Chapter 3

2746 Words
NAGISING ako mula sa pagkakaubo. May lumabas na tubig sa bibig ko. Nang imulat ko ang mga mata, mukha ni Senyorito Yvo ang bumungad sa akin. Nakakunot ang kanyang noo pero nandoon ang bakas ng pag-aalala sa kanyang mukha. "Get up already. Uuwi na tayo." Malamig niyang sabi. Tumayo siya mula sa pagkakaluhod. Ako naman ay habol ang paghinga dahil sa kakapusan ng hangin. Habang nakatingin sa ulap, bumalik naman sa akin ang nangyari kanina. Nilapatan ako ni Senyorito Yvo at bigla na lang itinulak sa tubig na naging dahilan upang muntikan na akong malunod. Malapit na akong mawalan ng malay nang makita kong sinagip niya ako. Iyon na ang huling natatandaan ko. "Ano pang tinanga-tanga mo diyan?! Get up now!" Sigaw pa niya. Tumayo na ako pero muntik na akong mawalan ng balanse dahil sa panghihina ng katawan ko. Napahawak ako sa aking tuhod at kinuha muna ang balanse bago sumunod sa salbaheng lalaki. Gusto ko ng maiyak pero pinipigilan ko na lamang ang sarili. Ang sama niya. Ang sama-sama niya. Tahimik kaming naglakad pabalik sa truck. Binalot ang paligid namin ng nakakabinging katahimikan lalo nang paandarin na niya ang sasakyan. Tanging ugong lang nito ang maingay. Napayakap na lamang ako sa sarili at itinutuon ang atensyon sa labas. Kinakagat ko ang pang-ibabang labi upang pigilan ang pagtakas ng luha sa mga mata ko pero kalauna'y hindi ko na napigilan. Tahimik akong umiyak. Maya-maya ay nakita ko na ang daan papunta sa amin. Pasimple akong humugot ng hangin para pakalmahin ang sarili. Pinilit kong magsalita. "I-Ibaba mo na lang ako doon sa kanto S-Senyorito. Uuwi na ako sa amin." Hindi siya umimik pero inihinto niya ang sasakyan doon sa kantong tinuro ko. Nagpasalamat lang ako sa mahinang boses at mabilis nang bumaba. Naghihintay ako na humingi siya ng pasensya pero hindi ko iyon narinig hanggang sa paandarin niyang muli ang sasakyan. Doon na bumuhos ang emosyon na kanina ko pa pinipigilan. Napayakap ako sa sarili, umiiyak habang naglalakad. Inusisa ako ni Aiko kung bakit basang-basa ako nang makarating ng bahay. Nagsinungaling ako at agad na nagpaalam sa kanya na magpapalit ng damit. Hindi ko alam kung kakayanin ko pang bumalik ng mansyon bukas matapos ang ginawa sa akin ni Senyorito Yvo. Ginawa niyang biro ang pagtulak sa akin sa batis. Muntikan na akong malunod. Baka sa susunod na gagawin pa niya ay ikamatay ko na talaga. Pero iniisip ko si nanay. Hindi ako pwedeng umalis. Kailangan ko ang trabahong iyon para makapag-aral. Iiwas na lamang ako kay Senyorito Yvo at sana nga ay magawa ko iyon. Parang ayaw kong iapak ang mga paa ko papasok sa mansyon. Pakiramdam ko kapag ginawa ko iyon, ilalagay kong muli sa panganib ang buhay ko. "O Iko, hindi ka ba papasok?" Napapitlag ako nang may nagsalita. Napatingin ako kay Kuya Rigor. "Ah o-opo. Papasok po. P-Pasensya na kuya." Nauutal na sagot ko sa kanya. "Okay ka lang ba, Iko?" "Okay lang kuya." Bahagya ko siyang ningitian at tumungo na sa likod ng bahay. Kung noong una, sabik na sabik akong pumasok ng mansyon, ngayon, parang isa na ito sa mga lugar na kinatatakutan ko. Hindi biro ang ginawa sa akin kahapon ni Senyorito. Sa tuwing naiisip ko iyon ay nakakaramdam ako ng takot. Hindi agad ako pumasok sa kusina nang makarating roon. Mula