Umawang ang mga labi ni Almira at nakaramdam ng kuryosidad sa huli nitong sinabi. Pero naputol ang pag-uusap nila nang marinig ang yabag ni Brad hanggang sa lumitaw na ito uli. Sabay silang ngumiti ng ina nito. Marahil ay dahil pareho nilang hindi gustong mabahala ang lalaki kapag nalaman kung ano ang pinag-uusapan nila. Alam ni Almira kung gaano kamahal ni Brad ang ina at ayaw niyang maging dahilan para magtalo ang dalawa. Na siguradong mangyayari kapag nalaman nito ang mga sinabi sa kaniya ng may-edad na babae. May pakiramdam siya na kakampihan siya ng lalaki. Hindi siya assuming. Alam lang niya na nasa personalidad iyon ni Brad. “Sorry, producer iyon ng show na gagawin namin ni Art para sa isang tv network. About a press conference,” sabi ni Brad na umupong muli sa silya na katabi ni A

