5

1854 Words
"Kailan kaya tayo yayaman, ate?" Napailing na lamang si Mandie dahil sa tanong ng dose anyos niyang kapatid na si Utoy. Kahit hirap sila at patigil tigil ito sa pag aaral ay nasisiguro niyang matalino ang kapatid niya at katulad niya ay may pangarap din sa buhay. "Ang inay tumigil nang mangarap simula nang mamatay si itay," hirit naman ni Upeng. "Tama na nga kayo," pigil niya sa dalawa. Mas matanda lang si Utoy ng dalawang taon kay Upeng. Kapatid niya ang mga ito at siyang mga kasama niya sa paghahanapbuhay. "Ate Mandie, saan ka pala nanggaling noong isang gabi? Parang nakita kasi kitang umuwi ng madaling araw tapos ang ganda ng suot mo." Natigilan siya at nilingon si Upeng. "May iba pa bang gising ng gabing iyon?" "Wala ate, lumabas lang naman ako ng kwarto para kumuha ng tubig dahil bigla akong nauhaw. Ikaw ba talaga iyon?" "Naku, ano naman ang tingin mo kay Ate? si Cinderella na nagiging maganda ang damit sa gabi? Baka namalikmata ka lang dahil nga bagong gising ka. Sabi ko naman kasi sa'yo Upeng, magdala ka na lang ng pitsel at baso sa kwarto natin sa gabi para hindi ka na lalabas pa." "Sa liit ng bahay natin gagawin ko pa ba iyon, eh, pagkalabas ko ng kwarto kusina na." ang nakalabing tugon ni Upeng. "Oh, siya tama na. Hindi ako iyon, Upeng. Tama ang kuya Utoy mo, namalikmata ka lang." pagdadahilan niya. Mas mabuti ng hindi malaman ng mga kapatid niya ang totoo dahil ayaw niyang mag iba ang tingin ng dalawa sa kaniya. Tulak-tulak nila ni Utoy ang kariton habang nakasakay naman si Upeng. Kanina pa kasi nagrereklamo si Upeng na masakit na ang paa kaya pinagbigyan na nila. Kagagaling lang nila kay Mang Wally para ibenta ang mga bote, dyaryo at latang kinalakal nila. Iyon ang ikinabubuhay nila maliban sa pagtanggap niya ng labada at pag extra bilang tindera sa palengke. Sa maliit na halagang kinikita ay pilit na pinagkakasya nila iyon sa pang araw-araw na gastusin. "Ate, dumating na nga pala ang bill natin sa tubig, one hundred fifty. Sa sunod na linggo ang due date." Paalala ni Utoy sa kaniya. "One hundred fifty? Bakit tumaas? 'di ba isandaan lang naman ang bayaran natin noong nakarang buwan?" nanghihinayang siya sa singkwenta pesos na dagdag sa bayarin nila. Malaking halaga na iyon para sa kaniya at pwede nang pangsalba ng pananghalian nila. "Eh, ate iyon boyfriend ni Inay, nagdala ng sangkaterbang damit na labahin noong isang araw." Nanlumo siya. Hindi na talaga natuto ang nanay nila. May bago na naman itong karelasyon at tiyak na sa bahay na naman nila iyon titira. Hindi siya umimik. Mas mabuti nang manahimik siya dahil ayaw niyang ipakita sa mga kapatid na nagagalit siya. Kahit din naman kasi mainis siya at pagsabihan ang ina ay siguradong hindi ito makikinig sa kaniya. Tatlong taon na magmula ng pumanaw ang kaniyang itay dahil sa malubhang sakit. Simula niyon ay naging pasaway at lasenggera na ang kaniyang ina. Hindi daw kasi nito matanggap ang pagkawala ng asawa kung kaya naghahanap ito ng pagkalinga mula sa mga lalaking nakakarelasyon nito. Hindi man niya matanggap ay wala pa rin siyang magagawa. Ang tanging iniisip na lamang niya ay kung papaano maiaahon sa hirap ang pamilya at mapag aaral ang dalawang kapatid. Natigil na naman sa pag aaral ang mga kapatid niya. Parehong nasa grade five na sana ang dalawa pero hindi niya naienroll noong pasukan. Kinapos sila sa pera dahil sa pagkakasakit ng nanay nila. Isabay pa na naputulan sila ng tubig at kuryente at kinailangan niyang unahin iyon dahil na rin sa request ng ina. Hindi daw kasi nito matagalan na walang electric fan at baka sumpungin ito ng asthma. Malalim na napabuntong hininga siya. Humigpit ang paghawak niya sa sa kariton at patuloy lang na naglakad habang tulak iyon. "Ate, bakit hindi ka na lang mag artista? Maganda ka naman, ang totoo niyan mas maganda ka pa sa ibang artista na napapanood ko sa TV." "Tama si kuya Utoy, at magkamukha tayo ate Mandie. Pareho tayong maganda eh." hirit ni Upeng. Natatawang siniko niya si Utoy. "Naku 'toy, imposible naman 'yon. Walang naliligaw na talent manager dito dahil nasa squatters area tayo. At isa pa sa halip na pumila ako sa mga audition ay magtitinda na lang ako sa palengke para may kainin tayo." tugon niya. Marami ang nagsasabi kay Mandie na maganda siya. Kakaiba daw ang ganda niya at sa unang tingin ay hindi daw iisipin ninuman na may dugo siyang Pilipina. Kahit medyo kayumanggi ang balat niya ay makinis siya. Mahaba at tuwid ang kulay itim na buhok niya kaya madalas siyang biruin ng mga kapatid na daig pa niya ang model sa isang shampoo commercial. Matangos ang ilong niya na parang sa isang bumbay. Kulay tsokolate naman ang mga mata niya na binagayan ng mahahabang pilikmata. May ilan na nakapagsabi sa kaniya na may kahawig siyang foreign actress pero hindi naman niya pinaniniwalaan iyon. "Totoo naman ate, hindi mo ba pansin? Kahawig mo rin kaya si Liza Soberano." "Ay sus! mamaya bibigyan kita ng piso," biro niya na ikinatawa ng dalawa. Pagkauwi ay maingat na tinabi nila ang kariton sa likurang bahagi ng bahay nila. Mahirap nang iwan iyon sa labas dahil tiyak na may ibang mag iinteres na kunin iyon. Ayaw pa naman niyang mawala ang kariton dahil ginawa iyon ng kaniyang ama noong nabubuhay pa ito. Magkakasabay na pumasok na sila sa loob ng maliit na bahay para lang matigilan nang mabungaran nila ang ina na pabalik balik na naglalakad sa maliit na sala habang bitbit nito ang isang bote ng alak. Balisa ito at parang nanginginig pa sa takot. Agad na nagsikip ang dibdib niya nang tumigil ito sa paghakbang at lumingon sa kaniya. Hinawakan niya sa isang balikat si Utoy. Nag aalalang lumingon sa kaniya ang kapatid. "Ate?" "Heto ang singkwenta pesos, sumaglit na muna kayo sa palengke ni Upeng para bumili ng ulam natin ngayong gabi." utos niya. Nagulat man ay tila nakakaunawang tumango na lang ang dalawa at umalis na. Nagmamadaling isinara niya ang pinto at nilapitan ang ina. "'Nay?" "Mandie, anak, kailangan ko na ng tulong mo. Itinakbo ni Sonny ang perang hiniram naming dalawa para sana sa plano namin na negosyo. Tulungan mo naman ako, anak." nagmamakaawang hinawakan nito ng mahigpit ang mga palad niya. Parang tinadyakan ng ilang libong beses ang dibdib niya. Tiningnan niya ang ina at napansin niya ang pag iwas nito ng tingin. Nasasaktang umiling siya at bumitiw sa paghawak nito. "Nagsisinungaling ka." malamig na sabi niya. "Mandie!" "Hindi mo na kailangan gumawa ng kwento 'nay. Narinig ko ang usapan ninyo ng intsik na kakilala mo. Gusto mo akong ipambayad utang! May utang ka sa intsik na iyon at bilang kabayaran ay ibibigay mo ako sa anak ng boss niya bilang regalo. At maliban sa makakabayad ka na ng utang ay kikita ka pa!" nagsimula nang sumabog ang galit sa dibdib niya. Isang malakas na sampal ang ibinigay sa kaniya ng ina. "Wala kang utang na loob! Pagkatapos kitang alagaan ay ito lang ang igaganti mo sa akin? hah! anong ipinagmamalaki mo? ang kakarampot na kinikita mo? ang pagtulong mo? kulang pa Mandie! Kulang na kulang pa!" sigaw ng ina sa kaniya. Dinuro siya nito. "Hindi mo alam kung anong hirap ang pinagdaanan ko mabuhay lang kayo noon." Sapo ang namumulang pisngi na tiningnan niya ang ina. "Noon pa iyon 'nay. Noong