sa labas ay dinig ang ingay ng mga katulong kasama na si nanay. Humugot muna ako ng malalim na hininga bago pumasok. Suot ang pekeng ngiti ay binati ko silang lahat. "Anong lulutuin natin Nay?" Kunwaring magiliw kong tanong kay nanay. Sinabi niya sa akin ang mga lulutuin pero hindi nakawala sa kanya ang dinadamdam ko. "Alam kong may nangyari anak. Kilala kita. Hindi abot sa mga mata ang ngiti mo?" Tanong niya. Tama nga ang sapantaha ko. "Wala po Nay. Masyado pang maaga kaya baka hindi niyo nakita ng maayos ang mukha ko." Ngumiti ako ng malapad. "Ayan oh, nakangiti ako." Hinawakan naman niya ang balikat ko. "May nangyari anak, alam ko. Kahapon ay umuwing basa si Senyorito. Naligo raw kayo sa batis. Tinanong kita sa kanya kung nasa'n ka, sabi niya't bumaba ka na raw sa atin." Natigilan ako sa pahayag ni nanay. Sinabi kaya ni Senyorito Yvo na nalunod ako at inamin niyang siya ang may kasalanan? Pero bakit naman siya aamin kung sakali? Sinong taong aamin sa kasalanang ginawa niya? "May ginawa ba sayo ang Senyorito, anak?" Hindi agad ako nakasagot. Hindi ko pwedeng sabihin kay nanay ang totoo. Baka kapag sinabi ko'y hindi na niya ako patatrabahuin dito at pati siya ay baka umalis din. Wala na kaming mapagkukuhanan ng hanap buhay na mas maganda pa sa tarabahong ito kung sakali. Hindi ko na gustong bumalik si nanay sa tubuhan. Matanda na siya para magtrabaho roon. Isang beses ay nahimatay na siya dahil sa matinding pagod. Ayaw ko ng mangyari ulit iyon sa kanya. Mas mabuti ng nagluluto siya rito kaya sa ibilad ang sarili sa mataas na sikat ng araw. "W-Wala po Nay." Pagsisinungaling ko. Iniba ko agad ang usapan at nagtanong kung ano ang unang lulutuin. Hindi na rin nang-usisa si nanay ngunit ramdam ko ang kanyang pag-aalala sa akin. Pagkatapos magluto ay tumulong na agad ako kay Mang Elvie. Naabutan ko siyang nagdisilig. Minanduhan naman niya akong mag-umpisa ng magwalis. Nagpapasalamat ako na hindi ko nararamdaman ang presensya ni Senyorito Yvo sa paligid hanggang sa matapos ako sa ginagawa. Hindi naman siguro siya napapagawi rito sa labas ng bahay. Nang malapit nang magtanghali ay bumalik na ako sa kusina upang tulungan si nanay na magluto. Nasa kalagitnaan kami ng paghihiwa ng mga rekados nang makarinig kami ng mga sigaw mula sa malaking salas ng mansyon. Base sa boses ay pagmamay-ari ito ni Senyorito Yvo. Nagkatinginan kami ni Mama at sabay na napatingin sa pintuan ng kusina na nagkokonekta sa dining area papuntang sala kahit hindi namin nakikita ang nangyayari. "Anong nangyari Nay?" Tanong ko. Bigla akong nakaramdam ng kaunting kaba. Siguro naman ay wala kaming kasalanan dahil nandito kami sa kusina. "Hindi ko alam anak. Baka may pinagalitan na namang katulong." Sagot ni nanay. Nasagot ang tanong naming dalawa nang makita namin ang isang katulong na humahaguhos papasok sa kusina at nagdere-deretso papalabas. Hindi namin nakuhang tanungin ito dahil tumatakbo ito at umiiyak. Anong nangyari roon kay Genevi? Siya ba ang sinigawan ni Senyorito Yvo? Noon naman pumasok si Lola Sima sa kusina na bakas sa mukha ang pag-aalala. Tensyonado itong lumapit sa amin. "Anong nangyari kay Genevi Manang? Bakit umiiyak ang batang iyon?" Pang-uusisa ni nanay. "Ito na nga ba ang sinasabi ko. Ilang beses ko ng pinagsabihan