NANGGAGALAITI niya akong nilapitan at kinuwelyuhan. Napapikit na lang ako at hinintay ang susunod niyang gagawin.
Ang akala kong suntok sa mukha ay hindi naituloy. Nang dumilat ako ay ang nanglilisik na mga mata niya ang bumungad sa akin. Bakas sa mukha niya ang matinding galit. Sa tabi ng mukha niya ay ang kamao na nooy ipangsusuntok sa akin. Tila pinipigil niya ang sarili kaya nabitin ito sa ere.
Napasigaw na lamang siya at tinulak ako ng malakas. Nabitawan ko ang hose at napaupo sa damuhan. Naramdaman ko ang sakit sa puwetan ko dahil sa lakas ng pagkakauntog nito.
"Pasalamat ka at maliit ka dahil kung hindi, nasuntok na kita!" Bulyaw niya.
Tuluyan akong napipilan. Hindi ko rin alam kung ano ang sasabihin. Pagkatakot ang namutawi sa pagkatao ko. Ganoon kami nadatnan ni Mang Elvie.
"Kayo pala Senyorito Yvo. Bakit basang-basa kayo?" Tanong nito pero agad dumako ang tingin nito sa akin. "O Iko, anong nangyari sayo? Bakit nakaupo ka sa lupa?"
Lumapit sa akin si Mang Elvie at tinulungan akong makatayo. Napangiwi ako nang gumuhit ang sakit sa katawan ko. Hindi lang pala puwet ko ang napuruhan dahil pati balakang ko ay masakit din. Malakas kasi ang pagkakatulak sa akin.
"Sino ba ang batang 'yan, Manong? At bakit nandito 'yan sa loob ng mansyon?" Tanong ng lalaki kay Mang Elvie. Napatungo na lamang ako. Pilit na pinapakalma ang sarili.
Kumpirmado na nga na ang lalaking tinuhod ko kahapon at binasa ko ng tubig ngayon ay ang panganay na anak nina Don Julio at Donya Helena.
Talagang patay ako nito.
"Ito si Iko, Senyorito. Katulong dito sa bahay. Siya ang katuwang ko sa paglilinis sa hardin at tumutulong sa paguluto." Magalang na sagot ni Mang Elvie sa lalaki na tinawag niyang Senyorito Yvo.
"Ganoon ba?" Anang huli.
Nang tingnan ko si Senyorito Yvo ay nakangisi na siya na parang may masamang binabalak.
"Alam mo bang maraming kasalanan sa akin ang gagong 'yan, Manong? Aba't akalain mong nagtatrabaho pala 'yan dito?" Dagdag pa niya at nilapitan ako.
Kahit basang-basang siya ay naaamoy ko pa rin ang mabangong amoy niya. Muli akong napatungo nang nasa harap ko na talaga siya. Hinawakan niya ang baba ko at inaangat ito paharap sa mukha niya.
"Isa ka palang katulong dito bansot ka. Kung awayin mo 'ko kala mo kung sinong matapang. P'wes! Magdasal ka na sa mga santo mo, dahil malapit na ang katapusan mo. Makakaganti na rin ako sayo, tangna mo!" Banta niya at inalis ang kamay sa baba ko. Bago siya umalis ay kinunyutan pa niya ako dahilan upang mapaatras ako.
Naiwan lang akong nakatulala at takot. Takot sa maaring gawin niya sa akin.
Paano na ito ngayon? Baka paalisin niya ako rito? Baka isumbong niya ako sa mga magulang niya at kapag nagkataon ay madadamay si nanay.
Hindi ko naman kasi aakalain na isa pala siyang Jontaciergo. Akala ko ay napapagawi lang siya rito o kaibigan siya ng isa sa mga Jontaciergo siblings.
Katapusan mo na nga talaga, Mikko.
Bakit ba kasi sa dinami-dami ng pwede kong maging kaaway ay siya pa? Siya pa na isa sa iginagalang na tao ng aming bayan.
"Ayos ka lang ba hijo? Ano ba kasi ang nangyari roon kay Senyorito Yvo at bakit basang-basa siya? Ikaw ba ang may gawa niyon? At siya ba ang tumulak sa iyo?" Sunod-sunod na tanong ni Mang Elvie.
"Hindi ko naman po sinasadyang mabasa siya Manong eh." Mahinang sagot ko.
"Sa susunod kasi ay mag-iingat ka. Magdasal na lang tayo na hindi ka niya papaalisin dito. May pagkasuplado at pagkasutil pa naman si Senyorito Yvo. Laking syudad kasi ang batang 'yon."
