Horrible Hint

2062 Words
TUWING IPIPIKIT ko ang aking mga mata, ang kaniyang nakatitig na mukha ang aking nakikita. Tuwing makaririnig ako ng kaluskos, pakiramdam ko nandiyan na naman siya. Sumisilip. Nag-aabang. Nagtatanong sila kung ano ang nangyari at kung bakit ko naisipang gawin iyon, ngunit hindi ako makasagot. Hindi ko alam kung ano ang dapat kung isagot at kung paano ko ipaliliwanag ang aking mga nakita na paniniwalaan nila ako. Narinig ko ang sinabi ng doktor. Hindi ko man masyadong naintindihan, ang sabi niya ay may sakit ako sa puso at iyon ang dahilan kung bakit nahirapan akong huminga at nawalan ng malay. Labis raw akong natakot o naging emosyunal. Malaki ang pasasalamat nila kina Lizbeth at Zachary dahil nahuli nila ako at naagapan. Lumabas si Zachary para bumili ng pagkain. Nakaka-guilty na maging siya ay hindi pumasok nang dahil sa akin. Si kuya naman ay sumaglit lang sa kompanya upang ibilin muna kay Tita Mildred ang lahat ng kailangan niyang gawin. Tanging sina Lizbeth at Ate Faith ang napilitang umalis, kahit nakikita ko sa kanilang mga mata na ayaw nila akong iwanan. Bigla na lamang bumukas ang pinto kaya napapitlag ako. Mula sa pagkakaupo sa hospital bed ay mabilis kong hinatak ang puting kumot at nagtalukbong ako. Nanginginig ang aking laman habang naghihintay sa susunod na mangyayari. “Mira, ako lang `to,” naibulalas ni Zachary. Naulinigan ko ang nililikhang tunog ng dala niyang plastic nang ilapag niya ito sa side table. Marahan kong hinila pababa ang kumot at sinilip siya kung totoong si Zachary talaga iyon. Nakatunghay siya sa akin na tila takang-taka. “Okay ka lang ba?” urirat niya. “Ako lang `to, huwag kang matakot.” Marahan niyang hinawakan niya ang aking paa. “I-lock mo ang pinto, baka may makapasok,” wika ko. Napatitig ako sa hawakan ng pinto na akala ko ay gumagalaw at may nagtatangkang pumasok mula sa labas. “No need, nandito naman ako.” Marahan siyang lumapit sa akin at naupo sa gilid ng hospital bed habang mataman pa rin akong pinagmamasdan. “Ano ba talaga’ng nangyari? Bakit ka nagkakaganyan? Sabi mo ayaw mo pang mamatay, pero bakit nagtangka kang mag-suicide?” “It’s the least I can do to save you all from them,” saad ko. “Kapag wala na ako, wala na silang susundan at pagtatangkaang kunin. Wala na silang dahilan para saktan pa ang mga mahal ko.” Nagsimula na namang pumatak ang aking mga luha, lalo na’t unti-unti ko nang nakukumpirma na may kinalaman sila sa aksidente nina mama at papa. “Sino’ng sila at sino ba’ng sinaktan?” naguguluhan niyang tanong sa akin. “May isang nagpakita sa akin, nakakatakot siya.” Napahagulhol ako ng iyak kaya niyakap niya ako. Habang yakap niya ako ay inilarawan ko sa kaniya ang nilalang na iyon, ang aking mga hinala at takot. Hindi ko makita ang reaksyon sa kaniyang mukha kaya hindi ko masiguro kung ang tao bang nagiging karamay ko ngayon ay naniniwala sa akin o nagdududa sa lagay ng pag-iisip ko. Ang tanging alam ko lamang ay napatunayan niya nang totoo ang inamin niyang damdamin sa akin, hindi lamang dahil dama ko ang t***k ng kaniyang puso kung hindi dahil na rin sa hindi niya panghuhusga at paglayo sa kabila ng kaniyang mga nasaksihan. Hindi siya tumutugon. Wala siyang binibitiwang mga salita, nakinig lamang siya. Hinayaan niya lang akong ilabas ang takot na unti-unting nagpapahina sa akin at dumudungis sa aking katinuan. “Hindi ba’t nabanggit ng daddy mo na minsan, hereditary ito, kung tama man ang hinala ko? Kung makikita ko ba ang tunay kong mga magulang. Matulungan kaya nila ako?” urirat ko kay Zachary nang maalala ko iyon. Marahan siyang humiwalay sa kaniyang pagkakayakap sa akin at tiningnan ako. “Hindi natin masasabi, pero p’wede nating subukan.” “Baka kapag nakaharap ko na sila, magbalik na ang nawawala kong alaala,” muli kong tinuran na ikinagulat niya. Naalala kong hindi ko pala iyon nasabi sa kaniya. “Nawalan ka ng alaala?” naibulalas niya dala ng gulat sa aking sinabi. Tumango ako bilang sagot. “Nawala sa akin ang alaala ng pagkabata ko kaya hindi ko alam kung paano ako nahiwalay sa