“TEKA lang, saan tayo pupunta?” takang tanong ni Almira nang mapansing bago ang daang tinatahak ng sasakyan ni Brad sa araw na iyon. Akala pa naman niya ay ihahatid siya nito pauwi sa kanila. Sinulyapan lang siya ni Brad at ngumisi. “Makikita mo rin.” Bumilis ang t***k ng puso ni Almira sa nakitang kislap sa mga mata ng lalaki. Halatang may sorpresang inihanda at hindi makapaghintay na ipakita sa kaniya. Ilang minuto ang nakalilipas ay pumasok sa isang subdivision na malapit lang sa Visperas Hotel ang kotse nila. Napaderetso ng upo si Almira. “May dadalawin ba tayo dito?” tanong niya. Imposibleng ina ni Brad dahil hindi iyon ang subdivision na pinagdalhan nito sa kaniya noon. “Parang ganoon na nga,” misteryosong sagot lang ng lalaki.

