TOTOONG NAKITA ko ang babaeng nakaitim nang gabing iyon. Sinundan ko pa siya ng tingin hanggang sa mawala siya sa madilim na bahagi sa labas ng restaurant. Gusto ko sanang lumabas at habulin siya ulit, pero ayaw kong mapahiya kay Zachary. Hindi ko inaasahang ang pagbibiro ko kay kuya na nakita ko rin siya roon ay ikagugulat niya ng ganoon na halos hindi siya nakapagsalita kaagad kaya natawa ako. Nakapagtataka, pero baka iniisip niya lang na kung ano-ano na naman ang iniisip at nakikita ko.
Natutuwa akong magdadalawang linggo na akong hindi ginagambala ng mga bangungot. Marahil ay nakatulong ang paglilibang ko at ang pagsunod ko sa mga payo ni Zachary.
Mula ng makilala ko siya, para bang unti-unting nagiging maayos ang lahat. Nakangingiti na ako. Iba rin pala iyong may ibang tao kang napagsasabihan ng lahat ng hinaing mo sa buhay na hindi ka huhusgahan kahit na nga ba mayroon akong mga sinabi sa kaniya na halatang hindi siya naniniwala.
Inaamin ko, nagulat ako nang malaman ko na siya pala ang pinsan ni Lizbeth. Ang selos na minsan kong naramdaman kay Lizbeth dahil sa kaniya ay kaagad na napawi nang tuluyan ko siyang nakilala. Inamin din naman sa akin ni Lizbeth na matagal na niyang gustong irekomenda sa akin ang kaniyang pinsan, pero natakot siya na baka magalit na naman ako. Kung alam ko lang na makikilala ko siya, sana hindi na ako nagmatigas noon.
Bakit ganoon na lang ang nararamdaman ko kapag nakikita ko siya? Ito na nga kaya ang tinatawag nilang pag-ibig? Kung ito man, sana ang damdaming ito ang humila sa akin para makabangon nang tuluyan upang manumbalik na sa normal ang buhay ko.
“Pupunta ka ba ro’n sa sinasabi ni Kuya Zach na counseling session nila mamaya?” untag sa akin ni Lizbeth. Napansin niya marahil na inaayos ko na ang aking mga gamit at oras na rin para mananghalian.
Tahimik akong napaupo sa aking silya at muling ibinaling ang aking tingin sa kaniya. “Sa totoo lang, nagdadalawang isip ako,” pag-amin ko. “Tingin ko kasi hindi ko naman na kailangang pumunta ro’n, kaya lang nakakahiya naman sa pinsan mo kung hindi ako magpapakita, hindi ba?”
Nagkibit-balikat si Lizbeth. “Ikaw bahala. Okay lang naman `yon sa kaniya kasi sabi niya naman, hindi ka niya pinipilit. Pero p’wede mo rin namang subukan, mag-observe ka lang,” aniya. “Samahan kita.”
“P’wede ba?” Nakakahiya man ay nagpahiwatig ako kay Lizbeth na kailangan ko ng kasama. Maliban kasi sa aking pagdadalawang isip ay nahihiya rin ako sa pinsan niya, ngunit sa totoo lang, gusto ko rin itong makita.
Pansin ko ang mga pasimpleng ngiti ni Lizbeth, kahit noong araw pa na una kong makilala ng pormal ang kaniyang pinsan. Gusto kong magtanong sa kaniya, ngunit pinangungunahan ako ng hiya.
***
KAAGAD KAMING sinalubong ni Zachary nang dumating kami. Ganoon na lamang ang kaniyang ngiti na sa tuwing makikita ko ay para bang nababawasan ang aking takot at pangamba. Iyong pakiramdam na alam kong magiging okay ang lahat dahil nandoon naman siya. Noong una ko siyang makaharap sa coffee shop, akala ko presko at mayabang siyang tao, ngunit nagkamali ako.
May isang bakante sa mga nakapaikot na silya sa loob ng kuwartong iyon. Doon ako pinaupo ni Zachary. Naulinigan ko na lamang na humila siya ng isa pang upuan at pumwesto sa aking likuran, habang si Lizbeth ay nakaupo sa may table malapit sa may pinto.
Nang magpakilala ang isang Dr. Athanacio Guevarra ay kaagad na bumulong sa akin si Zachary. “He’s my step-father, while si Fr. Buenafuerte ay family friend namin. He was invited by my dad.”
Isa-isa kaming nagpakilala at wala naman akong napansing kakaiba sa kanila. Base sa kanilang mga kuwento, mayroon lamang silang pinagdadaanang mabibigat na suliranin sa buhay na nagpabago sa kanila at siyang itinuturo nilang dahilan kung bakit sila nakarating sa puntong ito. Ang iba naman ay nakararanas ng sleep paralysis, ngunit hindi kasing tindi ng nararanasan ko. Normal pa rin silang nabubuhay at bihira lamang itong maranasan. Ayon din sa kanila ay naimbitahan lang din silang um-attend ni Zachary na ang duda ko ay dahil sa akin. Hanggang sa magsalita ang isang babaeng nagngangalang Jamaika.
Nanginginig niyang hinawakan ang microphone na iinabot sa kaniya ng isa sa mga nag-aassist kina Dr. Guevarra. Hindi siya makatingin ng diretso sa aming lahat. Nakatingin lamang siya sa sahig habang nagkukuwento.
Halata ang pangangayayat sa kaniyang katawan. Lubog ang mga mata, halatang kulang sa tulog at maraming problema. Nagsisimula pa lamang siyang magsalita ay hindi na mapigil ang kaniyang mga luha sa pagpatak. Nauunawaan ko man ang kaniyang nararamdaman, masasabi kong hindi pa rin kami nagkakatulad. Ang tanging binabanggit niya lamang na kitang-kita ang takot sa kaniyang mga mata ay ang sleep demon na madalas umanong magpakita sa kaniya at sinasakal siya. Masasabi kong mapalad ako sa puntong iyon dahil wala akong nakikitang ganoon, o maaaring hindi pa.
Katulad nga ng sinabi ni Zachary sa akin noong una, mayroong scientific explanation ang lahat at iyon ang ipinaliwanag ni Dr. Guevarra. Ibinahagi niya ang mga facts, symptoms, kung ano ang gagawin kung sakaling makaranas na muli ng sleep paralysis at kung paano ito maiiwasan na ang ilan ay nabanggit na sa akin ni Zachary. Ayon naman kay Fr. Buenafuerte, hindi na sa kaniya bago ang mga kuwento ng mga karanasan tungkol sa sleep paralysis at sleep demon, ganoon pa man, hindi rin siya rito gaanong naniniwala ngunit ang payo niya ay tibayan ang pananampalataya sa Diyos upang hindi magtagumpay ang kasamaan sa kung anumang pakay nila sa tao. Ang ilan naman sa mga naroroon ay nagsabing ang mga ito ay dahil lamang sa mga maling nakasanayan o unhealthy habit, lalo na iyong palagiang pag-inom, paggamit ng ipinagbabawal na gamot, pagpupuyat at iba pa. Ipinayo nilang baguhin ito at pangalagaan ang kalusugan. At inaamin kong guilty ako sa ilan sa mga nabanggit.
Sa kabila noon, hindi ko pa rin maiwasang maging interesado na makilala pa si Jamaika. Mayroong bahagi ng aking pagkatao na para bang nagsasabi sa akin na kilalanin pa siya at alamin sa kaniya ang buong kuwento ng karanasan niya. Sinubukan ko siyang lapitan nang matapos ang session pero umiwas siya sa akin at walang paalam na umalis.
“Pagpasensiyahan n’yo na siya,” wika ni Zachary nang mapansin ang naging reaksyon namin ni Lizbeth sa pag-iwas nito sa amin. “Mayroon man kayong pagkakatulad, magkaiba pa rin kayo ng kalagayan.”
“Biktima ng m******e ang pamilya niya,” sabat ni Dr. Guevarra na noon ay nasa likuran pala ni Zachary at narinig kami. “Nawalan siya ng asawa at tatlong anak, pati ang kaniyang mga magulang. Naging mailap ang hustisyang hinahangad niya. Nahirapan din siyang tanggapin ang mga nangyari sapagkat siya lamang ang tanging nakaligtas. Dumanas siya ng matinding depresyon, subalit natulungan namin siya dahil na rin sa panawagan ng kaniyang mga natitirang kamag-anak.”
“Naging okay naman siya, pero hindi niya pa rin maiwasang malungkot at mangulila,” dugtong naman ni Zachary. “Hanggang sa muli siyang lumapit sa amin nang makaranas siya ng mga kakaiba na katulad mo.”
“Pero naniniwala akong magiging okay rin siya.” Inakbayan ni Dr. Guevarra si Zachary.
Nakatutuwa lang isipin na kahit hindi sila tunay na mag-ama ay hindi iyon mapapansin sa turingan nilang dalawa. Ang sabi ni Lizbeth, bata pa si Zachary nang mawala dahil sa malubhang sakit ang tunay nitong ama. Lumaki itong ang step-father na ang kinikilalang ama. Isang sitwasyong hindi nalalayo sa akin. Kapwa kami mapalad na kahit hindi kadugo ay minahal kami na higit pa sa isang tunay na anak.
“Dad, siya nga pala si Mirasol.” Pagpapakilala niya sa akin sa kaniyang step-father. “Siya po `yong kinukuwento ko sa inyo na may ari ng pinagtatrabahuhang coffee shop nitong si Lizbeth.”
Bumaling siya ng tingin sa akin at nagbitiw ng makahulugang ngiti. “It’s so nice to meet you, hija,” aniya.
“Hello po,” tanging tugon ko dahil pinangunahan ako ng kaba. Nakipagkamay ako sa kaniya.
“Mabuti at nakapunta ka ngayon, para sa `yo talaga ang session na ito,” wika niya na ikinagulat ko.
“Dad!” tila saway naman ni Zachary.
“Para sa `yo, sa mga katulad mong nakararanas ng mga ganito,” paglilinaw niya. “Malalampasan n`yo rin ang pinagdadaanan ninyo ngayon. Sayang nga at wala si Karla, hindi siya nakarating. Gusto sana naming makilala mo siya at maging inspirasyon mo, next time siguro.”
Pagkatapos ng isang maikling pag-uusap ay nagpaalam na si Dr. Guevarra dahil mayroon pa raw silang lakad ng kaniyang asawa. Naiwanan naman si Zachary na sinabayan na kami papalabas ng building na iyon. Nagulat ako nang nakangiting sumalubong sa amin si Kuya Symon na naghihintay pala sa labas.
“Kuya?” naibulalas ko. “Bakit nandito ka? Nasaan na si Alvin?” Tumabi ako sa kaniya at kumapit sa kaniyang kaliwang braso. Bumati naman sa kaniya ang dalawa.
“Nag-grocery si Nanay Goring, pinasundo ko na sa kaniya kaya ako na lang ang naghintay sa `yo,” paliwanag niya. Nakangiti siyang bumaling kina Zachary at Lizbeth. “Salamat sa inyo, ha? Lalo na sa `yo, Liz, kasi hindi mo pinababayaan ang kapatid ko.”
“Wala `yon, kuya,” tugon naman ni Lizbeth. “Ganoon ang totoong magkaibigan. Parang magkapatid na rin kami.”
“Mag-iingat pa rin kayo palagi,” ani Kuya Symon. Tumingin siya sa akin at bumulong. “H’wag kayong pakampante dahil lang alam ninyong may nagbabantay sa paligid dahil hindi pa rin natin nasisiguro kung may panganib o wala.”
Makahulugan ang mga tinuran ni kuya, para bang malaman. Nakapagtataka rin na noong una ay halos ayaw niyang maniwala sa akin, tapos ngayon ganoon na lamang siyang magbantay sa akin. Sa totoo lang, ilang gabi na siyang natutulog sa kuwarto ko. Malimit akong magising na tinatapik niya ang aking pisngi dahil umuungol daw ako, pero wala naman akong naaalalang nanaginip ako ng masama. Siguro isa na rin iyon sa mga dahilan kung bakit matagal-tagal na rin akong hindi binabangungot at sana ay hindi na muli.
“Gusto ko sanang mag-alok kumain sa labas kaya lang magluluto raw si Nanay Goring,” muling tinuran ni Kuya Symon nang ibaling sa dalawa ang kaniyang tingin. “Kung hindi naman kayo nagmamadali, p’wede ko ba kayong maimbitahan sa bahay? Matagal-tagal na rin nang huli kaming nagkaroon ng salo-salo. Nakaka-miss din minsan ang maingay na bahay.”
Napangiti ang dalawa.
“Hindi po ako tatanggi d’yan, sir!” kaagad namang tugon ni Zachary bilang pagtanggap sa imbitasyon ni kuya na lihim ko namang ikinatuwa. “Tutal may date naman sina mommy at daddy at busy rin sa thesis ang kapatid ko na mag-i-sleep over sa bahay ng kaibigan niya ngayon kaya siguradong wala akong makakasabay sa hapunan.”
“Salamat naman kung gano’n.” Tumingin si kuya kay Lizbeth na para bang nagtatanong at nakita kong nakangiting tumango ang kaibigan ko. “Okay, so let’s go!”
Tahimik naming binagtas ang daan pauwi, ngunit ang puso ko ay tila tumatalon sa labis na tuwa. Makakasama ko pa ng matagal-tagal si Zachary at lubusan pang makikilala. Ibang-iba talaga ang sayang idinudulot niya sa akin. Ngayon ko lamang ito maramdaman at sana ay ganoon din siya sa akin.
Masaya kaming sinalubong ni Nanay Goring at napatakbo si Lizbeth sa tuwa nang madatnan namin sa sala si Tita Eloisa na naghihintay. Naroon din si Kuya Drew at ang kaniyang asawa na tila tumulong kay nanay sa paghahanda ng hapunan. Sa pagkakaalala ko ay wala namang okasyon, kaya napapaisip ako kung bakit naisipan ni kuya na magkaroon kami ng salo-salo.
“Kuya, may okasyon ba?” hindi ko napigilang urirat sa kaniya.
“Hindi ba sabi ni K, birthday mo noong isang araw?” sagot ni kuya. Naalala ko naman ang araw na tinutukoy niya. “Hindi pala tayo nakapag-celebrate dahil naging emosyunal ka, kaya ngayon na lang. Babawi na lang tayo next year.”
Napangiti ako dahil sa kaniyang mga tinuran. “Thank you, kuya!” Maluha-luha akong yumakap sa kaniya. Ngunit marahan niyang hinawakan ang aking magkabilang balikat upang mahiwalay ako sa kaniya at nakangiti akong tinitigan. “And I want you to meet someone.”
Binitiwan niya ako at sandaling lumabas ng bahay. Nang magbalik siya ay may kasama siyang isang babae. Magkahawak ang kanilang kamay. Simple lamang ang ayos ng babae, hindi katulad ng ex niyang sa unang tingin ay alam mo nang galing sa mayamang pamilya. Nakasuot lamang ito ng ripped jeans na kulay itim at dilaw na off-shoulder. Nakapuyod ang kaniyang mahabang buhok at nakatirintas ang dulo.
Natigilan ako habang naglalakad siya papalapit sa amin.
Bakit tila nakikita ko ang aking sarili sa kaniya? Bakit bigla akong nakaramdam ng lukso ng dugo?
***