HINDI NA ako nagkaroon pa ng maayos na tulog, lalo pa’t parang naging malalakas ang loob ng mga nilalang na iyon na magpakita na para bang hindi sila natatakot na matuklasan ng mga tao ang tungkol sa kanila. Samantala, hindi makapaniwala si Zachary sa kaniyang nakita. May nabanggit siyang sa larawan lang niya iyon nakita na akala nga niya ay edited kaya hindi siya napaniwala kaagad pero ngayon ay natunghayan mismo ng kaniyang mga mata.
Habang naghihintay kami kay Emma sa sasakyan ay napahawak si Zachary sa aking kamay. “Patawarin mo ako kung hindi ako kaagad naniwala.” Ngumiti siya habang napapailing. Bumaling siya kina Alvin at Lizbeth. “Sino’ng mag-aakala, `no? Ngayon, naiintindihan ko na ang takot na nararamdaman ni Mira. Kagabi lang ako natakot nang gano’n buong buhay ko.”
“Grabe, sir, halos maihi ako sa takot kanina,” natatawang tugon ni Alvin. Ngunit sa kabila niyon ay halatang natakot siya. “Akalain n`yo `yon, ang bilis ko palang tumakbo. Lalo na siguro kung ako ang hinahabol.”
Sandali kaming natawa dahil sa tinuran ni Alvin, ngunit hindi talaga maikakailang lahat kami ay halos matulala kapag naiisip iyon. Ganoon pa man, bilib ako sa best friend ko. Nagkaroon siya kaagad ng conclusion kung ano ang posibleng nangyari dahil sa mga nakita niya footprints na paakyat sa kuwarto namin. Maaari ngang may sumunod sa akin nang lumabas ako.
“Napapaisip lang ako, kuya,” wika ni Lizbeth habang nakatitig sa kakakahuyan. “Alam kaya ng mga tao rito ang tungkol sa kanila? Imposible naman kasing hindi, `di ba? Parang itinatago lang nila. Hindi makatingin nang maayos sa akin si Aling Barbara kanina habang ikinukuwento ko sa kaniya `yong nangyari. Halata naman kung hindi siya naniniwala, pero hindi lang siya umimik na parang may tinatagong umiwas sa `kin.”
Magsasalita sana ako para tumugon sa kaniya, ngunit dumating na si Emma. Umusog ako ng kaunti sa tabi ni Zachary upang makaupo siya at makaalis na kami.
Sa daang patungo sa kabayanan na hindi pa kalayuan sa villa ay lumiko kami sa isang makipot na kalsada. Nagtataasan ang mga damo roon at bibihira ang mga bahay. Matapos ang mahigit kalahating oras ay naputol ang sementadong daan.
“Dead end?” naibulalas ni Alvin kasabay nang paglingon sa amin sa likuran ng sasakyan. Tiningnan niya si Emma na para bang nagtatanong.
Parang nahiya naman si Emma nang mapansing lahat kami sa kaniya nakatingin.
“Maglalakad na ho tayo simula rito,” tila nahihiya niyang sagot. “Mabuti at maganda ang panahon. Hindi tayo mahihirapan at hindi rin madulas ang daan. Halina ho kayo, malayo-layo pa ang lalakarin natin.”
Hindi na kami nagsayang pa ng panahon at kaagad kaming tumalima kay Emma. Tumambad sa amin ang madamong daan at kakahuyang halos magdilim na ang paligid dahil sa mayayabong na dahon ng mga punongkahoy. Sa himpapawid ay matatanaw ang iba’t ibang uri ng mga ibon na nagliliparan. Ang kanilang mga huni ay umaalingawngaw sa paligid. Sa totoo lang, ang gandang pagmasdan ng silahis ng sinag ng araw na lumulusot sa maliliit na siwang ng makakapal na mga dahon. Mula sa aming kinatatayuan ay maririnig din ang tunog ng umaagos na tubig. Hindi man ako sanay sa ganoong masukal na daan ay hindi iyon magiging hadlang sa akin. Nakita ko na ang pinakanakakatakot na nilalang sa mundo, ngayon pa ba dadagain ang aking dibdib?
Tahimik lamang kaming naglalakad sa mabato at madamong daan habang nakasunod kay Emma. Pagkalipas ng marahil ay fifteen minutes, mula sa madamong daan na iyon ay bumungad sa amin ang kapatagan. Doon ay natigilan ako sa paglalakad na para bang napako sa lupa ang aking mga paa.
Napahawak ako sa aking noo nang makaramdam ako ng bahagyang pagkahilo. Sa aking isipan ay rumehistro ang isang pamilyar na eksena. Katulad ng batang tumatakbo at ang babaeng kawangis ko, nakita ko ang aking sariling umiiyak at tumatakbo isang gabi sa kapatagang iyon. Maya’t mayang nagkukubli sa likod ng mga puno upang pansamantalang pagtaguan ang mga humahabol sa akin. Umaalingawngaw sa aking pandinig ang mga iyak at paghingi ko ng tulong.
“Mira?” pagtawag ni Lizbeth sa aking pansin. Noon ko nakitang lahat sila ay nakatunghay sa akin. “Okay ka lang ba?”
“Pagod ka na ba? P’wede naman tayong magpahinga muna rito,” dagdag naman ni Zachary.
Umiling ako. “Hindi na, okay lang ako.” Sinapo ko ng aking dalawang kamay ang aking noo bago ako bumaling sa kanila at muling inihakbang ang aking mga paa. “Parang may nagbalik na kapirasong alaala sa akin sa lugar na ito. Tara na.”
“Konting tiis na lang ho, ate. Makakarating na tayo,” tinuran naman ni Emma bago kami tinalikuran at nagpatuloy sa paglalakad.
Hindi nga nagtagal ay natanaw namin ang isang maliit na kubo. Nang papalapit na kami roon ay bumangon ang isang itim na aso na nakahiga sa may pintuan at nagsimulang tumahol. Habang papalapit kami nang papalapit ay pabilis naman nang pabilis ang t***k ng puso ko.
“Aling Milagros?” sigaw ni Emma bilang pagtawag sa pansin ng aking ina. Hindi na siya naghintay na may sumagot at dumiretso sa loob ng bahay habang kami ay naiwanan sa labas. Naulinigan pa namin ang kaniyang tinuran sa loob, “Aling Milagros, may mga bisita ho kayo.”
Hindi naman nagtagal ay lumabas si Emma at pinatuloy kami. Nanginginig akong naglakad papasok at tumambad sa akin ang isang matandang babae na nakaupo sa isang silyang yari sa kawayan. Nagulat naman siya nang makita ako. Inaasahan kong itatanong niya kung sino ako, ngunit nagkamali ako. Kaagad siyang umiyak at sinunggaban ako ng yakap.
“Anya, anak ko,” wika niya. Napahagulhol siya ng iyak. Dama ko ang panginginig ng kaniyang katawan at ang mabilis na t***k ng kaniyang puso. Marahan siyang bumitaw sa akin at hinawakan ng kaniyang mga kamay ang aking magkabilang pisngi. “Ikaw nga, nagbalik ka.” Bigla na lamang napalitan ng takot ang saya sa kaniyang mga mata. “Pero ano’ng ginagawa mo rito? Hindi ka ligtas dito.”
“Nandito ako para sa inyo. Gusto ko kayong makita at makilala,” emosyunal ko namang sagot.
Para bang tumigil ang oras. Nang muli niya akong yakapin ay parang unti-unting gumaan ang aking pakiramdam. Ang takot sa dibdib ko, napalitan ng tuwa at tapang. Kung maaari lang sanang huwag nang matapos ang sandaling ito at mabura na lamang ang mga problemang nagdudulot ng takot sa amin.
“Kayo po?” wika ni Lizbeth.
Nang lumingon ako sa kaniya, ganoon na lamang ang gulat sa kaniyang mukha. Hindi ko maunawaan kung bakit parang hindi siya makapaniwala na siya ang aking ina. Maging si Zachary ay ganoon din.
“Bakit ano’ng problema?” naibulalas ko.
“Hindi ba’t sinabi ko na sa `yo, hija, magkikita tayong muli,” makahulugan namang tinuran ng aking ina.
“Nagpunta na siya sa coffee shop, best,” pag-amin ni Lizbeth. “Nakita na namin siya ni Kuya Zach. Hinahanap ka niya noon, pero ayaw niya namang sabihin kung sino siya at ano ang pakay niya. Ngayon alam na namin.”
Kaagad na nabaling ang aking tingin sa aking ina. “Pinuntahan n`yo ako?”
Tumango siya at ngumiti. Nanghihina siyang bumalik sa kaniyang upuan at inalok akong tabihan siya. Pinatuloy niya naman ang mga kasama ko at pinaupo rin sa ibang bakanteng silya. Noon ay nagsimula na akong magtanong at siya naman ay nagkuwento simula sa araw na ipanganak ako hanggang sa mawala ako sa kagubatan.
“Demonyo ang iyong ama,” emosyunal niyang tinuran. Umiwas siya ng tingin sa akin. “Lulong siya sa bawal na gamot, pinagtangkaan ka niyang patayin pero pinatakas kita. Hinabol kapa niya sa gubat at naabutan, mabuti na lamang at sinundan ka ng kapatid mo at iniligtas sa kaniya. Katulad mo, muntik na rin siyang mamatay pero lumaban siya. Hindi pa man siya lubos na magaling noon ay pinipilit niya nang sumama sa akin para hanapin ka, pero hindi ka na namin natagpuan.”
“Kung gano’n, paano n’yo ako nahanap?” urirat ko. Napakunot ang aking noo.
Ilang minuto rin siyang natahimik at iiniwas sa amin ang kaniyang tingin. Para bang nag-iisip kung sasagutin niya ba ang aking tanong o hindi. Huminga muna siya ng malalim bago siya tumingin sa akin.
“Ang mag-asawang kumupkop sa `yo, nahanap nila kami,” pag-amin niya.
Nagulat ako sa kaniyang naging rebelasyon. Nang dahil sa kaniyang naging kasagutan ay napaisip ako at saka ko lamang naalala ang sinabi ni Aling Barbara. Doon ko unti-unting napagtatagpi-tagpi ang kanilang mga kuwento.
Matagal ko na siyang hindi nakikita. Nagtatrabaho siya rito dati hanggang sa may mag-asawang tumuloy rito. Palagi ko silang nakikitang magkausap. Tapos nang umalis `yong dalawa, hindi na rin siya pumasok. Ang duda ko, inalok siya ng trabaho sa lungsod noong mag-asawa dahil nakita ko siyang tuwang-tuwa.
“Dapat ay isasama nila kami sa pag-uwi nila sa inyo. Sabi nila, hihintayin nila ako sa villa pero pagdating ko roon, sabi ng kaibigan ko madaling araw pa lang ay nagmamadali silang umalis,” dagdag niya pa sa kaniyang kuwento. “Ilang araw ko ring hindi mahanap ang kapatid mo noon at akala ko nga sumama siya sa mag-asawa pero umuwi siyang may dalang masamang balita. Napanood niya raw sa balita sa bayan na naaksidente ang dalawa na ikinasawi nila. Nagmadali rin siyang nag-alsa balutan at pinilit akong sa bayan na kami tumira sa takot niya sa lugar na ito.”
“Dahil ba sa mga nilalang na `yon?” mariin kong tanong.
Nagulat si nanay at sumenyas na huwag akong maingay, maging sa aking mga kasama. “Mag-iingat kayo palagi, nandiyan lang sila.” Alam niya, ngunit tila ayaw niya lang pag-usapan.
Maaaring tama ang hinala ni Lizbeth na ang mga tao sa lugar na ito ay may alam tungkol sa mga nilalang na iyon, ngunit walang sinumang nangangahas na magsalita o magbanggit ng kahit na ano tungkol sa kanila. Marahil ay dahil sa takot.
Nararamdaman ko rin na hindi nagsasabi ng totoo si nanay at mayroon siyang itinatago dahil sa totoo lang, parang may iba sa kaniyang kuwento. Pagkakita ko pa lamang sa gubat ay may naalala na ako, ngunit hindi ganoon ang reaksyon ng isip ko sa mga narinig ko.
Pinag-ayos ko na si nanay ng kaniyang mga gamit dahil gusto ko na siyang isama pag-uwi. Kung isasama siya dapat nina mama noon, marahil ay pareho kami ng gustong mangyari. Nang una ay nagdadahilan pa siya, ngunit ginawa ko ang lahat upang pumayag siya kahit pa ang mapilitan siya. Wala naman na siyang dahilan para manatili sa bahay na iyon dahil si Koreen ay tiyak na nakasunod lamang at nagkukubli sa kung saan, nagmamasid sa amin. Hindi ko man makita, alam kong ikatutuwa niya kung ilalayo ko si nanay sa lugar na ito.
Bitbit ang iilang damit ay nilisan namin ang bahay na iyon. Ibinilin niya pa ang kaniyang alagang aso kay Emma. Papalabas pa lamang kami sa halos giba ng tarangkahan ay muli pa siyang lumingon. Maluha-luha siya na para bang ang bigat sa kaniyang dibdib na umalis. Marahil ay mayroong nabuong masasaya at magagandang alaala roon kaya ganoon siya.
Nasa kapatagan na kami nang matigilan siya.
“Bakit po, `nay?” untag ko sa kaniya nang lumingon siya sa aming pinanggalingan.
“May nakalimutan ako, Anya. Kailangan kong balikan `yon,” maluha-luha niyang tinuran. “`Yon na lang ang natitirang alaala sa akin ng aking asawa.”
Napakunot ang aking noo at nagtinginan kami ni Lizbeth. Bakit ganoon? Kanina lamang ay parang galit na galit siya sa tatay ko.
“Sasamahan ko na po kayo,” alok ko. Sa halip na matuwa ay pinigilan niya akong sumunod sa kaniya.
“Dito na lang kayo, sandali lang ako,” wika niya. “Hintayin n`yo na lang ako para hindi na kayo mapagod.”
Hindi na namin siya napigilan. Kahit si Alvin na nagpresentang siya na lang ang sasama ay hindi niya pinayagan. Matagal-tagal din kaming naghintay.
Makalipas ng ilang sandali ay nagambala kami ng mga sigaw na umalingawngaw sa paligid. Ang mga ibon ay nagliparan na para bang nabulahaw sa kanilang pananahimik. Hindi nagtagal ay tumatakbong dumating ang alaga niyang itim na aso at lumapit sa amin na para bang mayroong ibig sabihin.
Nang lumapit ito sa akin ay marahan kong hinimas ang kaniyang likuran. “Ano’ng problema? Ano ang ingay na `yon?” tanong ko, batid ko man na hindi naman siya sasagot.
Nagulat na lamang ako nang maramdaman kong may basa akong nahawakan at nang tingnan ko ang aking kamay ay mayroong sariwang dugo roon. Kinutuban ako ng masama na para bang binuhusan ako ng malamig na tubig.
“`Nay!” sigaw kong umalingawngaw sa tahimik na kagubatan.
Tumatakbo kaming bumalik sa aming lumang bahay. Doon ay natagpuan ko ang aking ina na yakap ang naka-frame na larawan ng lalaking maaaring tatay ko. Duguan siya at wala nang buhay.
Nanghina ako at nagsipatakan ang aking mga luha sa naabutan ko. Muling umalingawngaw sa paligid ang aking palahaw.
***