NILAMON NA ng katahimikan ang gabi at malalim na ang tulog ng lahat, ngunit nananatili pa rin akong gising. Hindi ako makaramdam ng antok, samantalang alam kong pagod na pagod ako sa biyahe maghapon. Tuwing ipipikit ko ang aking mga mata, kung ano-anong eksena ang nai-imagine ko sa maaaring mangyari bukas kapag nakaharap ko na ang aking ina. Maya’t maya naman akong napapahawak sa aking tiyan dahil nakararamdam ako ng gutom. Sapat naman ang kinain ko kanina at ngayon lang ako nakadama ng ganito.
Hindi rin lang naman ako makatutulog kaagad, dahan-dahan na lamang akong bumangon upang hindi ko magising si Lizbeth. Tahimik akong lumabas sa aming kuwarto at bumaba sa lobby ng villa. Hindi naman ako nabigo nang makita kong bukas ang bilihan ng pagkain. Nang sumilip ako sa loob ay tulog na tulog sa duyan ang babaeng bantay roon.
“Excuse me po,” wika ko. Makailang ulit ko pang tinawag ang kaniyang pansin bago siya tuluyang magising at makita ako.
Pupungas-pungas siyang lumapit sa akin habang inaayos ang nagulo niyang buhok. “Ano ho `yon, ma’am?” kaagad niya namang tanong sa akin.
“Pabili naman ako ng biscuit saka pahingi na lang isang basong tubig,” tugon ko at kaagad naman siyang tumalima.
Pinapili niya ako ng biscuit bago siya kumuha ng tubig. Pipihit na sana ako papunta sa bakanteng silya na hindi kalayuan sa kaniya nang tawagin niya ako.
“Ma’am, dito na lang ho kayo sa loob kumain, malamig d’yan.” Nakangiti niyang binuksan ang maliit na pinto sa kaniyang puwesto para makapasok ako.
Bumungad naman kaagad sa akin ang isang maliit na lamesita at bakanteng silya. Sa bandang loob ng tindahan ay ang maliit na telebisyon na mahina lamang ang volume. Muli siyang naupo sa duyan saka tumingin sa akin habang kumakain ako.
“Hindi ho ba kayo makatulog?” urirat niya sa akin. Sa tantiya ko ay teenager pa lamang siya dahil batang-bata pa siyang tingnan. “Kayo `yong kausap ni Aling Babang kanina, hindi ho ba?”
Tumango ako. “Excited lang siguro akong makita ang nanay ko bukas,” tugon ko naman sa kaniya. “Matagal ka na ba rito?”
Napaisip siya. “Mga dalawang taon na rin ho. Namasukan ako rito para makatulong sa mga magulang ko. Mahirap ho kasi ang buhay sa panahon ngayon. Kailangang-kailangan ng pera.”
“Oo nga, e,” pagsang-ayon ko. “Kung gano’n, kilala mo ba si Koreen?”
Napangiti siya bigla nang mabanggit ko ang pangalang iyon. “Ay, oho!” naibulalas niya. “Siya ang ate ko rito, kaya lang umalis siya. Matagal na rin kaming hindi nagkikita. Sabi ni Aling Babang, baka raw nagtrabaho sa malayo.”
Ang kaniyang ngiti kanina ay dagling nahalinhan ng lungkot. Matapos niyang sabihin iyon ay parang natigilan siya at tinitigan ako.
“Magkamukha ba kami?” Inunahan ko na siya. Alam kong iyon rin ang magiging puna niya. “Kapatid ko raw siya sabi nila. Nasa lungsod nga siya ngayon at nagkita na kami.”
“Hala!” muli niyang naibulalas. “Ikaw siguro ang ikinukuwento niyang kapatid niya na nawawala. Kaya pala…”
“Bakit?” Nagtaka ako.
“Kaya ho pala kinausap ako ni Aling Babang kanina na samahan ko raw kayo bukas kay Aling Milagros,” pag-amin niya. “Sana lang maging maganda ang panahon bukas dahil kung sakali mang umulan, mahihirapan tayong pumunta sa tinitirhan niya ngayon.”
Nabahala ako at napatingin sa labas, wala man akong naaninag dahil madilim ang paligid. Hiniling ko na lamang na sana ay makiayon sa amin ang panahon.
“Bakit siya iniwanan ni ate nang mag-isa ro’n?” urirat ko nang maisip ko ang mga nilalang na sumusunod sa akin. Umaasa na lamang ako na mayroon siyang kasama dahil ang sabi ni Aling Barbara ay naroon siya ngayon sa lumang bahay sa bundok.
“Umupa ho si Ate Koreen ng maliit na kuwarto sa bayan, do’n na talaga sila nakatira,” walang paligoy-ligoy niya namang sagot. “Kaya lang, nang umalis si ate, mga ilang linggo lang ay bigla rin siyang nawala. Hanggang sa may nakapagsabi sa amin na dumating siya galing sa kung saan at bumalik sa luma nilang bahay dahil baka raw dumating ang anak niya at wala itong madatnan. Sa wari ko, kayo ang tinutukoy niya ro’n.”
Natuwa ako sa mga kuwento niya sa akin sa kabila ng pag-aalala ko. Hindi pa man kami nagkakaharap at nasisiguro ko nang mahal ako ng aking tunay na ina dahil hanggang sa kasalukuyan ay umaasa pa rin siyang babalik ako. Nangilid ang aking mga luha sa mata, ngunit hindi ko na hinayaan pang pumatak iyon. Nagpaalam na rin ako sa babaeng nagpakilalang Emma upang bumalik na sa aming kuwarto at matulog.
Pagkalipas ng halos kalahating oras ay hindi pa rin ako makatulog. Bigla na lamang umalinsangan ang panahon, ganoon pa man ay hindi ko pa rin inalis ang pagkakatalukbong ko ng kumot dahil natatakot pa rin ako sa paligid. Lalo pa’t nasa ibang lugar kami, hindi katulad sa bahay na sa pagkagat ng dilim ay naka-lock na ang mga pinto at bintana. Pabaling-baling ako sa kaliwa at kanan, hindi ko na rin idinidilat ang aking mga mata para lamang makatulog, ngunit talagang nahihirapan ako. Mula sa aking pagkakayakap sa unan ay binitiwan ko iyon at tumihaya ako. Bahagyang nabawasan init na nararamdaman ko hanggang sa hindi naglaon ay dinalaw na rin ako ng antok.
Hindi ko alam kung gaano katagal na akong nakatulog. Napukaw na lamang ang aking diwa nang maramdaman kong mayroong humahatak sa aking kumot pababa. Pipigilan ko sana iyon ng aking kamay, ngunit parang nagtayuan ang aking mga balahibo nang matutop kong hindi na naman ako makagalaw.
Gusto kong mag-panic. Gusto kong magsisigaw sa takot at gumawa ng ingay, ngunit hindi ko magawa. Hindi ko na lamang idinilat ang aking mga mata sa takot na muli ko na namang makita ang nilalang na iyon. Mayamaya lamang ay biglang bumilis ang t***k ng aking puso nang maramdaman kong may sumampa sa higaan namin dahil biglang lumubog sa may paanan ko. Ilang segundo lang ay bigla na lamang bumigat ang aking dibdib na para bang may nakadagan sa akin. Hindi ko na naiwasang dumilat nang makaramdam ako ng magagaspang na mga kamay na bigla na lamang sumakal sa akin. Isang nakakatakot na nilalang ang bumungad sa aking paningin.
Isang kakaibang nilalang na iba sa nauna. Malaki ang kaniyang maitim na katawan at nakapatong siya sa akin. Payat tingnan ang kaniyang mga kamay ay mahahaba ang kaniyang mga daliri kaysa normal. Ngunit kung pagmamasdang mabuti ay maaari niyang pahabain ang kaniyang mga braso kung kaniyang nanaisin. Naalala ko ang kaniyang anino sa aking mga naunang bangungot.
Nakakikilabot ang titig ng kaniyang mapupulang mga mata. Ramdam ko ang panginginig ng aking buong katawan at naisin ko mang malaban ay hindi ko magawa. Lalo niyang diniinan ang kaniyang pagkakadagan sa aking dibdib at hinigpitan pa ang kaniyang pagkakasakal sa akin. Habang lalo akong nahihirapang huminga ay palakas naman nang palakas ang kaniyang pagtawa, hanggang sa matigilan siya at banggitin ang aking pangalan.
“Mirasol, sa akin ka na lang,” bulong niya sa kin kasabay ng kaniyang pag-amoy sa akin. Matapos iyon ay muli siyang tumawa.
Napaluha ako. Mawawalan na sana ako ng pag-asang makawala sa kaniya kung hindi ko lamang naalala ang mga itinuro ng daddy ni Zachary. Dahil sa ang aking balintataw lamang ang naigagalaw ko ay sinikap kong makita kahit mula man lamang sa sulok ng aking mga mata ang aking kanang kamay. Ayaw mang makisama ng aking katawan ay pinilit kong maigalaw ang aking mga daliri. Sinubukan ko ring gawin iyon sa aking mga daliri sa paa.
Naramdaman kong napabalikwas ng bangon si Lizbeth at mahigpit siyang napahawak sa aking kaliwang kamay habang tinatawag ang pangalan ko. Hindi naman ako nabigo, kahit mahigpit pa rin ang kaniyang pagkakasakal sa akin ay naigalaw ko ang aking dalawang kamay at inundayan ko siya ng mga sampal sa mukha at suntok sa dibdib. Nanghihina man ako, ibinigay ko ang lahat ng natitira kong lakas para lamang makawala sa kaniya.
Napabitiw siya sa kaniyang pagkakasakal sa akin upang harangin ang pagtama ng aking mga suntok at sampal sa kaniya. May pagkakataong nahuhuli niya ang aking kamay, ngunit buong lakas kong binabawi iyo dahil hindi na ako muli pang magpapasakal sa kaniya. Muli ko naulinigan ang mga sigaw ni Lizbeth sa aking pangalan, at hindi naman nagtagal ay boses ni Zachary na ginigising ako at pinakakalma.
Patuloy akong nanlalaban, nanginginig man ako sa takot. Hindi niya ako maaaring mapatay o makuha dahil kailangan ko pang makita ang nanay ko. Maaaring sila ang dahilan kung bakit nagkalayo kami, kaya hindi na ako makapapayag na tuluyan na nilang hindi pagtagpuin ang aming landas.
Habang patuloy ang pag-atake ko sa mistulang halimaw na nakadagan sa akin ay unti-unting nagbabago ang kaniyang anyo. Lumabo man ang aking paningin nang dahil sa aking mga luha ay naaninagan ko iyon. Sa ilang kurap lamang ay si Zachary na ang tumambad sa akin at hinaharang ang aking mga kamay. Tuwing magkakaroon siya ng pagkakataon ay marahan niyang tinatapik at pinipisil ang aking mukha.
“Mira, gumising ka!” bulyaw niya. Nang dahil doon ay tila nagising ako sa katotohanan. Nakaluhod pa rin siya sa aking tabi nang mapabalikwas ako ng bangon.
Muli kong naramdaman ang mahigpit na pagkakahawak ni Lizbeth sa akin habang habol-habol ko ang aking paghinga. Sinubukan akong pakalmahin ni Zachary sa pamamagitan sa paghagod sa aking likuran. Nanghihina kong pinunasan ang aking mga luha at pawis ng aking kamay.
Nanginginig pa rin ako nang mapatingin ako kay Zachary. “Nasaktan ba kita? I’m sorry,” wika ko. Kumapit ako sa kaniyang kaliwang braso na nakatukod sa tagiliran ko.
“It’s okay.” Lumingon siya at nakita ko ang pagdating ni Alvin na may dalang tubig. Kinuha niya iyon at ibinigay sa akin.
Matapos kong uminom ay nabaling ang aking tingin sa bintana na ipinagtaka ko. Hinihipan ng hangin mula sa labas ang kurtina nang nakabukas na bintana.
“Sino’ng nagbukas ng bintana? Sinarhan ko `yan kanina, hindi ba Liz?” sita ko na sinang-ayunan naman ni Lizbeth.
“Nakabuka na `yan kanina pagdating ko. Galing ako sa banyo nang mapansin kong nakabukas din ang pinto ninyo kaya sumilip ako,” paliwanag niya sa akin.
Batid kong hindi siya nagsisinungaling, ngunit palaisipan sa akin kung sino nga ba ang nagbukas noon. Posible kayang may nakasunod sa akin nang pumasok ako mula sa ibaba kanina?
“H’wag ka munang bumalik kaagad sa pagtulog,” payo ni Zachary. “Siguro dito na kami matutulog ni Alvin para makasiguro. Dito na lang kami sa sahig.” Lumingon muli si Zach kay Alvin at iinabot ang baso.
“Kukunin ko po `yong mga unan at kumot sa kabila,” tinuran naman ni Alvin bago lumabas ng aming kuwarto.
Napatitig ako sa aking mga kamay na patuloy pa rin sa panginginig. Muli kong naalala ang mga nakita ko. Naluluha akong tumingin kina Zachary at Lizbeth. “Nakita ko na rin `yong sinasabi ni Jamaika. Hindi ako maaaring magkamali,” natatakot kong isinatinig.
Hindi ko mabasa sa mga mata nina Zachary at Lizbeth kung ano ang iniisip nila. Hindi ko alam kung nakita ba nila o sadyang ako lang talaga ang gusto nilang gambalain. Muli kong naramdaman ang hiya sa kanila. Pakiramdam ko rin pabigat na ako at masyadong mahirap pakisamahan. Napupuyat sila, nag-aalala, natatakot at naaabala nang dahil lang sa akin. Minsan, iniisip kong ako na lamang mag-isa ang humarap sa mga suliranin ko at huwag na silang idamay pa. Ipauubaya ko na lamang sa langit at tadhana ang aking kapalaran.
“Sorry!” nahihiya kong tinuran. “Sorry talaga kung masyado na kayong nadadamay. Iwanan n`yo na lang ako para kung anumang panganib ang nakabuntot sa `kin, hindi na kayo madamay pa.” Sa pagkakataong ito ay hindi ko na magawang tumingin sa kanila ng diretso—silang hindi naman responsibilidad na problemahin at samahan pa ako.
“Kahit ano’ng sabihin mo, hindi ka namin iiwanan,” mariing sagot ni Lizbeth. “Nang sumama kami, alam na naming mapanganib lalo pa’t may mga nakikita ka nang nilalang kahit hindi ka naman nananaginip. Akala mo ba magiging masaya kami kapag napahamak ka habang ligtas kami at walang nagawa?”
“Kapag `yan ang ginawa namin, habambuhay naming pagsisisihan,” dugtong naman ni Zachary. “Mahal ka namin, kaya nandito kami.”
Niyakap nila ako at hindi naman iyon nagtagal. Bago humiwalay sa akin si Zachary ay dinig ko na ang mga yabag na paparating na alam kong si Alvin. Nang mabaling ang aking tingin sa likuran ni Zachary ay nakita ko ang nilalang na kawangis ng isang ahas na nakatayo malapit sa pader.
“Zach!” sigaw ko sabay turo sa kaniya.
Kasabay ng pagtilapon ng mga unan na dala ni Alvin at sigaw niya dahil sa gulat ay ang mabilis na pagtakbo ng nilalang na iyon palabas sa bintana. Nagmamadaling tumakbo palabas ang dalawa upang habulin iyon. Si Lizbeth naman ay tumakbo papunta sa may bintana.
“Zach, bumalik kayo!” sigaw kong umalingawngaw sa paligid, ngunit hindi ko sila napigilan.
***