“Good morning.”
magalang na bati ni Mandie nang lumapit siya sa isang babaeng staff ng coffee shop. Kahapon ay nakatanggap siya ng tawag na maari siyang magtungo doon para sa interview.
Dalawang buwan na ang nakalipas ng subukan niyang mag apply sa coffee shop na iyon pero ngayon lang siya nakatanggap ng text para sa interview. Hindi niya dapat palampasin ang pagkakataong iyon dahil kailangan niya ng stable na trabaho para sa pamilya niya.
Base sa nakalagay sa ibaba ng nametag ng staff na kausap niya ay ito pala ang manager sa coffee shop. Nahihiyang ngumiti siya at nagsalita.
“Ako po si Mandie Lyn Guevarra, nagtext po kayo sa akin para sa interview.”
Bumaha ang katuwaan sa mukha ng babae at mabilis na tinapos nito ang pagbibigay ng instruction sa isang staff na kausap bago siya muling hinarap.
“Ma’am Mandie?” nakangiting sabi nito.
Ma'am?
“O-opo, hindi naman po ninyo ako kailangang tawagin na—”
“Nasa loob na po ang boss namin para sa interview ninyo. Binigyan na po ako ng instruction ni sir bago ka pa dumating.”
“N-naku teka lang po,” napaatras siya. “Baka ibang Mandie po ang tinutukoy ninyo?”
Highschool graduate lang siya at nagbakasakali lang siya na mag apply sa coffee shop. Dishwasher o kitchen staff lang naman ang ina-applyan niya kaya para saan ang special treatment na iyon?
Pwede naman na ang manager na ang mag interview sa kanya. Hindi na niya kailangan dumaan pa sa pinakaboss 'di ba?
“Aalis na lang po ako, ibang applicant po yata ang tinutukoy ninyo.” nanlulumo man ay pilit na ngumiti siya at akmang tatalikuran na ang babae ng bigla itong magsalita.
“Pero ikaw lang naman po ang may pangalang Mandie Lyn Gueverra ang nag apply dito kaya sigurado po kami na ikaw nga ang tinutukoy ng boss namin.”
Bago pa siya muling makapagsalita ay hinawakan na siya nito sa siko at hinila patungo sa dulong bahagi ng coffee shop kung saan naroon ang isang opisina. Tatlong beses itong kumatok bago sila pumasok sa loob. Agad na niyakap niya ang sarili nang maramdaman ang malamig na hanging ibinubuga ng aircon.
“Sir, nandito na po si Ma'am Mandie,” imporma ni Miss Glaiza bago nagpaalam sa kaniya. Kahit sanay na sa pagsalang sa job interview ay hindi pa rin niya maiwasan na kabahan.
Pakiramdam pa naman niya ay ibang kaba ang lumulukob sa kaniya ng mga sandaling iyon.
“Sit down.” utos ng nakayukong lalaki sa kaniya. Abala ito sa pagpirma ng mga dokumento. Huminga siya ng malalim at humakbang palapit sa mesa nito. Naupo siya sa bakanteng silya at hinintay na matapos ito sa ginagawa.
Bigla ay natuon ang atensiyon niya sa ulo ng lalaki habang nakayuko pa rin ito. Isang pamilyar na bulto ang biglang sumagi sa isip niya kaya marahas na napailing siya.
Umayos ka Mandie! Hindi lahat ng lalaki ay kamukha ni Taru!
Saway niya sa sarili. Madalas siyang dalawin ng binata sa panaginip niya. Ilang gabi na rin siyang napupuyat dahil paulit ulit niyang napapanaginipan ang mainit na mga tagpong pinagsaluhan nila.
“Good morning, baby.”
Baby?
Parang sinipa ng ilang daang beses ang dibdib niya dahil sa pagkagulat at mabilis na nag angat ng tingin sa lalaki.
Taru!
Naikurap kurap niya ang mga mata. Naikuyom niya ang mga palad at hindi makapaniwalang pinagmasdan ito.
Panaginip lang ito..panaginip pa rin ito…
nagsisikip ang dibdib na usal niya sa sarili. Napangiwi siya nang maramdaman ang kirot nang kurutin niya ang kaliwang hita.
Totoo nga!
“A-anong…bakit nandito ka?” halos paanas lang na turan niya. Halos hindi niya magawang alisin ang mga mata sa mukha nito.
“Negosyo ng pamilya ko ang coffee shop na ito.” nakangiting sagot naman ni Taru.
Nakakatunaw ng puso ang mga ngiti nito na para bang gusto niya iyong baunin sa pag uwi niya. Habang nakatitig siya sa mga mata nito ay parang nakikita niya ang mga sandaling pinagsaluhan nila. Ang gabing inaangkin siya nito habang paulit ulit niyang isinisigaw ang pangalan nito.
“Two months ago pa nang mag apply ako dito at hindi na ako umaasang matatanggap pa.” nalilitong wika niya. Ngayon ay parang unti unting lumilinaw sa kaniya ang lahat.
“Ipinahanap kita, at nalaman ko na dati ka na palang nag apply dito sa coffee shop bago pa tayo magkakilala, willing akong bigyan ka ng trabaho. Hindi lang naman ito ang negosyo ko, kaya kitang bigyan ng mataas na posisyon.”
Natigilan siya at nalilitong tumitig sa mga mata ni Taru.
“High school graduate lang ako. Ano na lang ang iisipin ng iba? na ginagamit mo ang koneksiyon mo? Ngayon ay alam mo na ang totoo, na hindi ako katulad mong mayaman at hindi rin nabibilang sa mundong ginagalawan mo. Masaya ka ba sa natuklasan mo? s-salamat na lang pero hindi ko matatanggap ang magandang offer mo."
matapang na tumayo na siya at humakbang para iwan ito. Pero nilapitan siya ni Taru at mahigpit na hinawakan nito ang isang kamay niya.
“Bakit ba kailangan mo akong pahirapan? Ang gusto ko lang naman makilala ka. Makasama ka. Gusto kong malaman kung bakit ka nagpunta sa bar ng gabing iyon. Pwede mo naman sabihin sa akin ang lahat. Makikinig ako.”
Pinigilan niya ang mapaiyak at mabagal na nilingon ang binata.
“Taru! Tapos na ang lahat sa atin. Isang gabi lang naman iyon. Bakit ba hindi mo na lang ako kalimutan? Marami ka pang pwedeng makasex maliban sa akin.”
Umiling ito. “I only want you. Only you.” mariing sabi nito na ikinagulat niya. Bigla ay may mainit na mga palad ang humaplos sa puso niya.
“Kung ayaw mo ng unang offer ko, may isa pa akong pwedeng ibigay sa'yo.”
“Ano iyon?”
“Gusto kong magsama tayo, I want you to be mine. Only mine. Magsasama tayo at ibibigay ko sa'yo ang lahat. Ang lahat lahat. Pwede nating ipagamot ang nanay mo para tumigil na siya sa pag inom ng alak. Ibibili ko kayo ng magandang bahay. Pag aaralin ko ang mga kapatid mo sa private school. Bibigyan kita ng magandang buhay. Ang gusto ko lang maging akin ka. Sa akin lang.”
Sa halip na matuwa ay nainsulto pa siya. Dala ng matinding inis ay sinampal niya ito sa kaliwang pisngi.
“Gusto mo akong ibahay? Gusto mo akong pagsawaan kapalit ng pera at magandang buhay ng pamilya ko? gagamitin mo sila at ang kayamanan mo para makuha ako? sa'yo na ang yaman mo!” singhal niya dito. Parang tinutusok ng napakaraming karayom ang puso niya.
Oo, higit pa sa atraskiyon ang nararamdaman niya kay Taru. Baka nga love at first sight na ang naramdaman niya ng unang beses na makilala ito. Pero hindi niya matanggap na gusto siya nitong bilihin!
Nagpumiglas siya pero hinapit lang siya nito sa baywang at dinala sa mainit na mga bisig nito.
“Sorry.” desperadong napabuntong hininga ito.
Natunaw ang galit niya nang maramdaman ang mga yakap ni Taru. Ang isang kamay nito ay maingat na humahagod sa likod niya. Naipikit niya ang mga mata nang magsimulang pumatak ang mga luha niya.
Kung naging iba lang sana ang buhay niya ay hindi niya ito pakakawalan. Kung naging pareho lang sana ang estado nila sa buhay.
Pero pwede kong kalimutan ang katotohanang iyon kahit ngayon lang. Kahit ilang sandali lang…
Hindi magawang pawiin ng malamig na hanging ibinubuga ng aircon ang init na namumuo sa dibdib niya. Isinandal niya ang ulo sa dibdib ng binata at pinakinggan ang mabilis na t***k ng puso nito. Parang isang malamyos na musika iyon sa pandinig niya.
“Papayag ka 'di ba? papayag kang magsama na tayo? say yes, please? please?” mababa ang tinig na turan nito.
Napailing siya at bumitiw na mula sa mainit na yakap nito. Tapos na ang ilang minutong ibinigay niya sa sarili. Humarap siya dito at tiningnan ito ng diretso sa mga mata.
Nabasa niya ang pangungulila sa mga mata nito. Ang paghahanap nito ng init sa kanlungan niya. Kahit bumaba ng napakaraming emosyon ang dibdib niya ay pinigilan pa rin niya ang sarili. Masuyong inayos niya ang suot nitong kurbata.
“No, Mr. Campbell. Alam ko po ang limitasyon ko. Hindi ko pwedeng tanggapin ang offer mo dahil high school graduate lang ako. Two months ago, nag apply ako dito at nagbabakasakaling matanggap. Karamihan ng mga nakasabay kong aplikante ay nakataas ang mga kilay sa akin dahil nga hindi naman ako college level. Ayoko sa lahat ng ginagamit mo ang pera mo para lang sa ganito. Isa pa, ayokong sumama sa'yo. Ayoko ng tulong mo. At higit sa lahat sana naman matuto kang manuyo ng babae. Hindi lang hanggang sa kama ang pagpapaligaya ng isang babae. Marunong ka bang manligaw? Dahil kung gusto mo ang isang babae dapat ay sa panliligaw mo siya dinadaan. Hindi sa nakakasilaw na offer mo, hindi lahat ng babae ay masisilaw ng pera mo, Mr. Campbell. Umaasa ako na ito na ang huling beses na magkikita tayo. Please, huwag ka nang pumasok pa sa buhay ko.” malamlam ang mga matang umatras siya palayo dito.
Nakita niya ang pagdaan ng matinding takot sa mga mata ni Taru. Tinangka siya nitong abutin pero umiling siya.
“Please?”
Nanlulumong sinunod nito ang kagustuhan niya.
“Salamat,” kahit parang madudurog ang puso niya sa matinding sakit ay tinalikuran na niya ang binata at walang imik na umalis na siya ng opisina.
Ang maipagamot ang lasenggerang ina ay pangarap niya. Gabi-gabi niyang ipinagdarasal na mapag aral niya sa magandang eskwelahan ang mga kapatid. Na matustusan din niya ang pagkokolehiyo niya. Na makabili sila ng bahay at mamuhay ng hindi iniisip kung papaano sila kakain bukas.
Pero may isang pangarap siya na alam niyang suntok sa buwan. Kasi wala siyang magandang sapatos na kagaya ni Cinderella.
Wala rin siyang fairy god mother. Wala rin siyang mga kaibigang duwende na katulad ni Snowhite. Ang haba lang ng hair niya na katulad kay Rapunzel para alukin siya ng mga nakakasilaw na bagay ni Taru. Pero hindi naman siya katulad ni Sleeping Beauty na matutulog na lang at hihintayin ang matamis na halik ng prinsipe niya.
Kailangan na niyang magising sa katotohanan. Kailangan niyang tanggapin na hindi siya nababagay kay Taru. Kahit masakit. Kahit nakakapanlumo...