ang batang iyon. Hinupuan niya raw ang Senyorito nang makaidlip ito kanina." Napasinghap kami ni nanay sa pahayag ni Lola Sima. Hindi ko lubos maisip na magagawa iyon ni Genevi. Alam kong may gusto siya kay Senyorito pero kailangan ba talaga siyang umabot sa puntong iyon? Ganoon na ba siya kadesperada? Si Genevi ang naatasan sa paglilinis ng kwarto ni Senyorito Yvo. Minsan ay naririnig kong pinag-uusapan nila ni Wilma na kasing-edad niya lang din si Senyorito Yvo. Inaamoy daw niya ang mga damit na pinaghubadan nito. Buong akala ko ay nagbibiro lang siya. Ano ba kasi ang pumasok sa kokote niya? Nang dahil sa nangyari, pinatawag sa salas ang lahat ng babaeng katulong sa mansyon. Naiwan naman ako sa kusina. Ipinagpatuloy ko ang pagluluto. Gusto kong malaman kung ano na ang nangyayari roon. Nag-aalala ako para kay nanay at sa ibang katulong. Agad kasing pinalayas si Genevi ng Donya dahil sa ginawa nito. Nahabag kami sa kanya ngunit wala kaming nagawa dahil katulong lang din kami rito. Isa pa ay malaki rin naman ang ginawa niyang kasalanan. Saktong katatapos kong lutuin ang ikatlong putahe nang tinawag ako ni Lola Sima. Sumikdo ang kaba sa dibdib ko. "Bakit po?" "Pinapatawag ka ng Donya." Dumoble ang kaba ko. Tahimik akong sumunod sa matanda nang lumabas siya ng kusina at minanduhan akong sumunod sa kanya. Nakayuko akong lumapit sa kinaroroonan ng mga katulong na ngayon ay kaharap sina Donya Helena at Senyorito Yvo. Tumabi ako kay nanay at pasimpleng hinawakan ang damit niya. "You!" Halos ikaluwa ng puso ko nang ituro ako ni Senyorito Yvo. Napatungo ako sa labis na kaba. "You will be the one to clean my room from now on." Doon ako napaangat ng tingin sa kanya. "P-Po? A-Ako po?" "Yes, ikaw. Mas mabuti ng ikaw ang maglinis ng kwarto ko para siguradong safe ako." Tila hindi agad nagproseso sa utak ko ang sinabi ni Senyorito. "Marunong ka bang maglinis ng kwarto hijo?" Napabaling ako kay Donya. "Opo. M-Marunong po." Sana ay nabingi lang ako sa sinabi ni Senyorito kanina. Huwag nilang sabihin na ako talaga ang maglilinis ng kwarto niya? "Like what Yvo said, you will be the one to clean his room. I'm hoping that you will not do the same thing like what Genevi did." Bagamat gulat ay napatango ako. Wala akong karapatang tumanggi. Kung kailan umiiwas ako kay Senyorito ay pilit naman akong inilalapit sa kanya ng pagkakataon. Napabaling ako ng tingin kay Senyorito. Seryoso pa rin ang kanyang mukha. Nakatitig din siya sa akin kaya umiwas na ako. Pinabalik na kami sa kanya-kanyang trabaho pagkatapos pangaralan ni Donya. Naging malinaw na rin sa akin ang ginawa ni Genevi. Totoo nga iyon at ikinagulat ko pa na ikalawang beses na pala niyang ginagawa. Nang una ay hindi lang pinansin ni Senyorito dahil baka hindi lang sinasadya ni Genevi pero iba na raw iyong kanina. "Ayos lang ba sa iyo Iko na ikaw ang maglinis ng kwarto ni Senyorito?" Nag-aalalang tanong ni Lola Sima nang makabalik kami sa kusina. Hindi ko alam kong magiging ayos sa akin iyon dahil alam kong hindi. Hindi ko pa rin lubos maisip na ako na ang tagalinis ng kwarto ng salbahe naming amo. Natatakot ako. Baka gawan niya ako ng kalokohan tulad ng ginawa niya sa batis at baka hindi na rin ako makalabas ng buhay. "Ayos lang po." "Masyadong metikoluso