraan ay ang harapin sila, gagawin ko. Maulap ang paningin ko. Hindi ko lubos na makita nang maayos sa mga bagay sa aking paligid dahil hindi pa rin matigil ang pagpatak ng aking mga luha. Kung mayroon man akong hindi kayang labanan ngayon, iyon ay ang aking luha at ang aking emosyon. Muli akong nahiga at nagtalukbong ng kumot, damang-dama ko ang t***k ng aking puso at ang bigat na dinadala niyon. Mayamaya lamang ay nakarinig ako ng mga kalabog sa terrace at hindi nagtagal ay may anino akong naaninagan papalapit sa pinto mula roon. Hindi nga ako nagkamali, nandito na naman siya. Dahan-dahan siyang sumilip at mula roon ay mataman niya akong pinagmamasdan. Hindi naman ako kumilos mula sa aking pagkakahiga at bahagya kong ipinikit ang aking mga mata. Pinakikiramdaman ko ang kaniyang mga kilos. Ngunit ang akmang paglapit niya sa akin ay naudlot nang may kung anong bumulabog sa kaniya. Naulinigan ko naman ang mga yabag na papalapit habang ang nilalang na iyon ay nagmamadaling umalis. Binulabog na lamang ng mga katok sa pinto ang katahimikan. Nang bumukas ang pinto ay naamoy ko ang pabango ni Kuya Symon. “Mira, halika kain tayo,” alok niya sa akin. “Nagpaluto ako kay nanay ng mga paborito mo. Saka may mga bisita ka sa baba. Miss na miss ka na nila.” Umupo siya sa aking tagiliran at hinawi ang buhok kong tumakip sa aking mukha. Napadilat naman ako at napatingin sa kaniya. “Nahihiya ako. Hindi rin ligtas na makipaghalubilo pa sila sa `kin,” nag-aalangan kong tinuran. “Miss na miss ko na rin sila kaya lang—” “No more excuses,” sabat niya sa akin. “Nandito kami para sa `yo at wala kang kahit anumang magagawa para lang layuan ka namin. Kasama mo kami kahit ano’ng mangyari.” “Bakit, kuya?” untag ko sa kaniya. “Bakit mahal mo pa rin ako?” Napakunot ang kaniyang noo. “Because we are family at walang makapagbabago no’n.” “Kung ano-ano ang mga nakikita ko, naririnig at nararamdaman. Madalas akong makaranas ngayon ng hallucination—gumagalaw ang mga bagay rito sa loob ng kuwarto ko, may mga nagtatawanan at nakararamdam ng kung ano-ano sa paligid,” saad ko. “Ang weird ko na. Matutuluyan na yata akong mabaliw. Dumagdag pa ang mga nilalang na `yon kung ano man sila.” “Kalimutan mo na muna `yan, please,” pakiusap niya. “Pero `di ba, nakita rin nila `yon? Hinabol pa nga nila, e `di hindi lang basta hallucination `yon.” Nanginginig na naman ako. Umaasa akong sa pagkakataong ito ay tuluyan nang naniniwala sa akin si kuya. Umiling siya. Wala man siyang binitiwang salita ay makahulugan naman ang kaniyang mga titig. “Kuya, please. Sabihin mo, ano ang totoo at hindi sa mga nakikita ko?” giit ko. Bumuntong-hininga siya. “Okay fine, siguro panahon na para umamin ako sa `yo,” mariin niyang tinuran. “Some aren’t just hallucinations, they are true.” Nagulat ako sa sinabi niya. Sa kaniya ko pa talaga narinig na totoo sila. Siya na mahirap papaniwalain sa ganitong mga bagay. Napaupo ako at kinakabahang kumapit sa kaniyang bisig. “What did you just say?” Napaluha ako. “Nakita ko rin sila, namin ni Drew,” pag-amin niya. “Sorry if I needed to lie. Nag-aalala kasi ako sa `yo that time at `yon ang naisip kong paraan para malaman ang totoo.” “Ano’ng ginawa mo? Paano mo sila nakita?” urirat ko sa kaniya. “Hindi ako nagpunta sa seminar noon,” aniya. Pakiramdam ko ay namilog ang aking mga mata sa kaniyang tinuran. “Nag-stay lang kami sa labas ni Drew gamit ang sasakyan ng kaibigan niya para hindi ka makahalata. Sinubukan naming bantayan kung may kakaiba bang nangyayari sa paligid natin, hanggang nakita namin sila.” “Saan?” naibulalas ko. “Ano’ng nakita n’yo?” “Una, may mga aninong umaali-aligid sa garden. Hanggang sa may tatlong lumabas at umayat sa terrace mo,” kuwento ni Kuya Symon. “Sinusubukan nilang pumasok sa loob. Sumisilip sa salamin, sa siwang ng kurtina. Parang gagawin nila ang lahat malapitan ka lang. Siguro naramdaman din `yon ni Tita Eloisa kaya inayos niya ang kurtina at sinigurong naka-lock nang maayos ang pinto. Natakot ako na baka basagin nila `yon pero hindi naman nangyari.” “Ako talaga ang pakay nila, kuya,” kinakabahan kong tinuran. “I don’t know!” naibulalas niya. “Ang description nila ay katulad na katulad ng nakita ninyo sa probinsya. Hanggang ngayon, nakukunan sa CCTV ang mga aninong umaali-aligid, pero huwag kang matakot, magtutulungan tayo. Hindi tayo pakakanti sa kanila. Wala na silang masasaktan pa sa atin, I promise you that.” Hindi ako makapaniwala sa ipinagtapat ni kuya. Para bang nabunutan ako ng tinik sa dibdib dahil lalo kong napatunayan na matino ang pag-iisip ko. Ang tanging naiiwan na lamang na gumugulo sa isip ako ay kung sino ang mga nilalang na iyon, ano ang pakay nila sa akin at kung sila ba talaga ang responsible sa pagkamatay ng aming mga magulang. Gusto ko rin sanang aminin kay kuya ang hinala ko hinggil doon kaya lang nahihiya ako. Baka kapag iyon ang nalaman niya, sumama ang loob niya o kaya naman ay magalit sa akin. Kapag nangyari iyon, hindi ko alam kung ano ang gagawin ko. Ayaw kong lumayo sa akin ang kaniyang loob at tuluyang magbago. Ayaw kong bigyan siya ng dahilan para pagsisihan ang pagdating ko sa buhay niya at ang pagmamahal na ibinigay niya sa akin. “Halika na sa baba, siguradong matutuwa ang mga `yon kapag nakita ka at nakasabay sa pagkain,” nakangiting alok sa akin ni kuya. Tumayo siya at hinila ako patayo. Hindi naman na ako nagmatigas pa. “Can you wait for me? Magpapalit lang ako at aayusin ang sarili ko,” wika ko. Nakiusap akong huwag niya akong iwanan at sa halip ay hintayin dahil alam kong may nagmamasid mula sa may terrace na maaaring umatake kung sakaling muli akong mag-isa. Habang nasa loob ako ng banyo ay naulinigan ko pang inaayos niya ang lock sa pinto ng terrace at bintana, lalo pa’t madilim na ang paligid sa labas. Ito ay lalong nagpapanatag sa akin. Nakita kong gumuhit ang ngiti sa kanilang mga labi nang makita akong bumaba kasama si kuya. Nandoon silang lahat maliban sa dalawang tao. Napakunot-noo ako nang mapansing wala si Lizbeth. Naalala kong pinaalis ko siya at nakadama ako ng guilt nang sumagi sa isip ko ang ideyang galit siya sa akin at pinili na ngang layuan ako. Tila hindi nakapagpigil si Zachary na kaagad akong niyakap nang mahigpit. Na-miss ko ang kaniyang mga ngiti at pag-aalaga sa akin. Na-miss ko ang kaniyang mga mata at mapupulang labi. Sa loob ko ay mayroong kaunting pagsisi dahil pati sila ay nadamay sa kahinaan ko. Hindi ko gustong labis silang mag-alala para sa akin, ang nais ko lang ay maging ligtas sila at manatiling buhay. “Si Liz?” untag ko kay Zachary nang humiwalay siya sa kaniyang pagkakayakap sa akin. Makahulugan naman ang mga titig niya sa akin. Kinabahan ako. Nakadama ako ng takot sa isang masamang balita na maaring ipagtapat nila sa akin. Nagkatinginan sila na para bang hindi alam ang isasagot. Nabaling na lamang ang aking tingin sa bumukas na pinto at iluwa niyon ang dalawang taong kulang sa mga nadatnan ko. “Hello! Sorry, we’re late!” masaya niyang sigaw habang nakatingin sa akin. “Hi, best, pasensiya na dinaanan ko pa kasi si mama sa work niya.” Mabilis siyang lumapit sa akin at niyakap ako. Sila na lamang ang kumukompleto sa buhay ko. Sila ang pag-asa at lakas na kinakapitan ko. Masaya ko silang pinagmasdan habang kumakain at nagbibiruan. Napuno ng ingay ang bahay namin, sandaling madalang nang mangyari. Sana sa susunod, wala nang katapusan sa sayang iyon. Nabaling ang aking tingin kay Ate Faith, napansin kong kanina pa rin siya tahimik. Maya’t maya mang nagsasalita at ngumingiti, pansin ko ang lungkot sa kaniyang mga mata. Nahuhuli ko rin ang mga sulyap niya sa akin. May mga tanong sa kaniya sina Tita Eloisa na minsan ay inuunahan siyang sumagot ni kuya. Akala yata nila, bulag pa rin ako sa lihim nila. Tila napansin ni Zachary ang mga titig ko kay Ate Faith kaya’t inagaw niya ang aking pansin nang marahan niyang sipain ang aking paa. Nang mapatingin ako sa kaniya ay bahagyang kumunot ang kaniyang noo na para bang may ibig ipahiwatig sa akin. Nang umiling siya ay tuluyan kong nakumpirma kung ano iyon. “Mabuti naman, nakita kita ulit. Akala ko, tuluyan mo na akong iiwasan at pagtataguan,” malungkot na wika ni Zachary nang magkaroon siya ng pagkakataong makausap ako. “Sorry, kinailangan ko lang ng panahong makapag-isa at ipagluksa ang nangyari sa nanay ko,” paliwanag ko. “Kinailangan kong mag-isip.” Naiwanan kami sa hapag-kainan at ang lahat ay nagkukwentuhan sa sala. Si Nanay Goring naman at Tita Eloisa ay magkatulong sa pagliligpit ng mga kinainan. “Ano ka ba? Bitiwan mo na `yan at ako nang bahala rito. Bisita ka namin,” naulinigan naming saway ni Nanay Goring kay Tita Eloisa. “Ay hindi po, tutulungan ko na kayo. Ang dami-dami nito,” giit naman ni tita na ayaw talagang magpapigil. Napangiti na lamang kami ni Zachary habang pinagmamasdan sila. Nang mga nagdaang linggo bago kami magpunta sa probinsya, ako ang madalas makialam sa mga gawain ni Nanay Goring. Minsan kasi, nakaka-miss din ang gawin ang mga bagay na iyon lalo na’t pinalaki kaming marunong magtrabaho at may nakatalagang gawain araw-araw na kailangan muna naming gawin bago ang kung anuman. “Halika, doon tayo sa kanila,” alok ni Zachary. Tumalima na rin ako kaagad dahil alam kong hindi magtatagal ay magpapaalam na sila at uuwi sa kanilang sariling mga tahanan. Habang pinagmamasdan sila, napatayo ako at sumilip sa may bintana. Nagulat na lang ako nang pagbaling ko sa kanila ay nasa tabi ko na si Lizbeth. Nakangiti man, halatang nag-aalangan siyang lumapit sa akin. “Best, galit ka pa ba sa akin?” tila nahihiya niyang tanong. Umiling ako. “Hindi ba ako dapat ang magtanong niyan sa `yo?” balik-tanong ko sa kaniya. “Sorry sa ginawa ko. Sorry kung nasigawan kita.” Ako naman ngayon ang nakaramdam ng hiya sa kaniya. “Hindi naman ako galit sa `yo, naiintindihan naman kita,” aniya. “Hindi lang ako nakabalik dito agad para bisitahin ka kasi gusto kong ibigay sa `yo ang panahon na kailangan mo. Isa pa, naging abala ako sa coffee shop. Hindi ko `yon pinababayaan para sa `yo para kapag pumasok ka na, wala ka nang ibang aalalahanin pa.” Muli siyang yumakap sa akin. “Salamat, the best ka talaga,” bulong ko sa kaniya. Nagkuwento pa siya sa akin ng mga nakatutuwang pangyayari sa coffee shop. Noon ko na-realize na marami na pala akong na-miss at kailangan ko na yatang bumalik upang harapin na muli ang mundo. Napalingon siya sandali kay Zachary at nagbiro tungkol dito nang makitang hindi siya maririnig nito. Natatawa niya itong inilarawan sa akin noong mga araw na hindi nila ako nakikita at nakakausap. Upang pigilan sana siya at iwasang mahuli ng pinsan niya sa kaniyang pambubuko, napahawak ako sa kaniyang kanang braso. Hindi ko sinasadyang mapalakas ang pagkakahawak kong iyon. “Aray!” naibulalas niya. Bahagyang napakunot ang kaniyang noo, ngunit dagli rin niyang ikinubli nang mapansing nagulat ako sa kaniyang reaksyon. Nakaksuot siya ng sweater na kulay beige. Kaya’t kung anuman ang masakit doon ay hindi ko nakikita. “Ano `yan? Patingin nga,” wika ko. Pilit niyang inaagaw sa akin ang kaniyang kamay at sinasabing wala raw iyon pero nagpumilit ako kaya’t wala na siyang nagawa. Nang itaas ko ang manggas ng kaniyang sweater ay tumambad sa akin ang itinatago niya. Tila kinakabahan naman siyang tumingin sa akin. Binitiwan ko ang kaniyang kamay, tahimik niya namang inayos ang manggas niyon at para bang hindi na siya makatingin sa akin ng diretso. Kung ano-ano ang pumasok sa isip ko dahil sa pag-aalala sa kaniya. “Ano’ng nangyari sa `yo? Bakit may mga pasa ka?” ***
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD