“NAGKITA NA ba tayo before?” untag ko kay Ate Faith nang magkaroon kami ng pagkakataong magkausap. Iba talaga ang dating niya sa akin at ang gaan-gaan ng loob ko sa kaniya. “Saan kayo nagkakilala ni kuya?”
Umiling lamang siya. “Hindi, ngayon lang tayo nagkaroon ng pagkakataong magkita, pero madalas kang naikukuwento sa akin ni Symon,” sagot niya naman sa akin. “Nagtatrabaho ako sa isa sa mga supplier ninyo. Doon kami nagkakilala.”
“Kaya pala palagi siyang masaya nitong mga nagdaang araw at linggo,” wika ko. “Pansin ko nang iba ang mga ngiti niya. Salamat ha, hindi na siya gaanong malulungkot. Kayo na ba?”
Napansin kong namilog ang kaniyang mga mata sa aking naging tanong pero dagli niya namang binawi ang kaniyang tingin sa akin at bumaling sa pagkain niya. Maya’t maya siyang napapatingin kay kuya na hindi naman nito napapansin dahil abala siya sa pakikipagkuwentuhan kina Zachary at Tita Eloisa.
“Ah, hindi,” pagtanggi niya. Pansin kong medyo naaasiwa siya kay kuya mula pa kanina nang dumating siya lalo pa’t magkahawak ang kanilang mga kamay.
“Hindi pa?” naibulalas ko dahil kung titingnan sila ay hindi ganoon ang nakikita ko. Napahawak ako sa kaniyang kaliwang kamay na tila ikinagulat niya. “Pero sana may pag-asa siya sa `yo. Ngayon pa lang, sinasabi ko na sa `yo na welcome na welcome ka sa pamilya namin.”
“Salamat, Mirasol,” mariing tugon niya sa akin. Gumuhit ang ngiti sa kaniyang mapupulang mga labi.
“Sige, ate, kain ka lang ha? Feel at home lang. Kung may kailangan ka, magsabi ka lang sa akin o kay Nanay Goring. Samahan ko muna sa sala `yong best friend ko.”
Hindi ko na siya hinintay na sumagot sa akin. Kaagad akong tumayo at iniwanan sila sa hapagkainan upang puntahan si Lizbeth. Naulinigan ko na lang ang boses ni Nanay Goring na kaagad siyang tinabihan nang umalis ako.
Naging mahaba ang gabi lalo pa’t hindi na sila nakauwi. Hindi na rin pinayagan ni Kuya Symon na magmaneho si Zachary dahil nakainom na sila kaya pinakiusapan niya ang lahat na doon na lang magpalipas ng gabi. Samantala, inalok ko naman sina Tita Eloisa at Lizbeth na doon na matulog sa dating kuwarto nina mama at papa, habang kami ni Ate Faith naman ay sa aking kuwarto. Hindi na namin ginising pa sina kuya at Zachary na nakatulog sa sala.
“Mirasol, p’wede ba kitang yakapin?” tanong sa akin ni Ate Faith. Marahil ay napansin niya ang aking pagtataka. “Nami-miss ko lang ang kapatid ko, nakikita ko kasi siya sa `yo.”
“Sige po,” tanging naisagot ko sapagkat nakita ko sa kaniyang mga mata ang tunay na pangungulila sa isang kapatid.
Mula sa aming pagkakahiga sa aking kama ay matagal niya akong niyakap nang mahigpit hanggang sa tuluyan na akong dinalaw ng antok. Naramdaman ko na lamang ang kaniyang pagbitiw sa akin. Inayos niya pa ang aking buhok saka ako kinumutan ng maayos.
“Good night,” bulong niya sa akin.
Hindi ako nagdilat ng mga mata at hinayaan ko na lamang siyang isipin na tulog na ako. Ngunit nang dahil sa kaniyang pagbulong ay kinilabutan ako. Para bang pamilyar ang kaniyang tinig na hindi ko lang maalala kung saan ko narinig. Kung ano-ano pa ang tumakbo sa aking isip bago ako tuluyang nakatulog.
Sa gitna ng katahimikan ay bigla akong napadilat. Hindi pinatay ni ate ang ilaw kaya hindi ako natakot. Hindi ko alam kung nasabihan siya ni kuya o ayaw niya ring matulog sa loob ng madilim at kulob na kuwarto. Dahan-dahan akong bumangon at iginala sa paligid ang aking paningin. Walang kakaiba sa paligid. Tumayo ako upang uminom sana ng tubig nang paglingon ko sa kama ay napamulagat ako.
Naroon ako, mahimbing pa rin na natutulog. Talikuran kami ni Ate Faith. Noon ko lang napansin na para bang hindi nakalapat ang aking mga paa sa sahig.
Napaatras ako at binayo ng kaba ang aking dibdib. Nagsipatakan ang aking luha sa mukha ko habang pinagmamasdan ang pambihirang pangyayaring iyon. Dagli akong bumalik sa kama at humiga sa aking katawan, ngunit para bang ayaw akong tanggapin niyon.
“Ano `to? Ano’ng nangyayari?” umiiyak kong tanong sa aking sarili. Tiningnan ko ang aking sarili na mistulang kaluluwa na hindi na makabalik sa aking pisikal na katawan. Nabaling ang aking tingin kay ate nang kumilos siya at pumihit paharap sa akin. “Ate! Ate Faith!” Sinubukan ko siyang hawakan upang gisingin pero tumatagos ang aking kamay sa kaniyang katawan.
Tumakbo ako pababa sa sala at nakita kong tulog na tulog din sina Zachary at Kuya Symon. Katulad ng ginawa ko kay Ate Faith ay sinubukan ko rin silang gisingin, ngunit wala silang naririnig at nararamdaman.
“Ano’ng gagawin ko?” untag ko sa aking sarili habang napapahagulhol na lamang ako ng iyak. “Kuya! Zachary, tulungan n’yo ako!”
Nilakasan ko ang aking mga sigaw, umaasang kahit papaano ay marinig nila, ngunit bigo pa rin ako. Sinubukan ko rin iyon kina Tita Eloisa at Lizbeth, pero ganoon din ang nangyari. Sinubukan ko pang hawakan ang paa ni tita bago ako bigong bumalik sa aking kuwarto. Napaiyak na lamang ako habang pinagmamasdan ang natutulog kong katawan.
“Ayaw ko pang mamatay, tulungan n’yo po ako,” nasabi ko nang mabaling ang aking tingin sa maliit na altar na nasa sulok na bahagi ng aking kuwarto, malapit sa side table ko.
Mawawalan na sana ako ng pag-asa kung hindi ko lamang napansin na nagising si Ate Faith. Bumangon siya mula sa pagkakahiga at tinitigan ako na para bang kinakabisa ang aking mukha. Hanggang sa muli niyang ayusin ang aking buhok at sinuklay-suklay gamit ang kaniyang mga daliri. Napansin ko na lamang na napakunot ang kaniyang noo.
“Ganyan nga, ate. Sige na, gisingin mo ako!” wika ko sa kaniya. “Wake me up, please!”
“Mira?” wika niya. Muli niya sana akong hahawakan nang bigla na lamang bumukas ang pinto na kaniya namang ikinagulat.
Namilog ang mga mata ni Tita Eloisa habang nakatingin sa akin.
“Nakikita n’yo ako? Tita, tulungan mo ako!” sigaw ko.
“Bakit po?” urirat naman ni Ate Faith nang mapansin ang reaksyon ni Tita Eloisa. “Ano po ba’ng nangyayari?” Napuno rin ng pag-aalala ang boses ni ate, sinundan niya ang tingin sa akin ni tita, ngunit para bang hindi niya ako nakikita.
“Bumalik ka sa katawan mo, anak! Bumalik ka!” nagpa-panic niyang utos sa akin.
Kaagad akong tumalima sa kaniya, ngunit ayaw pa rin akong tanggapin ng katawan ko. Habang nagsimula na ring magsisigaw si Ate Faith, tinatawag ang pangalan ni kuya. Inayos niya ako sa pagkakahiga. Marahang tinatapik ang aking mukha at maya’t maya akong niyuyugyog habang tinatawag ang pangalan ko. Hindi naman nagtagal ay tumatakbong dumating sina Kuya Symon at Zachary. Ganoon din si Lizbeth na gulat na gulat nang makitang nagpa-panic sina tita at Ate Faith habang ginigising ako.
“Ano’ng nangyayari, tita?” naibulalas ni Kuya Symon .
Tinitigan ako ni Tita Eloisa na bukod-tanging nakakikita sa akin. “H’wag kang sumuko. Sikapin mong bumalik, magdasal ka. Kaya mo `yan.” Naluluha na rin siya, ngunit sinusubukan niyang maging matapang upang hindi sila lalong mag-alala.
“Ano’ng sinasabi n’yo, tita?” muling tanong ni kuya na mistulang naguguluhan sa nangyayari.
Sumunod ako kay tita. Muli kong sinubukang mahiga sa aking katawan. Pumikit na lamang ako habang inuusal ang mga banal na salitang kaytagal ko nang hindi nagagawa. Mayamaya’y para bang hinigop ako ng kawalan, bumagsak sa aking kama at nagising na hirap huminga. Isang malalim na paghinga ang aking ginawa. Kaagad naman akong inabutan ni Zachary ng tubig.
Nanginginig ang aking katawan. Kahit napalilibutan nila ako, para bang nasa kawalan pa rin ako. Hindi ko makalimutan ang sandaling walang nakaririnig at nakakikita sa akin na kahit ano ang gawin ko ay nabibigo ako.
Dahil siya ang malapit sa akin, maliban kay Ate Faith na hinihimas ang aking likuran, siya ang nakakita sa akin habang ang iba ay walang kamalay-malay sa nangyayari, kaya kay Tita Eloisa ako napayakap. Napahagulhol na lamang ako ng iyak habang ang lahat ay natigilan.
***
“KUMUSTA NA ba ang pakiramdam mo?” tanong sa akin ni Zachary. “Sorry, wala akong nagawa.” Hinawakan niya ang aking dalawang kamay na patuloy pa rin sa panginginig.
“Ano’ng nangyari? Paanong nangyari `yon sa akin?” urirat ko naman sa kaniya.
“If I am not mistaken, it was what we called out-of-body experience. Hindi lang ako gano’n kasigurado na ito nga `yon. Narinig ko na ito at napag-aralan dati. Humihiwalay ang kaluluwa mo sa iyong katawan at naglalakbay ito,” paliwanag niya sa akin. “You’re lucky dahil nandito si tita. Kung wala siya, walang sinuman ang makakakita sa `yo. But it’s okay, kadalasan naman sa mga cases na ganito ay nakakabalik naman ang kaluluwa sa katawan at nagigising. So, don’t worry na.”
“Nasa’n sina kuya?” muli kong tanong sa kaniya.
“Nasa garden kasama si Ate Faith,” dagli niya namang sagot sa akin. “Matulog ka na ulit. Mag-relax ka na. Pasasamahan kita kay Lizbeth sa kuwarto mo kung papayag ka.”
Napailing ako. Muli akong nakadama ng takot nang marinig ko ang salitang matulog. “Hindi, ayaw kong matulog. Baka maulit na naman. Ayaw ko pang mamatay, Zach. Marami pa akong pangarap na gusto kong marating.”
“You need to sleep,” giit niya. “Lalo kang mai-stress at magha-hallucinate kung babalik ka sa dati na depress at kulang sa tulog. It won’t happen again.”
“How sure are you, Zach?” naibulalas ko. “Alam kong hindi ka naman naniniwala sa `kin. Lahat kayo, hindi naniwala sa `kin noong una pa lang. Alam ko naman talagang hindi hallucination ang lahat. Totoong may nakikita ako at dinadaan lang nila ako sa bangungot. Noong una, akala ko rin sleep paralysis lang pero kanina nang marinig ko ang mga kuwento noong iba, ibang-iba ang experience nila. Mas worst `yong sa `kin. May ibang nangyayari sa `kin.” Hindi ko na napigilan pang kumawala ang mga salitang iyon. Naguguluhan na ako. Hindi ko na alam kung ano ang totoo sa hindi at kung ano ba ang dapat kong paniwalaan maliban sa sarili ko.
“Calm down,” tanging tugon niya. “Mag-uusap tayo ulit kapag relax na `yang isip mo. For now, magpahinga ka muna.”
“Ayaw ko nga!” singhal ko sa kaniya. “Natatakot ako, Zach! Kukunin nila ako, hindi ko na mabubuo ang buhay ko.”
“Kung sino man sila, I won’t let them take you away from us.” Nananatili pa rin siyang kalmado kahit unti-unti na ring nangingilid ang luha sa kaniyang mga mata at batid kong naguguluhan siya sa mga nangyayari. Though I notice na unti-unti siyang naniniwala dahil na rin kay Tita Eloisa.
Aksidenteng nagtama ang aming paningin. “Wala kang magagawa dahil hindi natin alam kung ano sila.” Gusto ko pa sanang dugtungan ang aking sasabihin, ngunit pinigilan ko ang aking sarili dahil baka ako rin ang magbuko sa lihim ko. Hindi ito ang tamang pagkakataon, lalo pa’t lalo akong napapahiya sa kaniya dahil sa mga nangyari.
“It’s so weird, yes!” naibulalas niya. “I didn’t even believe about unusual creatures before. At ang sleep demon na `yan ay naririnig ko lang sa mga kuwento na kahit nga sa mga libro ay hindi ako naniniwala kapag ganito na ang usapan, pero nagbago ang lahat nang makilala kita. I am willing to take the risk para lang matulungan ka.”
“Bakit mo naman gagawin `yan?” nagtataka kong tanong sa kaniya.
“Totoo man o hindi, ang alam ko lang, ayaw kong mawala ka,” mariin niyang tinuran. Muli niyang hinawakan ang aking kamay at sa pagkakataong ito at mas mahigpit ito. “Gusto kong kasama mo ako kapag binuo mo ulit ang buhay mo. Gusto pa kitang makasama. Gusto pa kitang mahalin.”
Natigilan ako sa mga sinabi niya. Para bang siya na ang bumigkas ng mga salitang dapat sana ay ako ang magsasabi kung hindi ko lamang napigilan. Namalayan ko na lang na muling pumatak ang aking mga luha habang nakatitig ako sa kaniya. Napakapalad ko na nakatagpo ako ng taong kaya akong tanggapin at gusto akong mahalin kahit sa tingin ng iba ay parang nasisiraan na ako ng bait.
“Paano ako makasisiguro na seryoso ka sa mga sinasabi mong `yan at hindi mo lang ako inuuto para lang mapapayag mo ako sa gusto mo?” mariin kong tanong sa kaniya. Totoong iyon ang naiisip ko, ngunit umaasa ako na mali ang hinala kong iyon.
“I know it’s wrong, but okay.” Bumuntong hininga siya. “Para maniwala ka na seryoso ako, I have a secret to tell.” Kinabahan ako sa mga tinuran niya. Iginala niya sa paligid ang kaniyang paningin na para bang napakahalaga ng kaniyang sasabihin.
Ano nga ba ang sekretong iyon?
***