HINDI NGA siya pinahirapan ng kapalaran na hanapin ang kaniyang tunay na ina, ngunit hindi naman sila binigyan ng mahabang panahon para magkasama. Sa loob ng napakaikling panahon lamang ay kaagad na binawi sa kaniya ang inang matagal palang nangulila sa kaniya. Hindi pa man nito tuluyang naipagtatapat ang buong katotohanan kay Mirasol ay nakitlan na ito ng buhay ng mga hindi matukoy na salarin.
Mayroong malaking lihim si Aling Milagros na hanggang sa huli ay itinago niya. Ngayon, ang lihim na iyon ay dala niya hanggang sa kaniyang huling hantungan. Ngunit alam kong hindi pa huli ang lahat. Hanggang buhay pa si K at nasa paligid lamang ay mayroon pang pagkakataong masagot ang mga katanungan ng aking kaibigan at maging malinaw ang lahat ng mga nangyari.
Iyon nga lang, hindi pa nga nareresolba ang dalawa at hindi pa tuluyang nakakapag-move on, panibagong dagok na naman ang dumating sa buhay ni Mirasol.
“`Nay!” Umaalingawngaw ang palahaw ng pagtangis ni Mirasol.
Halos mawalan siya ng malay dahil sa aming nadatnan sa kanilang lumang bahay. Tila ba nanghina siya kaya’t napaluhod na lamang siya sa lupa sa harapan ng bangkay ni Aling Milagros. Alam kong gusto niya itong hawakan at yakapin, ngunit hindi niya magawa. Nanginginig ang kaniyang katawan na mistulang may halong matinding galit.
“Magpakita kayo sa `kin!” galit na sigaw ni Mirasol habang siya ay luhaan. “Mga walang hiya kayo! Ako na lang ang harapin ninyo, h’wag ang mga mahal ko sa buhay! Sana ako na lang!”
Gusto ko sana siyang lapitan at yakapin, ngunit ako man ay nagiging emosyunal. Naiintindihan ko kung gaano kahirap at kasakit ang kaniyang sitwasyon. Gustuhin ko mang maging lakas niya sa panahong ito, ako man ay nanghihina. Paano ko pa patatatagin ang kaniyang dibdib at bibigyan ng lakas na bumangon kung ako man ay ginugupo na rin ng takot.
Mabuti na lamang at narito si Kuya Zach para sa kaniya. Mas malakas at higit na matibay ang loob kaysa sa akin. Mas mahuhugutan ito ni Mirasol ng lakas ng loob at pag-asa para labanan ang mga pagsubok sa kaniyang buhay. Batid kong hinding-hindi siya nito pababayaan.
“Isinusumpa ko, magbabayad kayo!” muling tinuran ni Mirasol sa pagitan ng kaniyang paghagulhol ng iyak. “Kapag nakumpirma kong kayo ang may gawa nito sa nanay ko, kayo ang magtago!”
Nagkatinginan kami ni Alvin nang dahil sa mga salitang binitiwan ni Mirasol. Si Alvin man ay hindi napigilang umiyak dahil sa kaniyang nasasaksihan. Natatakot akong lalong lamunin ng depresyon si Mirasol at bumalik sa dati katulad nang kung paano siya umano dumating sa buhay ng mga Villaverde. Natatakot ako na ito na ang maging simula ng kaniyang pagbabago. Isa pa, ano kaya ang magiging reaksyon ni K kapag nakarating sa kaniya ang masamang balitang ito? Sana ay manatili siyang nasa panig ng kaniyang kapatid, kahit ang hinala ko ay si Mirasol ang puno’t dulo ng lahat, ayaw ko mang isipin o ipaalam pa sa kaniya ang mga napapansin ko at naiipong hinala.
Nahirapan kaming humingi ng tulong sa mga awtoridad. Kinailangan pa naming maghintay ng ilang oras para lang matulungan kaming madala sa bayan ang labi ni Aling Milagros at doon bigyan ng maayos na burol. Ilang araw rin kaming nanatili roon sa pag-asang darating si K, ngunit kahit anino niya ay hindi namin nakita. Tinawagan ni Kuya Zach si Kuya Symon at ipinaalam ang nangyari at kaagad naman itong dumating. Sa loob ng mga araw na iyon ay hindi namin nakausap ng maayos si Mirasol. Kahit hanggang sa paghatid sa kaniyang ina sa huling hantungan at sa biyahe namin pauwi ay hindi siya nagbitiw ng kahit anong salita.
Sinasarili na naman niya ang lungkot. Natatakot ako sa kung anuman ang tumatakbo sa kaniyang isipan ngayon. Baka magtangka na namang siyang magpakamatay, o kaya gambalain na naman ng nilalang na iyon. Natatakot akong harapin niya ito ng mag-isa lalo pa’t mababakas ang matinding galit sa kaniyang mga mata. And the worst is, baka tuluyan siyang makuha ng mga nilalang na iyon at matagpuan na lang din namin siyang wala ng buhay.
“Tama na ang pag-iyak, Liz. You need to be brave for her,” saway sa akin ni Kuya Zach habang nasa sasakyan kami.
Hindi namin kasama si Mirasol. Kasabay siya nina Kuya Symon at Kuya Drew sa sasakyan nila dahil halos ayaw ialis ni Kuya Symon sa paningin niya ang kaniyang nagluluksang kapatid sa takot na muli na namang itong gumawa ng bagay na maaari niyang ikapahamak. Mabilis ang takbo ng kanilang sasakyan kaya’t hindi na namin sila maabutan.
“Sa tingin n’yo, ano kayang mangyayari pagkatapos nito?” urirat sa amin ni Alvin, habang ang kaniyang tingin ay hindi niya iniaalis sa daan at sinusubukan pa ring maabutan sina Kuya Symon.
Napakibit-balikat ako. “Ewan ko, pero natatakot ako,” tinuran ko. “Unti-unti nang nagiging malala ang sitwasyon. Palalim nang palalim ang misteryo sa paglipas ng mga araw. Kaya pa ba?”
Napalingon sa akin si Kuya Zach na bakas sa mga mata ang labis na pag-aalala. “Hindi ako natatakot. Kung mayro’n mang may higit na karapatang mabuhay sa mundong ito, tayo `yon. Tama si Mira, kailangan nilang magbayad.”
“Ngunit kaya ba natin?” nag-aalala kong tanong. Biglang may sumikdong kaba sa aking dibdib. Ayaw ko mang maduwag para sa aking kaibigan, hindi ko naman maikakailang nag-aalala rin ako para sa aking buhay at ni mama.
“Maiintindihan naman ni Mira kung lalayo ka muna sa kaniya,” makahulugang sagot ni Kuya Zach. “`Yon naman talaga ang gusto niyang gawin mo, hindi ba? Ayaw niyang may mapahamak pa sa `tin, pero mag-i-stay ako sa tabi niya kahit ano’ng mangyari.”
“Hindi, hindi ko siya kayang iwan sa panahong ito.” Gustuhin man ng aking isip na gawin iyon, hindi ko naman kayang magbingi-bingihan sa pagpupunyagi ng aking puso.
Bumuntong-hininga si kuya. Hindi ko man iyon nakita mula sa hulihan ng sasakyan ay naulinigan ko ito. Sandali silang nagkatingin ni Alvin. Hindi ko maiwasang maging sila man ay mayroong nalalaman na hindi pa naaabot ng aking kaalaman. Ganoon pa man, may tiwala ako sa kanila at alam kong may dahilan kung bakit may mga bagay na kailangang ilihim muna.
“Tama siya, kailangan nating matutong lumaban para kahit papaano, kaya nating maipagtanggol ang ating sarili at hindi tayo basta-basta mapapahamak katulad niya,” mahinang tinuran ni Kuya Zach, ngunit narinig ko iyon.
“Siya? Sino’ng siya?” naibulalas ko naman.
Naghintay ako ng sagot mula sa kahit sino man sa kanilang dalawa pero kapwa sila hindi umimik. Imposibleng si Mirasol ang tinutukoy nila dahil alam kong hindi siya marunong makipaglaban, disin sana’y nakakaya niya ang lahat at hindi nagpapatalo sa takot at kalungkutan.
***
“KUMUSTA NA kaya si Mirasol?” malungkot na nabanggit ni Kuya Zach habang nagmemeryenda sa coffee shop. “Hindi siya sumasagot sa mga tawag ko. Nahihiya naman akong puntahan siya sa kanila kasi baka kung ano’ng isipin ng kapatid niya.”
“Ilang araw na nga silang walang paramdam, kahit sa `kin,” nag-aalala ko namang tugon. “Hayaan mo, dadaan ako sa bahay nila mamaya. Gusto mo bang sumama?”
Napailing siya. “Gusto ko, kaso may may mga appointment ako ngayon. Medyo busy na, lalo na ngayong malapit nang magsimula ang klase ko kaya mahahati ang oras ko. Pakisabi na lang sa kaniya na sagutin niya naman ang mga tawag ko. Miss na miss ko na `yang kaibigan mo at sobra na akong nag-aalala sa kaniya.”
Alam kong nahihirapan si Kuya Zach sa sitwasyon. Gusto niya nga sanang ipagpaliban ang pagpapatuloy niya sa pag-aaral at pagpapakadalubhasa sa kaniyang larangan, iyon nga lang ay hindi raw pumayag sina tita. Mahalaga kasi sa mga ito ang tagumpay ni kuya sa kaniyang piniling propesyon, lalo na’t ilang taon na lang ay magreretiro na rin si tito. Siya ang inaasahan ng mga ito na magpapatuloy sa kanilang mga nasimulan dahil ang kaniyang kapatid ay may ibang daang nais tahakin para sa sariling mga pangarap.
Naagaw ang aking pansin nang pagtayo ng isa sa aming mga customer. Nagmamadaling ibinalik ng lalaking tila nasa middle age ang binasang libro sa book shelf. Nagmamadali itong umalis kaya’t naiwan sa kaniyang table ang isang newspaper. Kaagad ko namang kinuha iyon saka bumalik sa table na kinauupuan namin ni kuya Zach.
Nasa pitak iyon ng tungkol sa mga kapalaran ng iba’t ibang zodiac signs kaya binuklat ko ito para tingnan ang headline. Napamulagat na lamang ako sa bumungad sa akin. Ayon doon, ilang araw na silang nakakapagtala ng mga kaso ng hindi matukoy na pagpatay at pare-pareho ang mga kalagayan nito. Kaagad ko namang naalala si Aling Milagros dahil halos nagkakatulad ang mga ito sa kaniyang kaso.
“Bakit, Liz?” sita sa akin ni kuya.
“Tingnan mo, oh.” Iinabot ko sa kaniya ang diyaryo para mabasa niya rin mismo ang balita.
Siya man ay halatang nagulat at napaisip. Binuklat niya pa ito para mabasa ang karugtong na nasa ibang pahina. “Malapit lang sa lugar nina Mirasol `to, ah?” puna niya na napansin ko rin kanina kaya bigla akong kinabahan.
“Pareho ba tayo ng iniisip?” untag ko sa kaniya.
Nagkatinginan kaming dalawa. Bigla akong kinilabutan sa takot.
“It’s getting worst!” naibulalas ni kuya. “Hindi na ito tama. Sumusobra na sila. Kailangan na itong matigil, kawawa naman ang mga inosenteng biktima.”
Sa kaniyang mga tinuran ay nakumpirma ko nang pareho nga kami ng iniisip. Lalo akong natakot para kay Mirasol at sa kaniyang mga hinala na sinabi sa akin. Paano kung tama siya? Paano tatanggapin ni Kuya Symon ang katotohanan na maaaring maglagay ng lamat sa kanilang mabuting relasyon bilang magkapatid.
Inabot din ng mahigit isang oras si Kuya Zach sa coffee shop. Nagbakasakali rin kasi siya na dumating si Mirasol o kaya naman ay si Kuya Symon, ngunit kinailangan niyang umalis nang makatanggap ng tawag mula kay tito dahil mayroon silang lakad. Naiwanan akong gulong-gulo at umaasang may ibibigay na solusyon ang langit sa mga nangyayaring ito.
Makailang beses kong tinanong si Kuya Zach tungkol sa taong tinutukoy nila noon sa sasakyan, ganoon din si Alvin na ilang beses kong kinulit pero talagang ayaw nilang sumagot. Nagpasya na lamang akong tahimik na magmasid sa kanilang mga kilos upang ako na mismo ang makatuklas ng totoo.
Bumisita ako kay Mirasol. Dinatnan ko si Nanay Goring na katok nang katok sa kaniyang pinto dala ang inihanda niyang pagkain para dito pero hindi raw ito lumalabas. Ako man ay sinubukang tawagin ang kaniyang pansin sa pag-asang sasagot man lamang siya, ngunit wala ring nangyari. Nang dahil doon ay nag-alala na kami kaya kaagad naming ginamit ang spare key upang malaman namin ang kalagayan niya sa loob. Iniisip ko pa lang na baka nagpakamatay na siya, para bang sinasaksak na ng libo-libong karayom ang puso ko kasabay ng panginginig ng aking katawan.
“Mira!” naibulalas ko nang mabuksan ko ang pinto. Hindi ko siya natagpuang nakahiga sa kaniyang kama, bagkus ay nakaupo sa sulok habang yakap-yakap ang kaniyang sarili at umiiyak. Magang-maga ang kaniyang mga mata. Ayon kay Nanay Goring, maging si Kuya Symon ay hindi niya kinakausap at pinagbubuksan ng pinto.
Nagtangka akong lapitan siya, ngunit pinigilan niya ako. Binulyawan niya ako at sinabing gusto niyang mapag-isa. Sinabi niya rin lumayo na kami sa kaniya upang hindi kami mapahamak, ngunit iyon ang bagay na hinding-hindi ko magagawa sa kaniya. Labag man sa aking kalooban ay napilitan akong iwanan siya upang hindi na siya magalit pa. Ibinilin ko na lamang kay Nanay Goring na maya’t maya itong i-check upang masigurong kahit papaano ay mailigtas siya sa posibleng gawin niyang masama sa kaniyang sarili.
Umiiyak akong lumabas ng kanilang tahanan. Inaalipin ang aking puso ng labis na pag-aalala at awa para sa nag-iisa kong matalik na kaibigan. Hindi na biro ang kaniyang kalagayan. Hindi ko alam kung paano ko pa siya matutulungan, lalo na ngayong lahat kami ay itinutulak na niya palayo sa kaniya.
Nagtatakip-silim na. Wala pa ring dumadaang taxi o jeep na masasakyan ko pauwi. Bigla na lamang akong nakaramdam ng kaba at panganib sa paligid. Mula sa sulok ng aking mga mata ay may napansin akong anino na nagtago sa likod ng mayabong na halaman sa daan. Kasabay ng mabilis na t***k ng aking puso ay ang pabilis naman nang pabilis kong mga hakbang.
Napatili na lamang ako sa gulat nang may nilalang na bigla na lamang sumulpot sa harapan ko at binanggit ang aking pangalan.
***