Hindi na ako nagsalita at pinulot na lamang ang hose. Si Manong ay nagpaalam dahil magtatanim pa raw siya. Pinagpatuloy ko na lang ang pagdidilig, nagdadasal na sana hindi ako mapaalis dito sa mansyon.
Kailangan ko ang trabahong ito. Kailangan kong makapag-ipon ng pera para hindi na mahirapan pa sina tatay at nanay sa pag-aaral ko. Baka kasi sa ginawa ko ay madamay ang huli. Hindi ko mapapatawad ang sarili ko kapag pati siya ay mapaalis dito ng dahil sa katangahan ko.
Pagkatapos magdilig ay tinulungan ko muna si Mang Elvie na magtanim. Habang dumadaan ang bawat oras ay lumalakas ang kabog ng dibdib ko lalo pa't hindi pa ako pinapatawag dahil sa kasalanang ginawa ko kay Senyorito Yvo.
Hanggang sa magtanghalian ay hindi pa ako pinapatawa. Hindi ko alam kung dapat ko iyong ikatuwa. Mabuti na lang din at wala pang nakakaalam sa nangyari kaya walang ideya si nanay na may ginawa na pala akong kasalanan.
"Anong nangyari sa iyo anak? Bakit namumutla ka?" Nagtatakang tanong nito habang nasa kusina kami. Kasalukuyan namang kumakain ang mga amo namin sa hapagkainan. "Masama ba ang pakiramdam mo?"
"W-Wala 'to Nay. Hindi naman masama ang pakiramdam ko. Marahil sa init kaya namumutla ako." Pagsisinungaling ko. Tumango-tango ito.
"Ganoon ba? Huwag ka kasing masyadong magpainit anak. Magpasilong ka rin minsan at baka magkasakit ka na niyan."
"Okay lang 'yon Nay. Kaya ko naman po eh. Atsaka palagi naman tayong nagpapainit sa tubuhan 'di ba?"
"Basta magpahinga ka kung may pagkakataon. Sabi ko naman kasi sa iyo na huwag ka ng magtrabaho at kaya ko naman na ako lang."
Magsasalita pa sana ako nang tawagin ni lola Sima si nanay. Pinapatawag daw sa hapagkainan dahil gustong kausapin ni Senyorito Yvo.
Agad na binayo ng pagkalakas-lakas ang dibdib ko. Ito na ang ikinakatakot ko. Sana huwag nilang pagalitan si Nanay. Ako na lang sana ang pinatawag nila dahil ako naman ang may kasalanan.
Pumunta na lamang ako sa labas ng kusina at doon nagdasal ng taimtim. Hindi ko kayang magtagal sa loob.
Lord, Ikaw na po ang bahala sa nanay ko.
Hindi ako mapakali habang naglalakad. Magkasiklop ang aking mga palad habang nagdadasal. Napansin naman ito ng isang katulong at tinanong kung napa'no raw ako. Nag-isip ako ng dahilan. Napaniwala ko naman ito.
Maya-maya pa'y narinig ko na ang boses ni Nanay na tinatawag ang pangalan ko. Sumikdo ang dibdib ko sa kaba at takot lalo na nang makita ang pag-aaalala sa kanyang mukha.
"Bakit po Nay?" Kinakabahang tanong ko sa kanya.
"Nabasa mo raw si Senyorito kanina ng tubig?" Usisa niya. Napatungo ako. Sinasabi ko na nga ba't iyon ang pag-uusapan nila.
"Hindi ko naman sinasadya Nay eh." Pangangatwiran ko.
"Mabuti na lang at hindi nagalit si Senyorito Yvo sayo. Sabi pa niya, hindi mo raw naman din sinasadya iyon. Pinapasabi niya na susunod ay mag-iingat ka at tingnan kung may mga tao sa paligid. Naku ikaw talagang bata ka, mabuti na lang at mabait ang Senyorito."
Sa kabila ng nararamdaman, nagtaka ako sa sinabi ni Nanay.
Hindi nagalit si Senyorito Yvo? Kanina lang ay tinulak niya ako at malapit ng suntukin. Ibig sabihin, hindi kami mapapaalis dito sa mansyon?
"Mag-iingat ka na sa susunod anak ha. Pasalamat tayo at mabait si Senyorito."
Tumango na lamang ako.
"Oo nga pala. Mamaya, samahan mo raw siya sa tubuhan."
Nagulat ako sa sinabi ni Nanay.
"Bakit daw, Nay?"
Bakit ako pa ang sasama kay Senyorito Yvo? Marami namang pwedeng sumama sa kanya na kabisado ang buong hacienda. At ano naman ang gagawin niya sa tubuhan?
"Si Senyorito Yvo ang susunod na mamamahala ng hacienda dahil siya ang panganay kaya marapat lang na maikot niya ang kabuuan nito at makilala ang mga tao. Ayaw nga sanang pumayag ng Donya Helena ngunit mapilit si Senyorito na sinang-ayunan naman nina Don Julio at Don Emilio kaya walang nagawa ang Donya. Mabuting simula ito para sa kanya kaya ayusin mo ang pakikisama mo Iko."
Wala akong nagawa kung 'di ang sundin ang utos. Wala rin akong pagpipilian kung sakali. Ipagpapasalamat ko na lamang na hindi ako pinaalis pati na si Nanay. Pero kinukutuban ako. Malakas ang pakiramdam ko na may mali. Nagdududa ako sa pinakitang kabaitan ni Senyorito kay Nanay. Hindi ko pa siya lubusang kilala pero alam kong masama ang ugali niya.
Baka napapraning lang ako. Dapat ko na lang ikatuwa na walang ginawa si Senyorito sa amin.
Pagkatapos ng tanghalian ay pinatawag nga ako para samahan si Senyorito Yvo na pumunta sa tubuhan. Isang nakarapadang maliit na truck ang sumalubong sa akin sa labas ng malaking tarangkahan. Sabi ng katulong ay doon ko raw siya hihintayin.
Wala pang isang minuto nang dumating ang hinihintay ko. Napatitig agad ako sa kanya lalo na sa kanyang kasuotan.
Nakasuot siya ng itim na t-shirt, hapit na pantalong maong at brown na sumbrero. Mukhang cowboy nga ang datingan niya.
Ang gwapo ni Senyorito. Pihadong kikiligin ang mga kababaihan mamaya sa oras na makita siya. Kahit nga iyong mga batang katulong ng mansyon ay siya ang pinag-uusapan.
Matangkad si Senyorito Yvo na nasa anim na talampakan. Sa edad niya na sa tansya ko ay labimpito hanggang labingwalong taong gulang ay malaki na ang pangangatawan. Putok ang braso ganoon na rin ang dibdib. Makinis at maputi ang balat at higit sa lahat isang Jontaciergo. Perpekto na kung maituturing.
Ngunit kahit anong ganda ng pisikal na kaanyuan ng isang tao, sa huli, ang nasa loob pa rin nito at pag-uugali ang mananaig.
"Huwag mo nga akong titigan. Tangna! Bakla ka talaga!" Napatungo ako sa kanyang sinabi. Para titigan lang ay ganoon na agad ang iniisip niya.
"Pasensya na po." Paumanhin ko na lamang. Hindi katulad noong unang beses kaming magkita ay hindi ako nagpakita ng kagaspangan. Isa siya sa mga amo namin ata nasa kamay niya nakasalalay ang trabaho namin ni nanay.
"Halika na nga. Ang panget mo!" Sigaw niya at sumampa na sa truck.
Ang sama talaga ng ugali niya. May batas bang bawal tumitig sa ibang tao? Makitid siguro ang pag-uugali niya.
"Panget ka nga, mabagal ka pa! Baka nakakalimutan mo may atraso ka sa akin kaya h'wag mo ng dagdagan pa!" Tumalima agad ako at umakyat sa truck.
Muntik pa akong mahulog dahil sa taas nito. Mabuti na lang naging maagap ang kamay ko at nakahawak sa pinto nito.
"Panget na nga, tanga pa!"
Kung hindi ko lang amo at kung wala lang akong atraso sa kanya ay kanina pa ako nakipag-away. Hindi na kasi tama ang kinokomento niya tungkol sa 'kin.
Ganyan ba ang mga tao sa syudad? Hindi na marunong rumespeto sa kapwa nila. Sabagay, ano bang aasahan ko sa isang tulad niya dahil kahit hindi siya rumespeto sa kapwa niya ay reresputuhin pa rin siya ng mga tao dahil sa estado ng buhay niya. Syempre, isa siyang Jontaciergo.
Nang makaupo ako ay pinaandar na niyang ang makina at bago pa man ako makapaghanda at mailagay ang seat belt ay pinatakbo na niya ang sasakyan. Malapit na akong masubsob na ikinatawa niya lang. Napayuko na lang ako at pinipigilan ang sarili kong magalit.
Sa tingin ko ito na ang kalbaryo ko sa buhay. Kung hindi ko lang talaga kailangan ng pera at hindi ako naaawa kila Nanay ay malamang tumigil na ako sa pagtatrabaho sa mansyon ngayon. Mukhang hindi ko kakayanin ang pag-uugali ng isang 'to.
"Saan ang daan?" Masungit na tanong niya.
Tinuro ko ang daan papunta sa tubuhan. Mahigpit naman ang pagkakapit ko sa harapan dahil sa tingin ko ay sinasadya niyang ibinubundol ang sasakyan sa mga bato. Nakikita ko kasi siyang nangingiti kapag napapadaing ako sa sakit.
Parang naalog yata ang utak ko nang makarating kami sa tubuhan. Nadapa pa ako pagkababa sa truck. Hindi iyon nakita ni Senyorito Yvo dahil nauna siyang bumaba at nakatingin na sa malapad na tubuhan
Lumapit ako sa kanyang likuran pagkatapos pagpaggan ang maruming tuhod. Kapakuway nakita ko ang ilang trabahanteng lumalapit sa amin. Nakatuon ang pansin kay Senyorito.
"Magandang hapon Senyorito Yvo. Nabisita kayo rito?" Untag ni Mang Gorio. Hindi na nakapagtataka na ito agad ang lumapit dahil mahilig itong sumipsip lalo na kapag napapagawi rito ang Gobernador o kung sino mang may mataas na posisyon sa pamilya.
"I will just check the whole area." Sagot ni Senyorito sa trabahante, hindi tumitingin dito.
"Hoy panget, halika na!" Tawag pansin niya sa akin. Humawi ang nagkukumpulan sa harap nang maglakad siya.
Hindi ko alam kung matatawa ako dahil napahiya si Mang Gorio kahit panay ang kausap niya kay Senyorito Yvo. Bagay nga sa kanya. Kung makapanglait kasi kay Tatay, akala mo ay may maipagmamalaki rin eh pareho lang naman kaming mahirap.
Nang hindi agad ako nakakilos ay masamang tingin na nilingon ako ni Senyorito.
"Move your ass now, dimwit!"
Mabilis akong lumapit at sumunod na sa paglalakad niya. Tinatawag naman ako ng ilang trabahante at binibigyan ng nagtatakang tingin. Ningingitian ko na lamang ang mga ito. Wala akong oras para magpaliwanag.
Nakapamaywang na tinitingnan ni Senyorito ang mga trabahanteng namumutol ng mga tubo. Todo galaw naman ang mga ito lalo na si Mang Gorio na paminsan-minsan ay ningingitian si Senyorito. Pakitang gilas!
Maya-maya ay dumating ang nagmomonitor sa buong tubuhan. Agad itong kinausap ni Senyorito. Halos umabot din sila ng labinglimang minuto sa pag-uusap bago nag-aya ang huli na umalis. Nang makasakay kami sa truck ay tinanong niya sa akin kung saan matatagpuan ang talon at batis at kung saan pwedeng dumaan.
Mayroon kasing batis at talon dito sa hacienda. Mula rito sa tubuhan patungo roon ay isang oras ang lalakarin pero dahil may sasakyan, mga labinglimang minuto lang ang itatagal. Tapos mga limang minutong paglalakad papasok mismo roon. Hindi na kasi makakapasok ang sasakyan dahil marami ng kahoy.
"Eh Senyorito mag-aalas tres na po. Bukas na lang tayo pumunta roon." Saad ko sa kanya. Pinaningkitan niya ako ng mata.
"Ano naman kung alas tres pa lang? Its too early."
"Tiglabasan kasi nila ng ganitong oras, Senyorito. Delikado ang pumunta roon."
"Tiglabasan ng mga ano? That place is also owned by our family. Bakit, may ibang tao ba doon?"
Napakamot ako sa batok. Ewan ko kung maniniwala siya sa sasabihin ko. Paano ko ba ito ipapaliwanag sa kanya.
"Hindi naman kasi mga tao ang nandoon Senyorito eh. Mga ano po... mga M-Maligno. Baka kasi maengkanto tayo kapag pumunta tayo ng ganitong oras." Nauutal kong sabi.
"What?! Nagpapatawa ka ba? There's no such thing like that. Nagpapaniwala ka sa sinasabi ng mga matatanda? They don't exist, you idiot." Napailing-iling siya habang napapatawa.
"Basta... Marami pong maligno doon." Giit ko.
"Tangna! Naniniwala ka talaga diyan?! Para malaman mo, walang Maligno. Ah... okay. Kaya pala naniniwala ka sa mga maligno o engkanto na iyan dahil kamukha mo sila," aniya at muling napatawa. Napakagat ako ng labi dahil sa pagkahiya.
"Tingnan mo nga ang itsura mo sa salamin. Sa sobrang paniniwala mo, mukha ka ng isa sa kanila."
Napakagat na lamang ako ng labi upang pigilan ang sariling umiyak. Hindi naman niya ako kailangang insultuhin ng ganyan kung hindi siya naniniwala. Bahala siya kung ayaw niya. Sana talaga ma-engkanto siya at baka may pag-asa pang bumait. Gwapo nga pero para namang namaligno ang ugali.
Wala akong nagawa nang nagpumilit talaga siya na pumunta sa talon. Ipinarada niya ang truck nang nasa b****a na kami ng gubat. Nagpapaumanhin naman akong nakikipag-usap sa paligid dahil sa kapangahasang ginagawa namin ni Senyorito. Ang salbahe namang nasa likod ko ay tinatawanan lamang ako.
Dinig na namin ang malakas na tunog na likha ng talon. Maingay ang samut-saring insekto na tila nakakabingi. Ngunit nakakapagbigay naman ng kaginhawaan ang malamig na hangin sa paligid.
Makalipas ang higit-kumulang limang minuto, narating na namin ang talon. Sa 'di kalayuan, matatagpuan ang batis kung saan pwedeng maligo. Pwede naman sa talon ngunit malakas ang bagsak ng tubig kahit hindi kataasan. Delikado rin dahil baka may kasamang bato ang tubig.
Nakita ko ang pagkamangha sa mukha ni Señorito. Napapikit pa siya at humuhugot ng malalim na hininga.
"This is so refreshing. Ang ganda pala talaga dito. I want to swim." Sambit niya.
"Naku Senyorito, hapon na po. Bukas na lang ng umaga kayo maligo. Sasamahan ko na lang kayo ulit dito."
Naiinis namang tiningnan niya ako.
"Dahil ba sa engkanto kaya ayaw mong maligo ako? Huwag mo nga akong pinaglolokong panget ka! Stop with that nonsense things you've been talking about! You can't stop me. Amin naman ang lugar na ito kaya walang makakapigil sa gusto ko! At mga engkanto ba kamo? Well, screw them!"
Pagkatapos sabihin ang katagang iyon ay pumunta siya doon sa batis. Sumunod ako sa kanya na napailing-iling na lamang. Kapag talaga na-engkanto siya rito ay tatawanan ko siya hanggang sa magkakakabag ako.
Nang makarating doon ay ikinagulat ko nang walang pasabing hinubad niya ang mga suot sa katawan. Itinira lamang niya ang manipis na saplot na tumatakip sa kanyang pribadong parte at walang anu-ano'y lumusong sa tubig.
Pipigilan ko na sana siya dahil malalim ang batis ngunit nandoon na siya sa tubig. Hinayaan ko na lamang dahil marunong naman din siyang lumangoy na animoy isang swimmer o baka swimmer talaga. Rinig ko ay isang atleta si Senyorito sa Maynila ngunit hindi ko lang alam kung anong sports ang nilalaro niya. Baka Swimming nga ito dahil marunong siyang lumangoy na parang isang swimming athlete talaga.
Napaupo na lamang ako sa isang bato. Siya naman ay aliw na aliw sa paglalangoy. Hindi ko tuloy maialis ang paningin ko sa kanya dahil ang ganda niyang pagmasdan. Kung hindi lang talaga pangit ang ugali ay 'di malayong magkagusto ako sa kanya.
Kahit na ganito ako, nagkakagusto rin naman ako. Tao lang ako at may puso. Alam ko rin kung ano ako at tanggap ko iyon sa aking sarili. Hindi masama ang maging ganito dahil wala naman akong inaapakan at inaagrabyadong tao.
Ilang sandali pa'y tumigil na si Senyorito sa paglalangoy at umalis sa tubig. Napaawang ang aking labi nang makita ang bukol sa harap niya. Napaiwas ako ng tingin.
Bakit ang laki?
Naramdamn kong lumapit siya sa kinaroroonan ko at sa hindi ko inaasahan ay tinulak niya ako sa batis.
Dahil sa gulat, napasigaw ako na naging dahilan upang makainom ako ng tubig sa paglubog ko. Nang umangat, ay pilit kong hinahampas ang kamay para hindi ako muling hilahin ng tubig.
Maari kong ikamatay ang ginawang pagtulak sa akin ni Senyorito Yvo dahil hindi ako marunong lumangoy.
***