PANSIN KO ang kakaibang ikinikilos ni Mirasol, maging ang panginginig niya na hindi ko malaman kung masyado lang talagang malakas ang aircon o mayroon pang ibang dahilan. Hindi siya mapakali na para bang hindi siya kumportable sa presence ko, lalo na nang banggitin ko ang tungkol sa araw kung saan ko siya huling nakita.
Napadpad ako sa coffee shop niya noon nang mabanggit sa akin ni Lizbeth ang tungkol sa kaniyang trabaho matapos niyang tanggihan ang offer ni mommy na irerekomenda siya sa kaibigan nitong manager ng isang restaurant. Madalas niyang nababanggit ang tungkol sa kaniyang matalik na kaibigan na siya umanong may-ari niyon. Natuwa ako para sa kaniya kaya binisita ko siya roon. Sa makailang beses na pagpunta ko, nagkrus ang aming landas ni Mirasol. At hanggang sa kasalukuyan ay nararamdaman ko pa rin ang damdaming pilit kong itinago sa kaniya ng araw na iyon.
“Tell me your story, what happened?” Tinitigan ko lang siya habang naghihintay ng sasabihin niya.
Habang nagkukuwento siya ng lahat ng kaniyang pinagdadaanan, unti-unti siyang nagiging kampante. Nakatitingin na siya sa akin. Ngunit kung nagsimula siyang nakangingiti pa, unti-unti itong napalitan ng lungkot at pagluha. Parang masyadong naging mabigat para sa kaniya ang mga dagok na iyon sa buhay niya. Base sa obserbasyon ko, hanggang sa kasalukuyan ay hindi niya pa rin natatanggap ang pagkawala ng kinikilala niyang mga magulang. Naging mabilis para sa kaniya ang mga pangyayari na para bang nahihirapan siyang iproseso ang lahat ng iyon. Hanggang sa habang tumatagal ang aming pag-uusap ay nagsisimula na akong maguluhan at mapakunot-noo sa kaniyang mga tinuturan. Hindi ako naniniwala, ngunit nakikita ko sa kaniyang mga mata ang labis na takot at sama ng loob. Her mind and heart was juggling with these two negative emotions that’s making her feel anxious.
Bigla ko na lang naramdaman na gusto kong hawakan ang kaniyang mga kamay at yakapin siya, iyon nga lang kailangan kong magpigil dahil baka mahalata niya ako o kaya ay isipin niyang manyakis ako. Gusto kong punasan ang kaniyang mga luha o kaya naman ay samahan siyang umiyak.
Noong una ko pa lamang siyang makita ay may kakaiba na akong napansin sa kaniya. Noon, hindi ko alam na ganito pala kabigat ang kaniyang suliranin.
“Nitong huli, nakakatulog na ako nang mahimbing,” pagpapatuloy niya. “Hindi na nila ako ginugulo pero hindi ko alam kung hanggang kailan ito kaya sinasamantala ko. Natatakot akong isang gabi, tuluyan na nila akong makuha at hindi na ako magising pa.”
Kinabahan ako sa kaniyang mga tinuran. Nag-alala ako. Ganoon na lamang ang takot niya sa mga nilalang na umano’y nasa paligid lamang at nag-aabang ng tamang pagkakataon upang kunin siya. Gusto kong tumawa, ngunit kabastusan iyon para sa aking propesyon. Nandito ako sa larangang ito upang tumulong at hindi upang manghusga ng kapwa. Lalo pa’t ang babaeng nasa harapan ko ay hindi lang basta kliyente sa aking mga mata.
Hindi ako nakatiis kaya tumayo ako mula sa aking kinauupuan at lumipat sa silyang kaharap niya. Magalang at buong respeto kong hinawakan ang kaniyang mga kamay upang pakalmahin siya, sapagkat napansin kong maya’t maya ang pagyapos niya sa kaniyang dibdib na para bang nahihirapan siya sa paghinga.
“Calm down, it’s okay,” nasabi ko. “That’s enough for now. Pag-usapan natin ulit `yan sa mga susunod na araw.”
“Sa tingin n’yo po ba nababaliw na ako, kasi alam ko namang hindi kapani-paniwala ang mga sinasabi ko?” mariin niyang tanong sa akin. Tanong na hindi ko masasagot sa ngayon, ngunit kailangan ko siyang pakalmahin. “No, you’re not.”
“Matutulungan n’yo ba ako? Kailangan n’yo ba akong ipasa sa isang psychiatrist?” urirat niya pa. “Gusto kong maging okay. Marami pa akong pangarap sa buhay ko at ayaw kong iwan ang kuya ko. Para sa kaniya kaya nandito ako ngayon kahit natatakot ako.” Muling pumatak ang kaniyang mga luha.
“If I am not mistaken, sleep paralysis nga ang nararanasan mo kung gano’n. May scientific explanation `yan,” paliwanag ko sa kaniya. “I’ll help you. Hindi kita ipapasa sa iba, ako ang bahala sa `yo.”
Tumango siya, kahit na nga ba pansin kong hindi siya ganoon kasang-ayon sa aking unang sinabi.
“Listen to me, hindi totoo ang mga entities na nakikita mo,” marahan kong wika upang maiwasang magalit siya sa akin at isipin na hindi talaga ako naniniwala sa kaniya. “They don’t exist in this world. Nasa isip lang natin sila kaya h’wag kang magpapakain sa takot mo. At h’wag mong iisipin na nag-iisa ka dahil hindi `yan totoo. Iimbitahan kitang um-attend ng aming counseling sessions every weekend. May ipakikilala ako sa `yo na may kaparehong karanasan ng sa `yo and she’s getting better now.”
“Kaya ko rin ba `tong malampasan?” Tumitig siya sa akin at ang mga tinging iyon na kasabay ng kaniyang tanong ay nagdulot ng kurot sa aking puso.
“Yes, tutulungan kita,” sagot ko. “For now, make sure na magkaroon ka ng enough sleep at i-avoid mong ma-stress. Enjoy your life. Have fun. And take antidepressant medication.”
Magkahawak pa rin ang aming mga kamay. Naisin ko mang huwag na muna siyang bitiwan ay hindi maaari. Labag man sa aking kagustuhan ay binitiwan ko siya at kinuha ang aking mga gamit. Nang mapansin niya ako ay kaagad din naman siyang nag-ayos. Magkasabay kaming lumabas ng aking opisina upang puntahan sina Lizbeth na naghihintay sa lobby. Makahulugang mga ngiti ng aking pinsan ang bumungad sa akin.
Pinaunlakan nila ang imbitasyon kong mag-dinner kasama sila. Doon ay lalo ko pang nakilala si Mirasol. Napatunayan ko na totoo ang mga ikinukuwento sa akin ni Lizbeth tungkol sa kaniya. Habang tinitingnan ko ang mga kilos ni Mirasol ay hindi ko naiwasang maalala ang araw na pinagtapo ang aming mga landas.
Hindi ako nag-agahan kaya naisip kong dumaan sa coffee shop na pinagtatrabahuhan ni Lizbeth para uminom ng mainit na kape at bumili ng makakain sa opisina. Ilang minuto na akong tumatawag, ngunit walang staff na nagbabantay. Hanggang mapansin ko ang isang babaeng papalabas ng kitchen area. Disente ang kaniyang pananamit at hindi rin iyon ang alam kong uniporme ng kanilang staffs kaya naisip kong baka manager siya. Nang maagaw ko ang kaniyang pansin at naglakad siya papalapit sa akin, para bang biglang bumagal sa pag-ikot ang mundo. Hindi ko akalaing mararanasan ko pala iyong katulad sa mga teleserye at pelikula na kapag nagkakatagpo sa unang pagkakataon ang dalawang bida ay parang nagkakaroon ng slow motion ang tingin ng isa. Iyong tipong may electric fan na nakatapat doon sa babae na umiihip sa mahaba nitong buhok.
Nahiya ako na baka napansin niya iyong mga ngiti ko kaya kaagad akong sumeryoso. Nagpaka-presko na lang ako para hindi niya mapansin na natulala ako sa kaniya. Nagulat na lang ako nang malamang siya pala ang may ari na kaibigan ng pinsan ko.
“Thank you, sir,” nakangiti niyang tinuran. “Lalo akong na-inspire na i-manage ang coffee shop na ito na ipinamana sa akin ng mga kinikilala kong magulang. Aasahan ko po kayo palagi, ha? P’wede rin kayo mag-invite ng tropa n`yo at bibigyan din po kita ng discount simula ngayon.”
Natuwa ako sa sinabi niyang iyon dahil mapapadalas talaga ako sa lugar na ito dahil sa kaniya. Maaari ko siyang makita anumang oras o araw ko gustuhin nang hindi siya nagtataka. Napangiti ako, ngunit pilit kong ikinubli ang labis na tuwa na idinulot niya sa akin.
“That’s great, thank you!” kaagad ko namang tugon sa kaniya. “Don’t worry, I will recommend your coffee shop to my friends.”
Kunwari ay tumingin ako sa mga naka-display nang pagkain, gayung nasa daan pa lamang ay alam ko na talaga ang bibilhin ko dahil bigla akong nag-crave sa maja blanca na luto ni Lizbeth. Huli ko kasing natikman ang mga luto niya noong bago nawala si tito at mula noon ay bihira na kaming magkita.
“Coffee and your special maja blanca sana,” order ko. “Take out na lang sana, p’wede ba? Pero `yong kape, dito ko na iinumin.” Para sana makita ko pa siya nang matagal-tagal. Maya’t maya akong sumisilip sa kitchen area para sana batiin si Liz, pero hindi ko siya makita.
“Special ba kamo?” naibulalas niya. “Well, specialty naman talaga `yon ng magaling kong chef.” Tumawag siya ng isa sa kaniyang mga staff para ihanda ang order ko. Medyo na-disappoint ako ng kaunti dahil buong akala ko ay siya ang gagawa para sa akin dahil ituturing ko talagang espesyal iyon at ang araw na ito.
“I know.” Nginitian ko siya ulit. Nagulat na lang ako nang hindi si Liz ang lumabas. Hindi ko siya makita kaya naisipan kong tanungin siya. Another technique para pahabain pa ang aming pag-uusap. “Si Liz?”
Napansin kong nagulat siya nang hanapin ko si Lizbeth. Para bang napapaisip siya habang nakatitig sa akin na mistulang matagal na kakilala at iniisip kung saan niya ba ako nakita o kung sino nga ba ako. Ngunit hindi ko nasisiguro iyon dahil maaaring mayroong ibang tumatakbo sa kaniyang isipan. Maaaring iniisip niyang nanliligaw ako sa kaibigan niya.
“Wala pa, e,” sagot niya kasunod ang pag-abot sa akin ng aking order. “Heto, sir. Have a great day!”
Ibinigay ko ang bayad sa kaniyang staff. Tiningnan ko ang aking relo at mayroon pa akong oras upang mag-stay ng kahit kaunting sandali pa. “Lagpas alas nuwebe na, baka hindi niya na ako abutan. Thank you ulit, ma’am,” wika ko. Pero sa totoo lang, umaasa akong sabihin niyang mag-stay muna ako kahit na sandali.
“Sige po, maiwan ko na rin kayo. Hintayin n`yo na lang ang sukli.” Kaagad niya akong tinalikuran kaya’t nakaramdam ako ng panghihinayang.
Ibig ko sanang muling tawagin ang kaniyang pansin nang makapagpakilala man lang ako, subalit hindi ko na nagawa pa. Mabilis ang kaniyang mga hakbang papasok sa isang silid na marahil ay opisina niya. Mayroon siyang dinadalang suliranin, nababasa ko iyon sa kaniyang kilos at mga mata.
Mula noon, madalas ko siyang maitanong kay Lizbeth. Palagi ko siyang hinahanap tuwing pumupunta ako ng kanilang coffee shop, iyon nga lang may sakit daw ito kaya hindi muna pinapapasok ng kaniyang kapatid. Nang dahil sa hindi ko maiwasang maging bukambibig siya palagi ay napilitan akong ipagtapat sa pinsan ko ang nararamdaman ko.
“Na-love at first sight yata ako sa best friend mo,” napapailing kong tinuran bilang pag-amin kay Lizbeth. “Can you introduce me to her?”
Natahimik si Liz, parang napapaisip hanggang sa bigla siyang napatingin sa akin at malapad ang mga ngiti. “Tama!” naibulalas niya. “Ikaw ang pinakamakakatulong sa kaibigan ko.”
“Bakit? Ano ba’ng problema niya?” urirat ko. Naging palaisipan para sa akin ang kaniyang mga nasabi.
Umiling-iling si Lizbeth bilang pagtangging sagutin ang aking tanong. “It’s not my story to tell.”
Mula sa pagbabalik-tanaw ay nakuha ni Lizbeth ang aking pansin ng sipain niya ang paa ko habang kumakain kami. Nagulat ako kaya kaagad akong napatingin sa kaniya at isa namang nakaiinsultong ngiti ang bumungad sa akin. Napansin niya yata ang pananahimik ko. Ngunit nahiya ako nang mapansing nakatingin din sa akin si Mirasol na parang nagtataka.
“Yes?” wika ko.
“Tinatanong ni Mira kung p’wede ka niyang tawaging doc,” sagot sa akin ni Lizbeth na parang pilit nagpipigil sa pagtawa.
“Not yet, pero darating din tayo r’yan. For now, masaya akong mag-work muna as registered psychologist sa gobyerno habang nag-iipon,” paliwanag ko naman.
Napansin kong napalingon si Mirasol sa labas at parang may nakitang kung sino. Nang tanungin siya ni Lizbeth ay umiling lamang siya at nagdahilan.
Paglabas namin sa restaurant ay humiwalay na sila sa akin. Hindi na ako nag-alok pa na ihatid sila dahil may sasakyan naman sila at driver na kasama. Ayon din sa pagkakaunawa ko sa pagpapakilala ni Lizbeth sa driver, body guard din ito ni Mirasol kaya panatag ang loob kong ligtas silang makauuwi. Pinagmasdan ko pa ang kanilang sasakyan habang papalayo ito hanggang sa hindi na maabot ng aking paningin.
Papunta na ako sa aking sasakyan nang may sumitsit sa akin mula sa madilim na bahagi ng parking space. Hindi ko ito kaagad na nakita dahil madilim ang paligid sa labas ng restaurant at paisa-isa lang ang mga poste ng ilaw. Hanggang sa isang lalaki at babaeng nakaitim ang lumapit sa akin. Nagulat ako ng matamaan ng liwanag ang mukha ng babae, kamukhang-kamukha niya si Mirasol habang ang lalaki ay pamilyar naman sa akin.
Ang kabang sumikdo sa dibdib ko ay napawi nang ngumiti sa akin ang lalaking iyon at pormal akong binati ng magandang gabi. Nakipagkamay rin siya sa akin matapos magpakilala.
“Nakikita ko sa `yong mga mata, gusto mo siya,” mariing tinuran ng babae. Mistulang may pagtutol sa kaniyang tinig.
***