ang Senyorito mo pagdating sa kalinisan ng kwarto niya. Kakayanin mo ba apo lalo pa't ikaw ang maglalaba ng mga damit niya at maghatid ng pagkain minsan." Para kay nanay at sa panggastos sa pag-aaral ko ay pipilitin kong kayanin. Naging usap-usapan sa buong mansyon ang tungkol sa nangyari. At sa tingin ko ay hindi malayong makarating ito sa labas. Ilan pa man sa kilala kong kasambahay dito sa mansyon ay mga tsismosa. "Mukhang kailangan mas maaga ka pa palang pumunta rito 'nak? Ayos lang ba sayo ang bago mong trabaho?" Napangiti ako kay nanay nang pag-usapan namin ang tungkol sa pagkakatalaga ko bilang tagalinis ng kwarto ni Senyorito. "Ayos lang iyon, nay. Sabi ni Lola Sima ay hindi naman burara si Senyorito. Gusto lang daw niya ay wala siyang alikabok na mahawakan at makita kaya kayang-kaya ko 'yon. Ako pa, Nay." Saad ko. Hindi naman nawala ang pag-aalala sa mukha ni nanay. "Mag-iingat ka lang anak ha. Ayaw kong matulad ka sa nangyari kay Genevi. Nakakahiya iyon sa mga Jontaciergo." Paalala ni nanay. "Naku nay hindi ko naman gagawin 'yon. Sabihin na nating gwapo at makisig si Senyorito Yvo pero hinding-hindi ko gagawin ang ginawa ni Genevi. Masungit at bugnutin naman 'yon Nay. Takot na nga ako kahit tingin pa lang niya." Bahagyang ngumiti si nanay. "Basta Nak ha, magpakabait ka. Ayusin mo na lang ang trabaho at kung sakaling pagalitan o sigawan ka ng Senyorito mo ay huwag mo na lang damdamin. Namamasukan tayo kaya normal lang ito." Tumango-tango ako. "Opo." KINABUKASAN ay nagsimula na ako sa panibagong trabaho. Pagkatapos tulungang magluto si nanay ay tumungo na ako sa kwarto ni Senyorito Yvo para maglinis. Mukhang makakagalaw naman ako ng maayos dahil kumakain silang magpamilya sa ibaba. Pero gusto kong pabulaanan ang sinabi ni Lola Sima na hindi makalat sa kwarto si Senyorito dahil sa nakikita ko ngayon, mukha itong dinaanan ng banyo. Bago ko sinimulan ang paglilinis ay inilibot ko muna ang paningin sa loob ng kwarto. Pagpasok ko nga rito kanina ay literal akong napanganga. Parang kwarto ng isang prinsipe. Hindi ko alam ang uunahin. Ewan ko nga pero parang sinadya niya na gawing makalat ang kwarto. Sabog ang kama, nagkalat ang mga basurahan, labahan sa sahig, makalat din ang aparador at ganoon na rin ang banyo. Gusto nga talaga akong pahirapan ni Senyorito. Sa tinging ipinupukol niya sa akin kahapon ay pakiramdam ko ay may binabalak siyang gawin. Hindi pa ba sapat ang ginawa niya sa akin noong isang araw? Sinimulan ko na lang ang paglilinis. Nasa kalagitnaan ako ng pag-tutupi ng damit nang pumasok si Senyorito Yvo sa kwarto. Nagrigidon agad ang puso ko sa kaba. Ayaw ko mang maging bastos ay humarap ako sa kanya at bumati ng nakatungo pagkatapos ay agad na ibinalik ang atensyon sa ginagawa. Hindi naman siya nagsalita. Kalauna'y narinig ko na lamang na bumukas ang sliding door ng veranda. Mabuti't hindi niya ako sinungitan. Marahil nakonsensya siya sa ginawa niya sa akin noong isang araw. Ipinagpatuloy ko na lamang ang ginagawa kahit hindi na ako naging komportable. Sinisira ng presensya ng damuho ang konsentrasyon ko. Saktong mailagay ko ang huling damit ay tinawag niya ako. Napakislot pa ako. Ano ba ito, kunting kibot lang ni Senyorito ay nagugulat ako. "Ano pong kailangan niyo?" Tanong ko sa kanya. "Get me some food. Nagugutom ako." Agad akong tumalima. Nasa pintuan na ako nang muli siyang nagsalita. "And a glass of water, please." Tumango ako at lumabas na ng kwarto. Doon lang ako nakahinga ng maluwag. Para akong sinasakal habang kasama siya sa loob. Tinanong ko si Lola Sima kung anong pwedeng pagkain ang ibigay kay Senyorito. Siya na raw ang bahala at maghahanda ng pagkain. Pagkalipas ng ilang minuto ay naihanda na niya ito. Kinuha ko ang tray at bumalik na sa kwarto ni Senyorito. Hindi ko agad siya nakita nang makapasok sa kwarto niya pero narinig ko ang lagaslas ng tubig mula sa banyo. Marahil nadoon siya, naliligo. Inilapag ko na lang sa isang mesa sa tabi ng kama niya ang tray at ipinagpatuloy ang paglilinis. Nasa kalagitnaan ako ng pag-aayos ng mga libro nang marinig kong bumukas ang pinto ng banyo. Awtomatikong napadako ang tingin ko roon at ganoon na lang ang gulat ko nang makita ang kahubadan ni Senyorito. Tanging maliit na saplot lang sa pribadong parte ang tanging suot niya. Kasalukuyang nagpupunas siya ng basang buhok. Dahil sa pagkabigla ay nabitawan ko ang librong hawak ko. Napatingin siya sa direksyon ko. Sumikdo ang dibdib ko. Mabilis kong ibinaba ang tingin at pinulot ang nagulog na libro. Sa pagkataranta ay nabunggo ang ulo ko sa kabinet pagtayo ko. "Tanga." Narinig kong sambit ng Senyorito. Nang-init tuloy ang pisngi ko sa pagkahiya. Hindi naman kasi ito ang unang beses na makita ko ang nakahubad niyang katawan at katulad nang unang reaksyon ay katulad niyon ang naramdaman ko. Marami na akong nakita na nakahubad na mga lalaki pero ibang-iba si Senyorito. Mas maganda ang hubog at pagkakatindig. Maputi at makinis ang balat. Dumagdag pa gwapo siya at may lahing banyaga. Dumoble ang ilang na nararamdaman ko ngayon kumpara kanina. Parang hindi ko maigalaw ng maayos ang sarili. Tuloy, napapagalitan ako ni Senyorito dahil kung hindi nailalaglag ang mga nakadisplay ay nasasagi ko naman ang vacuum machine o ilang kagamitan. Bakit hindi man lang kasi siya magbihis ng damit para hindi ako nagkakaganito? "Pwedeng mag-ingat ka nga? Alam mo bang kapag nakasira ka ng gamit dito, babayaran mo 'yon. Panget ka na nga, tanga pa." Bakas na sa mukha niya ang pagkainis. Ako naman ay humihingi lang ng pasensya. Nagkakandasugat-sugat na nga itong labi ko para pigilan ang paglabas ng emosyon. Malaki ang pasasalamat ko nang tuluyan akong matapos sa ginagawa. Agad kong kinuha ang tray ng pinagkainan niya sa tabi ng mesa pero sakto namang umalis siya ng kama na ikinagulat ko kaya ikinatumba ito ng baso dahilan para gumulong ito at tuluyang malaglag sa sahig. "See?! That's what I'm talking about?!" Bulyaw niya sa akin. Sa taranta at kaba ay dali-dali kong nilapag ang tray at pinulot ang basag na baso. "Fvck!" Nagulat na lang ako nang bigla akong hilahin patayo ni Senyorito. Nabitawan ko ang hawak dahilan upang masugat ang daliri ko. "Tanga ka ba talaga o sadyang bobo ka lang?! Hindi ka ba nag-iisip ha?! Alam mo na ngang matulis, hahawakan mo pa?! Tanga-tanga!" Umalingawngaw ang malakas na sigaw na boses ni Senyorito na halos ikabingi ko. Hindi ko na napigilan ang emosyon ko. Tuluyan nang lumandas ang luha sa magkabilang pisngi ko. ***
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD