"IYAN ANG bestidang suot mo nang matagpuan ka nina mama sa kalsada at maaaring makatulong para makilala ka ng iyong tunay na mga magulang kung sakaling matagpuan mo sila at makilala,” malungkot na tinuran ni kuya. “S’yempre papayagan kita dahil karapatan mo `yan. Hindi kita ikukulong sa buhay ko. Ang tanging hiling ko lang, sana manatili kitang kapatid.”
Paulit-ulit kong naririnig sa aking isipan ang mga naging kasagutan ni Kuya Symon. Nagdudulot iyon ng kurot sa aking puso. Wala naman akong balak na iwanan siya. Sa kaniya at sa kaniya pa rin ako babalik, gusto ko lamang makita ang pinanggalingan ko at tuklasin ang misteryong bumabalot sa aking buong pagkatao. Kung bakit may mga nilalang na ganoon na palaging nandiyan para sa akin at ibig akong kunin. Minsan, mayroon akong isang nakakatakot na tanong mula nang makaharap ko ang isa sa kanila.
Kaya ba nila ako hinahabol dahil isa ako sa kanila? Sila ba ang pamilyang pinanggalingan ko?
Nakakatawa mang isipin, ngunit bigla itong napabilang sa aking mga hinala na sana ay hindi totoo sapagkat hindi ko makakayang tanggapin. At maaaring napakaimposible na niyon dahil kung mayroon mang sigurado sa pagkatao ko, iyon ay ang tao ako.
Kasalukuyan kaming nasa biyahe patungo sa probinsiya kung saan sinasabing una akong natagpuan. Hindi ako nasamahan ni kuya dahil ang sabi niya, may mga kailangan siyang gawin na gustuhin niya man ay hindi niya maiiwanan sapagkat walang kasiguraduhan kung kailan kami makababalik, ngunit hindi ako naniniwala. Marahil ay masakit lamang sa kaniyang loob ang aking naging desisyon. Pinakiusapan niya raw si Zachary na sumama para panatag ang kaniyang loob na makababalik ako ng ligtas. Ayaw man naming pasamahin si Lizbeth dahil nararamdaman kong mapanganib ay nagmatigas siya. Kasama naman daw ang pinsan niya at si Alvin. Iginiit niyang kailangan ko siya sa kabanatang ito ng aking buhay.
Dumiretso kami sa munisipyo na nakasasakop sa lugar kung saan umano ako nakita. Nagtanong kami roon kung mayroon silang alam na batang babae na nawawala sa taong nakalagay sa dala kong kopya ng report nina mama sa pulisya upang makarating sa kaalaman ng naghahanap sa akin kung mayroon man. Ngunit wala raw silang nalaman tungkol sa kasong iyon at wala ring humingi ng tulong para mahanap ang nawawalang bata.
“Mayroon daw tayong madadaanang villa sa daan palabas sa kabayanan kung sa direksyong ito tayo dadaan,” wika ni Zachary. “Doon na muna tayo magpalipas ng gabi. Hindi natin kabisado ang lugar na ito at lalong hindi natin kilala ang mga tao kaya wala tayong ibang mapupuntahan. Isa pa, delikadong abutin tayo rito ng dilim.” Makahulugang tumitig sa akin si Zachary na para bang naniniwala na siya sa akin na mayroong sumusunod sa amin.
Natagpuan nga namin ang lumang villa na sinabi sa kaniya ng isa sa mga nagtatrabaho sa munisipyo. Natuwa kaming makita na maliban sa amin ay may mga bakasyonista na tumutuloy roon kaya nabawasan ang aming pag-aalala.
“May dalawang kuwarto pang bakante sa taas, do’n na lang kayo.” Magiliw kaming sinamahan ng isang matandang babae patungo sa sinasabi niyang mga kuwarto. “Pasensiya na kayo at may kalumaan na ang lugar namin.”
Maayos naman doon at malinis. Magkatabi rin ang dalawang kuwarto kaya lalo naming nagustuhan. Mayroon din itong malaking bintana kung saan matatanaw ang magandang tanawin sa labas. Tanaw na tanaw at dinig mula roon ang lagaslas ng tubig mula sa malapit na talon. Nakahahalina ring pakinggan ang huni ng mga ibon at ang sariwang ihip ng hangin.
“Sige po, mag-stay po kami rito ng ilang araw,” nakangiti kong tinuran sa matanda na kaniya namang ikinatuwa.
“Ako nga pala si Barbara at anak ko ang namamahala rito,” pagpapakilala niya. Napansin kong maya’t maya niya akong tinitingnan,
“Bakit po?” sita ko sa kaniya na para namang ikinagulat niya.
“May kamukha ka kasi,” sagot niya naman. “Kamukha mo `yong anak ng kaibigan ko.”
Magsasalita pa sana siya, ngunit tinawag ng isa pang babae ang kaniyang pansin. Nagpaalam siya sa amin at nagmamadaling bumaba upang sagutin umano ang isang tawag. Nagpalit lang muna kami ng damit at hindi nagtagal ay nagpasyang bumaba upang maghapunan. Doon ay muli kong nakita ang matanda na abala sa pagpapahanda ng mga pagkain. Nang magtama ang aming paningin ay bigla akong kinabahan. Sa pagkakataong ito ay lalong naging makahulugan ang kaniyang mga titig sa akin. Isang hinala naman ang nabuo sa aking isip kaya hindi na ako nagsayang pa ng panahong lapitan siya.
“Kilala n’yo po ba ako?” walang paligoy-ligoy kong tanong na ikinagulat niya naman.
Binawi niya ang kaniyang tingin sa akin at pasimpleng lumunok ng laway na para bang kinakabahan at nag-aalangan kung sasagot ba siya o hindi.
“Nagpunta po ako rito kasama ang aking mga kaibigan upang hanapin ang tunay kong mga magulang,” saad ko. Napansin kong namilog ang kaniyang mga mata. “Bata pa po ako nang mawala ako at kupkupin ng mag-asawang taga-lungsod. Nawalan ako ng alaala at ngayon ko lang nalaman na ampon ako. Ang sabi po nila, sa lugar na ito raw ako natagpuan.”
Muli siyang napalunok. Unti-unti siyang tumingin sa akin saka nagwika, “Unang kita ko pa lamang sa `yo, si Koreen na ang naalala ko.”
May pag-aalinlangan pa sa tono ng kaniyang pananalita. Inalok niya akong maupo sa pandalawahang mesa habang sina Lizbeth ay pumipili na nang makakain namin.
“Koreen?” marahan kong bulong sa aking sarili. Siya marahil si K. “Nasaan po ngayon si Koreen?”
Umiling-iling siya. “Hindi ko alam, hija,” sagot niya. “Matagal ko na siyang hindi nakikita. Nagtatrabaho siya rito dati hanggang sa may mag-asawang tumuloy rito. Palagi ko silang nakikitang magkausap. Tapos nang umalis `yong dalawa, hindi na rin siya pumasok. Ang duda ko, inalok siya ng trabaho sa lungsod noong mag-asawa dahil nakita ko siyang tuwang-tuwa.”
Hinanap ko sa aking cellphone ang ilang larawan at ipinakita ko ito sa kaniya. “Ito po ba si Koreen?” tanong ko. Ipinakita ko rin sa kaniya ang larawan ng babaeng nakaitim na nakita namin sa CCTV.
Napamulagat ang matanda sa kaniyang nakita. “Aba, siya nga!” naibulalas niya.
Noon ay nakumpirma ko na totoo ang sekretong nalaman ko. Hindi ko na napigilan pa sa pagpatak ang aking mga luha na napansin ko namang ikinabahala ng matanda.
“Bakit ka umiiyak?” urirat niya sa akin.
“Mayro’n po ba siyang kapatid?” muli kong tanong.
“Mayro’n siyang bunsong kapatid, pero ang alam ko bata pa ito nang mawala,” sagot niya na lalong nagpaluha sa akin. “Maraming usap-usapan na patay na raw `yong bata, pero hindi naman nakita ang katawan niya. Matagal siyang hinanap ng mag-ina hanggang sumuko na lang sila. Matagal nilang ipinagluksa amg pagkawala ni Anya. Ang kanilang ina ay halos masiraan ng bait.”
“Anya? Anya ang pangalan niya?” naibulalas naman ni Lizbeth na hindi ko namalayang nakatayo sa aking tabi. Dahil na rin marahil sa paglabo ng aking paningin dahil sa mga luhang hindi ko mapigil.
“Bakit ka ba iyak nang iyak na bata ka?” muling untag sa akin ng matanda na hindi na nakapagpigil pa kaya’t pinunasan niya ng kaniyang balabal ang aking mga luha.
Dagli ko namang hinawakan ang kaniyang mga kamay at inilapat sa aking pisngi. “Kung kaibigan n`yo ang nanay ni Koreen, at siya mismo ay matagal ninyong nakasama, ako po ba hindi ninyo naaalala? Tingnan n`yo akong mabuti.” Hinigpitan ko ang aking pagkakahawak sa kaniyang kamay.
“Ay Diyos ko, ikaw nga!” naibulalas niyang muli at nangilid na rin ang luha sa kaniyang mga mata. “Ano’ng nangyari sa `yo?”
Ipinakita ko sa kaniya ang peklat sa aking panga at isa pa sa aking likuran na kanina niya pa pala napansin dahil nakasuot ako ng itim na spaghetti strap dress. Habang ang akin namang buhok ay nakatirintas. Manghang-mangha siyang tumitig sa akin.
“Hindi ko po maalala,” emosyunal kong sagot. “Nawalan po ako ng alaala kaya nandito ako para hanapin ang sagot sa mga tanong ko.”
“Ang mahalaga, buhay ka.” Maluha-luha siyang ngumiti sa akin.
“Ang aking ina, nasa’n po ba siya? Ituro n’yo naman sa `kin kung saan siya makikita?” pakiusap ko sa kaniya.
Ngayong nakatagpo ako ng taong nakakikilala sa tunay kong pamilya, para bang nakadama ako ng pagkasabik. Kahit na nga ba tuluyan nang kumagat ang dilim ay kaya ko itong suungin at labanan ang takot makita ko lamang siya. Lalo na’t nalaman kong hindi pala naging maganda ang kaniyang sinapit dahil sa aking pagkawala. Masaya akong malaman na hinanap nila ako, na siyang bumura sa lahat ng aking sama ng loob.
“Maghunos-dili ka, hija,” saway niya sa akin. “Pasasamahan kita roon pero hindi ngayon. Ipagpabukas n`yo na lamang dahil delikado sa kakakahuyan tuwing gabi. Maraming mga ligaw at mababangis na hayop.”
“Maraming salamat po.” Napayakap ako sa kaniya. “Kaya po pala dito kami napadpad dahil makikilala ko kayo.”
Halo-halong emosyon ang naghari sa aking puso. Tiyak na magiging napakahaba ng gabing ito para sa akin. Sinubukan kong kontakin si Kuya Symon, iyon nga lang ay mahina ang signal sa lugar. Kung ano man ang kaniyang ginagawa ngayon, sana ay huwag siyang mag-alala. Ipinapangako kong babalik ako sa kaniya kasama ang aking ina. Muli kaming bubuo ng pamilya kasama sila. Mag-iipon ako ng mga masasayang alaala kasama sila kapalit ng nawala at ng masamang pangyayaring nagpahiwalay sa amin.
“Best?” pagbasag ni Lizbeth sa katahimikan. “Hindi ka ba makatulog?”
Mula sa pagkakatayo sa may bintana at paglanghap ng sariwa at malamig na hangin ay nilingon ko siya. Isinara ko muna ang bintana bago ako tumabi sa kaniya sa higaan.
“Hindi, e,” sagot ko. “Gusto ko na ngang sumikat na ang araw. Excited na akong makita ang tunay kong ina.” Humiga ako sa kaniyang tabi at niyakap ang unan na nasa pagitan naming dalawa.
“Masaya ako para sa `yo. Mabubuo mo na ulit ang sarili mo.” Ngumiti siya sa akin nang tila manunukso. “May bonus pa, alam kong totoong mahal ka ni Kuya Zach.”
Napabuntong-hininga ako. “Nakakapanghinayang nga, e,” malungkot kong tugon sa kaniya. “Sana matagal ko na siyang nakilala.”
“Okay lang `yon!” mariin niyang tinuran. “Kung sakaling kayo nga ang para sa isa’t isa, magkakasama kayo ng matagal. Magkakasama kayo for the rest of your lives.”
“Paano kung bilang na ang mga huling sandali?” Malungkot ko siyang tiningnan, umaasang mauunawaan niya ang takot na gusto kong ipahiwatig sa kaniya.
Napakunot ang kaniyang noo. Napabalikwas siya ng bangon, ngunit hindi niya inalis sa akin ang masama niyang tingin. “H’wag ka ngang magsasalita ng ganyan!” tila galit niyang wika. “Noong magtangka kang magpakamatay, alam mo ba kung gaano ako natakot? Alam mo bang halos magwala si Kuya Symon sa takot noong araw na `yon habang inaagapan ka ng mga doktor? Alam mo rin bang umiiyak ang pinsan ko habang buhat-buhat ka niya na halos hindi ka niya mabitiwan pagdating natin sa ospital?” Tuluyan na siyang umiyak.
“H’wag ka ngang umiyak diyan!” saway ko sa kaniya. “Nagtatanong lang naman ako. Hanggang kaya ko, lalaban ako para mabuhay. Sorry sa nagawa ko, hindi ko sinasadya. Hindi ako nakapag-isip ng maayos. Basta ang gusto ko lang noon, matakasan `yong nakita ko dahil hindi ko gustong makuha nila ako at ayaw ko ring may mapahamak na naman sa inyo.”
“Na naman?” naibulalas niya. “Ano’ng ibig mong sabihin?”
“Unti-unti ko nang nakukumpirma ang hinala ko na ang mga sinasabi kong nilalang na nasa paligid lang natin ang siyang may kinalaman sa pagkamatay nina mama at papa,” paliwanag ko sa kaniya. “May mga kalmot sila sa katawan na hindi maipaliwanag at natitiyak kong hindi sa aksidente. `Yong nagpakita sa akin sa coffee shop, matatalas ang mga kuko niya.”
“Mira!” Napayakap si Lizbeth sa kaniyang sarili. “Kinikilabutan ako sa `yo. Bakit ngayon mo lang sinabi?”
“Kasi baka hindi kayo maniwala.” Umayos ako sa pagkakahiga. “Alam mo bang natatakot akong matulog ngayon, kaya lang alam kong kailangan ng katawan ko.” Hinawakan ko ang kaniyang kamay.
“Nandito naman ako. Magpahinga ka na, magiging mahaba ang araw natin bukas.” Nahiga na rin siya. Dinig ko ang kaniyang buntong-hininga. “H’wag na nating patayin ang ilaw. Natatakot din ako.”
“Liz, pakiramdaman mo ako palagi, ha? Gisingin mo ako kaagad kapag may napansin kang kakaiba sa akin,” bilin ko sa kaniya at kaagad naman siyang tumango.
May gusto pa sana akong sabihin sa kaniya, ngunit hindi ko na naisatinig pa. Malalaman niya rin iyon kapag nabulgar na ang lahat. Magiging malinaw din sa kaniya kung bakit ko nasabi ang mga tinuran ko.
Hindi ko na rin sinabi na may iba pa akong natuklasan.
***