kanila at palaisipan pa ang mga kuwento sa akin ni Kuya Symon na nang mapunta ako sa kanila, hindi raw ako nagsasalita. Umiiyak lang daw ako na para bang na-trauma. Naaksidente pa ako noon, bago ako tuluyang nakapagsimula ng bagong buhay kasama sila,” kuwento ko. Napansin kong tila napapaisip siya. “Kung sa tingin mo, malaki ang maitutulong sa `yo ng alaala mong iyon, sige tutulungan kita,” tugon niyang nagmistulang pangako sa akin. “Sasamahan kita kung kailangan mong hanapin kung saan ka nagmula.” “Hindi ko na mahihintay pa ang tamang panahon na sinasabi ni K,” malungkot kong tinuran. Napatitig ako sa nakasaradong bintana. “Kailangan ko nang kumilos bago pa tuluyang maubos ang oras ko.” “Ano’ng sinasabi mo?” naibulalas na muli ni Zachary na parang natakot sa kaniyang narinig. “Bilang na ang mga oras ko, nararamdaman ko.” Muli akong naluha at upang ikubli iyon ay napansandal ako sa kaniyang kanang balikat at napayakap sa kaniyang braso. “Sana noon pa kita nakilala. Sana hindi naging ganito ang kuwento ng buhay ko.” “Hindi!” mariing tinuran ni Zachary. “Sa susunod na sabihin mo pa `yan, magagalit ako sa `yo.” Binantaan niya ako at alam kong dala iyon ng takot na nabasa ko sa kaniyang mga mata. Habang tumatagal, lalo ko siyang nagugustuhan. Lalong lumalalim ang pagtingin at paghanga ko sa kaniya. Marahil ay biyaya siya sa akin dahil naghintay ako ng tamang panahon sa pag-ibig, hindi nga lang maganda ang sitwasyon ng pagdating niya sa buhay ko. Marami mang nagtangkang manligaw sa akin noon ay wala akong pinagbigyan kahit isa lang dahil wala akong nararamdamang katulad nito at ayaw kong makasakit ng damdamin, kahit hindi man sila maging mabuti sa akin. *** MULA NANG makauwi ako sa bahay ay pinag-iisipan ko na kung paano ko sasabihin kay kuya ang plano kong hanapin ang aking totoong pamilya sa paraang hindi siya masasaktan. Ayaw kong isipin niyang hindi ako masaya sa puder niya. Ayaw kong isipin niyang hindi pa siya sapat. Noong una naman ay ayaw ko nang balikan pa ang nakaraan kung hindi lamang ito nangyari. Nararamdaman kong kailangan ko itong gawin para sa mga kasagutang kailangan ko at buuhin na rin ang sarili ko. Baka alam nila kung paano ako makaliligtas at tuluyang lulubayan ng mga nilalang na iyon na hindi ko na nanaisin pang muling makita dahil baka tuluyan nang bumigay ang puso ko. Pabalik ako sa aking kuwarto mula sa kusina nang mapalingon ako sa kuwarto nina mama at papa. Para bang may kung anong tumatawag sa akin mula roon. Out of curiousity, pumasok ako roon. Binuksan ko ang bintana at hinawi ang kurtinang humaharang sa liwanag mula sa labas kung kaya’t nagliwanag sa loob. Malinis ang buong kuwarto, lahat ng gamit ay nasa tamang ayos. Hindi pinanbabayaan ni Nanay Goring ang kuwartong ito at mga alaalang nandito. Pinananatili niyang malinis at hindi magmukhang malungkot dahil na rin sa mga sariwang bulaklak na amoy na amoy ang halimuyak. Tahimik akong napaupo sa paanan ng kama habang nakatitig lamang sa larawan nilang nakakwadro noong bagong kasal sila. “Mama, Papa, okay lang bang hanapin ko ang mga magulang ko? Hindi ba kayo magagalit sa akin?” nalulungkot kong tanong, batid ko man na wala nang sasagot pa. Bigla ko na lamang naisipan na buksan ang closet at sariwain ang kanilang mga alaala sa mga damit na naroon. Hindi naman siguro masama ang ginagawa ko, sila naman ang naging mga magulang ko sa loob ng maraming taon. Hindi naglaon ay narinig ko ang pagdating ni kuya, kasunod niyon ay ang mga yabag na paakyat at pagbukas ng pinto sa kaniyang kuwarto. Hindi naman siya nagtagal roon at kaagad din siyang bumaba. Lalabas na sana ako dahil nahihiya akong maabutan niyang naroroon, ngunit isang kahon ang umagaw sa aking pansin sa ibaba at sulok na bahagi ng closet. Kaagad kong kinuha iyon at nagulat ako nang makita ko na nakasulat sa takip niyon ang aking pangalan. Muli akong napaupo sa paanan ng kama at nagdadalawang isip na buksan ang kahon na iyon. Ganoon pa man, natalo ako ng koryusidad. Nang buksan ko iyon ay kaagad na bumungad sa akin ang isang bulaklaking bestida at kaagad namang pumasok sa isip ko ang matagal ko nang napapanaginipan na batang babae. Naalala ko ang kaniyang pagtakbo sa madilim na kagubatan, ang kaniyang suot at kalagayan, maging ang umaalingawngaw niyang mga sigaw na humihingi ng tulong. Tinitigan kong maigi ang pambatang bestida at katulad na katulad nga ito ng suot niya. Muling nabaling ang aking tingin sa kahon at naroon din ang isang hair clip na may disentong butterfly na dilaw. Binuklat ko ang isang nakatiklop na papel at doon ay nakasulat ang lugar kung saan nila ako nakuha at kung anong araw. Kasama rin sa kahon ang mga dokumento na nagpapatunay na legal nila akong inampon at ang orihinal na kopya ng birth certificate na ginamit ko sa loob ng ilang taon. Noon ko mas na-realize kung paano nila ako muling binuo mula sa kawalan—binigyan ng bagong pagkakakilanlan at pamilyang nawala sa akin. Nakaramdam ako ng kirot sa aking dibdib kasabay ng aking muling pagluha. Muli akong napatingin sa kanilang larawan. “Ito po ba ang sagot sa tanong ko kanina? Kaya n’yo ba ito itinago para sa pagdating ng araw na kailangan ko na silang hanapin?” Nanginginig kong pinunasan ang aking mga luha. “Salamat po. Maraming salamat po talaga. Utang ko sa inyo ang buhay ko. Kung nasa’n man kayo ngayon, sana patuloy n’yo akong gabayan hanggang sa malampasan ko ang lahat ng ito. Kung totoo man po ang aking hinala, patawarin ninyo ako.” Inayos ko ang closet nila, lumabas akong dala ang kahon at ang damit na hindi ko mabitiwan. Gulong-gulo ang isip ko, maaari nga bang ang batang babae, ang babaeng kamukha ko at ako ay iisa? Ito ba ang kapirasong alaala na kailangan kong mabalikan upang maunawaan ko ang lahat? Muli kong tiningnan ang lugar na nakasulat sa papel at nagulat ako nang maalala ko ang lugar na iyon at ang sinabi ni Lizbeth noon. Mula pa `yan no’ng nag-hiking tayo sa province, `di ba? Posible nga kayang noon pa man ay hinahanap na nila ako, at nang mag-hiking kami ay muli nila akong nakita kaya mula noon ay hindi na nila ako nilubayan? Ang tunay ko bang pagkatao at pinanggalingan ang tunay na pinahihiwatig ng aking mga panaginip? Maging ang lihim na ibinulgar sa akin ni Zachary ay pumasok sa isip ko. Kaya ba hanggang ngayon ay hindi makaharap sa akin ng maayos ni K dahil iniiwasan niyang tuluyang magkrus ang aming mga landas ng mga nilalang na humahabol sa akin na maaari kong ikapahamak? “Kailangan ko na talagang hanapin ang mga magulang ko.” Para bang nakakuha ako ng lakas ng loob sa mismo ring takot na nararamdaman ko. “Sila lang ang makakapagsabi sa akin kung ano ang totoo at makakatulong para matapos na ang lahat ng ito.” Bitbit ang bestidang bulaklakin ay maingat akong bumaba upang hindi nila ako mapansin. Seryoso ang pag-uusap nina Kuya Symon at Ate Faith na halos magbulungan na. Samantalang kanina ay dinig na dinig ko ang boses ni kuya. Lihim akong napatitig sa mukha ni Ate Faith, gusto ko siyang tawagin at magmakaawa, ngunit hindi ko magawa dahil isang mahalagang tao ang maaring masisi at lumabas na masama. “Oh, anak! Bakit?” wika ni Nanay Goring na nakita ako mula sa kusina na siya namang umagaw sa pansin ng dalawa. Walang imik akong lumapit sa kanila at hindi pa man ako nagsasalita ay para bang kapwa sila nagulat nang makita ang aking hawak na bestida. Nangilid ang luha ni Ate Faith at takot naman ang dumungaw sa mga mata ni kuya. “I’ve found an important thing that belongs to me and in my past. Ito ba ang susi ng tunay kong pagkatao?” Makahulugan ko silang tinitigan habang hindi pa rin makapagsalita. Inihakbang ko pa ang aking mga paa upang mas mapalapit sa kanila. “Sa’n mo nakuha `yan?” untag ni kuya. Nabaling ang kaniyang tingin kay Nanay Goring na nakasunod sa akin. Si Ate Faith naman ay patuloy pa ring natitigilan na hindi ko malaman kung ano ang naglalaro sa kaniyang isipan. “Kailangan kong hanapin kung saan ako nanggaling. Sana pumayag ka.” Muling pumatak ang aking mga luha. Samantala, isang mahigpit na yakap ang kaniyang naging sagot sa akin. ***
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD