PINAGPAPAWISAN na sa kaba si Lorraine habang katabi si Theo sa sofa. Naroon na sila sa bahay ng nanay nito at pinapatawag na nito sa kasambahay ang nanay nito sa itaas. Tumingin sa kaniya si Theo. Hawak nito ang isa niyang kamay. “Kinakabahan ka, `no? Pawis na pawis ang kamay mo, e,” natatawa nitong turan. “Malamang kakabahan talaga ako. Theo, baka pwedeng sa ibang araw na lang ito? Hindi pa talaga ako ready. Saka paano kung hindi ako magustuhan ng mama mo? Alam mo naman na alam niyang kaibigan ko si… Eloisa.” Nagkaroon pa siya ng alinlangan na banggitin ang pangalan ng namayapang kaibigan. Hindi na nakasagot si Theo dahil nakita na nila na pababa ang kasambahay ng mga ito na nakilala niya sa pangalan na Yaya Madel. “Susunod na daw po si ma’am, Sir Theo,” ani Madel. Hindi pa ito umalis

