NAPAPAILING NA lamang ako habang pinagmamasdan ang kaniyang reaksyon sa paglapit ni Mirasol sa isang psychologist sa pag-aakalang mayroon siyang problema sa pag-iisip o kung anumang pinagdadaanan na aminado akong ako naman talaga ang nagbigay ng ideya sa kapatid ko. Nakakuyom ang mga palad niya at tila nagpipigil ng inis sa akin.
“Sino ka ba para isaksak `yan sa isip ng kapatid ko?” mariin niyang tinuran habang titig na titig kina Mirasol na noon ay kumakain sa isang restaurant.
“Ang sakit mo namang magsalita,” naibulalas ko naman. “Buong buhay ko, itinuring ko siyang kapatid at wala akong ibang intensyon kung hindi ang mapabuti siya. Ano ba’ng masama sa ginawa ko? Hindi mo ba naisip na malay mo sa tulong ng taong `yan ay baka mas kayanin ni Mira ang lahat at mas maganda pa kung maalala na niya ang nawalang bahagi ng pagkatao niya.” Napakunot ako ng noo. Hindi ko akalaing sa akin niya ibubunton ang sisi samantalang ang gusto ko lang naman ay maging okay si Mirasol.
“Hindi mo ako naiintindihan, Symon, e!” singhal niya.
“Ako ang hindi mo naiintindihan!” sabat ko naman sa kaniya. “Kung tutuusin nga dapat ako ang kasama ng kapatid mo ngayon kaya lang pinili kitang samahan kasi ngawa ka nang ngawa. Kumikilos ka kasi nang hindi ka nagsasabi sa `kin, e `di sana napag-isipan natin nang mabuti bago ka nagpakita sa kaniya.” Hindi ko na napigilan pa ang aking sarili. Ayaw ko sanang sabihin iyon sa kaniya, iyon nga lang nainis ako sa mga sinabi niya.
Natahimik siya sandali bago ibinaling sa akin ang kaniyang tingin. Nangingilid sa kaniyang mga mata ang luha. “Hindi ko matiis ang kapatid ko, e,” malungkot niyang sagot sa akin. “Ang tagal ko nang nagtitiis. Matagal ko na siyang gustong makaharap at mayakap. Ayaw mo lang kasing makita niya ako at maalala dahil siguro natatakot ka na bumalik na siya sa amin kapag nalaman niya ang totoo.”
Nakaramdam ako ng kurot sa aking puso. Sa isang banda, tama ang hinala niya. Natatakot nga akong malaman ni Mirasol ang lahat at magpasyang bumalik na sa kaniyang totoong pamilya, ngunit sa kabila ng takot na iyon ay hindi ko naman kayang ipagkait sa kapatid ko ang katotohanan. Wala naman akong gagawing masama para harangin ito kung sakaling oras na para malantad ang totoo.
“Panahon lang ang hinihingi ko, Koreen!” singhal ko naman sa kaniya. “Tama ka, natatakot akong mawalan ng kinikilalang kapatid, pero siya rin ang iniisip ko. Gusto ko sanang maka-move on muna siya rito bago ka lumantad kasama `yang mga rebelasyon mo. Mahirap bang unawain `yon? Mahina ang puso ng kapatid mo! Kapag `yang katigasan ng ulo mo ang pinairal mo, pareho tayong mawawalan!” sumbat ko sa kaniya.
Magsasalita pa sana ako, ngunit pinigilan ako ng makahulugang tingin ni Drew nang lingunin niya kami mula sa driver seat.
“Tumigil na nga kayong dalawa!” saway ni Drew.
Nabaling ang tingin ko kay Koreen na pinupunasan ang kaniyang mga luha. Tumingin siya sa labas ng sasakyan na parang nakikiramdam sa paligid bago muling bumaling sa akin.
“Hindi ko kinukwestyon ang mga desisyon mo para sa kaniya, lalo na’t ikaw ang tumayong kapatid niya sa loob ng maraming taon,” saad ni Koreen. “Ang ipinangangamba ko lang, madadamay lang ang lalaking `yan. Damay tayong lahat na nakapaligid kay Mirasol sa panganib na nasa paligid tapos ayan, dumagdag pa `yang lalaking `yan. Isang inosenteng tao na p’wedeng masira ang buhay kapag nagkataon.” Umiiyak siya habang ipinapaliwanag ang kaniyang saloobin na ngayon ko lamang naunawaan.
Napatingin ako kay Drew na noon ay napapailing habang tinitingnan ako sa rear-view mirror ng sasakyan. Nagkamali ako ng pagkakaunawa kay Koreen. Akala ko ay ayaw niyang lumapit ito sa psychiatrist o psychologist. Ngayon ko lamang naunawaan na ayaw niyang maraming mapahamak nang dahil sa mga nilalang na sumusunod kay Mirasol, lalo pa’t ayon sa kaniya, mas maraming nakapalibot o pumuprotekta kay Mirasol ay mas iigting naman ang kagustuhan ng mga ito na makuha siya. Gagawin umano ng mga nilalang na ito ang lahat kahit na ang manakit at pumatay ayon na rin sa kaniyang mga nalalaman sa nilalang na pinagtataguan niya. Si Koreen ang pinakananganganib ang buhay sapagkat siya ang nangahas na lumaban at gumawa ng hakbang laban sa mga ito.
“Kakaiba ang mga tingin niya sa kapatid ko,” puna niya habang nakatingin sa pinsan ni Lizbeth. “Hindi ko ipagkakait sa kapatid ko ang umibig at maging masaya, ngunit paano kapag dumating na ang panahon na hindi na natin sila mapigilan sa pag-atake? Paano kung mapahamak ang taong ito at maiwanan si Mirasol na sinisisi ang kaniyang sarili katulad ng nangyari kay nanay na mula noon ay nabuhay na sa kalungkutan at takot.”
“Kaya nga tayo nandito, `di ba?” balik-tanong ko. “Hindi natin hahayaang mangyari `yon. Kailangan niyang mamulat sa katotohanan nang sa gano’n ay lalo niyang matulungan si Mira at mapag-ingatan na rin ang kaniyang sarili.”
“H’wag na kayong mag-alala, ako na ang bahalang magbigay ng proteksyon sa taong ito,” muling sabat ni Drew na sa tingin ko ay bahagyang nakapagpagaan sa kalooban ni Koreen.
Natahimik na lamang kami habang pinagmamasdan silang kumakain at masayang nagkukuwentuhan sa loob ng restaurant. Hinawakan ko na lamang ang kamay ni Koreen upang kahit papano ay maibsan ang kaniyang takot at bilang paghingi na rin ng tawad dahil napagtaasan ko siya ng boses. Hindi nagtagal ay nakita namin silang palabas na ng restaurant, hanggang sa tuluyan nang makaalis sina Mira. Doon ay nagkaroon na kami ng pagkakataong makausap ito.
Sinubukan naming kunin ang kaniyang pansin at para bang nagulat siya nang makita kami. Napansin kong natakot siya noong una at nang magpakilala ako ay napanatag siya.
“Nakikita ko sa `yong mga mata, gusto mo siya,” mariing tinuran ni Koreen na pinigilan ko sa pamamagitan ng paghawak sa kaniyang balikat.
“Kung hindi ako nagkakamali, ikaw ang lalaking humabol kay Mirasol noon sa art exhibit?” untag ko. “Ako ang kaniyang kapatid. Nagkausap na tayo nang araw na `yon.”
Tumango siya. “Opo, naaalala ko po kayo. Ako po si Zachary, pinsan ni Lizbeth,” pagpapakilala niya naman. “Nakaalis na po sila, hindi kayo nag-abot.”
“Ikaw talaga ang sadya namin,” tugon ko. “Maaari ka ba naming makausap sandali.”
Pinaunlakan niya kami sa hiling namin at upang maging pribado iyon ay hinikayat ko siyang sa sasakyan niya na lamang kami mag-usap. Pumayag naman siya at pinagkatiwalaan kami kahit na nga ba sa ngayon ay estranghero kaming lumapit sa kaniya.
Unti-unti naming ipinagtapat sa kaniya ang totoo sa likod ng mga nararanasan ni Mirasol, ngunit katulad ko noong una ay hindi rin siya naniniwala. Sa kabila niyon ay napahanga ako ng binatang ito dahil talagang marami siyang alam sa siyensiya at naniniwala akong malayo ang mararating niya. Kung totoo man ang hinala sa kaniya ni Koreen ay hindi ako magiging hadlang sa kaniya sapagkat nakikita ko sa kaniyang mga katangian ang aking sarili. Naniniwala akong kaya niyang pangalagaan at mahalin ang kapatid ko, kung wala lang sanang panganib na nag-aabang sa paligid.
Hinamon siya ni Koreen, isang technique na katulad ng ginawa niya sa akin upang maniwala ako sa inaakala kong kahibangan noon. Kahit pinakitaan na namin siya ng mga larawan ay nagdadalawang isip pa rin itong maniwala kaya hinayaan ko na lang si Koreen sa pagkakataong ito. Nagkaroon sila ng kasunduan at oras na mapatunayan ni Zachary na nagsasabi kami ng totoo ay saka siya magpasya kung mananatili ba siya para kay Mirasol o susundin ang ibinubulong ng kaniyang puso. Naniniwala akong ang taong duwag at hindi wagas ang pagtingin ay dagling tumatalikod at nagpapakita na kaagad ng kawalang interes. Sa mga darating na araw ay masusubok ko pa kung anong klaseng tao siya at kung tama ba ako na nararapat ang kaniyang damdamin para sa aking kapatid na nakumpirma ko mula mismo sa kaniyang sariling bibig.
***
ILANG ARAW ang lumipas at naging maganda ang sitwasyon ng lahat. Natutuwa akong isipin na epektibo ang ginawa kong hakbang upang hadlangan ang mga nilalang na iyon sa paggambala kay Mirasol. Sinunod niya rin ang mga payo ni Zachary kaya nagkaroon siya ng sapat na tulog at nabawasan ang pag-aalala. Nabanggit sa akin ni Mirasol na simula nang makausap niya si Zachary ay gumaan ang kaniyang pakiramdam. Para bang nakahinga siya ng maluwag dahil nakakikita siya ng pag-asa na makapag-move on sa mga dagok na dumating sa aming buhay at unti-unti siyang naniniwala sa sinabi ng binatang iyon na ang kaniyang mga nakikitang nilalang ay nasa isip niya lamang. Buo ang kaniyang pag-asa na mawawala na ang kaniyang mga hallucination at magbabalik na sa normal ang lahat na siya namang ipinangangamba ko, sapagkat alam kong may malaking dagok pang parating sa kaniyang buhay na wala sa aking kontrol.
Mag-aalas tres na ng hapon nang magpasya akong bumisita sa coffee shop at kumustahin ang mga staff doon. Ganoon din ang obserbahan si Mirasol na ngayon ay palagi kong nakikitang nakangiti at unti-unting nanunumbalik sa kaniyang kakulitan. Nasa labas pa lamang ako ay dama ko na ang masayang awra ng lugar, lalo na’t marami ang customer ngayon na nag-rerelax at ini-enjoy ang aming garden.
“Good afternoon, Sir Symon!” pagbati sa akin ng security guard na kaagad ko namang tinugunan ng marahang tapik sa kaniyang kaliwang balikat.
Dumiretso ako kaagad sa loob at bumungad sa akin ang abalang mga staff, ganoon din si Lizbeth na tumutulong na sa pagsi-serve. Sinenyasan ko siya na sumunod sa akin sa opisina ni Mirasol kapag wala na siyang ginagawa at nakangiti naman siyang tumango. Nagulat na lang ako nang madatnan ko si Zachary na kaagad na tumayo nang makita ako.
“Hello po, sir,” bati niya sa akin.
Kunwari naman akong nagpakilala sa kaniya at ganoon din siya upang hindi makahalata si Mirasol na magkakilala na kami. Tumabi ako sa kaniya at nang mabaling ang aking tingin kay Mirasol ay nagtaka ako sa makahulugang titig niya sa akin.
“I’m just checking on Mirasol po, sir,” wika ni Zachary. Maging siya man ay may makahulugang mga tingin sa akin, ngunit iyon ay alam ko kung bakit. Maaaring hindi niya pa rin nakakalimutan ang aming naging pag-uusap.
“Yes, it’s okay and thank you for that,” nakangiti kong tugon sa kaniya. “Kahit anong makatutulong sa kapatid ko, okay lang sa `kin.”
“Madalas siya rito kuya, kahit noon pa dahil suki natin siya,” sabat naman sa amin ni Mirasol na ikinagulat ko naman. Hindi ko alam ang tungkol sa bagay na iyon, pero hindi ko na rin ipinagtaka iyon dahil magpinsan naman ito at si Lizbeth. “Dito talaga kami unang nagkakilala.”
“Ah, akala ko sa art exhibit kayo unang nagkakilala kasi sa naaalala ko noong araw na `yon, nagkabanggaan kayo,” tugon ko naman kasunod nang pagganti ko ng tingin kay Mirasol. Ngumiti ako na parang nanunukso at alam kong naunawaan niya ang ibig kong sabihin dahil sumimangot siya at napakunot ang noo.
Naulinigan ko naman ang pagtawa ni Zachary bago tumunog ang kaniyang cellphone. Kaagad niya naman itong kinuha mula sa loob ng kaniyang bag at sinagot ang tawag.
“Hello, dad?” wika niya. Sandali siyang natahimik at pinakikinggan lamang ang sinasabi ng nasa kabilang linya. “Okay po, pupunta na po.” Ibinaba niya ang kaniyang cellphone at bumaling sa amin. Pansin ko naman na bahagyang dumungaw sa kaniyang mga mata ang lungkot.
“Ah, Mirasol, subukan ko na lang bumalik sa ibang araw o kaya naman, magkita na lang tayo sa unang araw ng counseling session ha?” paalam niya. “Sana makapunta ka. Hindi naman kita pinipilit pero kung gusto mo, welcome ka ro’n. Baka makatulong sa `yo.”
“Sige po, susubukan ko,” kaagad namang tugon ni Mirasol. Napansin ko kung paano niya ito tingnan at hindi na ako magtataka kung isang araw ay sasabihin niya sa akin na mayroon siyang pagtingin sa binatang ito.
“Mauna na po ako sa inyo, sir,” baling niya naman sa akin.
“Sige, mag-ingat ka.” Nang sabihin kong mag-ingat siya, nababatid niyang may iba pang ibig sabihin iyon. Tinugunan niya na lamang ako ng isang tango at ngiti.
Tuluyan na siyang umalis at nang tuluyang sumara ang pinto ay hindi ko napigilang tumawa. Parang naiinis namang tumingin sa akin si Mirasol. “Kung hindi ko lang alam na psychologist ang isang `yon, iisipin kong nanliligaw sa `yo, e. Naaalala mo ba `yong horoscope mo noong pumunta tayo sa art exhibit. Siya yata ang tinutukoy no’n.”
“Kuya naman!” pagsusungit ni Mirasol sa akin. “H’wag mong babanggitin `yan kapag nandito siya, nakakahiya naman.”
Pumalit siya sa binakanteng upuan ni Zachary at muli akong tinitigan ng masama. “Nakita ko ang babaeng nakaitim noong gabing `yon na kasama namin si Zachary na kumain sa restaurant,” saad ni Mirasol na para bang may nais sabihin.
“Talaga?” naibulalas ko. “Hindi na ako magtataka. Alam naman natin na binabantayan ka niya.”
“Akala mo ba hindi ko alam na nando’n ka rin?”
Napatingin ako sa kaniya dahil sa gulat. Hindi ko maisip kung ano ang aking isasagot. Walang halong pagbibiro sa kaniyang tinig at wala ring bakas iyon sa kaniyang mga mata na seryosong nakatunghay sa magiging reakyon ko.
Mayroon pa kaya siyang ibang nakita?
***