The Unwanted Guest

2157 Words
ILANG ARAW ang nakalipas matapos ang pambihirang karanasan na iyon at isang maikling bangungot na nagparamdam sa akin ay naglakas ng loob ulit akong um-attend sa ikalawang counseling session. Isa lamang ang pakay ko roon, ang makausap si Jamaika. Tuwing maaalala ko siya at ang kaniyang mukha, paigting nang paigting ang pagnanais kong makausap siya. Sa pagkakataong ito ay sisiguruhin ko na hindi niya na ako maiiwasan. Akala ko, hindi na siya pupunta, ngunit sa kalagitnaan ng session ay bigla siyang dumating. Hindi siya mapakali sa kaniyang kinauupuan na para bang may masama siyang nararamdaman. Napansin ko rin na kahit nakabukas ang aircon ay pinagpapawisan siya. Maya’t maya ang kaniyang pagmamasahe sa kaniyang sentido gamit ang kaniyang mga daliri. Nagkatinginan naman kami ni Zachary. Makahulugan ang mga titig niya sa akin na tila napansin ang maya’t mayang pagsuluyap ko kay Jamaika. Umiling siya na mistulang naunawaan kung ano ang iniisip ko, ngunit hindi ko siya pinansin. Marami silang itinatago sa akin, ayaw nilang ipaalam ang mga dapat kong malaman kaya ako na mismo ang tutuklas doon. Kaya nang matapos ang session ay inunahan ko siyang lumabas at nag-abang ako sa pasilyo. Napansin kong susundan sana ako ni Zachary, ngunit pinigilan siya ng pagtawag sa kaniya ni Dr. Guevarra. “Jamaika,” tawag ko sa kaniya nang padaan na siya sa aking harapan. Marahan siyang lumingon sa akin na tila ba nag-aalangan kung papansinin niya ba ako o hindi. “Ako si Mirasol.” Inilahad ko sa kaniyang harapan ang aking kanang kamay upang makipagkamay. Hindi siya makatingin sa akin ng diretso, mistulang nahihiya, ngunit sa pagkakataong ito ay hinarap niya ako at nakipagkamay sa akin. “Ano’ng kailangan mo sa `kin? Noong nakaraan mo pa ako nilalapitan, ah?” untag niya. Sandali siyang sumulyap sa aking mukha at ngumiti ng pilit. “Marami akong gustong itanong, hindi ko lang alam kung saan ako magsisimula,” tugon ko. “Doon muna tayo sa lobby, maaari ba?” “Sige, pero sandali lang,” aniya. Kaagad siyang sumabay sa akin sa paglalakad. Pagkaupo niya sa couch ay napatingin siya ulit sa akin. “Narinig ko ang kuwento mo, may kaunti mang pagkakatulad, ngunit nasisiguro kong magkaiba tayo.” “Pa'no mo naman nasabi `yan?” tanong ko naman. Naupo ako sa harapan niya. Pinigilan niya kasi akong tabihan siya dahil may sakit daw siya. “Nakakakita ako ng halimaw na dumadagan sa akin tuwing makararanas ako ng sleep paralysis,” panimula niyang wika. “Sinasakal niya ako kaya nahihirapan akong huminga, ngunit oras na mapaglabanan ko iyon at magising na ako, wala na akong ibang nakikita o nararamdaman. Kaya pasensiya ka na kung sasabihin kong naniniwala ako sa sinasabi nila. Nasa isip ko lang siya. Masyado lang maraming tumatakbo sa isip ko kaya palaging puyat at dumagdag pa ang aking bisyo.” “Baka makikita ko pa lang siya, hindi kaya?” kinakabahan kong urirat sa kaniya. Nagkibit-balikat siya. “Alam mo ba, mula ng maranasan ko ito, natatakot na akong matulog. Natatakot na akong mag-isa. Kaya lang wala na akong magawa dahil mag-isa na lang ako sa buhay.” Pumatak ang kaniyang mga luha at dagli niyang pinupunas ang mga ito ng kaniyang kamay. “Minsan nawawalan na ako ng pag-asa pero pilit akong lumalaban dahil naniniwala pa rin ako na tutulungan ako ng Diyos at maaring may maganda Siyang plano para sa akin. Hindi ko lang maiwasan na sumama ang loob sa Kaniya minsan, pero maniwala ka, Siya lang ang makatutulong sa atin.” “Alam ko po.” Pagsang-ayon ko sa kaniya. “Iyan din po ang palaging sinasabi sa akin ng kuya ko. Ipagdadasal ko po na gumaling na kayo at tuluyang maging okay.” Muli siyang ngumiti ng pilit. “H’wag kang matatakot sa sasabihin ko, hija. Lakasan mo ang loob mo,” aniya na nagsilbing babala sa akin. Sinabi niya mang huwag akong matakot, pero dagli akong kinabahan dahil halos pabulong niyang sinabi iyon. “Noong nakaraan ko pa napansin kaya iniwasan kita. Mirasol, may mga sumusunod sa `yo. Nagkataon lang na malakas ang pandama ko at maliksi ang aking mga mata kaya hindi sila makapagtatago sa akin. Walang ganoon sa akin kaya mag-iingat ka.” “Ano po ba’ng sinasabi n’yo?” naibulalas ko. “Mga anino—anino ng mga kakaibang nilalang na hindi ko nalalaman kung ano. Kaya naniniwala ako sa mga sinabi mo roon sa loob noong nakaraan. H’wag kang mag-alala dahil malayo ka pang maging katulad ko, naniniwala akong walang mali sa iyong pag-iisip.” Nagkaroon man ako ng pag-asa sa mga tinuran niya, mas nangibabaw ang takot sapagkat nakumpirma ko na totoo ngang may mga nakasunod sa akin at pinagmamasdan ako. Marahil ay naghihintay lamang ng tamang pagkakataon upang muling umatake. Napalingon si Jamaika sa pasilyo dahil sa naulinigan naming mga yabag na papalapit hanggang sa bumungad sa amin si Zachary. Nagmadali siyang tumayo na akmang aalis na, nahawakan ko lamang siya sa kaniyang kamay. “Mamaya ka na umalis, sige na po,” pakiusap ko sa kaniya. Bahagya siyang yumuko at bumulong sa akin, “Mag-iingat ka. May panganib na naghihintay sa `yo.” Pilit siyang kumawala sa aking pagkakahawak saka nagmadaling umalis. “Ano’ng sinabi niya?” urirat sa akin ni Zachary. Tinitigan niya ako na para bang naghihintay ng sagot. “Wala. Iniiwasan niyang sagutin ang mga tanong ko,” pagsisinungaling ko sa kaniya. Hindi naalis ang pagkakatitig niya sa akin. “Nagsisinungaling ka, Mira, may sinabi siya,” aniya. “Halika na, ako na ang maghahatid sa `yo.” Tahimik akong sumunod sa kaniya. Sinubukan niyang hingin ang aking kamay upang hawakan ito, ngunit hindi ko siya pinahintulutan. Nangingnig ito dahil sa huling tinuran ni Jamaika sa akin. Makukumpirma niyang nagsisinungaling ako at ayaw kong sumama ang kaniyang loob, lalo pa’t may malaki akong utang na loob sa kaniya. Hindi lamang dahil sa madalas na pag-check niya sa akin araw-araw, sa pagsisiguro na maayos lang ako at sa pagmamahal na inamin niya sa akin, kung hindi dahil na rin sa katotohanang nalaman ko. Ilang gabi akong hindi pinatulog dahil sa mga sinabi ni Jamaika. Muli akong niyakap ng matinding pag-aalala at takot sa mga nilalang na maaaring nagkukubli lamang sa dilim habang pinapanood ako, maging sa aking pagtulog. Hindi ko maiwasang mangamba sa mga bukas na paparating dahil baka isa sa mga araw na iyon ay tuluyan na silang magpakita sa akin at sapilitan akong isama sa kung saan man sila naninirahan. Kung ganoon din lang ang mangyayari, mas nanaisin ko na lamang mamatay. Kaagad akong napalingon sa bintana ng aking opisina kung saan ko natatanaw ang garden sa bakuran ng coffee shop dahil parang may aninong dumaan. Muli kong narinig ang tinig ni Jamaika at nagpaulit-ulit ito sa aking pandinig. Mirasol, may mga sumusunod sa `yo. Mga anino nga—anino ng mga kakaibang nilalang na hindi ko nalalaman kung ano. Kinilabutan ako. Nandoon na naman ang kabang mistulang may sampung kabayo na nag-uunahan sa aking dibdib. Mula sa transparent kong tumbler na nangalahati na ang lamang tubig ay napako ang aking tingin. Marahang gumagalaw ang tubig na para bang marahang lumilindol kahit hindi naman talaga. Unti-unti kong inilapit ang aking mukha roon upang obserbahan kung ano ang nagpagalaw doon sapagkat nasisiguro kong hindi ko nagalaw ang mesa dahil nakaupo ako sa couch. Halos tumilapon ako sa labis na gulat dahil may mga matang biglang sumulpot doon na katulad ng sa isang ahas. Sa gulat ko ay dagli kong kinuha ang aking bag at tatakbo na sana ako palabas ng opisina ko, ngunit natalisod ako sa paa ng mesa. Habang bumabangon ako ay isang malaking anino ang napansin ko sa may bintana. Nang lumingon ako ay napasigaw na lamang ako sa takot sa nilalang na tumambad sa akin. Sumiksik ako sa sulok at halos mawalan ako ng lakas na tumayo para buksan ang pinto na ang lapit-lapit na lamang sa akin. Gusto kong sumigaw ng tulong, ngunit mistula akong napipi dahil sa panginginig ng aking laman. Nakatayo siya sa may bintana, nakatitig sa akin. Mistula siyang ahas na nagwangis tao. Ang kaniyang kulay ay gumagaya sa kung anuman ang kaniyang hawakan. Matatalim ang kaniyang mga kuko. Unti-unti kong nararamdaman na nahihirapan ako sa paghinga. Nang mapansin kong inihahakbang niya ang kaniyang mga paa papalapit sa akin ay lalong bumigat ang aking dibdib. Mabuti na lamang at tila mayroong umagaw ng kaniyang pansin sa labas at kaagad siyang tumalon sa bintana ay iniwanan ako. Naiwanan akong humahagulhol ng iyak. Iyon ba ang nilalang na nagmamasid sa akin? O isa lamang siya sa mga aninong sinasabi ni Jamaika? Nahirapan akong pakalmahin ang aking sarili. Iniisip ko pa lamang na sasabihin ko iyon kina kuya at hindi na naman sila maniniwala ay labis na akong nasasaktan. Batid kong totoo at hindi halusinasyon ang aking nakita, ngunit tiyak na magmumukha na naman akong baliw sa harapan nila. Isang ideya ang dagling pumasok sa aking isip na natitiyak kong makatatapos sa aking problema. Nanginginig kong binuksan ang aking bag at kinuha mula roon ang isang bote ng sleeping pills na kinuha ko sa kuwarto nina mama ilang araw na ang nakalilipas dahil gustuhin ko mang matulog ay hindi ko magawa dahil sa takot. Umiiyak kong tinitigan iyon. Tama ba ang naiisip ko? Ito ba ang tatapos ng lahat? Sa pamamagitan ba nito ay mailalayo ko na rin sa kapahamakan ang aking mga mahal sa buhay? Hindi ko alam kung ano ang nag-udyok sa akin kaya nagkaroon ako ng lakas ng loob na buksan ang boteng iyon. Halos maubos ang laman ng boteng iyon na sinalo ng aking nanginginig na palad. Habang lumuluha ay nilaklak ko iyon. Nang bumukas ang pinto ay umalingawngaw ang mga sigaw ni Lizbeth. “Ano’ng ginagawa mo?” tila galit na singhal sa akin ng dumating na si Zachary. Tinabig niya ang kamay ko kaya’t tumilapon ang mga tabletas na natira sa sahig. Pilit niyang ipinaluluwa sa akin ang mga nasa bibig ko. Doon lamang ako natauhan, subalit huli na siya marahil, marami na akong nalunok. “Liz, pahanda mo ang sasakyan, bilis! Dadalhin natin siya sa ospital!” sigaw na naulinigan ko, ngunit parang hindi kaagad nakakilos si Lizbeth. “Liz, ano ba?!” Saka ko lamang narinig ang mga yabag na papalayo at ang kaniyang tinig habang tinatawag si Alvin. Ang kaninang pagpupumiglas ko kay Zachary ay tuluyang nanghina dahil lalo pang sumikip ang aking dibdib at hirap na akong huminga. “Mira, what the hell did you do?” garalgal ang kaniyang tinig habang binubuhat ako. May likidong pumatak sa aking mukha na kung hindi ako nagkakamali ay ang kaniyang mga luha. Habang buhat-buhat niya ako palabas ay siyang unti-unti na ring pagdidilim ng aking paningin. Hindi ko alam kung gaano katagal akong walang malay, ngunit isang pamilyar na tinig ang aking naulinigan nang magbalik ang aking ulirat. Ramdam kong may oxygen na nakakabit sa akin kaya’t alam kong nasa ospital nga ako. Sinubukan kong idilat ang aking mga mata, pero nasilaw ako sa liwanag ng mga ilaw. “Wala man lang akong nagawa,” wika ng pamilyar na tinig ng isang babae na parang umiiyak. “Sana hindi ko na lang hinabol `yong nakita ko at pinuntahan ko siya kaagad. Sana nasaway ko siya sa ginawa niya.” “H’wag ka nang umiyak,” tinig ni kuya Symon. “Wala kang kasalanan. Hindi ka nagkulang.” Naalala ko na kung saan ko narinig ang tinig na iyon. Iyon ang tinig ng babaeng gumigising sa akin noon sa aking kuwarto nang bangungutin ako. Siya ang babaeng tumapik sa aking pisngi. Siya ang babaeng nakaitim. Muli akong nakatulog at sa aking paggising ay nakita ko si Ate Faith at Zachary na nagbabantay sa akin. Nakapikit si Zachary habang nakahilig sa couch na nasa aking tagiliran, habang si ate ay palakad-lakad na tila hindi mapakali. Natigilan naman siya nang makitang nakatingin ako sa kaniya. “Mira?” naibulalas niya. “Sandali, tatawagin ko ang kuya mo.” Pinigilan ko siya sa pamamagitan ng pag-iling at iinunat ko ang aking mga kamay bilang pagtawag sa kaniya. Napansin ko namang nagising si Zachary dahil mahina niyang tinuran ang aking pangalan. Para bang napako ang mga paa ni Ate Faith sa kaniyang kinatatayuan. Hindi yata makapagdesisyon kung tatakbo palabas para tawagin si kuya o lalapit sa akin. “Ate, please,” pakiusap ko sa kaniya. May pag-aalinlangan siyang lumapit sa akin at kaagad na hinawakan ang aking nanghihinang kamay. Sa kaniyang mga mata naman ay ang pagtataka kung bakit ganoon ang aking reaksyon nang makita siya. “Bakit, Mira?” tanong niya sa akin. “Kumusta ang pakiramdam mo? Ano’ng gusto mo?” “I love you, ate.” Nasaksihan ko ang pagpatak ng kaniyang mga luha, kasabay nang paghigpit ng kaniyang pagkakahawak sa aking kamay.  ***
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD