Chapter 13

2319 Words
Chapter 13: Jolly Date Nagkamot ako ng batok at inilibot ang tingin sa paligid. Takte. Ako pa talaga ang nag-aya. Pasimple ko siyang sinilip na parang hindi makapaniwala. "Tara roon sa Jollibee. Libre mo," saad ko nang hindi pa rin siya nagsalita. Ilang metro lang din ang layo ng McDo na kinainan naman namin nina Jhas at Ariane noong linggo. "Akala ko ba ay hindi ka tumatanggap ng libre?" Bahagyang kumurba ang mga labi niya at nagbago ang timpla ng mga mata na kanina ay seryoso at nahihiya. Ngayon ay maaliwalas na ang mga ito. Tinaasan ko siya ng kilay at nagpamewang sa harap niya. "People change, bakit? Tara na. Baka maubusan tayo ng seat." Nauna na akong maglakad. Lumingon ako ng kaunti para tignan kung sumunod siya. Napangiti naman ako dahil para akong may bodyguard. Maraming tao ang nakapila sa counter na karamihan ay mga estudyante na rito rin napiling mag-dinner. Okupado na halos lahat ng upuan. Ang natitira na lang ay yung mataas na table at chairs na nakaharap sa salamin na pader. Pinatos na namin kaysa wala. Maganda rin namang tanawin ang labas kung saan makikita ang kalsada at ang mga taong nagdaraan. "Anong gusto mong kainin?" tanong ni Reign na nakaupo sa kanan ko. Umikot naman ako paharap sa counter para pasadahan ang menu. Gusto kong kainin lahat. Magtitimawa ako ngayon dahil libre! "Ikaw ang bahala. Kung ano ang kaya ng budget mo, mister," ngisi ko sabay kindat. Magwawala talaga ako kapag budget meal lang ang binili niya. Tinanguan niya lang ako at tumalikod na kaagad. Nangunot naman ang noo ko nang mapansin ang pamumula ng mga tainga niya. Teka. May nasabi ba akong masama? Lah! Baka akala niya ay pinapabili ko lahat ng nasa menu. Humarap na lang ulit ako sa lamesa at pinagmasdan ang labas. Kaunti na lang ang mga estudyante sa tapat ng university. Nabaling naman ang tingin ko sa mga gamit ni Reign na nakapatong sa lamesa. Kinuha ko ang id niya na nakakabit pa sa lace. Nakasuksok lang ito sa bulsa ng black nike bag sa gilid. "Reign Manalo Yang. Tss. Kaya pala waging-wagi." Binaligtad ko ito sa kabilang side. "22 ka rin pala kagaya ni Sir King. Wow, aquarius man." Napatango na lang ako nang makita ang mga info tungkol sa kanya. Mahilig kasi ako sa zodiacs. Leo ang zodiac sign ko. Inayos at ibinalik ko na ito sa lalagyan nang mapansin naman ang book na katabi ng bag sa kabilang side. Inabot ko iyon at tiningnan ang pamagat, The Law on Obligations and Contracts. Napahilot ako sa sintido. Title pa lang, sumakit na kaagad ang ulo ko. Nilingon ko siya na pangatlo na sa pila. Medyo matagal pa. Tumuon na lang ulit ako sa libro at sinimulan na itong buklatin. Napasalo na lang ako ng baba sa palad habang isa-isang binabasa at ini-intindi ang mga article. "Philippine Civil Code Article 1156, an obligation is a juridical necessity to give, to do or not to do." Umayos ako ng upo at inulit yung line habang nag-aastang abugado sa korte at diretso ang tingin. "Your honor, an obligation is a juridical necessity to give, to do or not to do!" Napailing na lang ako at nagtakip ng bibig sa pagtawa. Hindi ko pala bagay. Nagpatuloy pa ako sa pagkabisa hanggang sa napagod na ako at binuklat-buklat na lang ang mga pahina. Pumunta ako sa pinakadulo. Biglang natigilan ako sa nakita. May isang page sa likod ng libro ang walang print... at may naka-sketch na scenery. Pamilyar iyon. Hanggang sa maalala ko ang view mula sa balcony ng condo ni Reign. Kahawig na kahawig ng nakaguhit dito gamit ang lapis. Sobrang pulido. Si Reign ang gumawa nito? Ililipat ko sana sa kabilang side dahil napansin ko na may nakaguhit din doon nang may pumigil sa kamay ko. Isinara niya ang libro at dahan-dahang kinuha sa akin. Lumingon ako sa kanya nang makaupo na. "Ang galing. Gawa mo 'yon?" tanong ko habang inaagaw ng tray na inilapag niya sa mesa ang atensyon ko. "N-No," tipid lang niyang tugon habang inilalagay ang aklat sa loob ng bag. "So ninakaw mo yung book?" Kumuha ako ng isang pirasong fries at isinubo. "Bakit ang dami mong binili?" Dalawang order ng chicken, spaghetti, large fries, burger at soda ang binili niya. At may dessert pang ice cream! "Hindi ko alam kung anong gusto mo." Inilagay niya ang mga gamit niya sa dulo ng lamesa. Tinulungan ko siyang alisin sa tray ang mga pagkain. Napalunok na lang ako nang makita ang presyo ng lahat ng binili niya sa receipt. Takaw-tingin lang ako pero hindi ko naman yata kayang ubusin ang lahat ng ito, lalo at gabi na. "Salamat. Sa susunod ako naman ang manlilibre sa 'yo ng burger steak." "Cheap." Sinamaan ko siya ng tingin na kasalukuyang naghahalo ang sauce ng spaghetti. Gumilid ang mga mata niya sa akin nang mapansin ang pagtitig ko. Umangat ang sulok ng bibig niya. "Bahala ka kung ayaw mo." Ngumuso ako at tumuon na lang din sa pagkain. Pasimple naman akong napangiti dahil ngumiti ulit siya. Fake news yata yung sinabi ni Goku eh. Hindi naman ako nagbibiro na budget meal lang ang ililibre ko sa kanya pero natuwa siya. "Umm, Kaoru." Pakagat na sana ako sa manok nang bigla siyang lumingon sa akin. Dahan-dahan kong inilayo sa bibig ko yung manok at umigting ang panga dahil nasira ang aking moment. "Hm?" Pilit kong pinakalma ang boses. Humarap ako sa kanya at hinintay ang kanyang sasabihin. Hindi siya makatingin ng tuwid sa mga mata ko. "W-Wala," saka siya bumalik sa plato. Kumagat ako sa ibabang labi at suminghap. Kalma, Kaoru. Mabait ka. "By the way. Since nagtanong ka na tungkol sa buhay ko, ako naman ang magtatanong ngayon." Lumapit ako ng kaunti. "Nasaan ba yung parents mo? Bakit nagco-condo ka?" Kinuha ko na lang yung burger at iyon ang nilantakan habang nakatingin pa rin sa kanya. Ibinalik niya ang tingin sa akin kaya inilayo ko na ang mukha ko. Gumilid ako ng upo at ipinatong ang braso sa lamesa paharap sa kanya. "In Manila," pino niyang tugon. "Oh! Eh ano ang ginagawa mo rito sa Las Tierras? Bakit dito ka nag-aaral?" "My father is a shareholder in the university," punto niya sa Weigel University na katapat namin. Nanlaki ang mga mata ko at itinuro rin ito. "Isa kayo sa may-ari ng Wee-gel?!" "I-It's Way-gel." Lumihis siya ng tingin at itinakip ang kamao sa bibig. Napaubo dahil sa pagpipigil ng tawa. Namula ang mukha niya saka uminom. "Oh, ano ka ngayon? Bilis dumating ng karma, 'di ba?" bara ko habang pinapanood siyang maghirap dahil sa kasamaan ng ugali niya. Sa loob-loob ko ay nahiya rin ako dahil buong akala ko ay wee-gel talaga ang basa roon. Muntik ko nang isipin na wiggle song yung campus hymn nila. Haha charot! Inayos niya ang kwelyo ng polo niya nang maka-recover at hinarap ulit ako. Masama ang tingin ko sa kanya habang gigil na kinakagat yung burger. "I'm sorry. I just... I never heard someone say that." "Oo na. Ako na yung shunga." Binilog ko yung balot ng burger nang maubos at hinarap naman yung spaghetti. "Grabe. Ang yaman n'yo pala talaga. Nakakaramdam ka pa ba ng gutom?" "It's theirs." "Pero sino pa ba ang magmamana ng properties ng parents mo." Tumingala ako ng bahagya habang ngumunguya. "Magkwento ka nga tungkol kay James. Gusto kong malaman kung maganda ang intensyon niya sa kaibigan ko. May alam ka ba sa kalokohan niyang 'yon?" Tumikhim siya at tumango. "Do not worry. Kilala ko si James. That was the first time he did such thing kaya sigurado na may nararamdaman talaga siya sa kaibigan mo." Suminghal ako pero pinigilang matawa. Sino pa ba ang lilinis sa pangalan ng bawat isa kundi sila-sila rin. "Tinawagan niya ang number na ibinigay ng friend mo. He's fooled. Matanda ang sumagot." Hindi ko na napigilan, bigla akong humagalpak ng tawa. Muntik pa ngang lumabas sa ilong ko ang pasta ng spaghetti. Bwisit! "Malay n'yo, si nanay na ang forever ni James." Tawang-tawa pa rin ako sa ginawa ni Ariane. "Good luck sa kanya. Sinasabi ko na, mahihirapan siya." "James is persistent. He didn't say he's in love because he doesn't believe in instant passion." Natigilan ako sa pagtawa nang lumingon siya sa akin. Seryoso ang mukha. "But he said your friend is special." Napakurap ako at napanganga na lang sa pagkabigla. Talaga bang sa lalaki ko naririnig ngayon ang mga 'yan? Umiwas ako ng tingin dahil nakatitig pa rin siya sa akin at nagmadaling uminom ng soda. "Ang gaganda lang talaga ng sinasabi n'yo tungkol sa isa't isa. Special. Parang mamon lang ah. Usually, hindi ganyan ang maririnig sa mga lalaki---" Bigla akong napatakip ng bibig nang maalala yung sinabi ni Goku. "P-Pero hindi ko naman pinapalabas na hindi kayo t-tunay na lalaki. T-Tunay kayo." Inilihis ko na lang ulit ang tingin sa kanya dahil baka matagpuan ko na lang ang sarili kong nakikipaghalikan na naman sa kanya. Inubos ko yung spaghetti ng halos sampung segundo. * * * Nag-offer siya na ihatid na ako sa apartment at hindi na ako tumanggi dahil mahihirapan akong maglakad sa sobrang pagkabusog. Hindi ko nga alam kung paano nagkasya ang lahat ng iyon sa bituka ko. Kukunin namin yung kotse niya sa loob ng university. Masisilip ko yung loob ng campus nila! Nakatayo kami ngayon sa gilid ng highway kasama ang ibang naghihintay na huminto ang mga sasakyan para makatawid. Marami kaming napag-usapan habang kumakain, tulad ng kung paano nabuo ang friendship nilang apat. College noong lumipat si Reign dito sa Las Tierras para mag-aral. Sina James at David ang mga una niyang nakasama sa kursong Political Science. Ngayon ay unang taon nila sa Law School at ngayon lang din nila nakilala si Mackie na accounting naman ang kinuha noong kolehiyo. "May nasabi si James sa akin. Hindi ka raw pumasok noong lunes para gumawa ng gitara." Magkasabay kaming tumingin sa isa't isa at hindi man lang siya nagulat sa sinabi ko. "Bakit mo ginawa 'yon?" "I had no choice. Puno ang trabaho ng repair shops na pwedeng gumawa sa gitara mo. It will take more time bago maibalik sa 'yo." "Nakonsensya tuloy ako. Hindi sana ako pumayag na iwan sa 'yo si Melody." "I was the one who insisted. And it's just one day. It won't affect me that much." Napalabi na lang ako, siya naman ay ibinalik na ang tingin sa kalsada. Tumatama sa mukha niya ang ilaw ng mga nagdaraang sasakyan na nagpapaliwanag sa brown niyang mga mata. Sumabay kami sa agos ng mga tao nang mag-umpisa nang tumawid. Dahil maraming kasabay ay hindi tuloy maiwasan na magdikit ang mga balat namin sa tuwing lilihis sa mga papasalubong. Nang makarating sa kabilang side ay napansin ko ang malalim na pag-iisip niya. Ilang beses siyang napabuntong-hininga at hindi nga ako nagkamali ng hinala dahil huminto siya sa paglalakad saka humarap sa akin. "Kaoru?" Itinaas ko lang ang mga kilay ko para ipakita na naghihintay ako sa sasabihin niya. Nakita ko na parang nag-aalangan na naman siyang ituloy. "Pwede bang sabihin mo na? Kanina ka pa, eh. Bet na bet mo lang akong tawagin sa pangalan? Ano ba kasi 'yon?" Kumibot ang mga labi niya. "A-Aren't you feeling awkward... being with me?" "Ha?" Tumuon siya sa ibang direksyon at nagpatuloy sa pagsasalita. "Hindi maganda ang naging encounter natin sa umpisa. Ang sabi mo ay kalimutan na lang natin ang nangyari. What you meant by that is that we should get rid of each other, right? If you're doing this because you feel indebted to me, y-you don't have to." Mabagal akong tumango at napapangiting lumihis ng tingin sa kanya. Okay. Mukhang na-misunderstand niya ang sinabi ko na nakonsensya ako sa paggawa niya kay Melody. Itinagilid ko ang ulo ko. "Sa totoo lang, balak ko talaga na huwag nang magpakita at makipag-usap sa iyo kapag nakuha ko na ang gitara. Hindi kita pwedeng sisihin sa kagagahan ko. At alam ko... na hindi rin magagawang kalimutan ang isang bagay sa paraan ng pag-iwas. Amnesia lang ang sagot." Napangisi ako. "Reign." Pagharap naming muli sa isa't isa, sinikap kong ipakita sa kanya na ayos na ako. Dahil sa paksa ng usapan ay hindi tuloy namin maiwasang ibaba ang tingin sa mga labi. Imbis na mailang ay napayuko ako at nakapikit na natawa. "Taragis. Ang tanda na natin para gawing big deal pa ang nangyari." Bakit ba para sa iba ay ang dali-dali lang gawing libangan ang ganoong bagay, pagkatapos ay parang wala lang. Narinig ko siyang tumikhim. "So... you want us to just act normal whenever we encounter?" Tumango ako at nag-angat ng tingin sa kanya. "Mas mabuti na 'yon, 'di ba? Kaysa lagi nating tatakasan ang isa't isa. At... marami akong na-realize sa mga sinabi mo. Mas gusto kong maalala ang mga iyon." Nakakatawa. Paano ko nagawang maging ganito ka-honest sa kanya? Napunta ang atensyon niya sa kamay ko nang ilahad ko ito sa harapan niya. Inosente naman siyang tumingin sa akin at napairap na lang ako. "Sumakay ka na lang. Ang pangit kung paano tayo nagkakilala kaya ulitin natin." Bumuga ako ng hangin saka ngumiti. "Hi, I'm Kaoru Torres. You are?" Napailing siya habang nakaangat ang sulok ng mga labi pero sa huli ay tinanggap din ang kamay ko. "Reign Yang. Nice to meet you, Kaoru." At sa kauna-unahang pagkakataon ay nasilayan ko siyang maglabas ng mga ngipin sa isang ngiti.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD