INUUSIG AKO ng aking konsensiya. Isang mabuting kaibigan ang nakuha nila sa akin. Isang puso naman ang nagungulila at nasasaktan nang dahil doon. Ang masakit pa, si Lizbeth iyon at ang kaniyang pagluha ay dobleng pasakit para sa akin. Kung maaari lang sanang layuan ko na lang silang lahat para hindi na sila madamay pa at manganib ang buhay, gagawin ko. Iyon nga lamang, kung wala ako para sa kanila ay lalo silang maaring malagay sa panganib at tanging ako lamang ang makakapagprotekta sa kanila. “Bakit gano’n, ate? Bakit nandadamay pa sila?” urirat ko. “Ako na lang sana, tutal ako naman ang gusto nila.” Yakap-yakap ko ang aking sarili habang nakaupo sa sulok ng aking kama. Ang konkretong pader na aking nasasandalan ay tila ba siya na lamang kaibigan na hindi nila makakanti laban sa akin.