buhay pa sa itay. Pero ngayon, hindi na kita kilala." "Wala kayong pakialam kung ano man ang gawin ko sa buhay ko. Mga anak ko lang kayo kaya dapat lang na paglingkuran ninyo ako. Oo! nagsisinungaling lang ako at ano naman ngayon? hindi ka ba makikinabang sa pera kapag naibigay mo ang gusto ko? ang gusto ng intsik na iyon?" "'Nay!" nagsimula na siyang mapahagulhol. Hindi na niya kaya pa ang masasakit na salitang lumalabas sa mismong bibig nito. "Manang mana ka sa ina mo!" anito at malakas na itinulak siya. Gulat na napaatras siya at pinagmasdan ang ina. Maging ito ay natigilan din at natutop ang mga labi. "L-lasing lang po kayo, magtitimpla lang ako ng kape. Kalimutan na natin ang nangyari ngayon." nanginginig ang tinig niya dahil sa matinding tensiyon. Nilampasan niya ang ina para ipagtimpla ito ng kape pero mabilis na sumunod ito sa kaniya sa kusina. "Bakit ba tinatakbuhan mo ang totoo? Sinasabi na ng lahat sa'yo pero ayaw mong maniwala. Hindi ka ba nagtataka kapag sinasabi nila sa'yo na hindi kita kamukha? Na hindi mo kamukha ang tatay mo at ang mga kapatid mo?" "'Nay tama na!" padabog na inilapag niya sa mesa ang tasang hawak niya. "Wala akong dapat na paniwalaan dahil kayo lang ang pamilya ko." pinahid niya ang mga luha sa pisngi. Marahas na napahinga ng malalim ang ina at naaawang tiningnan siya. "Hindi kita anak. Iyon ang totoo. Anak ka ni Amanda, ang unang asawa ng itay mo bago kami nagkakilala. Isang taon ka pa lang nang magpakasal kami ng tatay mo. Ang sabi niya sa akin ay nagtrabaho ng dalawang taon sa Italy si Amanda at nang umuwi ay buntis na. Mabait ang itay mo kaya nang mamatay si Amanda sa panganganak sa'yo ay tinanggap ka niya at inalagaan kahit hindi ka niya totoong anak." Dahan dahan siyang pumihit paharap sa ina. Anong rebelasyon pa ba ang dapat niyang tanggapin ng mga sandaling iyon? nabitiwan niya ang hawak na kutsara habang nag uunahan sa pagpatak ang mga luha niya. Matagal na niyang inisang tabi ang usap usapan ng mga tao tungkol sa totoong pagkatao niya. Anak daw siya ng isang Italyano at hindi pinanagutan ang totoo niyang ina dahil may asawa na ito. Maraming haka-haka ang mga kapitbahay tungkol sa kaniya pero wala siyang pinaniniwalaan sa mga ito. Walang sinasabi sa kaniya ang ama kaya naisip niya na hindi iyon totoo. Umaasa siyang imposible iyon. "Ngayon, sapat na bang dahilan para hindi ka na magtaka kung bakit gusto kitang ipambayad utang? Sapat na bang singilin kita sa lahat ng mga hirap ko sa'yo? kailangan ko ng malaking salapi para makabayad sa intsik na iyon. At isa pa, tama ka dahil may dagdag na kabayaran. Plano kong magtayo ng negosyo para mabuhay naman tayo ng sapat at hindi umaasa sa pangangalakal ninyong tatlo. Maawa ka naman sa mga kapatid mo." "S-sa akin po ba hindi kayo naaawa?" pigil ang paghingang tanong niya. "Diyos ko naman, Mandie. Tingnan mo nga, ang ilan sa mga kapitbahay natin na nagpunta ng Japan ay umuuwing madatung. Kung ginagamit mo ba naman ang ganda mo, malamang na mas mayaman ka pa sa mga japayuking kakilala natin. Kabirhenan lang naman ang kailangan sa'yo ng anak ng boss ni chen . Wala na iyong halaga ngayon. Makakalimutan mo rin iyon. Pera, perang importante!" "Hindi na ako birhen na katulad nang iniisip mo." mahinang anas niya at nanghihinang tinalikuran ang ina. "Ano?!" "Hindi na ako birhen. Ngayon inay, sapat na rin ba iyon para tigilan ninyo ako? hindi na ako birhen kaya huwag na ninyong ipilit pa na gamitin ako." At hindi ko pagsisisihan ang gabing ibinigay ko ang lahat sa lalaking nakilala ko...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD